27 March 2011

UHAW


Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Jn 4:5-42



          Kapag ang dalawang tao ay magtagpo sa kauna-unahang pagkakataon, maaaring mabigla sila sa tunay na pagkakaiba nila.  Kapag gayon, maaaring napakabilis lang ng kanilang pagtatagpo.  Posibleng hindi nila talaga kayang harapin ang isa’t isa nang makatotohanan dahil may pader sa pagitan nila at ito ay napakahirap gibain.  Walang mangyayari maliban kung may mangununa sa kanilang dalawa na gibain ang pader at simulan ang pakikipag-kapwa.  At wala rin namang mangyayari kung isa lang sa kanlia ang kikilos.  Laging dalawahang daan ang pakikipag-kapwa.

          May nagtagpong lalaki at babae sa may balon.  Pareho silang estranghero sa isa’t isa – hindi lamang dahil sa hindi pa nila nakatatagpo dati ang isa’t isa kundi dahil hindi sila sana dapat nagtagpo.  Ang lalaki ay isang Judyo samantalang isa namang Samaritana ang babae.  Hindi na mabilang ang daan-daang taon ng hidwaan sa pagitan ng kanilang mga lahi.  Mababa at marumi ang tingin ng mga Judyo sa mga Samaritano sapagkat ang mga ninuno ng mga Samaritano ay napangasawa ng mga hindi Judyo kung kaya’t hindi dalisay ang kanilang dugo.  Malaon pa, samantalang sa Templo sa Jerusalem sumasamba ang mga Judyo, sa Mount Gerizim naman sa Samaria ang mga Samaritano.  Batay sa kani-kaniyang tradisyon, ang lalaki at babaeng ito nagtagpo sa balon ay dapat manatiling mga estranghero sa isa’t isa – hindi sila dapat mag-usap ni hindi sila dapat nagtagpo.  Ngunit nagtagpo sila.

          Makapigil hininga ang tagpo.  Tila tumigil ang sandali.  Sino kaya sa dalawa ang unang magsasalita?  Sino ang unang babasag ng pader?  May mangyari kaya sa bawal na pagtatagpong ito?

          “Ale, puwede po bang makiinom?” binasag ng tinig ng lalaki ang nakababalisang katahimikan.  Walang pader-pader kapag ikaw ay nauuhaw.  Gagawin natin ang lahat madampian man lamang ng tubig ang nanunuyong lalamunan.  “Ale, puwede po bang makiinom?” pakiusap ng lalaki.  At ang lalaking ito ay si Jesus.

          Marahil nagulantang ang babaeng Samaritana na isang Judyo, gaano man kauhaw, ay humihingi sa kanya ng maiinom.  Mahilig mangaral sa pamamagitan ng mga kuwento, si Jesus ay may talinhaga tungkol sa mabuting Samaritano at marahil inaasahan Niyang ang babaeng kaharap Niya ay isang mabuting Samaritana nga na siya namang ikinalito ng babae.  Malaon pang naintriga ang babae dahil sabi pa ni Jesus na kung nalalaman lamang daw ng babaeng ito ang tunay na katauhan ng nasa harapan niya ngayo’t nakikiinom, malamang siya pa ang makiusap sa Kanyang bigyan siya ng tubig na buhay.  Pero wala namang timba si Jesus kaya’t nagtaka ang babae kung paanong sasalok ng tubig si Jesus mula sa balon.  Ang hindi pa alam ng babae ay ito: ang tubig palang ibibigay ni Jesus ay yaong nagiging bukal sa kaloob-looban ng tao.  Ngayon, hindi lang sa marami na agad silang napag-usapan, palalim na nang palalim ang pag-uusap nilang dalawa.  Hindi na lamang basag ang pader sa pagitan nila, gumuguho na ito.  At sa pag-iisip na na kay Jesus ang sagot sa pagkauhaw, manupa’t hindi na niya kakailanganin pang magparo’t parito araw-araw sa balon para sumalok ng tubig, ang babaeng Samaritana naman ang nakiusap, “Ginoo, pahingi naman po ako kahit konti ng tubig na sinasabi Ninyo.”

          Pero, anong sagot ni Jesus sa kanya?  “Tawagin mo muna ang asawa mo.”  At sinabi ng babae, “Wala akong asawa.”  Tama nga siya sapagkat lima na ang kinasama niya at kabit siya ngayon ng isa pa.  Aha, kakaiba pala ang pagkauhaw ng babaeng ito!  Ang tindi.  Walang katapusan ang paghahanap niya para sa Mr. Right ng buhay niya.  At ngayon ang nasa kanyang harapan at nakikiinom, si Jesus – siya na kaya ang Mr. Right para sa babaeng ito?

