IGULONG ANG BATONG NAKATAKIP SA LIBINGAN... SAMA-SAMA...TULUNG-TULONG TAYO
Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo
Mk 16:1-7
“Sino kaya ang ating mapakikiusapang magpagulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” – ito ang pinag-uusapan ni Maria Magdalena, Salome, at Mariang ina ni Santiago habang binabagtas nila ang daan patungong libingan ni Jesus. Napakalaki raw kasi ng batong iyon kaya nag-aalala sila kung paano nila makikita ang bangkay ni Jesus, para mahawakan si Jesus, para buong pagmamahal na mapahiran ng pabangong dala-dala nila. Nang ibaba nila kasi ang bangkay ni Jesus mula sa krus, dali-dali rin nila itong inilibing dahil nagsisimula na noon ang Shabbat na siyang sagradong araw ng pamamahinga para sa mga Judyo; kaya’t hindi nila nabigyan ng nararapat na paglilibing ang bangkay ni Jesus ayon sa kanilang kultura at relihiyon. At ngayong tapos na ang Shabbat, tatapusin nila ang hindi nila natapos.
Pero, tapos na pala!
Naigulong na ang malaking batong nakatakip sa pintuan ng libingan ni Jesus. At hindi lamang iyon: sa labis-labis nilang pagkabigla, wala na rin ang bangkay! At sa halip, isang binatang nakasuot ng mahabang puting damit, nakaupo sa gawing kanan ng pinaghigaan sa bangkay ni Jesus, ang kanilang nakita. “Huwag kayong matakot,” sinabi nito sa kanila. Sino ba naman ang hindi matatakot? Nawawala ang bangkay ni Jesus! Kundi man ito bumangon para multuhin sila, baka naman ninakaw ito ng Kanyang mga kaaway. “Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazareth na ipinako sa krus. Wala na Siya rito,” agad na idinugtong ng binatang nararamtan ng mahabang puting damit, “Siya ay magmuling-nabuhay!” Wala na si Jesus sa libingan. Tapos na. Nabuhay na Siyang magmuli. Tapos na. Natubos na ni Jesus ang sankatauhan mula sa kasalanan. Tapos na. Napagaling na Niya tayong lahat sa kamandag ng kamatayan. Tapos na. Napalaya na Niya tayo at ang kaloob Niya sa atin ay buhay na walang-hanggan. Tapos na.
Tapos na pala. Hindi na kailangang pahiran ng pabango ang bangkay ni Jesus. Wala nang bangkay sa libingan. Hindi na bangkay si Jesus. Hindi na kailangang igulong ang malaking batong nakatakip sa libingan. Bukas na ito. Tapos na ang mga inaalala nila Maria Magdalena na kailangan pa nilang gawin kay Jesus. Wala na silang kailangan pang gawin kay Jesus.
Pero, meron pa pala silang kailangang gawin PARA kay Jesus! “Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa Kanya,” sinabi ng binatang nakita nila sa loob ng libingan. Pagkatapos, idinugtong pa nito, “Kaya, humayo kayo at sabihin ninyo sa mga alagad…manuuna Siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo Siya roon, gay ang sinabi Niya sa inyo.” Tingnan, humayo, at sabihin – ito ang dapat pa gawin ng mga babaeng naunang pagpahayagan ng magmuling-pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo. Ito rin ang atas sa atin.
Tingnan. Walang laman ang libingan. Wala na si Jesus sa libingan. Subalit maaaring ang walang lamang libingan ay hind pa sapat sa marami para tanggaping patunay na si Jesus ay nabuhay ngang magmuli.
