MERON AKONG KUWENTO: ANG THEME SONG
Misa de Gallo 7
Lk 1:46-56
Alam ba ninyo ang theme song ni Fr. Caloy (parochial vicar ko po)? Palagay ko po ito kasi kapag may kantahan, hindi po ito mawawala sa repertoire n’ya:
The closer I get to touching you
The closer I get to loving you
Give it a time
Just a little more time
We'll be together
Every little smile
That special smile
The twinkle in your eye
In a little while
Give it a time
Just a little more time
So we can get closer
You and I
E, si Fr. Bobby po – alam ba ninyo ang theme song ng buhay n’ya? Ito po:
Coz there's something in the way you look at me
It's as if my heart knows you're the missing piece
You make me believe that there's nothing in this world I can't be
I never know what you see but there's
Something in the way you look at me
Opo, there’s something po talaga in the way you look at me, lalo na ‘yung mga nakikipag-away pa makaupo lang sa tapat ko tuwing magmi-Misa ako. May balita nga po ako na meron daw dyan, kapag dumating at may nakaupo na sa tapat ko, pinaaalis ang nakaupo at ang rason ay gusto ko raw po kasing doon s’ya nakaupo. Meron pa d’yan, naku po, binabantayan ang mga mata ko at kapag mapadaan ang tingin ko sa kanya nakikipag-“eye-talk”. Hay naku, kayo na po ang maging Fr. Bobby! Biro lang po. Pero bato-bato sa langit ang tamaan huwag magagalit…kasi tutoo naman.
Kayo po ano ang theme song ng buhay n’yo? Theme song po ang tema ng kuwento ko sa inyo ngayong araw na ito.
Hindi ko po maintindihan kung bakit sa noon time show na “Win na Win”, ang mga theme song ng buhay ng mga contestant ay malulungkot lahat. Naku po, bumabaha ng luha sa Dos pagsapit ng alas-dos y media. Siguro, dapat nang palitan ang title ng show nila: sa halip na “Win na Win”, gawing nang “Lose na Lose”. Ang lungkot-lungkot po kasi ng programang ‘yan. Sa apat na main hosts palang, nakakaiyak na e. Kawawa nga po si Pokwang, nasasayang ang talents n’ya; magaling pa naman siyang mag-host. Kaya po kung dati ay tutok kami sa Dos pagdating ng tanghali, ngayon Sieteng Siete na kami: “she-shembot, shembot, she-shembot, shembot, wag kang mapagod.” Natural ang saya nila roon sa Siete. Nakakatuwa sila. Hindi nila kailangang ungkatin ang malungkot na kahapon ng iba para lang may maipalabas sila. “Jump, brother! Jump, brother! Jump, jump, jump! Jump!” – may pagka-religious pa; hindi po ba kanta sa Cursillo ‘yan?
Kung ako po ang sasali sa palarong “Theme song ng Buhay Ko” ng Win na Win, ito po ang sasabihin ko:
“Medyo magulo po ang buhay ko. Hindi ko maintindihan ang lahat ng mga nangyari sa buhay ko. Ako po ay litung-lito. Halos mabaliw na po ako. Kaya ito po ang theme song ng buhay ko:
Pong chuwala (pong chuwalai)
Chi chi ri kong koila
Butse kik (butse kik) ek-ek-ek (ek-ek-ek)
Bo bochichang (bo-bochichang)
Chi chiri kong tong nang
Butse kik (butse kik) ek-ek-ek (ek-ek-ek)
Ang gulo po talaga, hindi ba? Hindi mo maintindihan ang gustong sabihin. Mga letrang pinagsama-sama lang tapos nilapatan ng musika, kanta na.
Ngayong umagang ito, sa pagpapatuloy po ng kuwento ko sa inyo, may kumakanta: si Maria, ang ina ng Itinakda. Ang sabi po ng ibang dalubhasa ng kuwento ko, hindi raw po talaga si Maria ang lumikha ng kantang ito. Sa halip, isinalabi ni Lukas kay Maria ang isang matandang awit ng kanilang lahi. Bagay na bagay daw po kasi kay Maria.
Ganyan ang kanta, hindi ba? May binabagayan. Tingnan po ninyo ang nasa kanan ninyo. Sa palagay ninyo anong kanta ang bagay sa kanya? Bibigyan ko ulit kayo ng kalahating minuto, pakikanta po sa kanya ang kantang bagay sa kanya. Anong kanta ang kinanta ninyo sa katabi n’yo? Bakit? Kasi bagay sa kanya.
Magnificat po ang pamagat ng theme song ng kuwento ko at si Maria nga po ang singer ng kantang ito. Ang ibig sabihin po ng Magnificat sa wikang Latin ay “nagpupuri”. Ang mga unang lyrics po kasi ng kantang ito ay “Magnificat anima mea Dominum” na sa atin pa ay “Ang diwa ko’y nagpupuri sa Panginoon.” Bagay na bagay po talaga kay Maria ang kantang ito. Bakit?
Una, bagay na bagay po kay Maria ang kantang ito dahil sa mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos sa kanya. Tama po ang sinasabi ng kanta: tatawagin siyang mapalad ng lahat ng salinlahi sapagkat nilingap siya ng Diyos na Tagapagligtas. Si Maria po mismo ang halimbawa ng inaawit niyang “kinahahabagan ng Diyos ang mga may takot sa Kanya.”
Kayo po, may takot po ba kayo sa Diyos? Meron? Mabuti naman po, kasi, sa panahon natin, maraming tao na ang walang takot sa Diyos, hindi ba? May mga pulitikong gumagamit sa Diyos mapasa-puwesto lang. May mga taong-simbahan din na kung tutuusin ay malaking kahihiyan ng Diyos. May mga artista dyan, makapagpatawa lang, pati ang Diyos binabastos. Sana manumbalik sa lahat ng tao ang tamang pagkatakot sa Diyos.
