12 November 2011

HINDI PAGGAWA NG MASAMA – HINDI SAPAT YAN!


Ikatatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 25:14-30

          Ang ikadalawampu’t limang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo ay nahahati sa tatlong talinhaga.  Ang una, na siyang binasa nati’t pinagnilayan noong nakaraang Linggo, ay ang Talinhaga ng Sampung Dalaga.  Ang ikalawa, na siya namang Ebanghelyo natin ngayong Linggong ito, ay ang Talinhaga ng Mga Talento.  At ang ikatlo, na siyang babasahin sa susunod na Linggo, ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, ay ang Tallinhaga ng Huling Paghuhukom.  Sa kabanatang ito ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo, napakalinaw na ipinaaalala sa atin ang tatlong mahahalagang bagay: una, magbabalik ang Panginoong Jesus sa wakas ng panahon; ikalawa, ang pagbabalik na ito ng Panginoong Jesus, na siya nga ring katapusan ng mundong ito, ay magaganap sa panahong hindi lamang na hindi natin alam kung kailan, bagamat tiyak na tiyak na magaganap, kundi sa panahon ding hindi natin inaasahan; at ikatlo, pagbalik ng Panginoong Jesus sa wakas ng panahon o sa mismong pagharap natin sa Kanya sa sandali ng ating kamatayan, alinman ang mauna sa dalawa, isusulit natin sa Kanya ang naging pamumuhay natin sa mundong ito.
          Subalit ang nakapupukaw-pansin tungkol sa tatlong talinhagang ito na bumubuo sa ikadalawampu’t limang kabanat ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo ay ito: ang mga naparusahan sa bawat-isang talinhaga ay hindi inilalarawang mga masama o mga imoral o mga makasalanang tao.  Yaong limang dalaga sa unang talinhaga – mga hangal lang sila.  Yaong ikatlong lingkod sa talinhaga ngayong araw na ito, na sa halip na ipangalakal ang talentong ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang panginoon upang sana ay kumita naman ito ay ibinaon na lamang ito sa lupa – takot lamang siyang magtaya.  At yaong mga hindi pinagpala ng hari sa Talinhaga ng Huling Paghuhukom – hindi naman sinabing mga mamamatay tao sila o mga manggagantyo o mga mahahalay o mga maninirang-puri o mga magnanakaw o mga tiwali o mga pusakal na kriminal.  Malinaw sa ikatlong talinhaga na isinumpa ang mga nasa kaliwa ng hari hindi dahil sa anumang masamang nagawa nila kundi dahil sa mabuting hindi nila ginawa.  Palibhasa, pareho namang mga makasalanan ang nasa kaliwa at kanan ng hari.
          Maaari nating maitanong tungkol sa talinhaga ng Linggong ito: “Ano bang napakalaking kasalanan ang nagawa ng ikatlong lingkod para parusahan siya ng kanyang panginoon nang gayon-gayon na lamang?  May nilabag ba siya sa Sampung Utos nang ibaon niya sa lupa ang talentong ipinagkatiwala sa kanya?  Mabuti nga’t hindi niya ito nilustay, at sa halip ay ibinalik pa nga sa kanyang panginoon na siyang tunay na nagmamay-ari niyon.  Anong masama ang ginawa ng kawawang lingkod na ito?”  Malinaw ang sagot.  Wala.  Walang ginawang masama ang ikatlong lingkod.  Pero wala rin naman siyang ginawang mabuti dahil ang mabuting hinihingi sa kanya ng pagkakaton ay ang palaguin ang ipinagkatiwala sa kanya.  Pero pinalago ba niya?  Hindi.  Binuro niya!  Ibinaon niya sa lupa.  Hindi nga niya winaldas, pero pinawalang-saysay naman niya.  Tama ang kanyang panginoon, sana nga man lamang ay inilagak niya sa bangko nang kahit paano ay kumita pa ito.  Ngunit hindi.  Wala siyang ginawang mabuti.
          Ikaw, may ginawa ka na bang mabuti?  Yun talagang mabuti?  Yung mabuting-mabuti?  Yung dalisay – hindi lamang basta mabuti – dahil wala kang hinihintay na kapalit kaya mo ginawa ang mabuting iyon, at hindi mo iyon ginawa para maging sikat ka o para magka-utang-na-loob sa iyo ang ginawan mo ng kabutihan?  Palagian mo ba itong ginagawa o depende sa ihip ng hangin?  Ang paggawa ba ng mabuti ay likas na ugali mo o libangan mo lang?  Ang paggawa ba ng mabuti sa kapwa sa pamamagitan ng mga kakayahan, mga pagkakataon, at iba pang mga biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Dios ay mahalagang bahagi, para sa iyo, ng iyong pagiging Kristiyano o sapat na para sa iyo ang pananampalatayang pansarili lamang?  Ayos na para sa iyo ang pasimba-simba lang?
          Kailangan nating pag-isipan ang mga katanungang ito at katulad pa nito dahil halos ipagsigawan na sa atin ang mensaheng matalik na kaugnay ng pagsusulit natin ng ating buhay sa Panginoon: ang magiging pinal na hatol sa atin ay nakabatay hindi lamang sa masamang ating ginawa kundi pati rin sa mabuting hindi natin ginawa, o masahol pa, ayaw nating gawin.
          May dalawang uri ng kasalanan.  Ang isa ay “kasalanan ng paggawa” o sin of commission, kung saan ay may ginawang masama talaga.  Ang isa pa ay ang “kasalanan ng hindi paggawa” o sin of omission, kung saan naman ay may hindi ginawang mabuti.  Kung kaya nga’t, bagamat awa pa rin ng Diyos ang magliligtas sa atin, ang kaligtasan ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa masama.  Ito ay paggawa rin ng mabuti.
          Iwasan nating gumawa ng masama.  Pero huwag din naman nating kaliligtaan ang paggawa ng mabuti, ng tunay na mabuti, ng dalisay na mabuti. 
          Nababagabag ka ba kapag may nagawa kang masama?  E kapag may mabuti na hindi mo ginawa – nakakatulog ka ba?

