HINDI MGA TUTA KUNDI MGA ANAK
Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 15:21-28 (Is
56:1, 6-7 / Slm 66 / Rom 11:13-15, 29-32)
Isa
po siyang babae. Isa siyang babaeng nasa
lansangan. Dikta ng iginagalang na
kaugaliang Judyo: ang mabuting babae ay hindi dapat nakikipag-usap sa publiko
sa kaninumang lalaki maliban sa kanyang asawa.
Hindi niya Siya asawa subalit kinausap niya Siya.
Kanaanita
ang babaeng ito, isang Hentil kaya’t tinitingnan po nang mababa ng mga Judyo. Sa mga mata ng mga Judyo, marumi ang mga
Hentil. Ipinagbabawal po ng kanilang
batas-relihiyoso na kausapin ang mga katulad ng babaeng ito. Ang sinumang kumausap sa mga katulad niya ay
nagiging marumi rin po. Subalit kinausap
Niya siya.
Nasa
teritoryo po sila ng babeng Kanaanitang ito.
Hindi ang babae ang estranghero, si Jesus. “Si Jesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa
Tiro at Sidon,” bungad sa atin ng Ebanghelyo.
Si Jesus, isang mabuting Judyo, bakit Siya nasa lupain ng mga Hentil? Bakit po Siya napadpad doon?
Ang ating Ebanghelyo po sa araw na ito ay hango sa
Mt 15:21-28. Mababasa naman po sa Mt
15:1-20, ang mga bersikulong nauuna sa mga bersikulo ng Ebanghelyo ngayon, ang
panunuligsa na naman kay Jesus ng mga eskriba at mga Pariseo. Nilalabag daw po ng mga alagad ni Jesus ang
tradisyon ng kanilang mga ninuno tungkol sa paghuhugas ng mga kamay bago
kumain. Pansinin po ninyo ang dalawang
bagay na ito. Una, sabi po sa Mt 15:21,
sadyang nagpunta si Jesus sa lupain ng Tiro at Sidon – sa lupain ng mga Hentil,
sa lupain ng “mga marurumi” batay sa panuntunang Judyo – pagkatapos tuligsain
na naman Siya at ang Kanyang mga alagad ng mga eskriba at mga Pariseo tungkol sa
usapin ng kalinisan. At ikalawa, kung
inakala po ni Jesus na matatahimik na Siya nang iwan Niya ang mga palaging
namumuna sa Kanya, mukhang nagkamali Siya sapagkat pagdating Niya sa lupaing
yaon ay hindi naman Siya pinatahimik ng babaeng Kanaanita. Susunud-sunod daw po ang babaeng ito at
nagsisisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po Kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo
at masyadong pinahihirapan.” Anupa’t
maging ang mga alagad Niya ay nakiusap na rin kay Jesus para lang manahimik na
ang babaeng ito at iwan na sila nang mapayapa.
“Pagbigyan na nga po Ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin,”
sabi nila kay Jesus.
Nang
punahin ng mga eskriba at mga Pariseo ang pagkain ng mga alagad Niya nang hindi
muna naghuhugas ng mga kamay alinsunod sa tradisyong Judyo, sinagot sila ni
Jesus sa Mt 15:11 nang ganito: “Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumasok sa
kanyang bibig kundi ang lumalabas doon.”
Pero bakit po kaya nang lumapit sa Kanya ang babaeng Kanaanita ay hindi
Niya ito agad pinansin na para bagang, tulad ng pangkaraniwang Judyo, ay ni
ayaw Niyang madampian nito at baka maging marumi rin Siya? Sagot pa nga po Niya sa pakiusap ng mga
alagad sa Kanya alang-alang sa babaeng yaon: “Sa mga tupang naliligaw ng
sambahayan ng Israel lamang Ako sinugo.”
At nang kausapin na rin Niya sa wakas ang babaeng Kanaanita, bagamat
sawikaing Judyo ang Kanyang binigkas, talaga namang napakasakit ng Kanyang
sinabi sa kanya: “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga
tuta.”
