26 July 2014

PAREHO PO BA TAYO NG KAYAMANAN NI JESUS?

Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 13:44-46 (1 Hari 3:5, 7-12 / Slm 118 / Rom 8:28-30)



Wala pong maganda na hindi pinaghihirapan.  Walang masarap na hindi pinagtitiyagahan.  Kaya gumaganda ang katawan ng dating sobra sa timbang kasi po naghirap siyang mag-diet.  Kaya po masarap ang sinigang ni nanay kasi pinagtiyagahan niyang pisa-pisain ang sampalok; hindi siya gumagamit ng instant-instant lang.

Wala pong sinuman ang nakapagkakamit ng mahalaga nang wala siyang ipinagpapalit.  Kahit po yaong ipinanganak nang mayaman na ay may isinasakripisyo rin para mapanatili at higit pang mapalago ang kanyang kayamanan.

Kung ang buhay ng tao ay hinuhubog ng mga pinahahalagahan niya, maaari nga pong sukatin ang buhay natin sa husay nating ipagpalit ang anumang meron tayo para sa higit na mahalaga para sa atin.

Ano po ba talaga ang pinakamahalaga para sa atin?  Ano din naman po ba ang tutoong pinahahalagahan natin?  Minsan po kasi magkaiba ang tutoong pinakamahalaga para sa atin sa talagang pinahahalagahan natin.  Sabi ng estudyante, mahalaga raw sa kanya ang makatapos nang pag-aaral pero hindi naman po siya nag-aaral: lakwatsa nang lakwatsa; absent sa klase pero laging present sa pagdodota; ayaw mag-research pero search nang search naman sa Facebook; hindi gumagawa ng projects pero pino-project ang babes o dudes sa campus.  Paano siya makatatapos ng pag-aaral?  Sabi ng estambay sa kanto, gusto raw niyang guminha-ginhawa naman ang buhay niya pero hindi naman po siya naghahanap-buhay: maghapong pa-esta-estambay, lagi pang lasing at nagsusugal.  Paano siya giginhawa?  Sabi pa ng isang kanta, “Gusto kong bumait pero di ko magawa.”  O, eh bakit hindi mo gawin?  Sabi ng tatay, mahal daw n’ya ang mga anak n’ya, eh bakit s’ya nagdo-droga?  Ang sabi naman ng nanay, marami raw siyang mahahalagang gawin sa bahay, pero maghapon naman siyang nangangapit-bahay: tsismis dito, tsismis doon.  At, tayo pong lahat, gusto nating makarating ng langit, hindi ba?  Pero wala namang gustong mauna.  (Meron po ba ritong gustong mauna?  Pakisabi n’yo lang po; may ipakikisabay kami sa inyo.)

Bakit nga po ba ganun?  Bakit ang itinuturing nating yaman ay hindi naman natin pinagyayaman?  Bakit ang sinasabi nating mahalaga sa atin ay hindi naman natin pinahahalagahan?  Baka naman po kasi hindi talaga natin nauunawaan ang ibig-sabihin ng “mahalaga”.  Baka mali po ang itinuturing nating kayamanan.  Baka rin nakatingin tayo sa kanan gayong nasa kaliwa naman po pala ang tutoong kayamanan.

Noon pong taong 1947, isang pastol ang nagpapastol ng kanyang mga kambing sa gawing kanluran ng dalampasigan ng Dagat na Patay o Dead Sea.  Isa sa mga kambing niya ang napahiwalay sa kawan.  Sa paghahanap niya sa naligaw na kambing, kinailangan niyang akyatin ang napakatarik na bangin.  Sa kanyang paghahanap, napadaan po siya sa labas ng isang madilim at makipot na yungib.  Binato niya ang loob ng yungib at narinig niya ang tunog ng tila nabasag na kung ano.  Nagmamadali niyang tinawag ang kanyang kaibigang pastol din at magkasama nilang pinasok ang makipot at madilim na yungib.  Alam po ba ninyo kung ano ang natagpuan nila roon?  Natagpuan po nila ang ilang malalaking tapayan, at sa loob ng mga tapayan ay nakabalot sa mahahabang tela ang isa sa mga pinakamahalagang archeological discovery sa makabagong panahon: ang “Dead Sea Scrolls”.

Subalit hindi po batid ng magkaibigang pastol ang kayamanang natagpuan nila, kaya’t pinilit po nilang maibenta ang mga palumpon o scrolls sa isang negosyante sa Bethlehem sa sobrang murang presyo na twenty pounds lamang.  Ngunit hindi nila napapayag ang negosyante sa presyo: hindi rin batid ng negosyante na napakalaking kayamanan pala ang palupon o scrolls na iyon.

