11 June 2011

KKK

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
Jn 20:19-23

          Ngayong taong ito, ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ay katangi-tangi para sa ating mga Pilipino.  Tumama po kasi ito sa paggunita rin natin sa ating Araw ng ng Kalayaan.  Bilang mga Katoliko, ngayon po ay Pentecost Sunday para sa atin.  Bilang mga Pilipino, Independence Day din po natin ngayon.  Isang napakagandang pagtatagpo po ng mga okasyon, hindi ba?  Palibhasa, isa sa mga kaloob ng Espiritu Santo ay kalayaan.
         KKK – Kataas-taasan Kagalang-galangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan.  Hindi natin puwedeng pag-usapan ang kasaysayan ng kalayaan ng Pilipinas nang hindi binabanggit ang KKK.  At bilang mga Pinoy, alam na natin ang kuwento ng KKK, hindi po ba?  Pero bilang mga Katoliko, may KKK din ang Pentekostes.
          K – Kapayapaan.  Ito ang unang bati ni Jesus sa mga alagad nang magpakita Siya sa kanila.  Kapayapaan laban sa kandadong mga pinto at kandadong mga puso ang hatid agad ni Jesus.  Kapayapaan ang susing bumukas sa mga nakakandadong ito.  Samantalang takot ang nagkandado sa mga alagad sa loob ng silid na kanilang pinagkakatipunan, ang Espiritu Santo naman na inihinga ni Jesus sa kanila ang nagkaloob sa kanila ng kapayapaan at kapanatagan.
          K – Kagalakan.  Nang matiyak na nilang si Jesus nga ang kanilang kaharap – dahil ipinakita Nito ang Kanyang mga kamay at tagilirang sugatan – napuspos daw ng kagalakan ang mga alagad.  Ang dating lungkot ng pagkana-ulila ay napalitan ng malaking kagalakan: buhay si Jesus!  Malaon pa, hindi sila binalikan ni Jesus para singilin, paghigantihan, o pagalitan, kundi upang ipagkaloob sa kanila ang Kanyang mismong Espirtu.
          K – Kapatawaran.  Matapos silang hingahan at sabihang isinusugo sila kung paano Siya isinugo ng Ama, ibinigay ni Jesus sa mga alagad ang kanilang unang misyon: ang misyon nang kapatawaran.  “Ang mga pinatawad ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatatawad na nga,” ika ni Jesus, “at yaong hindi ay hindi nga pinatatawad.”  Matapos na sila mismo ay pinatawad sa malaking atraso nila kay Jesus, inaasahan ni Jesus na sila mismo ay maging mapagpatawad sa isa’t isa at maging daluyan ng Kanyang kapatawaran sa lahat.  Ibinigay ni Jesus ang misyong ito sa kanyang mga alagad nang isang hinga lang ang pagitan sa pagkakaloob Niya sa kanila ng Espiritu Santo.
          Tuwing Pentekostes, ayon sa kuwento ni San Juan sa kanyang Ebanghelyo, may tatlo ring ‘K’: Kapayapaan, Kagalakan, at Kapatawaran.  Tayong mga tumanggap sa Espiritu Santo noong tayo ay binyagan, tunay ba ang ating kapayapaan?  Meron ba talaga tayong kagalakan sa buhay?  Daan nga ba tayo ng kapatawaran ni Jesus?  Kung hindi, malaya man tayo bilang Pilipino, hindi pa rin tayo malaya bilang Kristiyano. Maaaring Kristiyano nga tayo sa pangalan pero hindi pa rin sa gawa, kung paanong puwedeng Pinoy nga tayong isinilang pero banyaga naman ang pamumuhay.
          Malaki ang papel na ginampanan ng KKK sa paglaya ng ating lahi mula sa pananakop ng mga dayuhan.  Ang paglaya naman ng ating buong pagkatao mula sa takot, lungkot, at galit ay hindi natin makakamit nang walang pagtulong ng Espiritu Santo.  Kalayaan ang bunga at tanda ng Espiritu ni Kristo.
         Ngayong Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ay nagtatapos ang mabiyayang panahon ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.  Bukas, sa kalendaryo ng simbahan, balik na tayo sa pangkaraniwang panahon.  Papatayin na ang apoy ng paschal candle, pero umaasa si Jesus na mananatiling nagliliyab ito sa ating mga puso.  Ang Espiritu Santong kaloob Niya sa atin ang pagpapatuloy ng apoy ng kandilang ito sa ating buhay.  Manatili nawa itong maningas at maghatid ng kapayapaan, kagalakan, at kapatawaran sa ating buhay at sa buhay ng lahat ng ating mga nakakasalubong sa buhay.
          Maligayang Araw ng Kalayaan, Bayan!
          Mabiyayang Pentekostes, Kapatid!
          Lumaya ka!  Magpalaya ka!
          Magliyab ka, O templo ng Espiritu Santo!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home