06 September 2014

ANG NAKALALASONG PUNO

Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 18:15-20 (Ez 33:7-9 / Slm 94 / Rom 13:8-10)


Meron po akong tula.

Ako po ay may kaibigan na minsan ay nakaaway.
Kami po ay nag-usap at galit ko ay nawala.
At may isa pa rin po namang minsan di’y aking nakaaway,
Subalit hindi ko siya kinausap kaya galit ko sa kanya di napigilang lumala.

Araw at gabi, sama ng loob ko ay aking diniligan
Ng mga luha at damdaming kinatatakutan.
Ngunit sa harap niya ay mahusay akong makipagplastikan
Kunyari ay ayos lang pero, iyon pala, ang lahat ay panlilinlang.

 Ang sama ng loob na araw-araw kong inalagaan
 Ay lumaking parang puno ng mansanas na katakam-takam.
 Kaibigan kong kinayayamutan buong akala ay ayos lang
 Kaya aking mansanas inaasam na matikman.

Isang gabing madilim at mga tao ay nahihimbing
Yaring kinayayamutan ko pumunta sa hardin ko nang palihim.
Pumitas siya ng mansanas at ito ay tumikim.
At kinaumagahan, natagpuan siyang nakabulagta na’t nangingitim.

Ang tulang ito ay salin ko po sa tulang pinamagatang “A Poison Tree” ni William Blake.  Maganda po, hindi ba?  Pero hindi maganda ang pangyayaring sinasalaysay ng tula.  Dahil sa galit, may namatay.  Nakakamatay po talaga ang galit.  Puwede namang pag-usapan ang anumang gusot, pero hindi pinag-usapan kaya lumala hanggang naging lason.  Kamandag po ang galit, hindi ba?  Kung tutuusin, marami pa sana po ang buhay ngayon kung pinag-usapan nang mabuti ang sama ng loob, nagpa-umanhinan, at nagkasundong muli.  May kilala po ba kayong namatay sa galit?  Sa tindi ng galit, namatay.  May kilala po ba kayong pinatay ng galit?  Sa tindi ng galit, pinatay?  Kayrami na pong tumikim sa bunga ng punong nakalalason, gaya ng sinasabi ng tula ni William Blake.  At marami pa pong nagtatanim ng punong iyan.

Ano po ang dapat gawin sa punong iyan?  Putulin!  Putulin agad nang hindi na makalason at makamatay pa.  Sa hardin ng inyong buhay, baka po may inaalagaan kayong ganyang puno.  Hanggang kailan po ninyo aalagaan iyan?

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito, ibinibigay sa atin ang dapat nating gawin, bilang mga alagad ni Jesus, sa pagputol sa mga nakalalasong puno na ipinupunla, dinidiligan, at pinamumunga ng mga pinatatagal, kinikimkim, at kinukonsenteng samaan ng loob sa pamayanan, sa parokya, sa tahanan.  Pukol na pukol po ng Salita ng Diyos ang usapin ng ating mga ugnayan, lalung-lalo na bilang Kristiyano.  Tayo po ay magkakapatid, at ang mga samaan ng loob na pinalalaki at pinatatagal ay tunay namang pagwasak sa ating kapatiran.

Wala pong patumpik-tumpik ang Panginoon: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan.”  Naririnig po ba natin Siya?  Puntahan daw po natin.  Kausapin daw po natin.  At kausapin natin nang sarilinan.

Kapuna-puna po – pero madalas hindi natin ito nabibigyang-pansin – na ang sabi ng Panginoon ay “Kung magkasala sa iyo….”  Hindi raw po tayo ang nagkasala.  Sa halip, tayo raw po ang nagawan ng pagkakasala.  Pero tayo na raw po ang gumawa ng unang hakbang tungo sa pagkakasundo.  Tayo raw po ang magpunta sa kapatid nating nagkasala sa atin.  Tayo raw po ang unang kumausap sa kanya.  Tayo raw po ang unang makipagkasundo sa kanya.  Opo, kahit hindi tayo ang nagkasala.  Hindi po natin pinapansin ang detalyeng iyan o kung pinapansin man natin ay bibihira.  Bakit po kaya?  Sa halip, ang bukambibig pa nga natin ay “Siya ang may kasalanan, siya ang dapat unang bumati.  Bakit ako ang lalapit, ako ba ang may atraso?”  Malinaw po ang sagot ni Jesus: Oo!

