SI SAN PEDRO AT SAN PABLO – MGA HALIGI NG SANTA IGLESIYA
Dakilang Kapistahan nila San Pedro at San
Pablo
Mt 16:13-19 (Gawa
12:1-11 / Slm 34 / 2 Tim 4:68, 17-18)
Ipinagdiriwang po natin ngayong araw
na ito ang Dakilang Kapistahan nila San Pedro at San Pablo ang dalawang haligi
ng Santa Iglesiya. Subalit ang
ikinukuwento po dalawang unang pagbasa natin sa Banal na Misang ito ay malayo
sa pakiramdam ng pagdiriwang. Sa halip,
damang-dama po natin ang pag-uusig.
Sa unang pagbasa pa lang po, madugo
na! Pinapugutan ni Haring Herodes ng ulo
si Santiago Apostol. Si Santiago, isa po
sa Labindalawang Apostol, ang siyang namumuno sa sambayanang Kristiyano sa
Jerusalem, kaya naman po matinding kalungkutan at pagkasindak ang bumalot sa
mga mananampalataya sa Jerusalem nang si Santiago ay papugutan ni Haring
Herodes ng ulo.
Kasama
ang kapatid niyang si Juan at si Simon Pedro, isa po si Santiago sa tatlong
malalapit na alagad ni Jesus. Sa
mahahalagang sandali ng buhay ni Jesus, naroroon po silang tatlo. Sa pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok ng
Tabor, sa pagbuhay ni Jesus sa batang babae, at sa paghihinagpis ni Jesus sa
hardin ng Gethsemane, halimbawa po, naroroon si Simon Pedro, Santiago, at
Juan. At hindi lang po nagkataong
naroroon sila sapagkat, sa tuwing babanggitin ng mga Ebanghelyo ang mga
pangyayaring ito, tila sinasadya talaga ni Jesus na silang tatlo lamang ang
Kanyang makasama. Kaya naman po, hindi
rin nakapagtataka na ipinagkatiwala ni Jesus sa kanila ang ilang mahahalagang
gampanin: si Juan ang nangalaga kay Mariang ina ni Jesus, si Santiago ang unang
episkopos o tagapangalaga ng
sambayanang Kristiyano sa Jerusalem, at si Simon Pedro naman po ang pinuno ng
Labindalawang Apostol at itinuturing na kauna-unahang Santo Papa ng Santa
Iglesiya.
Nang
makita po ni Haring Herodes na ikinalugod ng mga hindi Kristiyano ang
pagpapapugot niya ng ulo ni Santiago, naturalmente,
si Simon Pedro ang sunod niyang pakay.
Kaya, ayon po sa unang pagbasa, ipinadakip na niya si Simon Pedro. Subalit sa halip na patuloy na panghinaan ng
loob ang mga mananampalataya, sumalok daw po sila ng lakas sa kanilang
sama-samang pagdarasal. At ayon po kay
San Lukas, ang may-akda ng Aklat ng Mga Gawa ng Mga Apostol, dahil sa
panalangin ng nagkakaisang mga mananampalataya, si Simon Pedro ay nakalaya mula
sa bilanguan sa tulong ng isang anghel.
Sa pamamagitan ng mahimalang paglaya ni Simon Pedro, nasaksihan po ng
sambayanang Kristiyano na higit na makapangyarihan ang Diyos kaysa sa sinumang
Herodes.
Ngayon, “throwback” po tayo: mga
dalawang taon bago dakpin at ibilanggo si Simon Pedro, may bumisita sa
sambayanang Kristiyano sa Jerusalem.
Kilala bilang manguusig ng mga alagad ni Jesus, kaya’t gayun na lamang
kung siya ay katakutan ng mga sinaunang Kristiyano: siya po ay si Saul na
taga-Tarsus. Subalit, nang minsang siya
ay nasa daan ng Damascus para usugin ang mga tagasunod ni Jesus, si Saul ay
nagkaroon ng pambihirang karanasan mula sa Diyos upang siya ay magbalik-loob, magbagong-buhay,
at manalig kay Kristo Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Binigyan siya ng Diyos ng bagong misyon – ang
maging apostol para sa mga Hentil – at ng bagong pangalan din po: Pablo. Subalit nang siya po ay nagpunta sa
Jerusalem, para isalaysay ang kanyang karanasan at hinggin ang pagtanggap nina
Simon Pedro at mga kasamang apostol, dalawang linggo lamang siya nakapanatili roon. Ayon po kasi kay San Lukas sa Gawa 9:26, sinubukan
ni Pablo na sumama sa mga alagad ngunit sila ay takot sa kanya; “hindi sila
makapaniwalang tutoong alagad na rin siya.”
