18 December 2011

BALAK NG DIYOS

Misa de Gallo: Ikatlong Araw
Sam 7:1-5, 8-12, 14, 16/Lk 1:26-38

          Ngayon po ang ikatlong gising natin.  Ibig sabihin, ilang gising na lang po?  Anim!  Kung ang bawat gising natin sa loob ng siyam na araw ay sumasagisag sa isang buwan ni Jesus sa sinapupunan ni Maria, nasa first trimester na po tayo ng pagdadalantao.  Halata na!  Halata na ang tiyan ni Maria.  Sana patuloy po natin siyang samahan sa kanyang pagdadalantao, ika nga, sa pamamagitan ng ating pagmi-Misa de Gallo.  Huwag matutulog!  Laging gigising!  Walang kukurap!
          Ang unang pagbasa natin ngayong araw na ito ay nagsisimula sa paglalahad ng gustung-gustong gawin ni Haring David para sa Diyos.  Nais ni Haring David na ipagpatayo ng nararapat na tahanan ang Kaban ng Tipan.  Paano naman po kasi isang maringal na palasyo ang bahay niya pero ang Kaban ng Tipan ay nakalagak sa isang tolda lamang.  Nakokonsensya si Haring David; kaya’t sabi niya kay Propeta Nathan, “…nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.”  Ang sabi naman ng Propeta, “Oo nga.  Sige, gawin mo ang gusto mong gawin, mahal na hari.”
          Ngunit kinausap ng Diyos si Propeta Nathan at ipinasabi kay Haring David ang tunay Niyang kalooban.  Iba pala ang balak ng Diyos sa gustong gawin ni David.  Hindi Niya pala kalooban ang ipagpatayo Siya ni David ng maringal na tahanan.  Sa halip, isang matatag na sambahayan pala ang itatayo ng Diyos mula kay David: ang kaharian niya ay hindi mawawaglit sa paningin ng Diyos at ang kanyang trono ay mananatili.  Samakatuwid, una, hindi pala si David ang magtatayo ng bahay ng Diyos; ang Diyos pala ang magtatayo ng sambahayan ni David!  At ikalawa, ang mata ng Diyos ay wala sa kung anong gusto Niyang gawin ni David para sa Kanya; bagkus, ang pusto pala Niya ay nasa gagawin Niya kay David.  Kung kaya’t kung talagang hangad ni Haring David na masiyahan at maparangalan ang Diyos, dapat niyang hayaan ang Diyos na maisakatuparan ang binabalak Nito sa kanya at hindi ang ipagpilitan ang gusto niyang gawin para sa Diyos.
          Gayun nga po ang nangyari.  Ang nagtayo ng maringal na Templo sa Jerusalem, tahanan ng Diyos, ay si Haring Solomon na anak ni Haring David kay Bathsheba sa pakikiapid.  Subalit naging matatag nga ang sambahayan ni Haring David at sa kanya nagmula ang lahat ng mga hari ng Israel, pati na ang tunay na Hari ng mga hari na si Jesus.  Natupad ang magandang balak ng Diyos para kay David at kanyang lahi dahil yaon nga ang gustong mangyari ng Diyos at, sa kabila ng kanyang mga pagkakasala, naging masunurin pa rin si David sa Diyos.
          Ganyan po talaga ang buhay: hindi tayo ang pumipili sa Diyos.  Ang Diyos ang pumipili sa atin.  Pinili na Niya tayo bago pa natin Siya piliin.  Ang sa tingin nating pagpili natin sa Diyos ay tugon na lamang sa nauna na niyang pagpili sa atin.
          Si David – sa kabila ng kanyang mga kahinaan at mga pagkakasala, ay pinili ng Diyos para maging pundasyon ng maharlikang pinagmulan ni Jesus.  Hindi siya pinili ng Diyos dahil karapat-dapat siya; bagkus, karapat-dapat siya dahil pinili siya ng Diyos.  Minahal siya ng Diyos sa kabila ng lahat, at walang sinumang taong nilalang lamang ng Diyos ang may karapatang kuwestyunin ‘yun.  Ang tanging magagawang pagtugon sa mahiwaga at mapagmahal na pagpili ng Diyos – gaya ng ginawa ni David – ay pagtalima.
