LABOR AMATUR
Ikadalawampu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang
Panahon
Mt 16:21-27 (Jer
20:7-9 / Slm 62 / Rom 12:1-2)
“Inonse Mo ako! At nagpa-uto naman ako. Hindi Kita kinaya kaya nadaig Mo ako. Kaya, heto, ano? Maghapon, ako ang pulutan ng tawanan. Ginagago ako ng lahat.
Kapag nagsalita ako, sumisigaw
ako. At ano ang dapat kong isigaw? “Karahasan!
Galit!” Ito ang ipinasisigaw Mo
sa akin. At ano ang napala ko? Ano?
Kinamumuhian ako’t kinukutya – iyan ang napala ko sa kasusunod sa Iyo.
Nasabi ko na noon, kalilimutan na Kita. Hinding-hindi ko na babanggitin ni ang pangalan
Mo. Pero, ano? Kinaya ko ba?
Hindi. Ang tindi Mo talaga. Parang sinisilaban ng mga salita Mo ang puso
ko, pinagbabaga ang aking mga buto.
Hindi ko kinaya. Hindi kita kaya.”
Kung ako po si Propeta Jeremias,
ganyan ko sasabihin sa Diyos ang sinabi n’ya sa Kanya ngayon sa ating unang
pagbasa. Hindi po ako magsisinungaling,
kinausap ko na rin po ang Diyos nang ganyan.
Naramdaman ko na rin po ang naramdaman ni Propeta Jeremias. Sa pagdarasal, lagi po akong may
pinaghuhugutan.
Kayo po, anong pinanghuhugutan ninyo
kapag kausap ninyo ang Diyos? O
nakikipag-usap pa po ba kayo sa Diyos?
Baka hindi na.
Si Propeta Jeremias – napakalalim po
ng pinaghuhugutan niya para paratangan niya ang Diyos ng panloloko, pang-uuto,
pang-oonse. Sa lahat po ng mga propeta
sa Lumang Tipan, itong si Jeremias ang pinaka-brokenhearted. Napakadrama
po ng buhay n’ya. Sa simula pa lang ng
kuwento n’ya, ayaw na ayaw na po niya talagang maging propeta. Sabi pa n’ya (Tg. Jer 1:6), “Batambata pa po
ako, Panginoon. Uutal-utal pa.” Kaya nga po, umpisa pa lang ng misyon niya,
napakalaking krus na talaga para sa kanya ang pagiging propeta.
Pinasabi sa kanya ng Diyos sa mga
kababayan niya na dahil sa kanilang mga kasalanan, mabibihag at ipatatapon sila
ng kanilang mga kaaway. At sapagkat ang
tulong ng Diyos ay hindi raw po automatic,
mas mabuti na lang daw pong sumuko na lang muna sila sa mga mga kaaway nilang
mananakop, ang mga taga-Babylonia. At babala
pa po ni Propeta Jeremias: hinding-hindi raw sila tutulungan ng Diyos. Kaya naman, itinuring siyang taksil sa bayan,
traydor sa kanyang lahi. Kinuyog siya, dinakip,
ibinilanggo, at pinahirapan. Nalayo po siya
sa kanyang mga mahal sa buhay at naging tampulan ng pangungutya ng lahat. Binalewala lang po ang kanyang mga pahayag at
mga babala samantalang hinamak-hamak siya ng lahat. At dahil hindi naman po robot si Jeremias, labis siyang nasaktan, nagdamdam, at pati sa Diyos
ay tila sumama ang loob.
Sa tindi po ng sinapit niyang
pagdurusa, sinubukan ni Jeremias na talikuran ang pagiging propeta ng
Diyos. Subalit, hindi n’ya kinaya. Sinasabi n’ya po sa atin sa unang pagbasa
kung bakit: “…kung sabihin kong, ‘Lilimutin ko ang Panginoon at di na
sasambitin ang Kanyang pangalan,’ para namang apoy na naglalagablab sa aking
puso ang Iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto. Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na
hirap na akong magpigil.” At samantalang
pinagdaraanan ng Propeta ang lahat ng ito, “business
as usual” naman po ang mga tao.
Nakakabagabag ang sinapit ni Propeta
Jeremias, hindi po ba? Nakakabagabag po
lalung-lalo na para sa mga nagsisikap tupdin ang kalooban ng Diyos. Nakapahirap po pala talagang tumalima sa
Diyos. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos
ay laging may hinihinging kapalit. Ano
po? Ang buong sarili. “…ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog
na buhay, banal, at kalugud-lugod sa Diyos,” sinasabi sa atin ni San Pablo
Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon.
Ang pagsamba raw pong kinalulugdan ng Diyos ay ang paghahandog ng buong
sarili sa Kanya, paglalaan ng buong pagkatao alang-alang sa Kanya,
pagsasakripisyo ng buong sarili para sa Kanya.
Tayo pong sumasamba sa Diyos, talaga bang
may kalakip pang sarili ang paghahain natin sa Kanya? Baka wala na po. Pero kanino naman po kayang sarili ang
isinasakripisyo natin? Baka po sa iba at
hindi sa atin. Minsan po kasi magaling
tayong mangsakripisyo ng iba samantalang pilit na pilit tayong isakripisyo ang
sarili natin. At kung sarili nga natin ang
isinasakripisyo natin, kumusta naman po kaya ang sariling iyan? Anong klaseng sarili meron tayo? Ang sariling iyan ba ay, gaya ng sinasabi ni
Apostol San Pablo, “buhay, banal, at kalugud-lugod” sa Diyos?
