14 December 2011

ILANG GISING NA LANG!

MISA DE GALLO: UNANG ARAW
Is 56:1-3.6-8/Jn 5:33-36

          Noong mga bata pa tayo, kapag meron tayong pinananabikang okasyon, binibilang natin kung ilang tulog na lang bago dumating ang araw na pinakahihintay natin.  Pero simula po ngayong araw na ito, magbibilang na tayo ng kung ilang gising na lang bago mag-Pasko.  Siyam araw na lang, Pasko na!
          Kung ilang gising nga po ang bibilangin natin dahil simula na naman po ngayong araw na ito ang Misa de Gallo.  Minana natin mula sa ating mga ninunong Katoliko ang pagsisimba nang siyam na araw bago ang mismong araw ng Pasko ng Kapanganakan ng Panginoong Jesus.  Sa pagtilaok ng tandang, bumabangon na sila at tinatahak ang daan patungong simbahan para, kaisa nang buong sambayanan ng kanilang parokya, ay manalangin sa Banal na Misa.  Pagkatapos nilang magsimba, babaybayin nila agad ang mga pilapil, iinom lang ng salabat, at, hindi pa sumisilip ang araw, sisimulan nla agad ang mga gawain sa bukid nang sa gayo’y hindi sila abutan ng katanghalian.  Kapag sumikat na ang araw, tsaka sila mag-aagahan, doon pa rin sa bukid.
          Napaka-simple lang ng buhay noon, hindi po ba?  Una, mananalangin.  Ikalawa, gagawin ang mga pang-araw-araw na gawin.  Tapos, uuwi sa tahanan para makapiling ang pamilya.  Diyos palagi ang inuuna nila.  Kaya siguro nakatatagpo sila ng saya at kapanatagan sa kanilang mga gawain at, lalong-lalo na, sa kani-kanilang mag-anak.  May pagkakaisa, hindi lamang ang mga tao.  May pagkakaisa sa tao ang Diyos, pamilya, at gawain.  Sa katunayan, ang pananampalataya sa Diyos ng ating mga ninunong Katoliko ang nagbibigkis sa iba’t iba at lahat ng kaabalahan at pagpapahalaga nila sa buhay.
          Pero, iba na ngayon.  Kumplikado na ang buhay.  Sa hirap din ng buhay, madalas nalilimutan na ang Diyos sa ngalan ng paghahanap-buhay.  Kung dati po, nagsisimba muna ang mga ninuno natin bago magtrabaho, ngayon naman ay marami sa kababayan natin ang trabaho na lang nang trabaho at ang magsisimba ay abala lang.  Kung dati ay sama-samang magdasal ang mga pamilya, ngayon po, kanya-kanya na.  At iyon ay kung hindi pa makalimutang magdasal.  Iba na nga raw po ngayon kasi: sophisticated na raw ang buhay.  Kung ang pagka-sophisticated ay ang pagkalimot sa Diyos at pagkakawatak-watak ng pamilya, bumalik na lang po tayo sa panahon ni Rizal.  Kung ang kabayaran ng pag-unlad ay ang ihuli ang Diyos sa ating mga kaabalahan, maling-mali po yata ang mangarap na umunlad pa.
          Sa ating paggising at pagsisimba nang siyam na araw bago ang mismong araw ng Pasko, ipinaaalala natin sa ating sarili at sa mundong madaling makalimot na dapat laging una ang Diyos.  Hinahanap nating muli sa Diyos ang pagkakabuklod ng ating iba’t iba at lahat na mga kaabalahan sa buhay.  At ipinagdiriwang din natin ang pagkakabigkis natin sa isa’t isa.  Panatilihin nating buhay ang tradisyong ito ng ating mga ninuno at isabuhay natin ang mga aral nito.  Siyam na gising na lang, Pasko na!
          Gising po ba talaga tayo?  Tandaan natin, hindi porke’t nakabukas ang mga mata ay gising talaga!  Baka mukhang gising lang pero tulog pala; ang makakatakot, baka patay na.  Sa minor seminary naming po noon, may kaklase akong dilat kung matulog: nakatitig sa ‘yo!  Nakakatakot kaya.  Pero kahit anong gawin mo sa harap n’ya, hindi kumukurap, walang reaksyon, tulog na tulog.  Ganyan din naman po sa ating buhay espirituwal at sa ating buhay parokya.
