ANG HAPLOS DIYOS: HAPLOS NA MABUNGA
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 15:1-8 (Gawa 9:26-31 / Slm 21 / 1 Jn 3:18-24)
Natatandaan po ba ninyo nang minsa’y sinumpa ni Jesus ang puno ng igos? Hinahanapan kasi Niya ito ng mga bunga pero wala Siyang makita. Nang isumpa raw ito ni Jesus, natuyo na lamang ito at namatay. Mababasa ito sa Mt 11:12-14.
Sa Lk 13:6-9 naman ay isinasalaysay ni Jesus ang talinhaga tungkol sa isang may-ari ng lupain. Hinahanapan ng bunga ang isang puno. Nang walang matagpuan, inutusan ng may-ari ang kanyang lingkod na putulin na lang ang puno, pero nakiusap ang lingkod na bigyan pa ng isang taon ang puno at baka mamunga pa; kung pagkatapos ng isang taon ay wala pa rin itong ibunga, maaari na itong putulin.
Napakalinaw: naghahanap si Jesus ng mga bunga. Kaya naman, inaatasan ni Jesus ang Kanyang mga alagad noon at tayo rin naman ngayon na mamunga at mamunga nang masagana. Ang tunay na alagad ni Jesus ay dapat na mabunga (fruitful) at hindi mabongga (showy). Mabunga ba tayo o mabonga? Dapat lagi tayong magbantay na hindi naisasakripisyo ng kabonggahan ang pagiging mabunga. Kung hindi maiiwasang maging mabongga, ayos lang basta siguraduhing bonggang-bongga rin ang bunga. Kung wala namang mabuting bunga, huwag na lang. Hindi bongga ang nais ni Jesus kundi bunga. Ang tunay na kagalakan ni Jesus ay nasa pagkamabunga natin at hindi sa kabonggahan natin sapagkat nasa sa pagiging mabunga raw natin ang kaluwalhatian ng Diyos, hindi sa pagiging mabongga natin.
Kung tunay ngang gusto nating maging mabunga, kailangan daw nating hayaan ang Ama na tayo ay tabasan. Yaon lamang daw mga natatabasan ng Diyos, ika ni Jesus, yaon lamang daw napuputulan at nalilinis ng Ama, ang nakapamumunga nang masagana. Nagpapatabas ba tayo sa Diyos? Anu-ano na ba ang pinutol ng Diyos sa buhay mo? Nagtitiwala ba tayo talaga sa Diyos kaya’t hinahayaan natin Siyang linisin tayo, alisin ang mga sagabal sa ating paglago at pamumunga nang masagana, putulin ang dapat putulin sa buhay natin, at tabasin ang mga hindi naman talaga kailangan para mabuhay nang matuwid at maligaya? Hayan, baka nandito ang dahilan kung bakit minsan ay hungkag na hungkag ang ating pakiramdam, tuyung-tuyo ang ating diwa, at ang buhay man tayo ay wala naman tayong kabuhay-buhay. Baka mabongga nga tayo pero hindi naman mabunga kasi ayaw nating magpatabas sa Diyos kaya naman puro tayo kolorete sa katawan at kung anu-ano ang ating ka-ek-ekan sa buhay.
Ano nga po ba ang ibig sabihin ng mamunga nang masagana? Ang ibig sabihin ng mamunga nang masagana ay ang pag-umapawin ang mabubuting gawa para sa kaharian ng Diyos. Hindi kontento ang Diyos sa mga gawaing mabuti na paminsan-minsan lang. Dapat palagi tayong gumagawa nang kabutihan sa kapwa, kahit pa ang kapwang iyon ay hindi natin kakilala o kaibigan o kahit pa hindi natin kasundo. Nais ng Diyos na tayo ay maging ganap katulad Niya na pinasisikat ang araw at pinapapatak ang ulan sa mabubuti at masasama. Kung minamahal nga natin Siya nang buo nating puso, buo nating kaluluwa, buo nating pag-iisip, at buo nating lakas, dapat din nating ibigin ang ating kapwa hindi lamang gaya ng pag-ibig natin sa sarili kundi katulad din ng pag-ibig sa atin ng Diyos. At sa pagmamahal nating ito sa Kanya at sa ating kapwa, inaasahan ng Diyos na gagamitin natin sa kasukdulan, ngunit responsible, ang mga kaloob na ipinagkakatiwala Niya sa atin. “Ad majorem Dei gloriam!” (“Para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos”) – ito ang bukambibig ni San Ignacio ng Loyola na nagtatag ng orden ng mga Jesuita, ito rin ang dapat na maging panuntunan ng sinumang seryoso sa pagsunod kay Jesus. Kung tunay tayong mga Kristiyano – at, samakatuwid, nagsisikap tumulad kay Jesus sa pagmamahal sa Diyos at kapwa – hindi puwede ang “puwede na ‘yan!”
