MAGHANAP-BUHAY: MAGING BANAL AT MAGPABANAL
Banal
na Alaala ni San Joseng Manggagawa
Mt
13:54-58
Ipinagdiriwang natin ngayon ang banal na alaala ni San
Joseng Manggagawa. Ang pagdiriwang na
ito ay itinatag ni Papa Pio XII noong 1955, hindi lamang upang parangalan si
San Joseng amain ni Jesus kundi upang ipaalala rin sa atin na ang isang matapat
na paghahanap-buhay ay maaari ring maging paraan tungo sa kabanalan. Kapag naghahanap-buhay tayo nang matapat,
pinababanal natin ang ating sarili at ang ating kapwa. Sa pamamagitan ng matapat na
paghahanap-buhay, nakikibahagi tayo sa nagpapatuloy na gawain ng Diyos sa
sanilikha at sa mapantubos na gawin ni Jesukristo para sa sangkatauhan.
Samakatuwid, ang pagbabanat ng buto at pagpapatulo ng pawis,
na hinihingi ng paghahanap-buhay, ay hindi isang sumpang ipinataw sa
sangkatauhan dala ng kasalanan ng unang tao.
Ang paghahanap-buhay ay pagpapala.
Ang maghanap-buhay ay karangalan natin bilang tao, bilang katiwala ng
Maykapal. Ang maghanap-buhay nang
matapat ay napakarangal na pagpapahayag ng ating pagiging nilikha ayon sa
larawan at anyo ng Diyos – ipinaaalala sa atin ng unang pagbasa ngayon, mula sa
aklat ng Genesis, ang malalim na katotohanang ito.. Isang napakahalagang bahagi ng ating pagiging
kabuklod ni Jesukristo ang ating paghahanap-buhay nang matapat.
Subalit hindi lahat ng tao
ay naghahanap-buhay. Maraming dahilan
kung bakit hindi. Merong mga gustong
maghanap-buhay pero walang makuhang hanap-buhay. Kulang sa oportunidad ang madalas idahilan ng
mga walang makuhang hanap-buhay. Merong
gustong maghanap-buhay pero hindi kayang maghanap-buhay. Baka may hadlang na pisikal o kaya ay may
ibang mga responsibilidad siguro kaya hindi nila kayang maghanap-buhay. At meron din naman talagang ayaw lang
maghanap-buhay. Ah, iyan, iyan ang mga
tamad.
May mga taong
naghahanap-buhay para mabuhay at meron din namang mga nabubuhay para
maghanap-buhay. Karamihan sa mga
naghahanap-buhay para mabuhay ay masaya sa kanilang ginagawa. Ngunit lahat ng mga nabubuhay para
maghanap-buhay ay malungkot. Sila ang
mga tinataguriang kayod-kabayo kung magtrabaho kaya sa kalaunan ay nagmumukhang
kabayo na rin. Wala pa silang kuwarenta
pero mukha na silang otsenta. Tingnan po
ninyo ang katabi ninyo, hulaan n’yo kung ilang taon na s’ya.
Meron ding mga taong hindi
patas kung maghanap-buhay. Meron pamatay
ang hanap-buhay: talagang pumapatay sila.
Isang kabalintunaan, isang kahibangan, isang kasinungalingan, hindi ba? Buhay ang hanap pero pumapatay. Hindi sila larawan ng Diyos na laging matapat
sa paggawa. Wala tayong masabi tungkol
sa kanila kundi masamang tao sila.
Meron pang mga hindi
nakakakita na ang kanilang paghahanap-buhay ay pagtulad nila sa Diyos na laging
gumagawa para sa ating patuloy na pag-iral.
Para sa kanila, walang kaugnayan ang kanilang paghahanap-buhay sa
kanilang buhay-espirituwal. Nabubulagan
sila. At marami sa kanila, sa tutoo
lang, nagbubulag-bulagan. Puro kita ang
nasa isip nila pero hindi naman talaga makakita. Basta malaki ang kita, kahit ano gagawin,
pero nabubulagan pa rin sila. Walang
silbi ang anumang kinita natin sa lupa kung hindi naman natin makikita ang Diyos
sa langit, hindi ba?
Meron din namang ang mga
magulang ay naghahanap-buhay nang marangal pero, dahil sa baluktot na
panuntunan ng makabagong mundo, nahihiya ang kanilang mga anak kapag tinatanong
kung ano ang trabaho ng magulang nila.