Nabatid lamang po ng buong mundo ang pagkanapakahalaga ng Dead Sea Scrolls nang mapasakamay ng isang Syrian patriarch sa Jerusalem ang apat sa mga palumpong ito.  At ang tatlo sa apat na palumpon ay na-smuggle naman palabas ng Israel patungong Estados Unidos.  Doon sa Amerika, matapos ang masusi, madalubhasa, at siyentipikong pagsusuri, napag-alaman po na ang nilalaman pala ng mga palumpon ay mga alituntunin sa buhay-pamayanan ng Qumran, kung saan ito nadiskubre, at mga baha-bahagi ng orihinal na Banal na Kasulatan.  Ayon sa Carbon 14 test, ang taon ng telang nakabalot sa mga palumpon ay humigit-kumulang 33 A.D.

Opo, kapanahon nga po ni Jesukristo!  At noon pong mga taon ding iyon – 33 A.D. – ilang milya lang sa hilaga ng Qumran, kung saan nga nadiskubre ang Dead Sea scrolls, si Jesus ay nagkukuwento naman tungkol sa isang taong hindi sinasadyang nakatagpo ng kayamanang nakabaon sa isang bukid.  Dali-dali raw pong tinabunang muli ng taong ito ang kayamanang natagpuan niya at, maligayang-maligaya, humayo siya para ipagbili ang kanyang mga ari-arian at binili naman niya ang bukid na yaon.  Di tulad ng dalawang magkaibigang pastol na nakadiskubre sa Dead Sea Scrolls, batid ng taong ito sa kuwento ni Jesus ang halaga ng kanyang nadiskubri kaya naman po maligayang-maligaya niyang ipinagpalit ang lahat para kayamanang hindi niya sinasadyang natagpuan.

Hindi lang po makuwento si Jesus, talagang marami Siyang baong kuwento.  Sinabi pa Niya, kung ang tao sa una Niyang kuwento ay hindi sinasadyang nakatagpo ng kayamanang nakabaon sa bukid, meron din daw pong isang mangangalakal na sadya namang naghahanap ng mamahaling perlas.  Alam n’yo po, palagay ko, noong panahon ni Jesus, bukambibig ang katagang “perlas” para ipahiwatig na sobrang mahal ng isang bagay o pagkataas-taas ng halaga nito.  Naaalala n’yo po ba ang nasusulat sa Mt 7:6?  “Huwag ninyong ibibigay sa mga aso ang banal; huwag ninyong itatapon sa mga baboy ang inyong mga perlas,” wika ni Jesus.  Malamang po ang katagang “perlas” ay idiomatic expression para sa “mahalagang-mahalaga” o “ubod ng mahal”.

Nang mamataan daw po ng mangangalakal ang isang mamahaling perlas, hindi na niya ito nilubayan ng tingin.  Agad niyang ipinagbili ang lahat ng kanyang mga ari-arian para mabili niya ang perlas na walang kasinhalaga.  Ano raw po ang kapalit ng mamahaling perlas?  LAHAT.  At nang mapasakanya na ang perlas na mamahalin, natapos na rin daw, sa wakas, ang kanyang napakatagal na paghahanap.

Kayo po, may hinahanap ba kayo?  Ano pong hinahanap n’yo?  Baka naman po mali ang hinahanap n’yo?  Baka rin po sa maling lugar kayo naghahanap.  Baka lang.

Para sa mga nakamasid sa kanila, mga baliw ang dalawang tao sa kuwento ni Jesus sapagkat ipinagpalit nila ang lahat-lahat nila para lamang sa isang uri ng kayamanan.  Ngunit, sa pananaw ni Jesus, talagang naunawaan ng dalawang ito ang tunay na halaga ng kanilang natagpuan: hindi lamang sila handang ipinagpalit ang lahat; maligaya rin po nila itong ginawa.  Para sa mga nakapaligid sa kanila, malaking kabaliwan, kundi man pabayang pasiya, ang ginawang pagtataya ng dalawang taong ito.  Pero ang tunay na kabaliwan po ay kapag pinalampas pa nila ang pagkakataong dumating sa buhay nila.  Sa sukatan ni Jesus, hindi po mga baliw ang dalawang taong ito; sa halip pa nga, sila ang tunay na marunong.  Hindi lang po sila marunong kumilatis ng tunay na yaman, marunong din po silang magtaya.

