24 December 2010

MALIGAYANG PASKO!

Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo (Hatinggabi)

Lk 2:1-14


Maligayang Pasko, madlang Faithful!


At dahil ang Paskong ito ay ang birthday ni Jesus, sama-sama po muna natin Siyang batiin: Happy birthday to You! Happy birthday to You! Happy birthday, dear Jesus. Happy birthday to You!


Ngayon naman po, batiin ninyo ang katabi ninyo: “Maligayang Pasko, kapatid ko!” Tapos, tanungin n’yo po: “Maligaya ka ba talaga ngayong Pasko?”


Bakit nga ba tayo maligaya dahil Pasko? Dahil lamang po ba birthday ni Jesus? O dahil sa mga regalo at aguinaldong natanggap natin? Dahil po ba sa masasarap na pagkain at umaatikabong party rito at party roon? Maligaya po ba tayo dahil mahaba-haba ang bakasyon mula sa paaralan at opisina? Bakit nga po ba tayo maligaya dahil sa Pasko? Bakit tayo DAPAT maligay dahil sa Pasko? Tanungin ang katabi: “Ikaw, bakit ka maligaya ngayong Pasko?”


May tatlong dapat na dahilan kung bakit po tayo maligaya sa Pasko.


Una: tinupad ng Diyos ang pangako Niya! Tapat ang Diyos sa Kanyang salita. Sa gitna ng marami nating karanasan ng pagtataksil, pagkakanulo, pagtalikod sa mga salitang binitiwan, ang katapatan sa pangako ay higit na dahilan para tayo ay lumigaya at magdiwang.


Sa hardin ng Eden, matapos magkasala ang unang nilikhang tao, may binitiwang salita ang Diyos. Kadalasan, ang natatandaan lang natin ay ang salita ng kaparusahan para sa pagsuway ng ating unang mga magulang. Subalit, hindi lang salita ng kaparusahan ang binitiwan ng Diyos nang mga sandaling iyon. Ibinigay din Niya sa kanila ang isang pangako: ang Itinakdang Manunubos. Sa kabila ng pagtalikod sa Kanya, hindi pa rin pinabayaan ng Diyos ang tao. Pinangakuan Niya ito ng isang Tagapagligtas na magwawakas sa sumpa ng nagawang kataksilan. Ang Pasko ay ang pagtupad ng Diyos sa pangako Niyang ito. Nagkalaman ang salitang binitiwan: ang Verbo ay nagkatawang-tao. Natupad na ang pangako ng Diyos sa atin; magalak tayo sa Kanya!


Ikalawa: Anak pala Niya ang ipadadala Niya! Laking bigla natin nang tumambad sa ating harapan ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nang Siya ay nangakong magsusugo ng Manunubos, hindi Niya tinukoy kung sino ang Itinakdang ito. At ngayong Pasko, kitang-kita nating lahat – at anong pagkamangha natin – ang isinugo N’ya pala ay walang iba kundi ang sarili Niyang bugtong na Anak.


Wala tayong masabi sa ating pagkakabigla. Puwede namang iba na lang. Pero minarapat Niyang ang sarili Niyang Anak ang Kanyang ipagkaloob sa atin. At dahil alam na rin natin kung ano ang sasapitin ng Kanyang Anak sa makasalanang kamay natin, walang pagkakamaling masasabi nating napakalaki talaga ng isinakripisyo ng Diyos para sa atin. Hindi Siya nagbigay ng iba sa Kanya. Para sa atin, itinaya Niya ang lahat ng mayroon Siya: ang kaisa-isang bugtong na Anak. Minamahal tayo ng Diyos nang higit sa ating inaakala; mahalin din natin Siya nang ayon sa nararapat.


Ikatlo: naging sanggol ang Diyos! Maaari namang lumitaw na lamang sa ating harapan si Jesus. Puwede namang exempted na Siya sa mga pangkaraniwang proseso ng pagiging tao at pagpapakatao. Ngunit minarapat pa Niyang maging sanggol, maging sinliit at singhina ng isang sanggol. Pinasok Niya ang ating kasaysayan at nakibahagi sa ating kalikasan bilang tao – maliban sa paggawa ng kasalanan – nang buong kaabahan. Ang Diyos ay nagpaka-sanggol at ang Pasko ay bahagi ng pagpapakatao ng Diyos. Nakibahagi si Jesus sa ating pagkatao upang tayo ay makabahagi sa Kanyang pagka-Diyos.


Hindi lang nakatutuwang makita ang Diyos bilang isang sanggol; nakabighani, nakakapukaw-damdamin, at, kung tutuusin, nakaka-iyak din. Kamangha-mangha, kabigla-bigla, kadaki-dakila ng ating Diyos. Napakamapagkumbaba Niya; tularan natin Siya.


Kaya tayo maligaya, kaya DAPAT tayong maligaya, sa Pasko ay dahil tinupad ng Diyos ang pangako Niya sa atin, dahil sarili pa Niyang Anak ang ipinagkaloob Niya sa atin, at dahil nagpakababa Siya para sa atin. Katapatan sa salita, pagsasakripisyo para sa iba, at kapakumbabaang tunay – mga inihalimbawa ng Diyos mismo sa atin. Kaya may Pasko dahil sa katapatan, sakripisyo, at pagpapakumbaba. Sila lamang na nagsisikap sa katapatan, marunong magsakripisyo ng sarili para sa kapwa, at may ugaling mapagkumbaba ang tunay na maligaya sa Pasko. Sana po, maligaya talaga kayo. Sana po, magpaligaya kayo.


Maligayang Pasko po!

2 Comments:

At 1:12 AM , Anonymous Anonymous said...

nakakatuwa pong isipin na ngayong pasko, hindi po si Santa Claus ang nasa isip ng karamihan, siyempre si Bro na ang lamang. :)
hindi naman po siguro maiiwasan un dati dahil bata pa naman dati.

kaya po Happy Happy Birhday Bro! :D

 
At 8:26 AM , Blogger Sillon Coast Village said...

Father ..Happy new year.. you have a great blog that will feed many hungry heart for the Lord.. your down to earth words put life to the usual ordinarr homily's we were hearing from others..I'm one of your parishioner before in Guadalupe.God bless your mission Father.. Matangi

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home