ALAALANG HINDI DAPAT KINALILIMUTAN
Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo
Jn 6:51-58
Alam po ba ninyo na marami sa mga panalangin ng mga Judyo ay parang “Memory Plus Gold”? Lagi nilang pinaaalalahanan ang Diyos tungkol sa mga pangako Niya sa kanila. Siguro, inaakala ng mga Judyo na malilimutin ang Diyos. Ngunit kahit paano, malaking tulong ito sa kanila dahil kapag nahaharap sila sa mga bagong pagsubok, ang kanilang pinanghahawakan lagi ay ang pangako ng Diyos na hindi sila pababayaan sa panahon ng kapighatian. Talagang kapit-tuko sila sa pangkong ito ng Diyos. Kung tutuusin nga po, may mabuting epekto sa kanila ang mga bagong karanasan ng kawalan o paghihirap: napananatiling buhay ang alaala ng mga pangako ng Diyos. Kaya nga po samantalang tila ang Diyos ang pinaaalalahanan nila sa kanilang mga panalangin, sila pa rin talaga ang napaaalalahanan ng katapatan ng Diyos sa Kanyang salita.
Pero paano na kapag sagana sila? Tapat din po ba sila sa kanilang mga pangako sa Diyos sa panahon ng kariwasaan? Iyan nga po ang problema sa kanila. Walang pinag-iba, kung minsan, sa atin, hindi ba? Kapag ayos ang lahat, ni hindi maalala ang Diyos; pero, kapag may paghihirap, kung puwede lang simbahan ang lahat ng mga simbahan gagawin! Kaya po, sa unang pagbasa natin ngayong araw na ito, pinaaalalahanan ni Moises ang mga Judyo na hindi nila dapat kalilimutan ang Diyos. Nangungusap pa rin po si Moises sa bawat isa sa atin ngayon.
Kung kayo po ang Diyos, siyempre kung paanong ayaw ng mga tao na malimutan ninyo sila sa sandali ng kanilang kagipitan, ayaw din ninyong kalimutan nila kayo sa panahon ng kanilang kagalakan, hindi ba? Kung kayo ang Diyos na nagpalaya sa bayang Israel mula sa kanilang kaalipinan sa Ehipto, gusto po ninyong manatiling buhay sa alaala ng mga Judyo kung sino ang nagkalag ng kanilang tanikala, nagligtas sa kanila sa ilang, at nagkaloob sa kanila ng Lupang Pangko. At gusto ninyong lagi nilang maalala ito hindi dahil sa naniningil kayo ng utang-na-loob kundi dahil kapag kinalimutan na nila ito parang wala na ring Diyos dahil ang mga tao ay hindi na maalala kung paano sila inampon at kinalinga, itinuring na di-iba at minahal, sa gitna ng kanilang kawalan. Alam nating lahat na mapanganib kapag wala na tayong utang-na-loob dahil lang sa maginha-ginhawa na tayo.
Sa ilang, natutunan ng mga Judyo na kung hindi dahil sa salita ng Diyos, hindi nila kayang magpatuloy sa kanilang paglalakbay. Kaya nga, naging bukambibig nila, “Ang tao’y hindi lamang sa tinapay nabubuhay bagkus sa mga salitang nagmumula sa Panginoon.” Ang salita ng Diyos ang lumilikha ng bagong buhay para sa kanila. Ang mapanlikhang salita ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng manna sa ilang. Ang manna nga po ang pagkain nila sa araw-araw na araw-araw din nilang kailangang tanggapin mula sa mapagpalang mga kamay ng Diyos. Araw-araw, mistulang nirarasyunan sila ng Diyos ng manna mula sa langit. Ang kumukolekta nang sobra sa makakain nila sa isang araw ay nabubulukan, napapanisan, ng manna. Mistulang tanda ng nagpapatuloy na kagandahang-loob ng Diyos sa Kanyang Bayan ang araw-araw na paglitaw ng manna.