Napakahirap po talagang isakripisyo
ang sarili, hindi ba? Tila taliwas po
ito sa kalikasan natin bilang tao. Ayaw
na ayaw po natin sa sakripisyo. Ang
gusto natin benepisyo. Laging iniisip
kung anong mahihita, kung anong kikitain, kung anong parte, kung ano ang para
sa sarili. Bakit mo nga naman pa iisipin
ang iba? Malalaki na sila. Kaya na nila ang sarili nila. Baka unahan ka pa nila; kaya, unahan mo
na! Opo, nasa bokabularyo nga natin ang
sakripisyo pero baka naman wala ito sa ating mga prinsipyo.
Ang problema, nangunguna po sa mga prinsipyo
ni Kristo ang sakripisyo. At hindi
lamang po basta sakripisyo, kundi pagsasakripisyo ng sarili para sa iba. Problema po iyan kasi tinatawag at tinuturing
natin ang ating sarili na Kristiyano pero kung hindi tayo pareho ng prinsipyo
ni Kristo, paano tayo naging Kristiyano?
Sa
Jn 10:10, sinabi ni Jesus, “Naparito Ako upang magkaroon kayo ng buhay, buhay
na masagana.” At sa krus, ginitla po
Niya tayo sapagkat ang buhay na ipagkakaloob pala Niya sa atin ay walang-iba
kundi sarili Niyang buhay. Sa gabi pa
lang bago Siya ipako at mamatay sa krus, ipinagkaloob na po ni Jesus sa Kanyang
mga alagad ang Kanyang sarili. Habang
sila po ay naghahapunan ng Kanyang mga alagad, kinuha Niya ang tinapay, nagpasalamat
Siya sa Ama, pinaghati-hati iyon, ibinigay sa Kanyang mga alagad, na ang sabi,
“Tanggapin ninyong lahat ito at kanin.
Ito ang Aking Katawan.” Gayun din
naman, kinuha Niya ang kalis na naglalaman ng alak, muli Niyang pinasalamatan ang
Ama, iniabot ang kalis sa Kanyang mga alagad, na ang sabi, “Tanggapin ninyong
lahat ito at inumin. Ito ang kalis ng
Aking Dugo.” At sa pamamagitan nito ay
tinuldukan po ni Jesus ang dating uri ng pagsasakripisyo: Siya na ang
sakripisyo, ang Kordero ng Paskwa, ang haing handog sa Diyos para sa
ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ito po ang ginugunita natin sa bawat
pinagdiriwang natin ng Banal na Misa.
Ito po ang Eukaristiyang tinatanggap natin sa pagdiriwang natin ng Banal
na Misa. Ito rin po ang dapat nating
paghugutan para maging prinsipyo rin natin ang prinsipyo ni Kristo: sakripisyo
hindi benepisyo.
“Kung ibig ninumang sumunod sa Akin,”
wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin
ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang
naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang
mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit noon.” Mga alagad po tayo ni Jesus, hindi ba? Ganito po ba talaga ang buhay natin? Ito rin po ba talaga ang prinsipyo natin sa
buhay? Baka hindi.
Tayo na rin po ang sumagot sa tanong
ni Jesus: “Ano (nga) ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong
daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa
kanya ang kanyang buhay?” Meron po
ba? Wala po, hindi ba? Wala. O,
eh bakit po minsan namumuhay tayo na parang “meron”.
Pinasan ni Jeremias ang krus ng isang
propeta. Niyakap ni San Pablo ang krus
ng isang apostol. At maging si Simon
Pedro, na tinangkang hadlangan ang daan ng krus para kay Jesus, namatay ding
nakapako sa isang nakabaliktad na krus.
Lahat po sila ay nagsikap na tupdin ang kalooban ng Diyos. Lahat po sila may krus. At bagamat, sa rurok ng karupukan nila bilang
tao at tindi naman ng bigat ng kani-kanilang krus, dumaing sila sa Diyos at halos
sumuko na, nagpatuloy pa rin po sila, sa tulong ng grasya ng Diyos, na
pagsikapang buhatin at yakapin ang kani-kanilang krus sa buhay. Kaya naman po, ang krus mismo nila ang naging bukal
ng kanilang grasya.
“Ubi
amatur, non laboratur; aut si laboratur, labor amatur,” wika ni San
Agustin. Kung saan daw po may pag-ibig,
walang paghihirap, subalit kung may paghihirap man, ang hirap ay iniibig
din. Ito po ang pinaghugutan ni Propeta
Jeremias para tupdin ang atas ng Diyos sa kabila ng mga pagdurusang sinapit
niya. Ito rin po ang pinaghugutan nila
Apostol San Pablo at San Pedro sa pagsunod nila kay Jesus magpahanggang
kamatayan. Ito rin po ang pinaghugutan
ni Jesus nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa Ama alang-alang sa ating
lahat. Ito rin po kaya ang
pinaghuhugutan natin?
1 Comments:
Some says gullible people are those kind hearted ones Father.
Thanks for this homily, I really find your reflections humorous, educating and enlightening..
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home