TAONG-LABAS
Ikadalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 17:11-19
Ang daming mga ketongin sa Banal na Misang ito. Napalilibutan nila tayo at hindi tayo makaiiwas sa kanila. Nakatitig sila sa atin at hindi maaaring hindi magtagpo ang kanilang mga mata at mga mata natin. May sinasabi sila sa atin. May ipinaaalala. Pakinggan natin sila.
Lk 17:11-19
Ang daming mga ketongin sa Banal na Misang ito. Napalilibutan nila tayo at hindi tayo makaiiwas sa kanila. Nakatitig sila sa atin at hindi maaaring hindi magtagpo ang kanilang mga mata at mga mata natin. May sinasabi sila sa atin. May ipinaaalala. Pakinggan natin sila.
Ang unang ketongin ay si Naaman, isang paganong pinuno ng sandatahan ng Syria. Kuwento niya ang narinig natin sa unang pagbasa. Ang asawa niya ay may aliping Judyo. Nang magkaketong si Naaman, ikinuwento sa kanya ng aliping iyon ang tungkol kay propeta Eliseo. Sinubukan ni Naaman na magpadala ng mga tagapamagitan sa propeta. Nang malaman ni Eliseong may isinugo si Naaman sa kanya, pinadalhan niya agad ng mensahe si Naaman. Ang sabi ni propeta Eliseo kay Naaman: “Kapitan, ligo lang ‘yan! Kung gusto mong luminis ang balat mo, maligo ka sa Ilog Jordan at lumublod doon nang pitum beses.” Noong una, pakiramdam ni Naaman ay nainsulto siya kaya’t ayaw niyang sumunod sa payo ni Eliseo. Pero sa kalaunan, nahikayat din siya ng kanyang mga kaibigan na gawin ang ipinayo ng propeta. “Kung mahirap ang ipinagawa sa iyo ng propeta, siguradong gagawin mo para gumaling ka,” wika ng kanyang mga kaibigan sa kanya. “E, ang dali-dali lang kaya ng ipinagagawa sa yo. Sige na, gawin mo na! Anong malay mo, baka tutuong gagaling ka.” Kaya, naligo na lang din si Naaman sa Ilog Jordan at lumublob ng pitum beses. Nang umahon siya, wala na siyang ketong; magaling na siya.
Bilang tanda ng kanyang pasasalamat, gustong gantimpalaan ni Naaman si propeta Eliseo, pero tumanggi ang propeta. Sa halip, hiniling ni Eliseo kay Naaman na magtayo ng isang dambana para kay Yahweh, ang iisang tunay na Diyos. At nagtayo nga ng dambana si Naaman para kay Yahweh. Sa kuwenton ni Naaman, kapuna-puna na ang gumaling ay isang hindi napapabilang sa Bayan ng Diyos, hindi Judyo, bagkus isang dayuhan at hentil. Sa pamantayang Judyo, si Naaman, ay isang taong-labas.
At para nga sa mga taong-labas kaya sumulat si San Lukas ng ebanghelyo. Sa kanyang pagsulat, layunin ni San Lukas na ikuwento si Jesus sa mga taong-labas, mga taong hindi ibinibilang, hindi pinahahalagahan, mga walang boses sa lipunan: ang mga dukha, mga babae, mga bata, mga balo, mga makasalanan, mga hentil, mga hindi Judyo, mga ketongin, mga katulad ni Naaman. Ito ang dahilan kung bakit, sa apat na ebanghelista, tanging si San Lukas lamang ang bumabanggit kay Naaman sa isa sa mga kuwento niya tungkol kay Jesus. Ginawa ito ni San Lukas para ipakita na ang Diyos ay para sa lahat, taong-loob man o taong-labas.
Sa kuwento nga ni San Lukas sa atin ngayong araw na ito, may sampung ketonging pinagaling ni Jesus. Hindi sinasabi ng kuwento kung anu-ano ang mga lahi ng mga ketonging yaon. Pero natitiyak nating isa sa kanila ay Samaritano dahil binanggit ito mismo ni San Lukas sa ebanghelyo. Samakatuwid, ang isa sa kanila ay hindi lamang hindi Judyo kundi kaaway pa ng mga Judyo! Ang mga Samaritano ay mga kaaway ng mga Judyo. Katulad ni Naaman sa unang pagbasa, ang Samaritano ay taong-labas. Ngunit sa sampung ketonging pinagaling ni Jesus, tanging ang Samaritanong yaon ang nakaalalang tumanaw ng utang-na-loob at nagbalik para magpasalamat kay Jesus.
