09 August 2014

HUWAG MATAKOT

Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 14:22-33 (1 Hari 19:9,11-13 / Slm 84 / Rom 9:1-5)


May dalawang tao: si Jenny at si Jessie – kapwa relihiyoso.  Mga taong simbahan sila: nasa koro po si Jenny at si Jessie naman ay sakristan.  Secret admirer ni Jenny si Jessie.

Gustung-gusto sanang manligaw nitong si Jessie kay Jenny, pero napakahina po ng self-confidence niya.  Kaya nagkakasya na lang siya sa paligaw-ligaw-tingin at papadala-padala ng mga bulaklak na may kasamang love letter.   Ngunit isang araw, napagpasiyahan po niyang magpakilala na kahit man lang sa pamamagitan ng isang larawan.  Nagpagupit muna siya bago naligo, nagbihis nang bongang-bonga, at nagpakuha ng litrato.  Talaga naman po, pamatay ang get-up ni Jessie, naka-dress to kill, kuntodo make-up pa.  Nang ma-develop na po ang litrato, inilagay ito ni Jessie sa isang mabangong sobre na sinulatan niya ng pangalan ni Jenny at ipinaabot sa isang lektor.  Dahil pasimula na ang Banal na Misa, inilagay muna ni Jenny ang sobre sa loob ng bitbit niyang bag.

Pag-uwi sa bahay, hinugot ni Jenny mula sa bag ang sobreng ipinaabot ni Jessie.  Binuksan.  At tumambad sa paningin iya ang pamatay na larawan ni Jessie.  Sa wakas, kilala na niya kung sino ang nagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at love letters!  Binaliktad po ni Jenny ang pamatay na litrato ni Jessie para tingnan kung may nakasulat na dedication sa likod nito.  At meron nga!  Ang nakasulat: “Mt 14:27”.  Nagmamadaling kumuha si Jenny ng Bibliya at binuksan sa Mt 14:27.  Ano po ang nasusulat sa Mt 14:27?  Heto po: “Huwag kayong matakot; si Jesus ito.”

Jesus din po pala ang tunay na pangalan ni Jessie.  Palayaw niya lang ang Jessie.  Pero ang Jesus na tinutukoy sa Mt 14:27 ay hindi po siya kundi ang Panginoong Jesukristo mismo.

“Huwag kayong matakot; si Jesus ito!” – narinig po natin sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Mga kataga po ito ni Jesukristo sa Kanyang mga alagad na nag-akalang multo Siya.

Tayo po, kapag makita natin si Jesus, matatakot kaya tayo?  Kapag nagpaparamdam sa atin ang Panginoong Jesus, ang bukambibig ba natin ay “multo”?

Si Propeta Elias, sa unang pagbasa po ngayon, ay pinaramdaman ng Panginoon.  “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan Ko,” wika sa kanya ng Panginoon.  Dumaan daw po ang napakalakas ng hangin – anong lakas at sumabog ang mga bundok at nagkadurug-durog ang mga bato – subalit wala sa hangin ang Panginoon.  Lumindol din daw po pero wala rin sa lindol ang Panginoon.  Kumidlat pa; wala pa rin ang Panginoon.  Subalit nang marinig po niya ang banayad na tinig na animo’y bumubulong, itinakip ni Elias ang kanyang balabal sa kanyang mukha at tumayo siyang nakaantabay sa bunganga ng yungib sapagkat naroroon na ang Panginoon.

Pero may hindi po sinasabi sa atin ang kuwento ng unang pagbasang ito.  Bakit nga ba nasa bundok ng Horeb si Propeta Elias?  Kaya po nasa bundok ng Horeb si Propeta Elias ay sapagkat tumatakas siya kay Reyna Dyesebel.  Pinatay po kasi ng Propeta ang mga bulaang propeta ni Reyna Dyesebel na sumasamba sa mga diyus-diyosan.  Kaya naman po, hinahabol siya ng reyna upang patayin din.  At sa pagtatago niya, nakarating si Propeta Elias sa bundok ng Horeb at tsaka nagsimula ang kuwento ng unang pagbasa natin ngayon.

Nasa sitwasyon po ng matinding pagkatakot si Propeta Elias nang magparamdam sa kanya ang Panginoong Diyos.  Humanahap siya ng kakampi laban sa reynang pasimuno ng pagsamba kay Baal at sa mga diyus-diyosan.  Kung paanong kagila-gilalas na pinatunayan ng Diyos na bulaan ang mga diyus-diyosan ni Reyna Dyesebel at mga propeta nito, at Siya lamang ang iisa at tutoong Diyos, nang tupukin Niya ng apoy mula sa langit ang makapitong beses na binasang mga handog ni Elias sa bundok ng Carmel, inaasahan sana ng Propeta na kikilos din ang Panginoong Diyos nang buong lakas at bagsik para puksain ang mga humahabol sa kanya para patayin siya.  Subalit, taliwas sa nais sana niya, nagparamdam kay Elias ang Panginoong Diyos nang walang anumang kabagsikan o lakas.  Sa halip, ang Panginoong Diyos ay dumating nga po sa Propeta bilang isang banayad na tinig.

Sa buhay po natin, paaano dumarating ang Panginoong Diyos?  Paano po Siya nagpaparamdam sa atin?  Sa ano pong mga sandali sa ating buhay higit nating hinahanap ang Diyos?  Ano po ang inaasahan nating pagpaparamdam Niya sa buhay natin?  Nakikilala po ba natin Siya?

Sa Ebanghelyo natin ngayong araw na ito, hindi po agad nakilala ng mga alagad si Jesus.  Nang makita nilang naglalakad Siya sa ibabaw ng tubig, sa halip na matuwa sila, natakot daw po sila at nagsisisigaw, “Multo!  Multo!”  Aha, dati-rati, “Rabi” ang tawag nila kay Jesus, pero ngayon “Multo” na!  (Anyare?)