3 Comments:

At 5:22 PM , Anonymous Anonymous said...

Father Titco,

Its been so many times that I've heard of this premise, a basic principle in christian ethics, "do good and avoid evil. Its been so many times, too, that i'd taken it for granted. Thanks for reminding me again of that, Father. Maybe my busy schedule (working and studying to take my masters) really taking me off the deep. I'm fine with myself as long as I'm not doing bad , maybe playing safe is the word applicable. And now, it's just not enough..
Thanks for the great reflection. God bless you.

-gail

 
At 10:17 PM , Blogger Fr. Bobby said...

shalom, gail!

you have a very good heart. keep on reaching out...all for the love of Jesus!

God bless you.

fr. bob
14 november 2011

 
At 8:40 PM , Anonymous Anonymous said...

Ang paggawa ng masama at hindi paggawa ng mabuti ay halos walang pagkakaiba... May pananagutan tayo sa lahat ng ating mga ginawa o hindi ginawa (mabuti man o hindi). Kung kaya kailangan maging responsable tayo sa mga naka-atang na responsibilidad at tungkulin (maging ordinaryong mamamayan man tayo o may mataas na katungkulan). Ang nakakatakot dito, paano kung tayo ay may mataas na katungkulan, halimbawa, presidente ng bansa o ng isang institution o leader sa isang komunidad; ito ay may kaakibat na mabigat na responsibilidad dahil tayo ang mananagot sa bawat indibidwal na ating nasasakupan... paano kung naging pabaya tayo sa mga bagay na dapat ay ginawa natin pero hindi natin ginawa... o naging sanhi tayo ng pagkakasawi o pagkasira ng buhay ng iba, o tayo ay hindi naging tapat at iresponsable sa ating tungkulin. Nakakatakot at nakakahiya, dahil wala tayong mukhang ihaharap sa ating Panginoon pag damating na ang oras ng pagharap sa Kanya.


Kaya habang hindi pa huli, habang nabubuhay pa tayo sa mundo, may oras pa tayo para ituwid ang lahat! Ang tunay na tahanan naman natin ay hindi ang mundong ito, kundi ang nasa kabilang buhay sa piling ng Ama.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home