Kayo po marunong ba kayong magtaya?  Para sa ano po kayo nagtataya?  Para kanino kayo nagtataya?  Ano naman po ang itinataya ninyo?  Iyan nga raw po ang kahinaan nating lahat: ang pagtataya.  Pare-pareho raw po tayo ng middle initial.  Ano po?  S.  Ano pong ibig-sabihin ng “S”?  Segurista.  Sinisiguro raw po muna natin ang kikitain natin bago tayo magtaya.  Tinitiyak daw po muna natin na meron tayong mahihita bago tayo magbitiw ng halaga.  Tutoo po ba ‘yun?

Ang mga tanong ni Jesus sa Kanyang mga tagapakinig noon ay mga tanong pa rin Niya sa atin ngayon: “Ano ba ang tingin n’yo sa paghahari ng Diyos?  Gaano ba ito kahalaga para sa inyo?  Sa tutoo lang, para sa inyo, may kapantay ba ng halaga ang paghahari ng Diyos?  Sa ano at kanino n’yo kayang ipagpalit ang paghahari ng Diyos?  Meron ba?  Sa ano at kanino n’yo kayang bumitiw para lamang mapasainyo ang paghahari ng Diyos?  Kaya mo bang itaya ang lahat para sa Diyos?”  Kung ang tingin at turing natin sa paghahari ng Diyos ay tulad ng tingin at turing ng dalawang tao sa talinhaga ni Jesus tungkol sa nakabaong kayamanan at mamahaling perlas, kahit ano at kahit sino kakayanin po nating bitiwan at talikuran huwag lamang ang Diyos.

Maging si Jesus ay kinailangan ding bumitiw sa lahat matupad N’ya lamang ang kalooban ng Ama at maipagkaloob sa atin ang kaganapan ng buhay.  Sa Fil 2:6-11, sinasabi ni Apostol San Pablo na hinubad ni Jesus maging ang Kanyang pagka-Diyos at inako ang aba nating kalagayan.  Para kay Jesus, walang kayamanang hihigit pa sa paghahari ng Kanyang Ama, anupa’t itinaya Niya ang lahat upang ang kalooban ng Ama’y maging kalooban din Niya.  Sa Mt 26:42 at Lk 22:42, naririnig po natin si Jesus sa Hardin ng Gethsemane, “Ama ang kalooban Mo, hindi ang kalooban Ko.”  Kaya nga, hindi po nakapagtataka na nang turuan Niyang manalangin ang mga alagad, tinuruan Niya silang hingin sa Ama, “Mapasaamin ang kaharian Mo.  Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit” (Mt 6:10).  At isinabuhay Niya ang panalanging ito sa paraang napaka-radikal at sukdulan anupa’t, sinasabi sa Mk 3:21, inakala raw ng Kanyang mga kamag-anak na nababaliw si Jesus kaya’t pinilit daw nilang kunin Siya.  Ngunit magpahanggang kamatayan sa krus, yakap-yakap ni Jesus ang Kanyang kayamanan: “Ama, sa mga kamay Mo inihahabilin Ko ang Aking espiritu” (Lk 23:46).  Kaya naman po, yakap-yakap din Siya ng tinuturing Niyang Kayamanan, at ibinangon Siya Nito mula sa kamatayan.

Tayo po, ano ba ang yakap-yakap natin?  Ano naman po ang nakayakap sa atin?  Huwag na po nating hintayin ang kamatayan; ngayon pa lang ay sagutin na natin ito.  Palibhasa, kung ano po ang palagi mong yakap sa buhay malamang iyon din po ang yakap mo sa kamatayan.  At ang nakayakap sa iyo ngayong buhay ka pa, yayakap pa kaya sa iyo kapag patay ka na?

Kaya matuto po tayo kay Haring Solomon sa unang pagbasa natin ngayon.  “Bigyan mo po ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala sa masama at magaling,” dalangin niya sa Panginoon.  Hingin din po natin ang biyayang ito para sa isa’t isa.  Sana, talaga po nating maunawaan at kilalanin ng ating puso na sa Diyos natin dapat itaya ang lahat-lahat natin.  Sana huwag na huwag po natin Siyang ipagpapalit kahit kanino at kahit sa ano.  Sapagkat, ika nga po ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon, “…mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa Kanya”.  Kasama po kaya tayo roon?

Bukambibig natin, mga alagad tayo ni Jesus kaya kay Jesus tayo (hindi kay Susan).  Pero ang kay Jesus po ba ay sa atin din?  Ang pinahahalagahan Niya, pinahahalagahan din  ba natin?  Ang kaabalahan Niya, kaabalaha din po ba natin?  Ang kayamanan Niya, siya rin po bang kayamanan natin?  Baka hindi.  Baka lang po.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home