KULANG
Misa de Gallo: Ika-apat na Araw
Hkm 13:2-7, 24-25 at Lk 1:5-25
Pang-apat na gising na po natin ngayon. Noong unang gising natin, sinabi sa atin ng Diyos na kalooban Niyang matipon ang lahat ng tao sa iisang bayan Niya at, tulad ni Juan Bautista, tayo ang maging saksi ng tunay na Liwanag na dumarating sa mundo – si Jesukristo. Noong ikalawang gising naman natin, ipinaalala Niya sa atin na tanggap Niya tayo nang buong-buo kaya’t dapat din nating tanggapin ang ating sarili at ang isa’t isa. At kahapon naman po, ang ikatlong gising natin, ipinaunawa sa atin ng Diyos na hindi ang gusto nating gawin para sa Kanya ang tunay na mahalaga kundi ang balak Niyang gawin sa atin. Ano naman po kaya ang sinasabi Niya sa ating ngayong ika-apat na gising natin?
Ginising tayo ng mga pagbasa ngayong madaling-araw na ito sa isang kakulangan. May kulang. May malaking kulang sa buhay ni Manoah at ni Zechariah. May mga asawa nga sila pero mga baog naman. Kaya naman, kahit anong gawin ni Manoah at Zechariah, hindi sila mabigyan ng kahit isang anak ng kani-kanilang asawa. Naku, noong panahon nila, napakalaki pong kahihiyan iyon! Mababa ang tingin ng mga Judyo sa mga mag-asawang hindi magka-anak-anak. Hindi lamang iniisip ng mga tao na isinumpa ng Diyos ang mag-asawang hindi magkaro-karoon ng anak; bagkus, iniisip din nila kung ano kayang masama ang ginawa ng mag-asawa para parusahan sila ng gayon na lamang. Palibhasa, ang walang anak ay walang-ambag sa ikasisilang ng Mesiyas na pinakahihintay. Kaya rin naman po ang magkaroon ng anak – lalo na kung lalaki – ay napakalaking karangalan para sa mag-asawa.
Kapuna-puna na hindi po sina Manoah at Zechariah ang mga baog. Ayon sa Bibliya, ang mga misis nila ang baog. At itong kay Zechariah, na Elizabeth ang ngalan, ay hindi lang baog kundi matanda na rin. Sa katunayan, parehong matatanda na si Zechariah at Elizabeth, ayon sa Ebanghelyo. Ang lalaki kahit matanda na ay puwede pa ring magka-anak, pero ang mga babae ay may hangganan ng edad para magbuntis. Kung tutuusin, itong si Manoah sa unang pagbasa at itong si Zechariah sa ikalawa naman ay mga nadamay lang sa kahihiyang sanhi ng kani-kanilang asawa. Palagay ko po, kung iba ang napangasawa ni Manoah at hindi rin si Elizabeth ang naging misis ni Zechariah, malamang hindi natin babasahin ang kuwento nila ngayon at maiiba ang ilang mahahalagang detalye sa kuwento ng pagsilang ni Jesus.
Minsan nadadamay din tayo sa kahihiyan ng iba, hindi po ba? Minsan hindi rin naman po tayo ang may kagagawan pero pati tayo nasisisi, nakagagalitan, at naparurusahan. Minsan wala naman tayong ginagawa, nagkataon lang na may kaugnayan tayo sa taong tunay na may sala, pero damay o pilit pa rin tayong idinadamay ng iba. Masakit iyon kahit kanino. At maaaring mauwi na lang ang sitwasyon sa walang-katapusang sisihan at sama ng loob.
Ngunit parehong hindi sinisi ni Manoah at Zechariah ang kani-kanilang asawa. Patuloy nila silang minahal nang buong lambing at katapatan. Ni ang Diyos ay hindi nila sinisi. Patuloy din silang nanalig sa Diyos. Patuloy silang namuhay nang matuwid, kasama ng kanilang mga asawa. At kasama rin ng kanilang mga asawa, patuloy silang naghintay sa pagdating ng Mesiyas. Kung hindi rin lang sila dadatnan ng anak, marahil dalangin din nila noon, sana naman datnan na sila ng Mesiyas. Hindi man matupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng kahit isang anak (at sana ay lalaki), matupad nawa nawa ang ipingakong Manunubos.