          Kinutuban ang babae na kakaiba ang lalaking kausap niya.  Anupa’t tinawag na niya si Jesus na “propeta”.  Alam ng lalaking ito kung sino siya talaga pero hindi siya kinokondena Nito o pinandidirihan o pinagagalitan.  Kakaiba Siya sa lahat ng mga lalaking nakausap na niya.  Hindi siya Nito pinagagalitan pero pranka Ito sa kanya, sinasabi lamang ang katotohanan ng tungkol sa kanyang buhay.  Ang kutob ng babae ay nauwi sa pagkabalisa. 

Masyado nang nagiging personal ang usapan nila kaya’t tinangka ng babaeng ibaling ang tema ng pag-uusap nila sa kung saan ang tamang lugar ng pagsamba sa Diyos: sa Templo ba sa Jerusalem o sa bundok sa Samaria.  Nakakatawang-nakakaawa ang babaeng may limang kinasama at ngayon ay kabit ng isa pa sapagkat habang inuumpisahang ungkatin ni Jesus ang kanyang sex life, gustung-gusto naman niyang magsimula ng seminar on liturgy!  Ganyan talaga, hindi ba?  Kapag masyado nang personal ang diskusyon, gusto na nating tapusin agad ang usapan at magsimula ng ibang mapag-uusapan o tuluyan nang manahimik.  Mas madaling pag-usapan ang mga lulutang-lutang sa hangin kaysa sa mga tagos-sa-buto.

Gayunpaman, sandaling pinagbigyan ni Jesus ang babaeng Samaritana sa mapanlihiis na tanong nito tungkol sa liturhiya.  Pero hindi kaabalahan ni Jesus ang tungkol sa kung saan dapat sinasamba ang Diyos kundi kung paano ba dapat sambahin ang Diyos.  Dapat daw sambahin ang Diyos sa espiritu at sa katotohanan.

Katotohanan.  At ibinalik ni Jesus sa dati ang pag-uusap nila: ang katotohanan.  Paano mo nga ba masasamba ang Diyos kung hindi mo hinaharap ang katotohanan tungkol sa iyong sarili?  Anong palamuti ito?  Anong pagbabalatkayo?  Ang pagsambang hindi nag-uugat sa kung sino ka talaga ay huwad.  Ang pagsambang walang kaugnayan sa tunay mong pamumuhay ay pagsisinungaling.

Kapuna-puna sa mga kuwento sa Ebanghelyo na madalas ay bantulot si Jesus na aminin sa sarili Niyang mga kababayang Judyo na Siya nga ang pinakahihintay nilang Kristo.  Pero sa babaeng Samaritanang ito – na taong-labas sa Kaniyang lahi – sinabi mismo ni Jesus na Siya nga ang Mesiyas, ang Kristo.  At sa pag-amin ni Jesus, ipinagkaloob Niya sa babaeng Samaritana ang Kanyang sarili. 

Ibinigay ni Jesus sa babae ang tubig na buhay.  Makauuwi na ang babae nang walang ng timbang dala-dala, wala nang pasang-pasang mabigat na tapayan, at makahaharap na siya sa mga tao nang makatotohanan.  Anupa’t masaya at patakbo pang umuwi ang babae.  Hindi niya kayang isekreto ang kanyang naging karanasan kay Jesus, ang karanasan niyang ito mismo ang naging mensahe para sa iba.  Pinalaya siya ni Jesus para ihatid ang Kanyang mensahe sa iba.  Malinaw ang sinasabi ng Ebanghelyo: dahil sa babaeng Samaritanang ito sinalubong si Jesus nang buong bayan at marami ang nanalig kay Jesus dahil sa kuwento ng babaeng ito.  At higit pang marami ang sumampalataya kay Jesus nang sila mismo ay makatagpo Siya.

Ang babaeng Samaritanang ito ay isa sa mangilan-ngilan lamang na mga tauhan sa buong Ebanghelyo na nag-akay ng maraming mga tao kay Jesus.  Anuman ang kanyang kahapon, hindi ito naging hadlang.  Ito ang kanyang kuwento.  Sa wakas, natagpuan na niya ang kanyang Mr. Right.  

Pawi na ang uhaw ng babaeng Samaritana.  Pinawi ito ni Jesus.  Kataka-taka, hindi ba nagsimula ang kuwento na si Jesus ang nauuhaw at humihingi ng maiinom?  Sa krus, pagsapit ng Biyernes Santo, ito pa rin ang daing ni Jesus: “Ako’y nauuhaw.”  At napawi naman ang iba’t ibang uhaw natin.

          Puwede po bang makiinom?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home