Puwede ba sa inyo ang “puwede na ‘yan”? Papayag ba kayong “i-puwede-puwede na ‘yan” na lang kayo? Palagay ko, hindi. Pero ilang beses na kaya natin “pinuwede na ‘yan” ang Diyos?
Gusto n’yo bang “pinu-puwede-puwede na ‘yan” na lang ang Diyos? Siyempre, hindi. Kung gayon, pagsikapan nating mamunga nang masagana para sa Kanya. Gayunpaman, kung aasa tayo sa ating sariling lakas lamang natin, mabibigo tayo. Pinaaalalahan tayo ni Jesus na kung nais nating maging mabunga para sa Diyos dapat tayong manatili sa Kanya. Tulad ng mga sanga, dapat tayong palaging naka-ugnay sa puno ng ubas na walang-iba kundi si Jesus. Naka-ugnay ba tayo talaga kay Jesus? Minsan kung sinu-sino ang kadikit natin; kahit hindi dapat dikitan, dikit nang dikit. Minsan kung kani-kanino tayo sumasabit; ang iba pa pakabit-kabit. Pero kay Jesus – matibay ba ang kapit natin? Baka naman, sa sarili nating kapabayaan, naputol na tayo sa puno ng ubas at kung anong puno na ang pinagkukuhaan natin ng lakas at buhay. Si Jesus pa ba talaga? Iisa ang pamantayan na ibinibigay sa atin ng ikalawang pagbasa ngayong araw na ito: “Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.” Eh, sino nga po ba ang nasusunod sa buhay natin? Ang Diyos pa ba talaga?
Sa unang pagbasa ngayong ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon, kinikilala ni Pablo, na dating si Saulo, ang halaga ng pagiging nakaugnay sa puno kung kaya’t pinagsikapan niyang mapabilang sa mga alagad sa Jerusalem. Hindi siya dapat umarangkadang mag-isa. Sa daan patungo sa Damasco, nang ipaunawa sa kanya ng pangitain na si Jesus ang kanyang inuusig gayong para sa kanya ang mga alagad ni Jesus lamang ang kanyang inuusig, naliwanagan si Pablo na ang mga nananalig at sumusunod kay Jesus ang bumubuo sa katawan ni Jesus. Dapat siyang mapabilang sa katawang iyon. Kailangan niyang masanga sa iisang puno ng ubas na iyon. Ngunit dahil noon una’y inuusig nga niya ang mga alagad ni Jesus, hindi naging madali para kay Pablo ang kilalanin at tanggapin ng mga sinaunang Kristiyano na siya nga ay ka-sanga na nila. Subalit hindi pinanghinaan ng loob si Pablo; bagkus, sa buong buhay niya magmula noon ay pinagsikapan niyang patunayan ang kadalisayan ng kanyang pagbabagong-buhay sa pamamagitan ng walang-kapaguran sa pangangaral ng Ebanghelyo at pagbuo ng mga sambayanang Kristiyano sa iba’t ibang lugar magpahanggang siya mismo ay usigin at patayin dahil sa kanyang pananampalataya kay Kristo. Sa iba’t ibang paraan at sa maraming beses, tinabasan ng Diyos si Pablo upang mamunga nang masagana.
Sinabi ni Dietrich Bonhoeffer, isang batikang teologo at manunulat mula sa Alemania, “The hand of God is at times the hand of grace and at other times the hand of suffering, but it is always the hand of love.” Ang kamay raw ng Diyos minsan ay kamay ng pagbibiyaya at minsan naman ay kamay ng pagdurusa, ngunit lagi itong kamay ng pag-ibig. Iisa lang ang haplos ng Diyos: laging haplos ng pagmamahal. Minsan nga kaaya-aya, pero minsan may kirot ang haplos na ito. Pero laging mabuti ang ibinubunga ng haplos na ito. Pahahaplos ba kayo sa kamay ng Diyos?
3 Comments:
Hi Fr.Bobby! I found your blog very interesting and helpful to us.
I hope you wouldn't mind if I link your site to my blogroll.
Thanks and God bless you Father.
http://faithhopelove-cor.blogspot.com/
Panginoon aming Ama, tulungan mo kami na matanggap na bukal sa aming puso kung kailangang may tabasin sa aming buhay para kami ay mapalapit lalo sa iyo. Patnubayan mo kami na lagi kaming nasa iyong piling at gumagawa ng mga bagay na ayon sa iyong plano para sa amin. Hinihinling namin ito sa pamamagitan ng grasya ng iyong anak na si Jesus at sa panalangin ng Mahal na Birheng Maria.
marami pong salamat sa inyo. shalom! +
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home