Ang bilin po ni Jesus, gawing personal at tahimik ang pag-uusap.  Hindi raw po dapat ipagkalat na may kaaway tayo o kasamaan ng loob.  Hindi raw po dapat ibang tao ang kausapin.  Dapat daw po ang kausapin natin ay kung sino ang mismong kasamaan natin ng loob.  Hindi iba.  Tinuturuan po tayo ng Panginoon na laging maging tapat at personal.  Bawal ang mga anonymous letters.  Bawal ang mga bulung-bulungan.  Bawal ang tsismis.  At ang pakay ng pakikipag-usap sa kasamaan mo ng loob ay hindi upang ipahiya siya kundi upang makasundo siyang muli.  Kapag hindi po ganyan ang pamamaraan natin, nagtatanim lang tayo ng nakalalasong puno.

Kapag hindi raw po umubra ang pribadong pakikipagkasundo, tsaka lang maaaring magsangkot ng isa o dalawa pang tao.  Sila raw po ang tutulong para maayos ang gusot bago ito pagpistahan ng iba.  Tagapagpatunay din po sila ng lahat ng mga pinag-usapan ng magkabilang panig.  Malinaw po iyon, hindi ba?  Mga katulong silang mag-ayos at mga tagapagpatunay, hindi raw po mga manggagatong.  At mas lalong hindi raw po sila dapat na mga usisero at mga usisera lang.  Mga tagapag-ayos at mga tagapagpatunay sila.  Kayo po ba iyon?  Alin po – ang tagapag-ayos at tagapagpatunay o ang usisero at manggagatong?

Kung sakaling hindi pa rin daw po ma-plantsa ang gusot kahit pa may dalawa o tatlong tagapag-ayos at tagapagpatunay na, maaari na raw dalhin ang usapin sa pansin ng sambayanan ng mga alagad ng Panginoon.  At kung ayaw pa ring makipagkasundo ng nagkasala, maliwanag pong pati ang sambayanang Kristiyano ay tinatanggihan na niya.  Ni hindi na po siya kailangan pang itakwil ng sambayanan; siya na mismo ang humiwalay dito.

Sa sambayanan ng Kanyang mga alagad, ipinagkatiwala ng Panginoon ang kapangyarihan ng paghihiwalay at pagbubuklod.  “Sinasabi Ko sa inyo,” wika ni Jesus, “anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”  Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay po sa katotohanang nananatili si Jesus sa sambayanan ng Kanyang mga alagad.  “Sinasabi Ko sa inyo,” sabi Niya, “kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng Aking Amang nasa langit.  Sapagkat saan man may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”

Sa Rom 14:7, ipinaaalala po sa atin ni San Pablo Apostol ang madalas nating awitin: “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.  Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang.  Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.  Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling N’ya.”  Ito rin nga po ang batayan ng bilin sa atin ng Panginoon ngayong araw na ito tungkol sa mala-Kristiyanong pagkakasundo.  May pananagutan po tayo sa isa’t isa.  Pananagutan po natin ang isa’t isa.  Ang mamuhay sa isang sambayanan ay ang mamuhay nang kasangkot sa buhay ng bawat-isang kasapi ng sambayanang yaon.  Pagmalasakitan po natin ang isa’t isa; opo, kahit pa ang kasamaan natin ng loob, kahit pa ang nanakit sa atin, kahit pa ang nanlamang sa atin, kahit pa ang nagkasala sa atin.  At kung paanong ang mga hindi pagkakaunawaan ay tiyak na mangyayari sa isang sambayanan ng mga makasalanang nilalang, ang tanging wika ng pag-ibig ay ang pag-usapan ang hindi napagkaunawaan.  Kung hindi po, gaya ng tula tungkol sa nakalalasong puno, ang pagtangging makipag-usap ay tiyak na hahantong sa pagtanggi ring magmamahal.

Napakaganda po ng iniiwang aral sa atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon: “Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman.”  “Love is the one thing that cannot hurt your neighbor,” sabi niya.  Ang pag-ibig ay laging tapat, personal, at malapakikipagkasundo sa kapwa.  Alam po nating, maraming naitatanim ang pag-ibig, pero hindi po kasama roon ang nakalalasong puno.

Meron po ba kayong nakalalasong puno?  Ano pong dapat gawin diyan?  Putulin!  Putulin n’yo na po; hindi ninyo alam kung sino ang susunod na malalason ng punong iyan.  Anong malay ninyo, baka kayo na po.





0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home