Kung sabagay, kakila-kilabot naman po talaga ang makakita ng taong lumalakad sa ibabaw ng tubig, hindi ba?  Wala pong taong nakapaglalakad sa tubig.

Ang tubig ay marami pong ipinaaalala sa mga Judyo.  Bukod sa pamatid-uhaw, pantawid-buhay, at panlinis, para sa mga Judyo, ang tubig ay sagisag din po ng kaguluhan at kamatayan.  Ayon po sa Gen 1:1-2, nang simulang likhain ng Diyos ang mga langit at lupa, ang lupa ay walang-anyo at walang-laman, at ang kalaliman ay natatakpan ng kadiliman, subalit ang Espiritu ng Diyos ay umaaligid sa ibabaw ng mga tubig.  May mga tubig na raw po bago pa likhain ng Diyos ang mga langit at lupa, kaya lang wala pong anyo at wala ring laman.  Ibig-sabihin, bago ang paglilikha, mistulang larawan ng kaguluhan ang lahat.  Sa wikang Griyego, kaos ang tawag roon (Dito po nagmula ang katagang “chaos” sa wikang Ingles).  Subalit nilagyan ng Diyos ang kaos (χάος) ng kaayusan at nabuo ang kosmos (κόσμος).  Kaya nga po, ipinaaalala ng tubig sa mga Judyo ang kaguluhang higit pa sa sinauna bagkus ay bago ang mga unang bagay sa lahat.  Ang alaala rin po ng baha noong panahon ni Noah, ng tubig sa Ehipto na naging dugo noong panahon ng mga peste, at ng Dagat na Tambo na disin sana’y hindi natawid ng mga Israelitang tumatakas sa mga kawal ng Pharaoh ay nagpapatingkad sa tubig bilang kasangkapan ng kamatayan para sa mga Judyo.  Subalit sa ibabaw ng tubig, ito man po ay sa pakahulugan ng kaguluhan o kamatayan, tanging Diyos lamang ang may kapangyarihan.  Nasa Diyos po ang kaayusan at buhay laban sa kaguluhan at kamatayang sinasagisag ng tubig.

Kundi ang Diyos mismo ang naglalakad sa ibabaw ng tubig, malamang nga ay multo ito.  At dahil hindi pa po ganap at buo ang pananampalataya ng mga alagad kay Jesus bilang Anak ng Diyos, nang maaninag nilang may naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanila, hindi muna nila inakalang si Jesus iyon kundi ang agad nilang sigaw ay “multo!”

Hindi po affected si Jesus.  Hindi katulad natin, minsan kapag hindi tayo nakilala agad o kinilala agad, affected na affected tayo.  Minsan pa nga, sa loob-loob natin, nasasabi natin, “Multo pala ha, puwes, manigas kayo.  Ako ito; matakot kayo!”  Kapag ganyan po tayo, kabaliktarang-kabaliktaran tayo ni Jesus at ng Kanyang sinabi sa mga alagad sa kabila ng paghinalaan nila Siyang multo.

“Huwag kayong matakot; si Jesus ito!” wika ng Panginoon.  Katulad ng mapanganib na kinalalagyan ng mga alagad sa Ebanghelyo ngayon – sinasalpok ng mga alon ang bangkang sinasakyan nila sapagkat pasalungat ito sa hangin – dumarating si Jesus at higit po Siyang nagpaparamdam sa atin sa mga panahong binabayo ng malalakas na pagsubok ang buhay natin.  Sa kadiliman ng anumang pinagdaraanan natin, bigla po nating napapansin si Jesus na kasa-kasama pala natin.  Naglalakad din po Siya sa ibabaw ng mga tubig – mga kaguluhan at kamatayan – sa ating buhay.  Nasa ilalim po Niya ang mga tubig na nagbabantang lunurin tayo.

Gusto rin po ba nating lumakad sa ibabaw ng tubig?  Gusto po ba nating lumakad kasama ni Jesus sa ibabaw ng tubig?  Katulad ni Simon Pedro, di miminsan na rin po nating nasabi kay Jesus, “Panginoon, kung talagang Kayo po iyan, papariyanin nga Ninyo ako sa ibabaw ng tubig.”  At di rin po miminsang sinagot na tayo ni Jesus kung paano Niya sinagot si Simon Pedro, “Halika.”  Kung gusto po nating makalakad sa ibabaw ng tubig, kasama at katulad ni Jesus, kailangan po muna nating lumunsad sa ating bangka.  Hanggat hindi po tayo lumulunsad sa bangka, hindi tayo makalalakad sa tubig.  If you want to walk on water, then get out of the boat!  Hindi po tayo makalalakad sa ibabaw ng mga tubig natin sa buhay kung ayaw nating lumabas ng ating comfort zones.  Ngunit paglunsad natin sa bangka, ipako po natin ang ating tingin kay Jesus at hindi sa mga alon at hangin.  Buong pagtitiwala po tayong manalig na hindi papayag si Jesus na tuluyan tayong lamunin ng tubig.

“Huwag kang matakot; si Jesus ito!” ito po ang bulong ng banayad na tinig sa gitna ng unos ng ating buhay.  Pakinggan po natin.  Paniwalaan po natin.  Pagtiwalaan po natin.  Hindi tayo pababayaan ni Jesus.

Pero sana po huwag din nating pababayaan ang isa’t isa.  Masabi rin po sana natin nang makatotohanan sa isa’t isa, “Huwang kang matakot; ako ito”, kahit pa sa unang tingin baka mukhang multo tayo.


0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home