Ang sabi ng iba, maaaring ninakaw ang bangkay ni Jesus. Ngunit paaanong nanakawin iyon gayung kay daming mga binayarang kawal para magbantay. Napakalaki at napakabigat pa nga ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Hindi maaaring mabuksan ang libingan nang hindi lumilikha ng alingasngas na mapapansin ng mga kawal. At kahit pa tulog ang mga kawal, imposibleng hindi sila magigising kung may magtangkang igulong ang batong iyon para pumasok sa libingan at nakawin ang bangkay ni Jesus. Malaon pa, may magnanakaw ba na kung nanakawin ang bangkay ng patay ay mag-aaksaya pa ng panahon para hubarin ang mga pinambalot dito at iwan ang mga iyon sa magkabilang dulo ng pinaghigaan sa bangkay nang maayos na nakatiklop? Sa Mt 28:11-15, mismong ang mga kawal pa nga ang natatarantang nag-ulat sa mga punong-saserdote tungkol sa nawawalang bangkay ni Jesus at tinanggap ng mga kawal ding yaon ang malaking suhol mula sa matatanda ng bayan para ikalat ang kasinungalingang ninakaw ng mga alagad ni Jesus ang Kanyang bangkay. Ang mga kaaway mismo ni Jesus ang nag-imbento ng kasinungalingang ang bangkay ni Jesus ay ninakaw ng Kanyang mga alagad.
May nagsasabi ring kinain ng mababangis na hayop ang bangkay ni Jesus. Paanong makakapasok ang mababangis na hayop sa libingang natatakpan nga ng napakabigat at napakalaking bato? Malaon pa, disin sana’y ang mga telang pinambalot sa bangkay ay naiwang gulat-gulanit at nakakalat sa lapag? Wala ring bakas ng dugo na naiulat.
At ang sabi pa ng ilan, hindi naman talaga namatay si Jesus; nawalan lang Siya nang malay. Kaya nang magkamalay na Siya ay bumangon Siya. Pero kung tutoo mang bumangon si Jesus nang balikan ng malay dahil hindi naman Siya talagang namatay, paano naman Siya nakalabas ng libingan? Hindi kayang itulak mula sa loob ang batong nakatakip sa libingan. At mas lalong hindi iyon kayang itulak nang mag-isa ni Jesus. Malaon pa, sa palagay kaya natin, papayag si ang mahal na inang Maria na ilibing si Jesus nang hindi tinitiyak na tutoong patay na ang kanyang Anak?
Walang laman ang libingan dahil nabuhay na magmuli si Jesus. Tingnan hindi para maniwala sapagkat, sa pananampalataya, ang paniniwala ay nauuna sa pagtingin. Maniwala ka nang iyong makita. Tingnan mo hindi para maniwala kundi para mabatid mong natupad na ang sinabi ni Jesus na sa ikatlong araw Siya ay mabubuhay nang magmuli. Tingnan mo hindi para ikaw ay sumampalataya kundi para ikaw ay mabuhayan ng pag-asa.
Kaya naman ngayong nakita mo na, dapat ka nang humayo. Wala si Jesus sa libingan, ano pang ginagawa mo sa kadiliman? Hindi na bangkay si Jesus, bakit ka pa nakakapit sa kamatayan? Kung tunay na nais mong sundan si Jesus, kailangan mong lisanin ang mga libingan ng buhay mo. Tapos mo nang iyakan ang madidilim na sulok ng iyong buhay. At ngayon nagpatuloy na si Jesus sa buhay, bakit ka magpapaiwan sa libingan? Noong nakaraang Linggo, ang Linggo ng Palaspas ng Pasyon ng Panginoon, binigyang diin natin na ang Linggo ng Palaspas ay hindi pagsalubong kay Jesus kundi pagsunod sa Kanya. Noong Linggo ng Palaspas ng Pasyon ng Panginoon, sinundan natin si Jesus sa pakikipagtagpo Niya sa Kanyang tadhana sa Jerusalem, nanindigan tayo para sa Kanya at iwinagayway natin ang ating mga palaspas tanda ng ating kahandaang mag-alay ng buhay para kay Jesus kung kinakailangan. Ngayong Linggong ito naman ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, sa simula ng liturhiya ng ating bihilya, ano ang ating sinundan nating lahat papasok sa simbahang ito? Hindi ba ang kandila ng Paskuwa na binasbasan at sinindihan mula sa bagong apoy? Si Jesus na magmuling-nabuhay ang isinasagisag ng kandilang ito. Siya ang Liwanag ng sanlibutan na pumaram sa dilim ng kasalanan at gumapi sa walang-hanggang kamatayan. Dahil sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, wala nang anumang sulok sa buhay ng tao na gayon na lamang kadilim para masabi ninuman na wala na siyang pag-asa, na mabuti pang mamatay na lang siya, at na dapat lang nating pabayaan na lamang siyang doon sa libingan ng kanyang magkakamali at magkakasala manirahan. Natingnan na natin ang katuparan ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus, kaya dapat na tayong humayo upang sundan Siyang Liwanag natin patungo sa mga Galilea ng ating buhay, at, gaya ng Kanyang ipinasabi kina Maria Magadalena, doon natin Siya makikita.
