23 October 2011

ANG TUNAY NA DAYUHAN

Ikatatlumpong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 22:34-40

         Tagarito po ba kayo sa parokya namin?  Kung hindi po, bakit po kayo naligaw dito sa amin?  “Naligaw” – ito ang paraan natin para ilarawan ang isang estranghero o dayuhan sa piling natin.  Naligaw siya.  Hindi siya dapat narito, pero napadpad siya rito.  Hindi siya kabilang dito.
          Palagay ko po, wala naman sa atin ang may gustong maligaw.  Nakakatakot maligaw, lalo na kung maligaw ka sa isang lugar na wala kang kakilala kahit isa.  May mga lugar na mapanganib sa mga taong gala-gala sa lansangan, lalo na kapag kumagat na ang dilim.  Kapag isa kang estranghero o dayuhan sa piling ng iba, hindi mo maiwasang mabalisa, mag-alala, mangapa, at, minsan pa nga, matakot.
          Likas po sa atin ang magnais na mapabilang, ang pakiramdam na hindi ka iba sa mga taong nakapaligid sa iyo at sa lugar na kinalalagyan mo.  Hindi lamang po kaseguruhan at kapanatagan ang dala nito sa atin.  Ang karanasan natin ng pagiging kabilang ang mismong nagbibigay sa atin ng tinatawag na “identity” o pagiging kung sino tayo.  Kapag maganda ang karanasan nating ito, tsaka lamang tayo umuunlad sa ating pagkatao.
          Pero may mga pagkakataon pong hindi tayo ang dayuhan, sa halip ay tayo ang mga “taga-rito” at nasa piling natin ang isang bagong mukha, isang di-pamilyar na tao, isang estranghero.  Kung inaakala ng dayuhan na siya lamang ang nangangamba, nagkakamali siya.  Natatakot din tayong karakarakang makisalamuha sa taong hindi natin kakilala.  Hindi natin basta-basta pinatutuloy sa loob ng bahay ang taong bago sa ating paningin.  Kikilalanin muna natin siya.  Depende sa kung sino siya at sa kung ano ang pakay niya kung patutuluyin natin siya.  Maliban na lamang kung makagaanan natin siya ng loob, baka hindi na lang natin bubuksan ang gate at tatapusin natin agad ang usapan.  Kadalasan, hindi natin agad pinagkakatiwalaan ang ibang tao, lalo na yaong mga hindi pamilyar sa atin.  Kung tutuusin, nauuwi ang lahat sa tanong na ito: Ang taong ito ba ay isa natin o hindi?
          Sa ating unang pagbasa ngayong araw na ito, binibilinan ni Yahweh si Moises na sabihin sa Bayang Israel na huwag na huwag nilang gagawan ng masama ang taong dayuhan.  Ipinaaalala ni Yahweh sa kanila na sila mismo ay dating mga dayuhan sa Ehipto; kung kaya’t dapat lamang silang maging mahabagin sa mga dayuhan kung paanong kinahabagan sila ni Yahweh.  Parang ganito po ang istruktura ng atas ni Yahweh sa Kanyang Bayan: “Huwag ninyong gagawin iyan kasi ganito ang ginawa Ko sa inyo.”  Nakabatay sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh ang masamang hindi nila dapat gawin sa iba.  Ang utos ni Yahweh ay inilalahad sa hindi dapat gawin ng mga Israelita na siya namang ginawan Niya nang abut-abot na kabutihan.
          Sa Lumang Tipan, maaaring ayos na ang utos na huwag gawin ito o huwag gawin iyon.  Ngunit, sa liwanag ng ganap na pagpapahayag ng Diyos kay Kristo Jesus, hindi ito sapat, unang hakbang lang.  Mabuti ang hindi gawan ng masama ang kapwa, dayuhan man siya o hindi.  Pero, iniangat pa ni Jesus ang tawag ng kabutihan sa iba.  Hindi na lamang “huwag”, meron na ring “dapat”.  Huwag ka ngang manlalamang ng kapwa, pero dapat mo rin siyang tulungan sa kanyang pangangailangan.  Huwag ka ngang papatay, pero dapat mong aktibong itaguyod ang buhay.  Huwag ka ngang mang-aapi, pero dapat ka ring dumamay sa mga nagdurusa.  Huwag ka ngang magsisinungaling, pero dapat mo ring itigil ang katsi-tsimis.  Huwag ka ngang gaganti, pero dapat ka ring magpatawad.  Hindi na sapat ang walang gawing masama; kailangan ding gumawa ng mabuti.  Sa usapin ng kaligtasan, bagamat awa pa rin ng Diyos ang magliligtas sa atin, hindi tayo matutulungan ng hindi natin paggawa ng masama kung hindi naman tayo gumagawa ng mabuti sa kapwa.    Oo nga’t wala kang ginagawang masama sa iba.  Pero may mabuti ka naman bang ginagawa sa kanila?
          Tayong mga Pinoy, kapag may bisita, bago nga po natin siya papasukin at asikasuhin sa loob ng bahay, inaalam muna natin at tinitiyak ang pagkatao niya: Sino ka? Saan ka galing? Taga-saan ka? Anong sadya mo? Bakit?  Pero sa mga Israelita, ang mga tila simpleng tanong na ito ay itinatanong lamang matapos papasukin ang dayuhang nakatayo sa labas ng pintuan, pagpahingahin, asikasuhin, pakanin.  Matapos lamang maranasan ng dayuhan ang kagandahang-loob o “hospitality” ng may-ari ng tahanan tsaka ito hinahayaang unti-unting hubarin ang maskarang nagkukubli sa tunay nitong katauhan.  Dahil sa kabuting-loob na ipinaranas, ang dayuhan ay nagkakaroon ng lakas-loob na ipakilala ang tunay niyang sarili.  Kakaiba hindi po ba?  Parang mahirap gawin iyan sa ating lipunan.  Ang daming mga manloloko, magnanakaw, manghahalay, may maiitim na balak.  Mapanganib at halos kabaliwan para sa atin ang gawin ang kaugaliang ito ng mga Israelita.  Dapat kilalanin muna bago papasukin ng bahay.  Dapat kaliskisan muna bago tuluyang mahalin.
          May isang matandang tula ng mga taga Wales.  Pinagtangkaan kong isalin sa Tagalog ang isang taludtod nito nang ganito:
                   Mabuhay ka, panauhin, sino ka man di namin tatanungin:
                        Kung kaibigan, taus-pusong pagbati sa iyo’y handog namin;
                        Kung dayuhan, kaisa na namin ang sa iyo ay turing;
                        Kung kaaway, magagapi ka ng pag-ibig namin.
         
