07 July 2013

NAKAHAHAWANG KAGALAKAN SA PAGMIMISYON

Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 10:1-9 (Is 66:10-14 / Slm 65 / Gal 6:14-18)


Sinasalubong po tayo ng Salita ng Diyos sa napakasayang pagbati.  “Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem!” wika ni Propeta Isaias sa unang pagbasa natin ngayong araw na ito.  Ni hindi nga po ito bati kundi utos.  Inaatasan tayo ng Salita ng Diyos na magalak.  Pero may hinihingi palang katangian sa mga dapat magalak.  “…ang lahat sa inyo na may pagmamahal, wagas ang pagtingin,” wika ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta.  Ang dapat daw pong magalak ay yaong mga marunong magmahal at taus-puso kung makitungo.  Marunong po ba tayong magmahal?  Tayo po ba ay taus-puso’t hindi plastik kung makitungo?  Kung “oo” ang sagot natin sa dalawang tanong na ito, tayo po ang dapat magalak.  Kung pinaghaharian naman po tayo ng kalungkutan at pagkabalisa, baka po dahil hindi tayo talaga nagmamahal at hindi wagas ang ating pagtingin sa kapwa.  Baka lang naman po.

Bakit daw po tayo dapat magalak?  Kakamtin daw po kasi natin ang kasaganahan, uunlad daw po tayo nang walang katapusan, aaliwin daw po tayo ng Panginoon, at makikita raw po natin ang Panginoon na Siyang mismong magbibigay-kagalakan sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mala-inang pag-aaruga.  Wow!  Dama n’yo po ba ang kasabikang maranasan ang lahat ng ito?

Ito po ang pangako ng Diyos sa Kanyang Bayang Israel.  Ito rin po ang pangako Niya sa atin na Kanyang bagong Israel.  Kung paanong sa Lumang Tipan ay pinalaya ng Diyos sa pagkakatapong-bihag ang Israel, gayun din po nama’y pinalalaya tayo ng Diyos sa ating mga pagkakabihag.  At ang malinaw na tanda na talaga nga po tayong malaya sa anumang pagkakaalipin ay nasa pagkatutoo ng ating pagmamahal at pagkawagas ng ating pag-uugali.  Sana po ay maging tunay na malaya tayo at manatili tayong malaya.  Magmahal.  Maging wagas.  Lumaya.  Magalak!

Pero ang kalayaan at kagalakan ay kakaiba sa pananaw ni San Pablo Apostol.  Para sa mga maka-mundo, napakahirap sakyan ang sinasbi ng Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon.  “Mga kapatid,” wika niya sa kanyang sulat sa mga Taga-Galacia, “ang krus lamang ng ating Panginoong Jesukristo ang siya kong ipinagmamapuri.  Sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang krus, ang sanlibuta’y patay na para sa akin at ako’y patay na para sa sanlibutan.  Sapat na ang mga pilat ko, para makilalang ako’y alipin ni Jesus.”  Krus, patay, mga pilat, alipin – paano po ito maipagmamapuri ninuman?  Parang hindi kalayaan ang ipinahihiwatig ng mga katagang ito.  Kakaiba ang mga batayan ng kagalakan ni San Pablo Apostol.

Kakaiba nga po at di-kaaya-aya ang kagalakang ipinagmamapuri ni San Pablo kung ihihiwalay natin ang mga katagang krus, patay, pilat, at alipin sa pangalan ni Jesus.  Hindi basta krus, kamatayan, sugat, at kaalipinan ang binabanggit ng Apostol.  Ang krus na ipinagmamapuri ni San Pablo ay ang krus ni Jesukristo at ang sugat, kamatayan, at kaalipinan na binabanggit niya ay yaon lamang mga dinaranas niya alang-alang sa Panginoon.  Kapag ang isang tao’y nagmamahal nang wagas, minamatamis niyang magdusa kaysa mawalay sa kanyang minamahal.  Para sa isang taong tunay na nagmamahal, anumang pasakit alang-alang sa minamahal ay hindi lamang kakayanin kundi sadyang yayakapin nang may kakaibang kagalakan at malalim na kapayapaan.  At mahal na mahal ni San Pablo Apostol ang Panginoong Jesukristo.

Tayo po, gaano nga po ba natin talaga kamahal si Jesus?  Ano po ang palagay natin sa mga pagsubok at paghihirap na kaakibat ng pag-ibig natin sa Kanya?  Tingnan nga po natin ang listahan natin ng mga ipinagmamalaki natin, mga ipinagmamapuri natin, mga ikinaliligaya natin.  Kabilang po ba sa listahan natin ang pakikibahagi sa paghihirap at kamatayan ni Jesus?  Hanggang saan, hanggang kailan, hanggang kanino, at hanggang paano po natin mapatutunayan ang pag-ibig natin kay Kristo?