Ikalawa, bagay na bagay po kay Maria ang kantang ito kasi isa siyang rebolusyonera. Oops, linawin natin itong mabuti. Hindi po ibig sabihin nito na si Maria ay may hawak-hawak na tabak at sumisigaw ng “Sugod, mga kapatid! Ibagsak ang naghaharing uri!” Hindi po ganun ang pagka-rebolusyonera nitong si Maria. Sa tahimik ngunit makapangyarihan at mahiwagang paraan, pinasimulan ng Diyos ang isang kakaibang rebolusyon sa pamamagitan niya: ito ang rebolusyon ng puso. Binabago ng mga bisig ng Diyos mismo ang hindi wastong nakasanayang kaayusan at pagpapahalaga ng mundo na sanhi ng sumpa mula sa kataksilan ng mga una Niyang nilikha. Ang mga may masasamang isip ay pinangangalat Niya, sinisipa ang mga hari sa trono, samantalang itinataas ang mga aba, binubusog ang mga nagugutom at ang mayayaman naman ay pinalalayas nang gutom. Ang kaharian ng Diyos ay kaharian ng mga kabaliktaran: ang nahuhuli ang mauuna. At nagsisimula na ito sa buhay ni Maria. Si Maria ang babaeng tanda hindi lamang ng pagdating ng Itinakda kundi pati na rin ng tiyak na tagumpay Nito. Ito ang nasusulat: matapos Niyang mabatid na ang ulupong ang nagbuyo sa Kanyang mga unang nilikha na Siya ay pagtaksilan, isinumpa ng Diyos ang ulupong at tsaka binitiwan ang dakilang pangako na ang wika, “Papag-aalitin Ko kayong dalawa ng babae, ang iyong lahi at ang kanya. Ang iyong ulo ay kanyang dudurugin, at ang kanyang sakong naman ay iyong aabangan” (Gen 3:15). Ang sakong iyon ay kay Maria at ang lahing iyon ay ang lahi ng Itinakda na sanggol ni Maria.
Kayo po, kanino kayo kampi – kay Maria o sa ulupong? Sa Itinakdang anak ni Maria o sa mga kalahi ng ulupong? Matagal na pong nagsimula ang digmaan. Kaninong laban ang ipapanalo natin?
Ikatlo, bagay na bagay kay Maria ang Magnificat sapagkat ang awit na ito ay awit ng paggunita. Ganyan po kasi itong si Maria, matalas ang alaala. Palibhasa, ang sabi-sabi, tuwing may mahahalagang pangyayari sa buhay niya, pinagbubulay-bulayan daw niya ang mga iyon sa kanyang puso. Kaya rin po hindi siya nakakalimot magpasalamat, lalo na sa Diyos. Hindi po ba, may kasabihan, “Gratitude is the memory of the heart”? Naaalala ni Maria ang pangako ng Diyos, kaya’t nakikita niya ang mga pangyayari sa buhay niya at sa buhay ng Itinakdang nasa sinapupunan pa lang niya bilang pagkilos ng Diyos para tuparin ang Kanyang binitiwang salita. Ito rin po ang dahilan kung bakit ang awit niyang ito ay awit din ng pasasalamat.
Kayo po, madali ba kayong makalimot? Mabilis n’yo bang malimutan kung gaano kabuti ng Diyos sa inyo? Hindi po ‘yan magagamot kahit pa ng Memory Plus. Isa lang ang gamot d’yan: palagiang pagninilay sa galaw ng Diyos sa buhay n’yo.
Ayon sa kuwento ko, pagkatapos daw pong umawit ni Maria, hindi pa s’ya nag-bow. Hindi pa siya tapos sa kanyang performance. Nanatili pa raw siya sa piling ni Elizabeth at dinamayan ito hanggang makapanganak. Mga tatlong buwan pa raw iyon. Hindi ko po alam kung itinuro ni Maria kay Elizabeth ang awit niya, pero napakalinaw mula sa salaysay na ipinaranas ni Maria kay Elizabeth ang kahulugan ng kanyang kanta.
Sana po, gayun din kayo. Huwag lang kayong kanta nang kanta. Dapat maramdaman ng nakikinig sa inyo ang kinakanta ninyo. Kailangan maranasan nila ang mensahe ng awit ninyo. Ang tunay na sukatan ng mahusay na mang-aawit ay sa kakayahan niyang isangkot sa kanyang inaawit ang kanyang mga inaawitan. Ang pag-awit ay hindi lamang pagtatanghal. Ang pag-awit ay paglilingkod pa rin.
Ito po ang theme song ng kuwento ko. Kayo, ano po ang theme song ng buhay n’yo? Paalala lang po, sana talagang bagay sa buhay n’yo ang theme song n’yo.
1 Comments:
Fr. Bob, tungkol po sa mga nakikipag “eye talk” sa inyo, huwag n’yo na lang po tingnan at pansinin… masasanay rin po kayo... heheheh… :D
Eto naman po ang theme song ko kay Lord Jesus:
"Unashamed" by Starfield
I have not much
To offer You
Not near what You deserve
But still I come
Because Your cross
Has placed in me my worth
Oh, Christ my King
Of sympathy
Whose wounds secure my peace
Your grace extends
To call me friend
Your mercy sets me free
And I know I'm weak
I know I'm unworthy
To call upon Your name
But because of grace
Because of Your mercy
I stand here unashamed
I can't explain
This kind of love
I'm humbled and amazed
That You'd come down
From heavens heights
And greet me face to face
Here I am at Your feet
In my brokenness complete.
Link:
http://www.youtube.com/watch?v=FuunWxUoDwk&feature=related
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home