04 April 2012

SUMAPIT NA ANG ORAS

Misa sa Takipsilim ng Hapunan ng Panginoon
Jn 13:1-15 (Ex 12:1-8. 11-14 / Slm 115 / I Cor 11:23-26)

Malapit nang matapos ang paglalakbay ni Jesus.  Sumapit na ang oras ngunit ang oras Niya ay hindi na sapat.  Nagkuntsabahan na ang Kanyang mga kaaway at nakaamba na sila sa Kanya.  Hindi lamang ang asawa ni Pilato ang binabangungot.  Pakaunti na nang pakaunti ang mga kaibigan ni Jesus, at nagpasiya Siyang maghapunan sa huling pagkakataon bago mahuli ang lahat.  Bago Siya ipagkaloob sa Kanyang mga kaaway, ipinagkaloob muna Niya ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga kaibigan.

Subalit nang magkatipun-tipon na ang mga magkakaibigan para pagsaluhan ang hapunan, halu-halo rin ang damdaming nag-uumapaw sa silid na kanilang pinagtitipunan.  May hindi pagkakaunawaan.  May kalituhan.  May kalungkutan.  May kirot sa dibdib.  Hindi masakyan ng mga apostol kung anong nangyayari talaga.  At isang tinig ang nagsasabi sa kanila: “Hindi ninyo nauunawaan ang ginagawa Ko ngayon.  Mauunawaan ninyo ito sa kalaunan.”

May kung ano sa punong-abala.  Pagkatapos nilang pagsaluhan ang nakatakdang hapunan ng Paskuwa, may sinasabi ito tungkol sa pagkapinaghati-hati ng tinapay at pagiging dugo ng alak.  May binanggit din tungkol sa nakaambang kamatayan.  At higit pang nakababagabag: isa raw sa kanilang magbabarkada ang magtatraydor sa Kanya.  Pagdiriwang nga ba ito?

Ganito ba talaga dapat maging ang mga huling kabanata ng kuwento?  Mistulang payaso ang hari.  Mukhang prinsepe ng kabaliwan ang prinsepe ng kapayapaan.  Ang Kordero ng Diyos ay mismong Anak ng Diyos?

Nang magtungo sila sa hardin, bakit tinulagan pa Siya ng Kanyang mga kaibigan sa halip na tulungan?  Bakit hindi sila nagpuyat para kausapi’t aliwin Siya, pagaanin ang lumbay at pawiin ang sindak Niya sa bangungot na sinabi Niyang mangyayari sa tutoong buhay?  Bakit ganito ang nangyari?  Bakit ganito pa rin ang nangyayari?

Sa kabila ng matinding karanasan ng pagkatinanggihan, ng pagsubok at ng kabiguan, matibay ang pasya ni Jesus na manatiling tapat sa misyong tinanggap Niya mula sa Kanyang Ama.  Sa bawat hakbang ng Kanyang buhay, kinailangan Niyang magpasiya.  At laging ang Kanyang Ama ang Kanyang kinatigan sa bawat pasiyang Kanyang ginawa.  Sa bawat pasiya para sa Ama, itinataya Niya ang Kanyang Sarili…hindi ang iba…wala nang iba.  At ngayong takipsilim na ito, ang lahat nang Kanyang ginawa at sinabi ay humantong sa kasukdulan.

Nangaral Siyang muli…hindi nakatayo o nakaupo, kundi nakaluhod…hindi sa pamamagitan ng mga salita, kundi sa kilos at gawa.  Ipinakita Niya at hindi isinalaysay, isinagawa Niya at hindi isinalita, ang talinhaga ng Kanyang kaharian: sa Kanyang daigdig na baliktad, ang hari ang siyang alipin, at kung sino ang naglilingkod ay siyang panginoon.  At ang anumang mapaniil, mapang-alipin, mapangbusabos ay napapabilang sa kaabalahan ng kapangyarihang makamundo at hindi sa Kanyang Ebanghelyo ng pag-ibig.  Isa-isa Niyang hinugasan ang maruruming paa ang Kanyang mga kaibigan.

Hindi kataka-takang tumanggi si Simon Pedro.  Hindi ba si Simon Pedro ang kumilala na kay Jesus bilang ang Kristo na Anak ng Diyos na buhay?  Hindi kabigla-biglang nagtutumanggi si Simon Pedrong hugasan ni Jesus ang kanyang mga paa sapagkat ang paghuhugas ng paa ng iba ay gawain lamang ng pinakamababang alipin para sa kultura nila.  Ngunit hinugasan nga ni Jesus ang kanyang mga paa kung paanong hinugasan ni Jesus ang paa nilang lahat.  Lahat...lahat silang labindalawa…unang-una si Simon Pedro, bagamat alam na alam ni Jesus na itatatwa siya nito.  Lahat…lahat silang labindalawa…pati si Judas Iskariote na magkakanulo sa Kanya.  Hinugasan Niya ang paa nilang lahat kung paanong para sa lahat ang alok Niyang mapagpatawad na pagmamahal.

