21 August 2010

DOOR POLICY SA CLUB NG DIYOS

Ikadalawampu’t isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 13:22-30


Miyembro ba kayo ng anumang club? Hindi iyong night club ha (Uso pa ba iyon ngayon?). Basta sinabing club, isang katangian nito ang agad papasok sa isip natin: ekslusibo ang membership. Mahirap mapabilang sa isang club; dapat meron ka ng mga hinihingi nilang requirements. Ang pagsali sa club ay hindi para sa lahat; para lamang ito sa mga karapatdapat. Hindi puwedeng basta sinu-sino lang. Mahirap mapabilang sa club. Sa katunayan, kapag mas mahirap makasali, mas sikat ang club na iyon. At nakakatawa, dahil marami pa ring nagpapakamatay makasali.

Meron nga akong nabasang kuwento ng isang taong tinanggap na ngang maging miyembro ng isang club na sinubukan niyang salihan pero nainis pa. Tumeligrama raw siya sa pamunuan ng club at, ayon sa kuwento, ito ang sinabi: “Ayaw ko na. Resign na ako. Ang dali palang makasali sa club ninyo. Ayaw ko ng ganyang club – cheap!” Nakakatawa, hindi ba?

Sa tunay na sikat na club, dapat dumaan sa mahigpit na pangingilatis ang sinumang gustong makasali. Door policy ang tawag sa batayan ng pangingilatis na ito. Sa ebanghelyo ngayong araw na ito, ipinahihiwatig ni San Lukas na ang kaharian ng Diyos ay meron din palang door policy. Napakalinaw sa kuwento niya na hindi automatic ang mapabilang sa kaharian ng Diyos. Bagamat nais ng Diyos na maligtas ang lahat, mahigpit din naman pala ang door policy na dapat tupdin ng mga nais makapasok sa Kanyang kaharian.

Samantalang si Jesus ay patungong Jerusalem, kung saan tutupdin Niya ang pinakamahirap at pinakamahigpit na hamon ng kaharian ng Diyos, may nagtanong sa Kanya kung ilan ang maliligtas. Sa halip na kalkulahin ang bilang ng mga maliligtas sa wakas ng panahon, ibinigay ni Jesus ang praktikal na payo tungkol sa kasalukuyan: “Magsikap kayong makapasok sa makipot na pintuan dahil, sinasabi Ko sa inyo, marami ang magsisikap ngunit mabibigo.” Ang pintuan sa kaharian ng Diyos ay hindi maluwang na puwedeng basta-basta na lang makapasok ang sinuman. Makipot ang pintuan at ang bawat-isang tao ay dapat magsikap makapasok dito.

Ngunit hindi lamang pala makipot ang pintuan ng kaharian ng Diyos. Madalas nating malimutang hindi rin pala mananatiling laging nakabukas ang pintuang ito. May nakatakda nang panahon kung kailan hindi lamang isasara ang pintuang ito, bagkus ikakandado pa. At kapag dumating na ang takdang oras kung kailan isinara at ikinandado na ng Panginoon ang pinto, ang mga naiwan sa labas ay hindi na kailanman papasukin. Ang makipot na daan ay saradong daan na. Wala nang daan. Dati kaunti lang ang panahon para makapasok; pero, ngayong wala na talagang panahon. Huwag tayong pabandying-bandying dahil ang mga pahintay-hintay hanggang sa last minute, ang mga madalas magsabi ng “tsaka na”, ang mga kukupad-kupad o sadyang tamad talaga ay malamang masaraduhan, makandaduhan, at tuluyan nanghindi makapasok sa langit. Mapudpod man ang kanilang mga kamao sa pagkatok sa pinto, mapaos man ang boses sa kasisigaw, mamugto man ang mga mata sa kaiiyak, hinding-hindi sila pagbubuksan ng Panginoon. Ito pa ang nakasisindak: “At sasabihin ng Panginoon sa kanila, ‘Hindi Ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa Akin!’” Naku, hindi raw uubra ang palakasan. Wa epek ang “si ganito po ako” o “si ganoon po ako” o “ako po ang gumawa noon” o “ako po ang gumawa nito” o kaya ay “ako po ang ganito Ninyo” o “ako po ang ganoon Ninyo”. Bawal din ang nepotismo. Walang kama-kamag-anak, walang kai-kaibigan; huwag na huwag po natin Siyang subukan.