Ito ang tinutukoy ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong Linggo: ang mapanggaping kapangyarihan ng pag-ibig, the conquering power of love.  “You must love your neighbor as yourself,” wika ni Jesus.  Ang pag-ibig daw na ito ay hindi lamang ang pangalawang pinakamahalaga sa napakaraming mg utos; ito rin daw ay katulad din ng una na nag-aatas na mahalin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong isip.  Sa madaling-sabi, dapat isinasalamin ng pag-ibig natin sa ating kapwa-tao ang ating pag-ibig sa Diyos.  “Palibhasa,” ayon sa 1 Jn 4:20, “sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi makapagmamahal sa Diyos na hindi niya nakikita.”
Akala ba natin tuwang-tuwa ang Señor Sto. Niño kapag ipinagpapagawa natin ang Kanyang imahe ng bagong ginintuang sedro at korona, pero hindi tayo nababagabag sa kalagayan ng mga batang naglipana, bundat pero gutom, nanlilimahid, nilalangaw.  Bakit nga ba ayos lang sa atin ang kegara-garang damit ng Poong Nazareno – na, mawalang-galang po, ay di ko mawari sa suot kung papuntang kalbaryo talaga o patungong cotillion ng debut (bakit natin Siya pinagsuot ng saya tapos pinagbuhat ng krus) – pero di natin madamitan ang maraming mga taong nanginginig sa lamig?  Kung inaakala nating tuwang-tuwa ang Mahal na Inang Maria dahil sa mamahaling mga bato na inilalagay natin sa kanyang korona o kaya ay ang perlas at ginintuang rosaryo sa kanyang mga kamay, pero kuripot tayong mag-abuloy para sa mga gawain ng Santa Iglesiya para sa pagkakawanggawa at ebanghelisasyon, nagkakamali tayo.  Nakakatawang-nakakalungkot na nakakainis makita at marinig ang ibang mga manang sa simbahan: “Naku, kawawa naman ang imahe ng Most Sacred Heart of Jesus, pudpod na ang pilikmata.  At ang rebulto ng Santo Entierro, nalalagas na ang buhok.  Kailangan nating mag-raise ng fund para sa bagong pilikmata at bagong buhok ni Lord!”  Pero kapag humingi ng umento sa kanila ang kasambahay nila o kaya ay tulong-pinansyal ang kamag-anak, hinayang na hinayang sila sa kakaunting iniaabot nila na nang masama pa ang loob.  Ang iba naman, kahit pa madaling-araw magtatanod sa Adoration Chapel, pero kahit isang oras ay hindi madalaw ang mga maysakit.  Bakit ganun?
Ang pag-ibig natin sa Diyos ay dapat isinasalamin ng pag-ibig natin sa ating kapwa.  At ang pag-ibig na ito – kung tunay ngang sumasalamin sa pag-ibig natin sa Diyos – ay walang kaduda-dudang napakamakapangyarihan para magapi ang sinuman sapagkat ang pag-ibig na ito ay walang kinikilalang kaaway o dayuhan kundi mga kapatid lamang.  Para sa pag-ibig na tutoong sumasalamin sa pag-ibig sa Diyos, ang lahat ay kapatid, walang kaaway, walang dayuhan, walang taong-labas.  Malaon pa, ang pag-ibig na ito ay hindi nasisindak itaya kahit buhay pa: papapasukin muna niya ang taong di-kilala o di-kauri o di-pamilyar at aasikasuhin, pakakanin, paglilingkuran bago ito kilalaning mabuti.
Napakaradikal po ng hamon ni Jesus sa mga tunay na nagmamahal sa Diyos, hindi ba?  Pansinin natin itong mabuti at pagsikapang gawin dahil kundi baka magising na lang tayo sa katotohanang tayo pala ang dayuhan, ang estranghero, ang taong-labas sa kaharian ng Diyos.  Huwag naman po sana.
Pagpanaw natin sa buhay na ito at pagharap natin kay Jesus sa pintuan ng langit, baka naman tanungin din Niya tayo, “Tagarito ka ba?”

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home