NAKITA N'YO NA BA SI KRISTO?
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Mt 2:1-12
Maraming mga paghahanap na nangyari noong unang Pasko. Una, naghanap ang Diyos ng sinapupunan kung saan maaaring magkatawang-tao ang Kanyang Salita. Natagpuan ng Diyos si Maria. Ikalawa, naghanap si Jose kung sino ang tatay ng Sanggol na ipinagdadalantao ng katipan niyang si Maria. Natagpuan ni Jose ang Diyos. Ikatlo, naghanap si Jose at Maria ng lugar kung saan maisisilang si Jesus. Natagpuan nila ang isang yungib na kulungan ng mga hayop dahil wala nang lugar sa bahay-panuluyan. Ikaapat, hinanap ng mga pastol ang kasisilang pa lamang na Sanggol na ibinalita sa kanila ng mga angel. Natagpuan nila si Jesus
Sinumang tunay na naghahanap sa Diyos ay makatatagpo sa Kanya. Pero, ang pusong mapanlinlang, gaya ng kay Herodes, ay hindi makatatagpo sa Diyos. Ang pusong tapat lamang ang tunay na nakatatagpo sa Diyos. Hindi po ba sinabi ni Jesus, “Blessed are the pure of heart, for they shall see God.”
Ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Epifania. Ang salitang epifania ay mula sa wikang Griyego at ang ibig sabihin ay “maluwalhating pagpapakita”. Maluwalhating ipinakikita ni Jesus, ang Anak ng Diyos, ang Kanyang sarili sa lahat ng tao. Kung tutuusin, ang buong panahon ng Kapaskuhan ay magpapakita ng Diyos. Sa araw mismo ng Pasko, unang ipinakita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga Judio, ang mga kababayan Niya, na kinakatawan ni Jose at Maria, at ng mga pastol. Sa natatanging paraan din po, ipinakita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga dukha dahil ang mga pastol ay isa sa mga pinakadukha sa lipunan ng mga Judio. Ngayong araw namang ito, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon o Epifania, ipinakikita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga Hentil, sa mga pagano, sa mga hindi Judio, na kinakatawan ng mga pantas mula sa Silangan. Si Jesus ay hindi lamang para sa mga Judio. Si Jesus ay para sa lahat ng lahi. Si Jesus ay hindi lamang para sa mga dukha. Siya ay para sa lahat ng tao – mahirap at mayaman, may pinag-aralan o wala. Sa Ikalawang Pagbasa ng Banal na Misa para sa araw na ito, ipinaliliwanag ni San Pablo Apostol ang kahulugan ng kapistahang ito: “Ipinahayag sa akin ang lihim na panukala ng Diyos na hindi inihayag sa nakaraang salinlahi; nangangahulugan ito na ang mga Hentil ay kabahagi na ng mga Judio sa iisang pamana, sila ay mga kasapi ng iisang katawan, kasalo sa iisang pangako kay Kristo sa pamamagitan ng Mabuting Balita.”
Napakahalaga po nito para sa atin sapagkat hindi po tayo mga Judio. Ang ating kanunununuan ay mga pagano. Sa katauhan ng mga pantas mula sa silangan, nakikita natin ang ating mga sarili: ipinakikita ni Jesus sa atin ang Kanyang Sarili kung paanong ipinakita Niya ito sa mga pantas na nagmula pa sa malayong bayan. Kung tutuusin, ngayon ang Pasko natin. Si Jesus ay para sa atin din, sapagkat hinahanap din natin Siya at maaari natin Siyang matagpuan.
Samantalang tayo ay nasa mga huling araw na ng Kapaskuhan, marapat na paalala sa atin na, sapagkat si Jesus ay para sa lahat, kapag hinanap natin si Jesus nang may tunay na pag-ibig, hindi galit o takot o inggit o anumang masamang layunin, lagi nating matatagpuan si Jesus, lagi Niyang ipakikita ang Kanyang Sarili sa atin. Gustong-gusto po ni Jesus na matagpuan natin Siya. Hindi po Siya nakikipagtaguan sa kaninuman sa atin. Sa paglipas ng mga araw ng bagong taong ito, wala sanang sandali sa ating buhay ang lumipas nang hindi natin hinahanap si Jesus nang may wagas na pag-ibig. At sa tuwing matatagpuan natin Siya sa bawat detalye ng ating araw-araw na pamumuhay, tayo nawa – tulad ng tala na gumabay sa mga pantas sa kanilang paghahanap sa Hari ng mga hari – ay maka-akay ng marami pang ibang naghahanap kay Jesus.
