01 March 2014

HINDI KITA MALILIMUTAN

Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 6:24-34 (Is 49:14-15 / Slm 61 / 1 Cor 4:1-5)



Napakaganda po ng kantang “Hindi Kita Malilimutan, hindi ba?  Kaya nga po nagtataka ako kung bakit bibihira po natin itong kantahin.  Kadalasan, kapag narinig nating kinakanta ito sa simbahan, ano po ang hinahanap natin?  Patay.  Sinong namatay?  Sayang naman, sa lamay at libing na lang natin kinakanta ang “Hindi Kita Malilimutan”.

Pampatay po ba talaga ang “Hindi Kita Malilimutan”?  Kung pampatay nga ang kantang ito, eh bakit po ito ang ipinasasabi ng Panginoon sa atin sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa unang pagbasa natin ngayong araw na ito?  May patay po ba rito?  Patay na ba tayo?  Kung sabagay, meron ngang mga tao na buhay pa pero mukhang patay na.  Tingnan n’yo nga po ang katabi n’yo.  Buhay pa ba talaga iyan?  Meron din pong buhay pa pero amoy patay na.  Pero, wala pong biro, alam nating tutoong may mga taong wala na ngang ganang mabuhay, hindi ba?  Bakit po sila nagkagayon?  Kasi patay na ang pag-asa nila, patay na ang pananampalataya nila, at patay na rin ang pag-ibig nila.  May kilala po ba kayong taong ganyan?  Buhay pa pero mukhang patay na.

Kayo po, tutoo bang buhay pa kayo?  Kung buhay pa po kayo pero mukhang patay na, aba, kayo nga po ang gustong kausapin ng Diyos ngayon!  Kung wala na po kayong ganang mabuhay dahil lamog na kayo sa sunud-sunod na mga kabiguan, may ipinasasabi ang Diyos sa inyo.  Kung pagod na pagod na kayo sa pagkabalisa, sa pag-aalala, sa kaiisip sa mga pinangangambahan ninyo sa buhay, pakinggan po ninyo ang sinasabi ng Diyos sa inyo ngayon.  Kung ang sakit-sakit na po ng nararamdaman ninyo kaya inaakala ninyong pinabayaan na kayo ng Diyos, kailangang-kailangan nga ninyong marinig ang nais sabihin ng Diyos sa inyo.  “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?  Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?  Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang bunso, Ako’y hindi lilimot sa inyo kahit na sandali.”

Hindi po kayo binobola ng Diyos, binubuhay N’ya kayo.  Hindi N’ya po kayo nililinlang, pinalalakas ng Diyos ang inyong loob.  Mula sa bangungot na nilikha ng kalaban sa buhay ninyo, ginigising kayo ng Diyos sa katotohang, kahit saglit man, hinding-hindi Siya umaalis sa tabi ninyo.  Higit pa sa pag-ibig sa inyo ng inyong sariling ina, iniibig po kayo ng Diyos nang may hindi mapapantayang katapatan.  May mga patunay po si Jesus!  Pagmasdan daw po natin ang mga ibong hindi naman naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa mga kamalig ngunit hindi namamatay sa gutom.  Gayon din daw po ang mga bulaklak na hindi nagpapagal ni humahabi pero kay gaganda nila kaysa sa mararangyang damit ni Haring Solomon.  Anupa’t maging ang mga damo nga raw po na buhay ngayon at iginagatong naman sa kalan kinabukasan ay dinaramtan din ng Diyos.  Tayo pa kaya, gayong ayon sa Salmo 8:5 at sa Heb 2:7, mababa lang tayo nang kaunti sa mga anghel?

Kaya nga po, sinasabi ni Jesus sa ating lahat ngayon: "Huwag kayong mabagabag….  Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?  Kay liit ng pananalig ninyo sa Diyos!  Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakanin, iinumin, o daramtin.  Sapagkat ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos.  Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito.”  Sa halip, ano raw po ang dapat nating maging kaabalahan?  "...pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos, at mamuhay nang ayon sa Kanyang kalooban,” atas sa atin ni Jesus, “at ipagkakaloob Niya ang lahat ng kailangan ninyo."

Ano nga po ba ang “pagsumakitang pagharian ng Diyos”?  Paano nga po ba ang “mamuhay nang ayon sa Kanyang kalooban”?  Sa ating ikalawang pagbasa na hango sa unang sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto, inilalarawan ng Apostol ang taong pinaghaharian ng Diyos at namumuhay alinsunod sa kalooban ng Diyos.  “Mga kapatid,” wika niya, “kami’y mga lingkod ni Kristo, at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos – ganyan ang dapat na maging palagay ninyo sa amin.”  Anong uri raw pong lingkod at katiwala?  Yaon daw pong katiwalang tapat sa kanyang panginoon.  At ang Panginoon po natin ay si Jesus, laging si Jesus, tanging si Jesus.  Wala na pong iba, hindi ba?  Baka meron pa po tayong iba.  Kung si Jesus nga ang nag-iisang Panginoon sa buhay natin, tatanggihan natin, lalayuan natin, kamumuhian natin ang lahat ng karibal ni Jesus.  Kay Jesus lamang natin ilalagak ang ating pagtitiwala sapagkat, paalala po mismo ni Jesus sa atin, “Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa.  Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.”