Ngunit ang Kanyang talinhaga ay hindi nagtapos sa paghuhugas Niya ng mga paa Kanyang mga kaibigan.  Mula sa lapag, itinuloy Niya n’ya ito sa hapag.  Ipinagkaloob Niya sa kanila ang pinakamahal na regalong kaya Niyang ibigay sa kanila: ang Kanyang Sarili mismo.  Yaon ang takdang sandali nang maging tinapay at alak si Jesus.  At simula nang araw na iyon magpahanggang pagbabalik Niya sa wakas ng panahon, maaari natin Siyang pagsaluhan nang makabahagi tayo sa Kanyang buhay.

Sa kabila ng sakit, lumbay, at kalituhan, tanggap ni Jesus ang katotohanang ang kapalit ng Kanyang mga pinahahalagahan ay walang iba kundi ang sarili Niyang buhay.  Walang ibang kabayaran para sa Kanyang mga pinaninindigan kundi Siya mismo, ang Kanyang sariling Katawan at Dugo.  Yaon nga ang bayad sa Huling Hapunang ito, at si Jesus ang nagbayad.

Ngayong takipsilim na ito, bitbit natin ang ating iba’t ibang mga kuwento patungo sa hapag ng Panginoon.  Dumudulog tayo sa Kanyang hapag nang dala-dala sa ating mga puso ang mga alaala ng tuwa at luha, tagumpay at kabiguan, kaliwanagan at kalituhan, pagkakabilang at pagka-iniwang nag-iisa.  At sa iisang kalis ng Kanyang dugo ay ibinubuhos natin ito upang mapabanal ng Kanyang buhay na alaala para mapagsaluhan nating lahat.  At sa iisang tinapay ay iniaambag natin ang anumang ating maiaalay para paghati-hatian at maging banal na pakikisalo natin sa Kanyang buhay.

Ngayong takipsilim na ito, ipinakikita sa atin ni Jesus na karapat-dapat nating pag-alayan ng ating buhay ang ating mga pinahahalagahan at pinaninindigan bilang Kanyang mga alagad.  May saysay ang ating pagtataya ng sarili sa ngalan ng ating pagiging mga Kristiyano.  Pinangunahan na tayo ni Jesus; tiyak na hindi tayo maliligaw kung susundan natin ang Kanyang mga yapak.

Ngayong takipsilim na ito, muli tayong inaanyayahan ni Jesus na tularan ang Kanyang ginawa para sa atin.  Hugasan natin ang mga paa ng isa’t isa: maglingkod tayo nang buong kababaang-loob.  Maging tinapay tayo para sa iba: magbigay-buhay tayo sa kapwa.  Maging alak tayo para sa iba: bigyang dahilan natin ang lahat na magalak at magdiwang.  Itaya natin ang ating buhay alang-alang sa kapwa: magmahalan tayo gaya ng pagmamahal sa atin ni Jesus.

Dumating na ang sandali na kailangan kong hubarin ang mga damit pang-Misa na aking suot ngayon.  Kailangan ko itong gawin bago ko hugasan ang mga paa ng labindalawa nating hinirang hindi lamang para kumatawan sa labindalawang apostol ng Panginoon kundi para rin kumatawan sa inyong lahat.  Ganito nga ang ginawa ni Jesus.  Tumindig Siya at hinubad ang Kanyang panlabas na kasuotan.  Sa wikang Griyego na siyang orihinal na teksto ng Ebanghelyo, ang salitang ginamit para sa “hinubad ang Kanyang panlabas na kasuotan” ay tithesin.  Katulad ito ng katagang tithenai na sa wikang Griyego rin ay tumutukoy sa pag-aalay ng buhay ng isang pastol para sa mga tupa.  Kapuna-puna na iisa ang ibig sabihin ng “Hinubad Niya ang Kanyang kasuotan” at ng “Inialay Niya ang Kanyang buhay”.  Nang hubarin ni Jesus ang Kanyang panlabas na kasutoan ipinahihiwatig Niya ang Kanyang kahandaang mag-alay ng buhay.  Ipanalangin po sana ninyo ako at ang lahat ng mga paring-lingkod ninyo na maging laging handang mag-alay ng buhay para sa kawan.

Kayo po ba, handa ba kayong mag-alay ng buhay para sa iba nang buong kababaang-loob at taus-pusong pagmamahal?  Sumapit na ang oras at sana’y ang bawat-isa sa atin ay may sapat na oras pa.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home