          Dahil ang Diyos ang pumipili, hindi umuubra sa Diyos ang pamimilit natin.  Maaaring makiusap, magsumamo, manikluhod, o magmakaawa tayo sa Diyos na piliin tayo, pero hindi natin Siya mapipilit kung iba ang plano Niya para sa atin.  Sa katunayan, kapag sa katigasan ng ulo’t puso natin, sa halip na kalooban ng Diyos ang ating tupdin ay ipagpilitan nating gawin ang gusto lamang natin, tayo ay tiyak na mabubulid sa kapahamakan.  Kaya, huwag po tayong pasaway!  Huwag matigas ang ulo natin; huwag tayong mapilit.  Kapag hindi ukol, ika pa nga natin, hindi bubukol.  Kapag hindi mo misyon, huwag kang mang-agaw ng papel.  Kung hindi mo responsibilidad, huwag mo rin basta-bastang aakuin.  Ang hindi para sa iyo, huwag mong pagkelaman.  Alamin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa Kanyang salitang nasusulat sa Banal na Kasulatan at nababasa sa mga tanda ng panahon.  Kilatisin ang nararamdaman nating mga pag-udyok kung ang mga ito ay nagmumula sa mabuti o masamang espiritu.  Magdasal nang mabuti.  At matuto tayong tumalima sa pahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga inordenahang hindi lamang kumakatawan sa Kanya kundi, at higit sa lahat, mananagot din sa Kanya
Kahit pa gustong-gusto mo, kung hindi naman sa iyo ipinagagawa ng Diyos, huwag makulit; maging masunurin nang may kababaang-loob at kagalakan kahit pa ito ay nangangahulugan paglimot mo sa mga nauna mong plano at pagsupil mo sa gusto mo sanang gawin.  Hindi lahat ng gusto nating gawin ay gusto ng Diyos na gawin natin.  Hindi rin lahat ng gusto nating gawin para sa Diyos ay gusto Niyang gawin natin para sa Kanya.  At hindi ang gusto nating gawin para sa Kanya ang tunay na pinakamahalaga kundi ang gusto Niyang gawin sa atin.  Sa kabila ng kanyang nagawang napakabigat na mga pagkakasala, inilalarawan pa rin ng Bibliya si Haring David sa ganitong paraan: “He is a man after the heart of God.”  Palibhasa, hinayaan ni David na magawa ng Diyos ang gusto ng Diyos na gawin sa kanya at hindi ang gusto niyang gawin para sa Diyos.
Hindi pala magarang palasyo o maringal na templo o magandang bahay ang hinahanap ng Diyos.  Ang hinahanap ng Diyos ay pusong masunurin.  Natagpuan niya ito kay David, ngunit higit pa ang natagpuan Niya kay Maria sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Hindi lamang masunurin si Maria; dalisay rin siya at mababa ang kalooban.  Kaya nga’t bagamat may Templo na ang Diyos sa Jerusalem nang mga panahon ni Mariang taga-Nazareth, kay Maria Niya natagpuan ang tahanang nararapat sa Kanya.  Bago pa nga Siya kumatok sa sinapupunan ni Maria, upang doon ay magkatawang-tao ang Anak Niyang si Jesus, nakapasok na Siya sa kanyang puso.  Si Maria ang buhay at katangi-tanging tahanan ng Diyos.  Si Maria ang tunay na Domus Dei et Porta Coeli.  Kaya naman po, saanman magtungo si Maria dala-dala niya at ibinabahagi niya ang Diyos mismo.
Ang paboritong tahanan ng Diyos ay hindi ang gusaling simbahan o templo.  Ang paboritong tahanan ng Diyos ay tayo mismo.  Oo nga’t naiiba si Maria sa atin, nauuna siya sa atin sa lahat ng bagay, bagamat tao rin siyang katulad natin; subalit, kumakatok din ang Diyos sa ating buhay upang tayo ay Kanyang panahanan.  Pagbubuksan ba natin Siya?
“Tao po!” - katok ng Diyos sa puso ng bawat-isa sa atin.  Magtataya rin po ba tayo, katulad ni Maria, at bubuksan natin nang buong-buo ang ating puso para magawa ng Diyos sa atin ang Kanyang balak?  O pagpipilitan na naman nating gawin ang gusto nating gawin para sa Kanya?  Magiging masunurin din ba tayo, gaya ni Maria, hindi dahil alam na alam na natin ang mangyayari o nauunawaan nating lubos kung paano mangyayari kundi dahil nagtitiwala tayong lubos sa pag-ibig ng Diyos?  Dalisay din ba ang ating puso upang mapanahanan ng Diyos o maraming karibal ang Diyos sa ating puso?
“Tao po!” – kumakatok ang Diyos sa ating puso.  Pagbubuksan ba natin Siya at sasabihin sa Kanya, “Tuloy po kayo.”  Kapag binuksan natin ang ating puso sa Diyos, masasaksihan nating muli ang hiwaga ng pagkakatawang-tao ni Jesus, sapagkat ang Diyos na nagsasabing “Tao po!” pala ay naging tao talaga.  At kung taus-puso ang pagsabi natin sa Kanya ng “Tuloy po kayo”, magiging tulay tayo ni Kristo sa lahat ng tao.
Ipanalangin at tulungan nawa tayo ng Mahal na Birheng Maria na bagamat, di-tulad niya, hindi tayo napupuno ng grasya, huwag din naman sana tayong madisgrasya.  Matupad nawa sa bawat-isa sa atin ang balak ng Diyos.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home