TATTOO
Ikadalawampu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 7:1-8, 14-15, 21-23 (Dt 4:1-2, 6-8 / Slm 15 / Snt 1:17-18, 21b-22, 27)
Usung-uso po ngayon ang pagpapa-tattoo. May tattoo ba kayo? Anong tattoo ninyo? Saang parte po ng katawan kayo may tattoo? Sunod ba kayo sa uso?
Sa makabago nating panahon ngayon, pati pala kolorete sa mukha puwede nang i-tattoo: manipis na kilay, labing mapula, nunal na mala-Nora Aunor, at mga bituin sa leeg katulad ng kay Vice Ganda. May tattoo na ring singsing at pulseras. Ano pa ba?
Noong mas bata pa ako, bibihira po ang may tattoo. Hindi kasi maganda ang tingin ng nakararami sa iyo kapag may tattoo ka. Ang sabi ng matatanda noon, wala raw urbanidad ang taong nagpapa-tattoo. Siguro kaya sabi-sabi nila iyon noon kasi dati mga taong katutubo lamang ang may mga tattoo sa katawan. At dahil ang mga taong katutubo ay naninirahan sa mga pamayanan sa kabundukan, binabansagan din ang mga taong nagpapa-tattoo na parang “taong bundok”.
Dati-rati pa, kapag may tattoo ka, bubulung-bulong ang mga nakakikita sa iyo: “mukhang galing ito ng munti…muntinlupa.” Noong mas bata pa po kasi ako, mga preso lamang ang nagta-tattoo. Siguro, para labanan nila ang kabagutan sa loob ng bilangguan, ipinahahayag ng mga preso ang kanilang mga loobin sa pamamagitan ng pagta-tattoo.
Ganun naman po talaga, hindi ba? Ang nagpapata-tattoo ay nagpapahiwatig ng niloloob. Ang tattoo ay panlabas na tanda ng nasa loob. Kung in-loved, mga puso ang tattoo o kaya ay mukha o pangalan ng minamahal. Kung musikero, mga may kinalaman sa musika ang pinata-tattoo. Kapag nangangarap ng paglaya, mga simbolo ng kalayaan ang tattoo sa katawan, at kapag may pagka-relihiyoso naman ay mga bagay na nagpapa-alala ng kabanalan.
Noong nakaraang bakasyon, tatlong araw yata kami sa beach. Isang umaga, naisipan ko pong magpa-tattoo. Wala lang, gusto ko lang subukan. Huwag n’yo na pong hanapin kung saang parte ng katawan ako nagpa-tattoo. Burado na. Hindi naman po kasi permanenteng tinta ang ginamit; henna lang. Pero kahit na hindi permanente, at alam kong ilang linggo lamang ay mabubura rin, medyo natagalan din po akong pumili ng disenyong ipata-tattoo. Ang gusto ko kasing tattoo ay ‘yung nagpapahiwatig sa lagi kong iniisip, nilalaman ng aking puso, at niloloob ko. Ang tagal ko po talagang naghanap. Iniabot na sa akin ng artist ang lahat ng mga album ng mga disensyo n’ya. Hulaan ninyo kung ano ang pina-tattoo ko. Ano pa po, eh di krus! Isang buwan akong may tattoo na krus sa magkabilang braso.
Kayo po, kung kayo ay magpapa-tattoo, ano ang ipata-tattoo ninyo? Mahahalata ba namin kung ano ang nasa loob ninyo kapag nakita namin ang tattoo ninyo?
Para sa iba, taboo ang pagpapa-tattoo. Marumi ang tingin nila sa mga taong may tattoo.
Ang taboo ay mga gawing labag sa tanggap na kaugalian ng isang pamayanan. Gaya halimbawa sa ebanghelyo ngayong Linggong ito. Kaugalian ng mga Judyo ang paghuhugas ng kamay bago kumain. Hindi lamang ito kaugaliang pangkalinisan para sa kanila kundi ipinag-uutos rin ng kanilang relihiyon. Kaya naman, para sa mga Judyo, ang taong hindi naghuhugas ng kamay bago kumain ay narurumihan ang buong pagkatao dahil sa kanyang gawang panlabas.
Baliktad para kay Jesus: ang tunay na nagpaparumi sa tao ay hindi ang anumang nagmumula sa labas ng tao kundi sa loob. Sa loob nagsisimula ang karumihan, hindi sa labas. Ang nilalaman ng kalooban ng tao ang tunay na nagpaparumi sa kanya. Ke-linis-linis man ng katawan natin, kung nanlilimahid naman ang puso natin sa inggit, galit, o paghihiganti, marumi pa rin tayo. Kahit pa flawless ang katawan mo pero kung inaanay naman ang isip mo ng kahalayan, kayabangan, o kasinungalingan, tadtad ka pa rin ng sugat; nagnanaknak pa. Bagong ligo man ako pero kung ako ay mapanlait ng kapwa, tsismoso, mapanira, o mapanghusga, amoy imburnal pa rin ako. Ang tunay na mahalaga ay ang nasa kalooban ng bawat-isa sa atin dahil, ang sabi po ni Jesus, “sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa tao na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.” Napakahalagang aral nito kung kaya’t kahit pa labagin ni Jesus ang itinuturing na taboo ng lipunang kinagagalawan Niya at ng Kanyang mga alagad, gagawin at gagawin Niya ang ginawa Niya sa ebanghelyo ngayong araw na ito. Ipinagtanggol ni Jesus ang Kanyang mga alagad sa paghuhusga na marumi sila dahil lamang hindi sila naghugas ng kanilang mga kamay bago kumain.
Maruming tao ba ang may tattoo sa katawan? Ano po sa palagay ninyo? Ako po, gusto ko munang makita kung ano ang tattoo niya, dahil madalas man kaysa hindi ang tattoo niya ang magsasabi kung ano ang nasa kalooban niya. Nauna nang nakatatak sa isipan niya kung anuman ang ipina-tattoo niya sa balat niya. Malaon nang nakaukit sa puso niya kung anuman ang pina-tattoo niya.
Tayo po, ano bang nakatatak sa isipan natin? Ano ang nakaukit sa puso natin? Ano ang laman ng kalooban natin? Hindi man tayo magpa-tattoo – at hindi naman kailangang magpa-tattoo – makikita’t makikita sa ating pag-uugali ang nakatatak sa isipan natin, nakaukit sa puso natin, at laman ng ating kalooban. At yaon ang magsasabi kung marumi nga tayo o tunay tayong malinis.
Burado na po ang krus na pina-tattoo ko sa magkabilang braso ko. Pero patuloy po akong nagsisikap na huwag mabura sa puso ko ang tattoo ni Kristo.
Kayo, anong tattoo ng puso ninyo?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home