Parang
isinasadula po ni Jesus ang pangaral Niya tungkol sa marumi at malinis, hindi
ba? Kung tutuusin, tayong lahat naman po
talaga ay marumi sa mga mata ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan. At hindi po ang anumang kaugaliang relihiyoso
ang nakalilinis sa ating karumihan.
Bagkus, ang ganap na pananampalataya kay Kristo Jesus ang nagpapagiging
malinis sa atin sa mga mata ng Diyos.
Sa
maraming pagkakataon at iba’t ibang paraan, sinusubok po sa atin ang
pananampalatayang ito. Meron po ba
tayong pananampalatayang tulad ng pananampalataya ng babaeng Kanaanitang ito:
hindi natitinag nang kahit na anong hadlang; mababang-loob kaya’t hindi susuko
kahit pa hamak-hamakin; at matiyaga hangga’t makamit ang sinasamo? O may pananampalataya nga po tayo kay Jesus
pero mahina ito, mapagmataas, at ningas-kugon lang?
Hindi po sila dapat nagtagpo. Subalit nagtagpo sila – si Jesus at ang
babaeng Kanaanita. Dalisay ang Una at
hindi naman ang ikalawa; ngunit dahil sa napakalaking pananalig ng ikalawa ang
kadalisayan ng Una ay hindi po hadlang para ang ikalawa ay umasa maging ng
himala.
Sa anumang argumento laban sa Kanya ng mga eskriba
at mga Pariseo, hindi pa po natatalo si Jesus; subalit sa argumento Niya sa
babaeng Kanaanitang ito, mistulang natalo Siya.
Nakamit ng babaeng Kanaanita ang ipinagmakaawa niya para sa kanyang anak
na babae. O panalo pa rin po si Jesus,
hindi ba? Sapagkat naitanghal ang
napakalaking pananampalataya sa Kanya ng babaeng Kanaanita. Siya po mismo ang pumuri sa babaeng ito. “Napakalaki ng iyong pananalig!” wika ni
Jesus sa babaeng Kanaanita. “Mangyayari
ang hinihiling mo.” At ora mismo, sabi
ng Ebanghelyo, gumaling ang anak na babae ng Kanaanitang ito.
Sa
buhay natin, lagi po bang panalo si Jesus dahil sa sobrang laki ng ating
pananalig sa Kanya? Baka naman po
hinahayaan nating matalo si Jesus ng mga kumakalaban sa Kanya sa ating buhay.
Natupad
po sa katauhan ng babaeng Kanaanita sa Ebanghelyo ngayon ang narinig natin sa
unang pagbasa na pangakong kaligtasan ng Diyos maging sa mga Hentil. Ang kaligtasang ito, ayon kay San Pablo
Apostol sa ikalawang pagbasa naman po
natin ngayon, ay nararanasan bilang pagpapadama ng Diyos ng Kanyang habag sa
lahat ng tao – Judyo at Hentil.
Batid
po ng babaeng Kanaanita ang kanyang lugar: hindi siya karapatdapat. Subalit batid naman po ni Jesus ang pananalig
niya sa Kanya: napakalaki. Dahil batid
ng babaeng Kanaanita ang lugar niya, ayos na po sa kanya kahit ang mga mumong
nalalaglag mula sa hapag ng Panginoon.
Tayo po, ano po ba talaga ang sasapat para sa atin? Pero sapat po ba naman ang pananalig natin sa
Panginoon?
Matatapos
na ang pagninilay natin, pero hindi pa natin nakikila ang babaeng Kanaanitang ito.
Sino kaya siya? Ano nga po ba ang pangalan niya? Sa laki ng kanyang pananalig kay Jesus, ni pangalan
ay wala siya? Malinaw na nais po ng sumulat
ng kanyang kuwento na makita natin ang babaeng Kanaanitang ito sa katauhan ng bawat-isa
sa ating nakikibakang manalig sa mahabaging pag-ibig ng Diyos sa gitna ng mga pagsubok
natin buhay, kabilang ang pagsubok na nagmumula sa katotohanan ng ating pagiging
hindi karapatdapat dahil sa ating karumihan.
Manalig
po tayo, hindi tayo itinuturing ng Diyos na mga tuta kundi mga anak Niya: minamahal
kaya’t kinahahabagan. Hindi po ba iyon ang
grasya?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home