Pero hindi pa ito ang pinakamasakit sa mga maiiwan sa labas ng pinto. Ang pinakamasakit sa lahat ay ito: makikita raw ng mga nakandaduhan sa labas kung sinu-sino ang mga nakapasok sa langit at maligayang-maligayang tinatamasa ang kaluwalhatian ng Diyos. Naku po! Akala ng iba sila ang makakapasok, iyon pala ang mga ine-etsepuwera nila ang talagang mapapabilang sa mga pinagpala ng Diyos. Huwag tayong magpakasiguro sa kasalukuyang kinalalagyan natin dahil, sabi nga ng ebanghelyo, ang mga nag-iisip na in sila ay out pala, at laking asar lang nila, pagdating ng panahon, kapag yung ina-out nila ay makikita nilang in pala sa halip na sila. Pagdating ng dakilang araw na yaon, mabubunyag ang lahat at matutupad ang hula ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa ngayong araw na ito. Bubulagain tayo ng door policy ng kaharian ng Diyos. Hindi natin siyento pursyentong alam kung sino sa atin ang in at sino ang out. Sa kaharian ng Diyos, hindi natin alam kung sino ang darating para dumulog sa hapag.

Gayunpaman, may napakalinaw na tanda na maaari nating panghawakan tungkol sa kung sino ang malamang na papapasukin ng Diyos sa Kanyang kaharian at isasama sa Kanyang kaluwalhatian. Sa Mt 25: 34-40, malinaw na inilalarawan ni Jesus ang katauhan ng mga makapapasok sa kaharian ng: sila ang mga nagpapakain sa nagugutom, nagpapainom sa nauuhaw, nagpapatuloy sa dayuhan, nagdaramit sa hubad, kumakalinga sa maysakit, at bumibisita sa napipiit. Sa madaling-sabi, ang mapagmalasakit na pag-ibig – bukod sa awa ng Diyos – ang tanging makakatulong sa atin para matupad ang door policy ng kaharian ng Diyos. Pag-ibig din ang lumalagom sa mga katangian ng mga itinuturing ni Jesus na pinagpala sa Mt 5:3-12. Mapagmalasakit na pag-ibig, pag-ibig na nakapagbibigay-buhay – ito ang door policy ng kaharian ng Diyos. Kaya nga, sabi ni San Juan de la Cruz, “Sa takipsilim ng buhay, huhusgahan tayo batay sa pag-ibig.”

Ang kaharian ng Diyos ay para sa lahat ng tao. Pero may sinabi ba si Jesus na ang lahat ng tao ay makapapasok sa kaharian ng Diyos? Namatay at magmuling nabuhay si Jesus para sa lahat ng tao kaya lahat ng tao ay mga anak ng Diyos. Pero lahat ba ng tao ay namumuhay nang asal ng anak ng Diyos? Tinubos ni Jesus ang lahat ng tao. Pero lahat ba ng tao ay tinatanggap ang katubusang ito? Tayong lahat ay mahal ni Jesus. Pero nagmamahal ba tayong lahat gaya ng pagmamahal ni Jesus?

“Sa takipsilim ng buhay, huhusgahan tayo batay sa pag-ibig” – ito ang door policy sa club ng Diyos.

2 Comments:

At 5:46 PM , Anonymous bethmontecillo said...

Napakaganda at tumpak itong mga tinuran mo Father Bob. Lalo ako magsisikap na ma qualify sa "Door Policy sa Club ng Panginoon" Sisikapin ko sa abot ng aking makakaya na ipagkalat ito, sa Pamilya ko, sa Friends ko sa FB. Salamat Father Bob sa mga paalala. Pagpalain ka ng Dyos lagi!

 
At 2:46 AM , Anonymous Jester said...

hello po father kaylan lang po ay may napanood akong video sa youtube kung ano kaya ang pwedeng danasin ng tao sa hell at talagang natakot po ako di naman po ako masamang tao pero may mga nagawa din po akong kamalian ngayun po gusto ko mapalapit sa dios pero natatakot po ako dahil sa mga kamalian nagawa ko, ano po ba ang dapat kong gawin,?

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home