Pagsapit ni Jesus – Diyos na tutoo at tao rin namang tutoo – lumitaw din naman ang bagong salita ng Diyos at ang bagong tinapay mula sa langit. Sa katauhan ni Jesus, ang Salita ng Diyos ay naging laman at ang tinapay mula sa langit ay ang pinakabuhay ni Jesus mismo. Para makabahagi sa buhay ng Diyos mismo dapat kanin ang tinapay na ito. Para magkaroon ng buhay na walang-hanggan – ang buhay ng Diyos – kailangang kanin ang tinapay na ito. Ang tinapay na ito ay ang mismong laman ni Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos na noong unang panahon pa ay nagkaloob ng manna sa mga Judyo sa ilang.
Sa Huling Hapunan ni Jesus at ng Kanyang mga alagad, naging higit na malinaw ang lahat. Ipinagkaloob ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang sarili bilang pagkain at inumin. “Ito ang Aking katawan na ihahandog para sa inyo,” wika ni Jesus sa tinapay. At sa alak naman: “Ito ang Aking dugo na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat.” At naitatag ang Sakramento ng Eukaristiya, ang sakramento ng pasasalamat. Idinagdag pa ni Jesus, “Gawin ninyo ito sa pag-alala sa Akin.” Sa huling hapunang pinagsaluhan nila, inatasan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na panatilihing buhay ang alaala Niya sa pamamagitan ng sama-samang paghahati-hati ng tinapay. At simula noon, anumang gawin ng Kanyang mga alagad ay dapat nilang alalahaning magsalu-salo sa Kanyang ngalan.
Ito ang ating ipinagdiriwang ngayon sa Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo o Corpus Christi. Napakalaking regalo ang tinanggap natin mula kay Kristo Jesus: walang-iba kundi Sarili Niya mismo. Kulang pa nga ang kayang sambitin ng ating mga labi at ipakahulugan ng liturhiyang ating ginagawa para ipadama kay Jesus ang napakalaking utang-na-loob natin sa Kanya. Dahil sa pagtanggap natin sa Kanya sa Banal na Eukaristiya, nakatatanggap tayo ng buhay na walang-hanggan, ng buhay ng Diyos mismo.
Subalit kung paanong hindi na natin kailangang paalalahanan pang kumain – dahil may paraan talaga ang ating mga sikmura na sabihan tayo kapag oras nang kumain – madalas naman ay kailangan po nating paalalahanang kumain sa ngalan ni Jesus. Kaya nga po, linggu-linggo, tinitipon tayo ng Mahal na Inang Iglesiya para panatilihing buhay ang alaala ni Jesus. Sa Banal na Misa, ang ating sama-samang pagkain sa ngalan ni Jesus, tayo ay umaalala at nagpapaalala. Inaalala nga natin ang mapagmahal na sakripisyong ginawa ni Jesus alang-alang sa atin at ipinaaalala rin naman natin na dapat nating tularan ang Kanyang ginawa para sa isa’t isa.
Isang mapanganib na alaala: ito ang alaala ni Jesus. Ang isa pang pangalan sa alaalang ito ay “Misteryo Paskal” – ang alaala ng paghihirap, kamatayan, at magmuling-pagkabuhay ni Kristo. At kung sa pagpapanatili nating buhay sa alaala ni Jesus ay dapat natin Siyang tularan, tinatawag, hinahamon, at inaatasan tayo ng Banal na Eukaristiyang ating pinagsasaluhan sa Kanyang ngalan na mamatay din sa ating sarili alang-alang sa kapwa at magmuling-mabuhay kasama ni Niya.
Sana po, huwag ninyong kalilimutan ‘yan ha. Hindi ‘yan kayang gamutin ng “Memory Plus Gold”. Tulungan natin ang isa’t isa na huwag kalilimutan ang alaalang hindi dapat kalimutan.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home