Tahimik na sila kapag napag-uusapan na ang hanap-buhay ng tatay o nanay
nila. Pero kapag hindi na makaiwas sa
tanong, “Anong trabaho ng tatay mo? Ang
nanay mo, anong trabaho?” may karugtong na “lang” ang sagot: “basurero lang po,
labandera lang po, tsuper lang po, katulong lang po, tubero lang po, kusinera
lang po, karpintero lang po.” Pero,
teka, ayon sa Ebanghelyo natin ngayon (Mt 13:55), hindi ba karpintero rin ang
nakilalang tatay ni Jesus? Nakakahiya ba
‘yun? Hindi, karpintero ang nagtaguyod,
nagpakain, nagpalaki, at nagtustos sa mga pangangailangan ng Anak ng
Diyos! Oo nga, kaya nabuong-tao ang
Salita ng Diyos ay dahil sa sinapupunan ng bukod na pinagpala sa babaeng lahat,
pero kaya naisilang nang ligtas at natutong maging ganap na lalaki ang
Salitang-Nagkatawang-Tao ay dahil sa isang karpintero.
Kayo po, ano ang trabaho
ng tatay n’yo? Ang nanay n’yo,
nagtatrabaho rin ba? Anong trabaho ng
nanay n’yo? Ako po, technician ang tatay ko!
Noong nabubuhay pa s’ya, napakahusay n’yang komumpuni ng airconditiong unit, refrigerator, electric fan,
at iba pa. Sa katunayan, nang
sumakabilang siya, kaaayos n’ya pa lang ng centralized
airconditioning unit sa Arlington kung saan siya binurol. At technician
man s’ya para s’yang celebrity nang pumanaw:
daming bumisita sa burol n’ya – mga pari, mga Obispo, mga artista, mga politico,
at iba pang mga kilalang tao – at ang kardinal pa ng Maynila ang namuno sa Misa
ng paglilibing sa kanyang mga labi.
Napakabait kasi ng tatay ko eh. Di
hamak na mas mabait kaysa sa paring ito.
Technician ang tatay ko! Salamat sa technician na ito; may Fr. Bobby po kayo.
Samantalang
pinasasalamatan natin ngayon ang Diyos para sa iyong hanap-buhay at mga gawaing
kinaaabalahan, hilingin natin sa Kanya ang biyayang lagi tayong maging tapat sa
anumang gawain natin. Samantalang
pinararangalan natin ang lahat ng mga manggagawa ngayong araw na ito, ipagdasal
din natin silang mga walang makitang trabaho at silang mga hindi kayang makapagtrabaho,
pati na rin ang mga tamad magtrabaho.
Samantalang hinihiling natin sa Diyos na Kanyang basbasan ang ating mga
pagsisikap, kumilos din tayo at tulungan ang mga walang-hanap-buhay na
makatagpo ng gawaing naaayon sa kanilang karangalan bilang mga anak ng Diyos at
alagad ni Jesus. Higit nawa nating
maunawaan at maisabuhay ang ating pagiging mga katiwala ng Diyos sa pamamagitan
ng mga responsebilidad natin sa buhay.
Maging mabubuting katiwala nawa tayo katulad ng ating mahal na patron,
si San Jose Manggagawa. Italaga natin
ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay kay San Jose. Kung ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya ang
sarili Niyang Anak, dapat pa ba tayong magdalawang-isip na ipagkatiwala kay San
Jose ang lahat? Siya na buong pag-ibig
na tumaguyod kay Jesus at Maria ay hindi pababayaan tayong mga iniibig ni Jesus
at Maria.
Isang kabalintunaan, hindi
ba, na samantalang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito ang “Labor Day”,
walang labor ngayon (maliban na
lamang sa delivery room ng mga ospital)? Ngayon ay holiday. At ang unang kahulugan ng holiday ay hindi bakasyon. Kaya holiday
ay dahil holy ang day.
Pabanalin natin ang bawat araw sa pamamagitan ng ating pagiging
mabubuting katiwala ng Diyos sa larangan ng paghahanap-buhay at iba pa. Maghanap-buhay: maging banal at magpabanal! Walang bakasyon ang kabanalan at ang tunay na
banal ay ang mabuting katiwala.
San
Jose Manggagawa, aming patron, ipanalangin mo kami at pagpalain ang aming mga
gawa. Amen.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home