Sa ating paghayo, dapat nating ipamalita ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus. Tingnan, humayo, at sabihin – hindi ba ito ang bilin sa atin? Kung ang ipinangalat ng mga kawal na bantay sa libingan ay ang kasinungalingang ninakaw ang bangkay ni Jesus, ang dapat nating ipalaganap ay ang katotohanang si Jesus ay nabuhay nang magmuli para sa atin. Hindi lamang isinilang si Jesus para sa atin. Hindi lamang Siya namatay para sa atin. Nabuhay din Siyang magmuli para sa atin. Mabuhay naman tayo para sa Kanya: ipamalita natin si Jesus. Paulit-ulit nating ikuwento ang kuwento ni Jesus.
Sa paaanong paraan nating maikukuwentong paulit-ulit ang kuwento ni Jesus? Sa pamamagitan ng pagsisikap nating mamuhay katulad ng Kanyang pamumuhay at magmahal katulad ng Kanyang pagmamahal. Anuman ang ating estado sa buhay, anuman ang bokasyong ating tinutugunan, saanman tayo naroroon, anuman ang ating kaabalahan, at, opo, anuman ang ating kani-kaniyang kahinaan, pagsumikapan nating maging isa pang Jesus sa lahat ng ating kapwa. Sabihin natin, bigkasin natin, ikuwento natin, ipagsigawan natin ang mensahe ng kaharian ni Jesus hindi lamang sa salita kundi, higit sa lahat, sa gawa. Magmahalan tayo gay ang pagmamahal Niya sa atin. Panatilihin natin ang pagdadamayan at dagdagan pa ang ating pagmamalasakit. Maglingkod tayo at kung maglilingkod tayo, laging gawin ito nang taus-puso at may kababaang-loob, hindi para sa papuri ng iba at hindi naghihintay ng anumang kapalit. Mamuhay tayo sa katotohanan at wasaki ang mga maskara sa ating pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Mahalin natin ang Diyos nang higit sa lahat at ipahiwatig natin ito sa pamamagitan ng pinakamalalim na paggalang sa Kanya, pakikinig sa tuwina sa Kanyang salita, pagtalima sa Kanyang kalooban, paggiging abala sa Kanyang mga kaabalahan, pagtugon nang bukas-palad sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain, at pagsisikap na mapanatili ang mala-kapatirang pagkakaisa natin sa Kanyang iisang angkan. Tumulad tayo kay Jesus sa pagiging nakapagbibigay-buhay sa kapwa at mabubuting katiwala ng kaharian ng Diyos.
“Sino kaya ang ating mapakikiusapang magpagulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” – ito ang pag-alala ng mga unang bumisita sa libingan ni Jesus. Puwede po bang tayo ang mapakiusapan nila? Tayo…sama-sama…napakalaki ng bato…napakabigat…hindi kaya ninuman nang mag-isa pero baka kaya naman natin nang sama-sama…tulung-tulong….hindi nag-iisa…hindi isa-isa…hindi sila-sila…hindi kami-kami…hindi tayo-tayo…hindi kayo-kayo…kundi tayong lahat. Puwede po bang makiusap: pagtulungan nating igulong ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan hindi ni Jesus kundi ng marami pang tao.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home