Sa pamamagitan po ng Binyag at Kumpil, tinanggap natin ang Espiritu Santo at ang Kanyang mga kaloob.  Kung taimtim po nating pagsisikapan na dinggin, pakiramdman at tunay na hayaang kumilos sa atin ang Espiritu Santo, patuloy Niya tayong gagabayan at tutulungang maging bagong nilalang.  At ang pagiging bagong nilalang daw po ang tunay na mahalaga, sabi pa ni San Pablo Apostol sa ating ikalawang pagbasa ngayon.  Gaya rin ng sa buhay ni San Pablo, ang pagiging bagong nilalang ay nakikita sa pagbabago ng mga pinahahalagahan sa buhay.  Ang bagong nilalang ay namumuhay nang naaayon sa mga pagpapahalaga ni Jesus sapagkat ang bagong nilalang ay matalik nang nakaugnay ni Jesus.  Anupa’t sinabi rin po ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Taga-Filipos (1:21), “…mihi enim vivere Christus est et mori lucrum” o, sa atin pa, “Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Kristo at ang mamatay ay pakinabang.”  Samakatuwid, para po tayo maging mga bagong nilalang kay Kristo Jesus, para ang mabuhay nga sa ganang atin ay si Kristo, dapat muna tayong mamatay sa ating sarili.

Tulad ng binhing nahulog sa lupa at namatay, ang pagkamatay sa sarili tungo sa pagiging bagong nilalang kay Kristo ay namumunga nang masagana.  Kung hindi po ito dadanasin ng binhi, ang binhi ay maiiwang isang binhi lamang, sabi pa ng Panginoon sa Jn 12:24.

Sa pamantayan ng mundo, palabo nang palabo po yata ang kahulugan ng kagalakang isinasalubong sa atin ng Salita ng Diyos ngayong araw na ito.  Sa Pananampalatayang Kristiyano, matalik na magkakaugnay ang kagalakan at kalayaan sa kamatayan sa sarili at kaalipinan kay Kristo.  Kaya naman po, hindi lahat ng tao ay nakikinig at nananampalataya sa hatid nating Ebanghelyo.  Hindi lahat ay yumayakap kay Jesus kaya’t huwag na rin po nating asahang tatanggapin tayo ng lahat ng tao.  Sapat na sa atin ang maibalita natin si Jesus at ang paghahari Niya sa pamamagitan ng salita at, higit sa lahat, gawa.  Karangalang malaki na para sa atin ang maging mga alagad Niya.  At sa ating pagsisikap na sana’y makarinig ng Ebanghelyo ang lahat ng tao at mapabilang sa pinaghaharian ng Diyos, kagalakan na nga po nating di-malirip ang maging mga misyonero ng pag-ibig ni Kristo.

Isang teologong nagngangalang Emil Brunner ang nagsabing “Ang Iglesiya ay umiiral sa pamamagitan ng pagmimisyon kung paanong ang apoy ay lumiliyab sa pamamagitan ng pagsusunog” (“The Church exists by mission as fire exists through burning”).  Imposibleng ihiwalay ang apoy sa sunog, hindi po ba?  Gayon din naman po, imposibleng paghiwalayin ang Iglesiya at ang pagmimisyon.  Ang pagmimisyon ay hindi isang kaabalahang ginagawa ng Santa Iglesiya.  Ang pagmimisyon ay kung ano mismo ang Santa Iglesiya.  At tayong lahat na naririto ay bahagi ng Santa Iglesiyang ito.  Lahat tayong mga binyagan ay mga misyonero.  Anuman ang ating kani-kaniyang estado sa buhay, bokasyon na niyakap, at kaabalahan sa araw-araw, tupdin po nawa natin ang ating misyon na ipakilala nang may nakahahawang kagalakan ang pinipintig ng ating puso: si Jesus, tanging si Jesus, laging si Jesus.

2 Comments:

At 3:51 PM , Anonymous Anonymous said...

Maraming salamat po, Mahal na Padre, sa magandang homily. Kapwa po nating ipanalangin ang isa't isa upang, tulad ng inyong sinasabi na anuman ang ating kani-kaniyang estado sa buhay, bokasyon na niyakap, at kaabalahan sa araw-araw ay malaya nating tupdin ang ating misyon na ipakilala nang may nakahahawang kagalakan ang pinipintig ng ating puso: si Jesus, tanging si Jesus, laging si Jesus.

 
At 7:50 PM , Anonymous Anonymous said...

napakasarap ng mga binahagi ninyo, Father...naway mapalalim pa ang aming pagnanasa sa mga salita ng Diyos..tanging si Jesus lamang ang aking galaw at isip..mabuhay ang mga Kristiyano..ang Romano Katoliko...salamat sa lahat!!

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home