          Una, sa ating buhay espirituwal, may mga taong mulat na mulat ang mga mata pero tulog ang diwang maka-Diyos.  Pero kapag gimmick ang pupuntahan, kapag pagkakakitaan ang pag-uusapan, o kapag buhay ng may buhay ang pagkekailaman, gising na gising ang diwa.  Namumuhay sila nang para bang naglalakad ng tulog.  Delikado ‘yan!  Gising po ba kayo?  Kung gising kayo, pakigising nga sila.
          Ikalawa, sa buhay naman natin bilang kasapi ng ating iisang parokya, napakarami pa rin ng natutulog.  Biro po ninyo, kahit pa sa dami natin sa Misang ito, ni wala pa sa ikaapat na bahagi ng buong populasyon ng ating parokya ang naririto ngayon.  Kahit po isuma-total pa natin ang lahat ng nagsisimba ngayon dito sa ating parish church at dalawa pa nating kapilya, ang mabibilang natin ay bale-wala sa 70,000 populasyon n gating parokya.  At hindi lang po iyan sa pagsisimba ha.  Di hamak na mas kakaunti pa kapag tumawag tayo ng rekoleksyon o mga gawain sa apostoladong panlipunan ng ating parokya.  Gayundin po naman ang sitwasyon kapag pagkalingang material na para sa ating parokya ang pag-uusapan.  Marami pang tulog sa kanila.  Pero kahit himbing na himbing sila, nakikinabang din sila sa mga biyaya at serbisyo n gating sambayanang Kristiyano.  Patuloy natin silang ibinibilang, walang itinatakwil o tinatanggihan.  Patuloy natin silang ipinagdarasal.  Patuloy na binibisita at pinaglilingkuran ang kanilang matatanda, mga maysakit, at mga anak din.  Ngunit, bukas man ang kanilang mga mata, nakapikit pa rin ang diwa, at ang iba pa sa kanila ay sarado ang puso at isipan.  Gising pa ba kayo?  Sama-sama nga po nating gisingin sila.
          Sa ating unang pagbasa, ipinahahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban tungo sa pagkakaisa ng lahat.  Sa Kanya, wala raw pong dayuhan.  Nais Niyang mapabilang ang lahat sa Kanyang bayan.  Ngunit, hindi automatic iyon, sapagkat, ayon sa Kanyang pahayag, ang mga kabilang sa Kanyang bayan ay silang mga buong-pusong naglilingkod sa Kanya, nangingilin sa Araw ng Sabbath, at matapat na nag-iingat sa Kanyang tipan.  Sa madaling-sabi po, silang mga laging inilalagay ang Diyos sa unahan ng lahat ng kanilang mga kaabalahan sa buhay ang mapapabilang sa Kanyang bayan.  Ito ang dapat magbigkis sa atin tungo sa pagkakaisa: ang tunay, matibay, malalim, at aktuwal na pagpapahalaga sa Diyos nang unang-una sa lahat.  Maaaring iba-iba tayo ng ugali, salita, gawain sa pamayanan at parokya, kaabalahan, pinagmulan, estado sa buhay, at iba pa; ngunit, kapag inuna natin ang Diyos, bilang indibidwal at bilang sambayanan, biyayaan tayo ng pagkakaisa.  Ituturo ng Diyos sa atin ang daang matuwid.  At ayon sa pahayag niya sa pamamagitan ni Propeta Isaias, kapag ayon sa katarungan at laging matuwid ang ating gagawin, hindi raw magluluwat at ang pagliligtas Niya ay darating sa atin.
          Katulad ni Juan Bautista sa Ebanghelyo ngayong unang araw ng ating pagmi-Misa de Gallo, magsilbi nawa tayong maningas na ilaw na nagliliwanag para magising ang mga tulog at nagtutulug-tulugan pa.  Ang paggawa naman natin sa kalooban ng Ama ang magpatutoo na tayo rin, gay ang Kanyang Anak, ay sinugo Niya upang panatilihing gising ang lahat sa pagdating ni Jesus.
          Ilang gising na lang, Pasko na!

1 Comments:

At 9:20 PM , Blogger Unknown said...

Really your blog is very nice.
I would like to come back again.
I am sure of that you are also glad to help every other.
Thank you for sharing!
World Heritage Site
Programming Language
Mysterious Vast Space
Entertainment

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home