Kung tutuusin, mukha lang may kulang kina Manoah at Zechariah, pero wala talaga. Sa katunayan, kakulangan pa nga ng marami ang meron sila. Ano ang meron sila? Meron silang malalim na pananampalataya sa Diyos, matibay na pag-asa sa Kanya, at tapat na pag-ibig sa Diyos at sa kani-kanilang asawa. Kaya naman po, inilalarawan sila ng Banal na Kasulatan bilang matutuwid na tao.
Minsan pakiramdam natin kulang na kulang tayo at sobra-sobra naman ang meron ang iba. Minsan ang tingin natin sa iba ay napakasuwerte naman nila talaga dahil nasa kanila na ang lahat. Kapag ganun, huwag na huwag tayong maiingit sa kanila. Sinuswerte lang sila; pinagpapala naman tayo. Sa kanila na ang suwerte, basta ang sa atin po ang grasya.
Kulang sa anak si Manoah at ang kanyang asawa. Gayundin naman si Zechariah at si Elizabeth. Ngunit kaya pala sila kulang pa ay pag-uumapawin sila ng Diyos. Sa di-kapani-paniwalang paraan, pinagkalooban sila ng Diyos ng mga anak na naging dakila sa Israel. Binisita ng anghel ng Panginoon ang asawang babae ni Manoah at isinilang nito si Samson na nagpasimula ng paglaya ng mga Judyo sa mga Filisteo. Ang sinapupunan din naman ni Elizabeth ay binuksan ng Diyos at, sapagkat ito nga ay matanda na, pinanariwa ito ng Diyos kaya’t ipinanganak niya para kay Zechariah si Juan Bautista na naghanda naman ng daraanan ng dumarating na Kristo. Parehong special children ang naging mga anak ng mga mag-asawang ito. Special children sina Samson at Juan Bautista dahil sa kanilang special mission. Nagsimula man sa kakulangan, hindi sa kakulangan nagtapos ang kuwento ng nitong dalawang pares ng mag-asawa.
Sa pang-apat na gising natin ngayon, narito ang apat na tanong na dapat gumising sa atin.
Una, ano ba ang mga kulang sa iyo? Ano ang mga itinuturing mong kakulangan sa buhay mo. Bakit ito ay kakulangan sa iyo samantalang iyon ay hindi?
Ikalawa, ano ang tingin mo, tugon mo, pasiya mo, at ginagawa mo sa mga kakulangang ito? Gaano kahalaga para sa iyo ang kakulangang ito? Ito ba ang sukatan ng iyong pagkatao?
Ikatlo, kapag nakikita mo sa iba ang kakulangan sa iyo, anong damdamin at reaksyon mo? Naiinggit ka ba o nakikigalak din sa kanila? Sinisiraan at pinagsusupetsahan mo ba sila o binabati mo sila sa maganda nilang kapalaran?
Ikaapat, kapag nakikita mo naman ang mga kulang sa iba, anong bukambibig mo? Ano ang laman ng isip mo? Ano ang ginagawa mo?
Ang Pasko ay pagpuno ng Diyos sa ating kakulangan. Dahil sa Pasko maaari nating tingnan ang anumang kulang sa atin hindi bilang kapansanan o kamalasan kundi paraan ng Diyos para tayo ay punan. At ang pinampuno sa atin ng Diyos ay walang-iba kundi ang bugtong na Anak Niyang si Jesus. Kay Jesus, nagbabago ang kakulangan sa ating buhay. Kaya’t dapat nating higit na ituon ang ating pansin kay Kristo Jesus. Kapag si Jesus ay wala sa ating buhay, hindi lang kulang ang meron tayo; walang-wala na po tayo talaga. Si Jesus ang ating kapupunan at kapunuan.
Lagi tayong manalig sa Diyos. Kapag katulad ni Zechariah, tayo ay mag-alinlangan, may kulang na nga sa atin, malaki pa ang ating pagkukulang.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home