Kung talagang seryoso po tayo sa pagiging alagad ni Jesus, haharapin nating makatotohanan ang ating sarili, sisiyasatin natin ang ating pamumuhay, kikilalanin kung anu-anu ang mga “kayamanang” karibal ng Diyos sa ating buhay, at tatalikdan sila.  Sa halip na paglingkuran natin nang sabay ang Diyos at ang kayamanan, gagamitin natin ang kayamanan para paglingkuran ang Diyos.  At hindi tayo mangangambang baka tayo mawalan at mapariwara sapagkat matibay po ang ating pananalig sa pangako ng Diyos: “Hindi kita malilimutan.  Hindi kita pababayaan.  Nakaukit magpakailanman sa ‘King palad ang ‘yong pangalan.”

Hindi po pampatay ang kantang “Hindi Kita Malilimutan”.  Pambuhay.  Walang silbi ang lingkod na patay.  Aanhin pa ang katiwalang patay?  Ang buhay na lingkod at katiwala ng Diyos ay laging nakasandig sa pananalig na iniibig siya ng Diyos nang higit sa kanyang inaakala.

Hindi po natin awit sa taong pumanaw ang kantang “Hindi Kita Malilimutan”.  Awit po ito ng Diyos sa atin na paminsan-minsa’y pinananawan ng pagtitiwala sa Kanya.  Hindi po awit ng mga naulila sa kanilang mahal na yumao ang kantang “Hindi Kita Malilimutan”.  Awit po ito ng Diyos sa atin na paminsan-minsa’y inuulila ang Diyos dahil nililisan natin Siya para habul-habulin ang karibal Niya sa ating buhay.

Pero maganda rin pong awitin natin sa isa’t isa ang kantang “Hindi Kita Malilimutan”.  Madalas po kasi ipinadadaan din ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng isa’t isa.  Nabanggit po noon ng ating mahal na arsobispo, ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Kardinal Tagle, na marahil kaya wala nang tiwala ang tao sa Diyos kasi ang tao ay wala nang kapwang mapagkatiwalaan.  Siguro nga po kaya nasasabi ng iba na pinabayaan na sila ng Diyos kasi pinabayaan na sila ng mga taong nangako sa kanilang hindi sila iiwan.  Siguro po kaya may mga nagtatampo sa Diyos, sa pag-aakalang kinalimutan na Niya sila, kasi binabale-wala sila ng mga taong dapat kumalinga sa kanila.

Sa Miyerkules, papasok na po tayong muli sa banal na panahon ng Kuwaresma.  Hahantong tayo sa Mga Mahal na Araw at pagsapit ng Biyernes Santo ay maririnig po nating muli ang nakapangingilabot na himutok ni Jesus sa Mt 27:46, “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”  Pinabayaan po ba talaga ng Diyos Ama si Jesus?  Hindi po.  Alam po natin, hindi.  Ang mga alagad Niya, ang mga kaibigan Niya, ang mga tinulungan Niya, tinuruan, pinatawad, pinakain, dinamayan, inaliw, at ginawan ng kabutihan, ang nagpabaya kay Jesus.  Pero tingnan po ninyo, kahit pa sabihing dinarasal ni Jesus ang ika-22 Salmo nang sabihin Niya mula sa krus ang “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan”, ang dating pa rin ay pakiramdam Niya’y pinabayaan na Siya ng Diyos dahil pinabayaan Siya ng Kanyang kapwa.  Sana po matutunan na natin ang aral na ito: kapag pinababayaan natin ang ating kapwa, para na ring pinababayaan siya ng Diyos.

Tularan po natin ang Diyos sa Kanyang pag-ibig sa lahat.  Huwag nating kalimutan ang ating kapwa.  Huwag po natin siyang pabayaan.  Ganyan po ang tunay na lingkod ni Kristo.  Ganyan po ang katiwalang tapat sa Diyos.  At hindi po pampatay ‘yan.  Pambuhay po iyan.

1 Comments:

At 5:04 PM , Blogger Sally said...

Tnx fr bob. It's been a long time na di na po ako naka pagsimba jan sa manuguit. Na miz ko na ang mga very inspiring homilies nyo po.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home