Halatang-halata, nasaktan si Jesus dahil sa siyam na, kahit anupaman ang kanilang mga dahilan, ay hindi nagpasalamat para sa napakalaking biyayang kanilang tinanggap.
Para ring nagtatanong si Jesus kung kinaya nga kaya ng powers Niya o hindi ang pagalingin ang sampung ketongin. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong pa Niya. Kung babaguhin natin ang ayos ng tanong ni Jesus nang hindi iniiba ang kahulugan, posibleng ganito ang nais Niyang sabihin; “Hindi ba gumaling ang sampu?”
Nasaan na nga ba ang siyam pang pinagaling ni Jesus? Bakit di man lamang sila bumalik para pasalamatan si Jesus? Hindi natin talaga alam kung nasaan ang siyam o kung bakit hindi sila bumalik para pasalamatan si Jesus. Kahit naman kasi si San Lukas ay tahimik tungkol dito. Basta ang sabi niya lang ay tanging ang Samaritano ang bumalik para nagpasalamat at hinanap ni Jesus ang siyam pa. Kaya, huwag tayong padalus-dalos sa paghusga sa siyam na yaon at sabihing sila ay mga walang utang-na-loob. Hindi natin talaga alam kung bakit hindi sila bumalik o nakabalik para nagpasalamat. Baka naman kasi ang iba sa kanila ay pabalik na sana pero naaksidente sa daan. Baka naman ang iba ay bumili pa ng maireregalo kay Jesus bilang pasasalamat kaya wala pa. Baka babalik din naman talaga ang siyam para magpasalamat kay Jesus kaya lang may ginagawa lang sandali. Baka rin naman, nang nakabalik at nakapagpasalamat na kay Jesus ang Samaritano, hindi pa nababatid ng siyam na magaling na rin pala sila. Palibhasa, ang sabi ng ebanghelyo, “at nang mapansin ng isa na magaling na siya.” Napansin ng isa. Yung siyam kaya napansin din nila na magaling na sila? Kung hindi nila napansin, bakit kaya? Wala kasing sinasabing nabatid nilang lahat na gumaling sila. Sa halip ang sinasabi ay nang mabatid daw ng Samaritanong gumaling siya, binalikan niya si Jesus at nagpasalamat sa Kanya. Baka kaya nga siya lang ang nagbalik at nagpasalamat kay Jesus ay dahil siya lang ang nakapansin sa biyayang tinanggap.
Ang talagang maaari lamang nating tingnan ay ang ating sarili at tanungin kung bakit nga ba tayo rin ay nalilimot magpasalamat sa Diyos at sa kapwa. Mabuti talagang sagutin natin ang tanong na iyan dahil baka hinahanap na rin tayo ng Diyos, gaya nang paghahanap ni Jesus sa siyam na hindi nagbalik at hindi nagpasalamat sa Kanya.
Sa pagwawakas ng ating pagninilay, hindi ko maiwasang isipin kung ano kaya ang sinagot ng Samaritanong yaon nang tanungin ni Jesus, “Hindi ba sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam?” Malakas ang kutob kong hindi alam ng Samaritano ang kanyang isasagot. Taong-labas siya, hindi ba?
Si Naaman sa unang pagbasa – taong-labas ngunit nagpasalamat. Ang Samaritano sa ebanghelyo – taong-labas din pero marunong tumanaw ng utang-na-loob. Minsan mabuti pa ang mga taga-labas kaysa mga taga-loob. Mabilis silang magpasalamat at marunong silang tumanaw ng utang-na-loob.
Kayo po at ako ay hindi mga taong-labas. Mga taong-loob tayo. Wala ba tayong nakakalimutang pasalamatan? Wala ba tayong nakakalimutang ipagpasalamat?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home