BULAGA!
Mt 25:31-46
Mahilig po palang manggulat si Jesus. Ang mga sirkumstansya ng Kanyang personal na buhay – punung-puno ng mga kagulat-gulat na bagay. Ipinaglihi at isinilang Siya ng isang birhen. Isang tala sa silangan at hukbo ng mga anghel ang nagbalita ng Kanyang kapanganakan, na siya namang umakay sa mga pastol at mga pantas sa Kanyang paanan. Nang labindalawang taong gulang pa lamang Siya ay nagpaiwan Siya sa Templo at natagpuan Siya ng Kanyang mga magulang na nakikipagtalakayan sa mga dalubhasa sa Batas. Nakisalamuha Siya sa mga kilalang makasalanan at ang barkada Niya ay labindalawang kalalakihan na karamihan ay mga walang-pinag-aralan. Napakalaki at napakabigat ng Kanyang misyon pero naghintay pa Siya nang tatlumpung taon bago Niya sinimulan ang Kanyang hayagang ministeryo na siya namang tatagal lamang nang tatlong taon bago Siya humantong sa isang kahindik-hindik na kamatayan sa krus. At maka-ikatlong araw matapos ang malagim Niyang kamatayan, ang balita na Siya ay magmuling-nabuhay ay kumalat na parang apoy.
Hindi lamang ang mga detalye ng Kanyang buhay ang kagulat-gulat talaga. Pati mga turo Niya ay tutoo namang bumubulaga sa kahit kanino. Ipinangaral Niya ang isang kaharian na kung saan ang una ay mahuhuli at ang huli ay mauuna raw. Gumamit Siya ng mga talinhagang kadalasan ay kagulat-gulat, kundi man kabagabagabag, sa Kanyang mga tagapakinig: ang Talinhaga ng Mabuting Samaritano, ang Talinhaga ng Alibughang Anak, at marami pang iba. Itinuro Niya na ang meron ay bibigyan pa samantalang ang wala ay kukunan ng kahit ang kakaunting meron siya. Para sa Kanya, ang pinakadakila sa mata ng Diyos ay yaong pinakaaba; inihalimbawa niya ang isang bata para bigyang-diin ang Kanyang aral. Sabi Niya, ang lihim ng pagkakamit ng buhay ay nasa pagkawala nito. Katakut-takot na bulaga.
Ngayong dakilang kapistahan ng Kanyang pagiging hari at siya ring huling Linggo ng taong liturhikal, may mga pambulaga ulit si Jesus sa ating lahat. Ang tagpo ay ang araw ng huling paghuhukom, kung kailan ang lahat ng tao – buhay man o pumanaw na – ay titinupin at paghihiwa-hiwalayin: ang mga pinagpala at ang mga isinumpa. Sa Kanyang muling pagbabalik sa wakas ng panahon, may tatlo pang panggugulat si Jesus bilang Hari at Hukom ng sankatauhan.
Ang unang panggulat Niya ay ito: hindi Niya bibigyan ng partikular na pansin ang makikinang na sandali sa kasaysayan ng sankatauhan. Wala Siyang babanggitin tungkol sa malalaking tagumpay ng sankatauhan na kadalasan ay itinatala at nababasa natin sa mga aklat ng kasaysayan ng mundo. Hindi interesado si Jesus sa pagsakop ng tao sa kalawakan ni sa mga pagtuklas ng agham, medesina, at teknolohiya. Dedma Siya sa mga pagpapatalsik sa mga diktador at mga rehimeng pulitikal. Walang dating sa Kanya ang mga pangalang Galileo Galelei, Copernicus, Albert Einstein, Isaac Newton, Bill Gates, Steve Jobs, at iba pa. Sa halip, ang pagtutuunan Niya ng pansin ay ang mga tila napaka-ordinaryong gawain para sa karamihan sa atin: pagpapakain sa nagugutom, pagpapainom sa nauuhaw, pagdaramit sa hubad, pagmamalasakit sa kapwa gaya ng mga maysakit, mga nakapiit, at mga dayuhan.
Ang ikalawa ay ito: sa araw ng paghuhukom, iisa ang tanong ng mga pinagpala at ng mga isinumpa: “Panginoon, kailan Ka po naming nakita?” At iisa lang din naman ang Kanyang magiging sagot: “Anumang gawin ninyo sa pinakamaliit Kong mga kapatid, sa Akin ninyo iyon ginawa. Anumang hindi ninyo gawin sa pinakamaliit Kong mga kapatid, sa Akin ninyo iyon hindi ginawa.” Bubulagain ni Jesus ang lahat sa pagpapakilala Niya sa nakababagabag na katauhan ng mga dukha. Kaya nga’t kung may darating na taga ibang planeta rito sa daigdig at itatanong sa atin kung saan niya matatagpuan si Jesus, kakailanganin din natin siyang dalhin sa mga kakaibang dambana at hindi lamang sa mga basilika, katedral, simbahan, kapilya, o kumbento. Dapat din nating dalhin ang taga ibang planetang iyon sa squatter areas, refugee camps, mga ospital, mga bahay-ampunan, homes for the aged, mga bilangguan, at mga eskenitang madidilim, makikipot, at mababaho. Sasabihin natin sa taga ibang planetang iyon na matatagpuan si Jesus sa mga suluk-sulok doon. At sabihin na rin natin sa kanya na ang mga katulad ni Jesus ay matatagpuan din sa mga lugar na iyon, pinakakain ang nagugutom, pinaiinom ang nauuhaw, dinadamtan ang nakahubad, inaalagan ang maysakit, binibisita ang bilanggo, pinatutuloy ang dayuhan, at pinaglilingkuran ang sinumang may pangangailangan. Anupa nga ba’t samantalang sa maraming mga simbahan natin ay nakaukit sa bato ang mga katagang ito, Domus Dei et Porta Caeli (“House of God and Gate of Heaven”), ang address pa rin ng Diyos ay ang puso ng tao. Ang paborito pa rin Niyang tahanan ay ang mga dukha at hindi ang malalamig na simbahang bato, gaano man kagaganda ng mga ito.
Ang ikatlong surpresa ni Jesus ay talaga namang nakababagabag para sa marami sa atin. Ang bigat ng pagkakasala ng mga isinumpa ay susukatin hindi ng mga pagkakasalang kanilang ginawa kundi ng mga kabutihang hindi nila ginawa. Oo nga’t may mga kasalanan ang mga isinumpa; pero, pareho-pareho namang mga makasalanan ang mga isinumpa at ang mga pinagpala, hindi ba? Ngunit pansin n’yo ba na sa Talinhaga ng Huling Paghuhukom ay walang binabanggit ang Panginoon na anumang masamang ginawa ng mga isinumpa? Ang sabi lang ay “Nagugutom Ako ngunit hindi ninyo Ako pinakain.” Hindi sinabing, “Nagugutom Ako at inagawan mo pa ako ng pagkain.” Sa halip, ang hatol ay nakabatay sa mabuting hindi ginawa. Hinatulan ng impiyerno ang mga isinumpa dahil sa mabuting hindi nila ginawa.
Sa wakas ng panahon, may tatlong huling panggulat si Jesus sa atin. Ang higit na matimbang pala sa Kanya ay hindi ang mga makalaglag-pangang nagawa natin kundi ang pangkaraniwang bagay na ating ginawa. Nakatatagpo na pala natin Siya sa mga dukha at aba bago pa natin Siya makaharap nang personal bilang Siya. Malaking pagkakamali pala ang mabagabag lang sa masamang nagawa at maging manhid sa mabuting hindi ginawa.
Pagbalik ni Jesus, mabubulaga ka kaya?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home