Sa Pilipinas, napakaraming mga paghahanap. Sa katunayan, hindi sinasadyang nadiskubre ni Ferdinand Magellan ang Pilipinas dahil sa paghahanap niya ng spices. Sa pag-aakala nilang natagpuan na nila ang India, dumaong sila sa Limasawa, Cebu, at tinawag ang mga katutubo na “Indio”.
Mula noon, kung anu-ano na nga po ang hinanap ng atin bilang isang bayan: ang Yamashita treasure, ang mga tagong yaman ng mga Marcoses, ang mastermind sa assassination ni Ninoy Aquino, si Gringo, si Jose Velarde at si Jose Pidal, si Garci, si Jocjoc, at ngayon pati na rin si Senator Lacson. Ang problema nga lang po sa maraming mga paghahanap na tulad ng mga nabanggit ko ay ito: sinisimulan pero hindi naman tinatapos.
Taun-taon din po, sanhi ng mga kalamidad, hinahanap natin ang maraming mga taong tinangay ng baha, natabunan ng landslide, o lumubog kasama ng sinasakyang barko. Marami sa mga hinahanap na ito ay natatagpuan, pero marami rin pong hindi. Marami pang naghihintay: ang mga buhay ay naghihintay na matagpuan ang kanilang mga patay samantalang ang mga patay ay naghihintay na matagpuan ng mga buhay.
Dahil sa hirap din ng buhay, tila naging hanapbuhay na po yata ng ilang mga Pilipino ang kidnapping-for-ransom, kaya’t madalas din tayong may hinahanap na kinidnap. May mga hinahanap ding nagtutulak ng droga at, sa kasawiampalad, may mga naghahanap naman ng mga maitutulak pang mag-droga. Ang mga N.P.A. at mga Abu Sayaf, hinahanap pa rin ng mga nasa gobyerno natin. Hindi ba nila talaga alam kung nasaan sila?
Sa lakas din naman pong makaakit ang paghahanap para sa Talentadong Pinoy, Philippine Idol, Star Power, Star Circle Quest, Big Winner sa Pinoy Big Brother, at marami pang iba. Wala namang masama sa mga paghahanap na tulad nito, basta’t huwag lang tuluyang masisilaw sa mabilis na pagsikat at madaliang pagyaman.
Tiyak ko po, sa taong ito na kasisimula pa lang, marami na naman tayong paghahanap na magaganap sa buhay ng ating bansa at sa buhay ng bawat-isa sa atin. Sa gitna ng maraming mga paghahanap, huwag po sana nating kalilimutang hanapin si Jesus sa bawat pangyayari sa buhay, sa bawat kapwa-tao, at maging sa kalikasan. Sa pamamagitan ng ating pagmamalasakitan sa isa’t isa, magtulungan nawa po tayo na matagpuan si Jesus. Magsilbi nawa tayong mga tala ni Jesus para sa isa’t isa.
Ngayon ang ating Pasko. Ngayon ang Pasko para sa mga hindi Judio. Ngayon ang Pasko ng mga tulad nating pagano ang pinagmulan. Ngayon po ang ating Pasko.
Nakita n’yo na ba si Kristo?
3 Comments:
Ako at ang Diyos lamang ang nakaka alam ng relasyon namin sa isa't isa. Sabi ng kapatid ko, hindi dapat ipagsabi o ipagkalat sa iba ang ating malalim na ugnayan sa Diyos. Dahil ito ay intimate ..me and my Lord only.
Ganunpaman, bilang saksi sa Kanyang kabutihan at awa, masasalamin at hindi maitatago ang maningning na kagandahan ng Diyos sa pamamagitan ng bawat isa sa atin.
Pero kung tatanungin n'yo po ako kung nakita ko na si Kristo....hindi ko po sasabihin... :)
I borrowed a book entitled Opening to God: a Guide to prayer by Thomas H. Green, SJ. For those interested, you can email me at greenrose28@gmail.com. I will send the softcopy of the book for those who want to have a personal copy.
For our daily bread:
The Pieta Prayer Booklet and The 15 St. Bridget Prayers
Link
http://www.iipg.org/pieta.htm
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home