Gayon pa man, nagpatuloy pa rin si
Pablo na ipangaral si Kristo, na siya naman pong ikinagalit ng mga Judyong
nagsasalita ng wikang Griyego. Dahil
dito, pinagtangkaan din daw po ang buhay ni Pablo. Maganda pong tandaan na ang mga Judyong ito
na nagsasalita ng wikang Griyego ang siya ring bumato kay Esteban hanggang sa
ito ay mamatay alang-alang sa pananampalataya kay Kristo, at si Pablo naman po
– na noon nga ay Saul pa ang pangalan – ang pangunahing saksing sumang-ayon sa
pagpaslang na ito sa kauna-unahang martir ng Kristiyanismo. Aha, ang dating taga-usig ngayo’y siya nang
inuusig! Kaya upang iligtas siya,
ngayong kapanalig na siya, ilang mga kasapi ng sinaunang sambayanang Kristiyano
sa Jerusalem ang nagdala kay Pablo sa daungan ng Caesarea para maglayag pabalik
sa Tarsus na kanyang pinagmulan.
Hindi po iyon ang huling pag-uusig na
naranasan ng dating taga-usig. Ilang
beses ding dinakip at ibinilanggo si Pablo.
Natikman din niya ang sakit ng hagupit.
Subalit, higit pa sa kung anumang paghihirap, walang kasimpait para kay
Pablo ang kanyang kamalayan na sa tanang buhay niya ay laging may bahid ng
pagdududa sa pagtanggap sa kanya ng mga alagad ni Jesus. Sa Gal 1:1-2, halimbawa po, sinulat po ni
Pablo, “Mula kay Pablo…isang apostol hindi dahil sa kapangyarihan ng tao ni
pagtatalaga ng sinuman kundi hinirang ni Jesukristo….” Tila pakiramdam ni Pablo ay kailangan niyang laging
patunayan na tunay siyang apostol at hindi espiya ng mga umuusig sa mga
sinaunang Kristiyano. Marahil, higit pa
sa kahit ano, ito po ang krus niya sa buhay.
Si San Pedro at si San Pablo – kapwa
may karupukan ngunit tinawag ng Diyos, kapwa may madilim na kahapon subalit
hinirang ni Kristo upang maging Kanyang mga apostol. Alam po nating lahat, tatlong beses na
itinatwa ni Simon Pedro si Jesus at dati naman pong mang-uusig ng mga alagad ni
Jesus itong si Pablo. Sa kabila ng
kanyang kahinaan at sa pamamagitan ng kanyang mga kamalian sa buhay, si Simon
Pedro ay tinuruan ni Jesus ang kababaang-loob at tapat na pagtalima upang siya ay
maging batong lakas at pinunog-lingkod ng Santa Iglesiya. Si Pablo naman po na taga-usig ng mga
Kristiyano ay binago rin ni Jesus at naging walang-kapagurang apostol na
naghatid ng Ebanghelyo sa malalayong lupain: kung hindi po dahil sa kanya
maaaring nanatili na lamang sa Jerusalem ang pananampalatayang Kristiyano at maging
sa atin ay hindi nakarating. Silang
dalawa – si Simon Pedro at Pablo – mga taong nadapa ngunit nakabangon nang
higit pa sa kanilang inakala dahil sa grasya ng Diyos at dahil sa pagiging bukas
nila sa grasyang ito. Si Simon Pedro ang
hirang ni Jesus para pamunuan ang sambayanang Kristiyano at maglingkod bilang
bukal ng pagkakaisa ng mga alagad; si Pablo naman po ang hirang ni Jesus para
maging pinakadakilang misyonero ng Ebanghelyo sa mga Hentil. Bakit po sila? Hindi ko po alam. “Basta, sila ang gusto Ko. Sila ang napupusuan Ko,” isasagot sa atin ni
Jesus kung Siya po ang tatanungin natin.
At nagbunga po ng maraming biyaya ang mahiwagang pagpiling ito ni Jesus sa
marurupok na Pedro at Pablo sapagkat, sa kabila ng kanilang mga kahinaan at mga
kasalanan, si Pedro at Pablo ay buong kababaang-loob na nanatiling mapagtalima
kay Jesukristong pumili, humirang, at nagtalaga sa kanila.
Kapwa pong namatay bilang mga martir
sa Roma, sa ilalim ng paghahari ni Emperador Nero, itong si Simon Pedro at
Pablo. Sa kahuli-hulihang
pagbibigay-saksi nila kay Jesus, wala pong kaduda-dudang mahal na mahal nila si
Jesus. Kapwa silang may pag-ibig na,
hindi lamang mapagtaya’t matapang, kundi walang rin pong pag-iimbot.
Sa Banal na Misang ito, nag-uumapaw ang
ating pasasalamat at papuri sa Diyos dahil po sa kaloob Niya sa ating San Pedro
at San Pablo at sa kahanga-hangang ginawa Niya sa buhay nang dalawang apostol na
ito. Pinalalakas din po ng ating
ipinagdiriwang ang ating kalooban upang kailanma’y hindi tayo mawalan ng
pag-asang tumugon sa tawag at paghirang ni Kristo sa kabila ng ating mga
karupukan. At hinahamon din po tayo na
manatiling mababang-loob at mapagtalima sa ating Pastol upang malaya at
mabisang makakilos ang grasya ng Diyos sa ating buhay hindi lamang alang-alang
sa ating sariling kapakinabangan kundi, higit sa lahat, alang-alang din sa Kanyang
Bayang mahal.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home