MULTO
Biyernes sa Ika-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 6:14-29
Naniniwala po ba kayo sa multo? Ako po, naniniwala ako sa multo. Pero wala pa akong nakikitang multo. Meron po, mukhang multo lang.
Ang multo ay espiritu. Naniniwala po ako sa mga espiritu; samakatuwid, naniniwala ako sa multo. Pero, wala pa nga po akong nakikitang multo. Paano mo nga ba makikita ang espiritu?
Ngayong araw na ito, sa ating Ebanghelyo, nakakita si Haring Herodes ng multo. Si Juan Bautista ang multo niya. Isinasalaysay sa atin ng Ebanghelyong binasa natin kung paanong naging multo si Juan Bautista para kay Haring Herodes. Napakalaki kasi ng kasalanan ni Haring Herodes kay Juan Bautista. Si Juan ay biktima ng tangang kayabangan ni Herodes – maaari naman niya sanang bawiin ang kanyang salita nang ipinangako niya sa anak ni Herodias ang ulo ni Juan Bautista subalit hindi niya ginawa. At ginawa niya iyon sa kabila ng katotohanang kumbinsido siyang si Juan ay isang taong banal ng Diyos.
Pero hindi lang si Haring Herodes ang may multo, hindi ba? Kung makatotohanan tayo, aaminin nating may mga multo rin tayo. Nagkakamali tayo, pumapalpak, at nagkakasala. Sa madalas o minsan, mga biktima rin tayo ng ating katangahan at kayabangan. Nalilikha natin ang sarili nating mga multo. At tutoong-tutoo sila.
May mga taong nagsasabing hindi sila takot sa multo. Pero lahat ng tao ay ginagambala ng kanilang mga multo. Ano nga ba ang solusyon?
Una, tanggapin ang iyong pagkakamali o kasalanan, gaano man kalaki o kaliit ito. Ang pagtanggap sa pagkakamali o kasalanan ang siyang unang hakbang para buong-tapang na harapin ang multo mula sa iyong nakaraan. Sa pagtangging gawin ito, lalo ka lang hahabulin ng multo mo.
Ikalawa, buong-pusong pagsisihan ang katahangan at kayabangang sanhi ng iyong nagawang pagkakamali o kasalanan. Para huwag kang matakot sa multo mo, kaibiganin mo ito, at nagsisimula ito sa kababaang-loob na siyang ina ng tunay na pagsisisi. Tanggapin mo man ang pagkakamali o kasalanan mo hindi pa rin mawawala ang kinatatakutan mong multo kung hindi mo ito pagsisisihan; sa halip, nagiging halimaw lang ang dati mong maliit na multo.
Ikatlo, bumangon at bumawi. Pagpasiyang huwag nang muling gagawin ang maling ginawa. Pero hindi sapat ang pasiyang ito. Madalas nalilimutan nating bumawi. Dapat itama ang minali, ayusin ang ginusot, ibalik ang ninakaw. Hindi ba ninyo napapansin sa mga pelikula tungkol sa mga multo, kaya may multo kasi may hindi pa tapos, may hindi tinapos, may ayaw tapusin.
Lahat tayo ay may mga multo sa buhay. Marami sa kanila ay mula sa ating nakaraan. Bahagi na sila ng kung sino at ano tayo. Maari rin nating sabihing nagmula tayo sa kanila. Walang dahilan para mangatog sa takot, palibhasa ang lahat ay nagkakamali at nagkakasala. Pero maraming dahilan para kaibiganin sila at lumago tayo tungo sa pagiging kung ano tayo dapat maging: mga makasalanan nga ngunit minamahal.
Sa nobela ni Charles Dickenson, ang “A Christmas Story”, may tatlong multo: ang Ghost of Christmas Past, ang Ghost of Christmas Present, at ang Ghost of Christmas Future. Ang pangunahing tauhan sa nobelang iyon ay dumanas ng iba’t ibang mga nakasisindak na karanasan, pero sa katapusan ay nakaibigan niya ang kanyang mga multo. Sa wakas ng kuwento, ibang-ibang tao na siya. Naging mabuting tao siya dahil sa kanyang mga multo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home