PAANO TAYO UUWI?
Ikatatlumpong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 18:9-14
Sikat ang talinhaga natin ngayong araw na ito. Bakit po? Dahil pangunahing tauhan nito ang paborito nating bidang-kontrabida. Hindi si Ruby. Ang Pariseo.
Lk 18:9-14
Sikat ang talinhaga natin ngayong araw na ito. Bakit po? Dahil pangunahing tauhan nito ang paborito nating bidang-kontrabida. Hindi si Ruby. Ang Pariseo.
Una sa lahat, huwag po nating iisiping lahat ng Pariseo ay halimbawa ng pagkahindi kalugud-lugod sa Diyos. Ni Nicodemus – isang lihim na alagad ni Jesus – ay halimbawa ng isang mabuting Pariseo. Pero marami sa mga kabaro niya ang talaga namang kontrabida hindi lamang sa buhay ni Jesus kundi sa buhay ng mga nagsisikap na tupdin nang tapat ang kalooban ng Diyos.
Ang katagang “Pariseo” ay nangangahulugang “the separated ones” o, sa atin pa, “ang mga ibinukod”. Mga ibinukod sila dahil sa sadyang napakahigpit nilang pagtupad sa kaliit-liitang detalye ng batas ni Moises. Sa paningin ng mga nakapaligid sa kanila, talaga namang napakamasunurin ng mga Pariseo sa Diyos. Pero ano nga ba ang tutoong palagay ng Diyos sa kanila?
Sa talinhaga ng ating ebanghelyo ngayong araw na ito, hindi sapat sa Pariseo ang pagkapribado ng kanyang tahanan para pagnilayan ang kanyang kahusayang moral. Kinailangan niyang magpunta sa templo at doon ay ilitanya sa Diyos ang kanyang mabubuting gawa. Samantalang nananalangin, minamataan naman pala niya ang isang Publikano – isang maniningil ng buwis – na itinuturing ng lahat na makasalanan at taksil sa sariling bayan. Kung sinuman ang nagpa-uso ng bukambibig na “mas banal pa sa Diyos” o “holier than Thou” sa Ingles, malamang nasa isip niya ang tagpong ito.
Sinabi ng isang pantas na kapag nagkakaisa ang lahat sa pagkokondena sa isang tao, dapat daw tayong magbantay. Walang taong nabubuhay ang masamang-masama na wala man lamang kahit isang butil ng kabutihan sa kanyang pagkatao. Wika pa nga ni San Agustin, “Since God became human, we can be sure that in everything human we can find something of the divine.”
Kung tayo, halimbawa, ay mga abugado, maipagtatanggol po kaya natin ang Pariseo sa ebanghelyo natin ngayon? Makatatagpo ba tayo ng butil ng kabutihan sa kanyang pagkatao?
Opo, sa katunayan, higit pa sa butil ang kabutihan meron ang Pariseong ito. Tinutupad niya ang kanyang mga obligasyong relihiyoso, nag-aayuno siya nang labis sa hinihingi ng batas, at bukaspalad siya sa pag-aabuloy sa templo. Hindi rin siya sakim, hindi doble-kara, at hindi nagpapasasa sa layaw ng katawan. Sa kayang makita ng ating mga mata, mistulang “the living saint” ang Pariseong ito.
Kung iniisip nating pagyayabang ang paglalahad niya sa Diyos ng mabubuti niyang gawa at katangian, nagkakamali tayo. Hindi tayo ang kinakausap niya; ang Diyos. Hindi siya nagyayabang, nagpapasalamat siya sa Diyos. He gives credit where credit is due. Nagpapasalamat siya sa Diyos. Hindi po ba dapat lang magpasalamat tayong lahat sa Diyos? Kundi sa tulong na rin ng Diyos, wala tayong magagawang anumang kabutihan. Ang magpasalamat sa Diyos, dahil tinutulungan niya tayong maging hindi masama, ay isang panalanging kalugud-lugod sa Diyos.
Pero kahit na sinong mahusay na abugado ay hindi mapawawalang-sala ang Pariseong ito. Manupa’t si Jesus mismo ang nagsasakdal sa kanya at nagbababa ng hatol. Kaya nga’t mahalagang maunawaan natin kung bakit gayon ang takbo ng kuwento. Ano ang malaking kasalanan ng Pariseong ito?
Ang malaking kasalanan ng Pariseong ito ay hindi pagyayabang kundi pagmamatuwid nang sarili. Sa pamamagitan ng talinhagang ito, ipinaliliwanag ni Jesus kung ano nga ba ang pagmamatuwid ng sarili. Ang taong mapagmatuwid sa sarili ay hindi ang taong mayabang. Ang mapagmatuwid sa sarili ay ang taong minamaliit ang kapwa. Ang kayabangan ng taong mapagmatuwid sa sarili ay makompetensya. Hindi niya lamang sinasabing “Ay, ang bait-bait ko talaga!” Sa halip, ito ang sinasabi niya: “Ay, ang bait-bait ko talaga KAYSA SA IYO!” Kaya nga ang Pariseo sa talinhaga natin ngayon ay nagpapasalamat sa Diyos dahil hindi siya katulad ng ibang tao, lalo na ng Publikanong kasabay niyang nagdarasal sa templo. Meron bang may karapatang humusga ng kapwa nang gayon?
Walang taong umaamin sa sarili niyang pagmamatuwid. Pero madaling husgahan ang iba na mapagmatuwid sa sarili. Meron ba ritong magsasabing siya ay mapanglait, nangmamaliit ng kapwa, mapaghusga sa iba? Wala. Pero hindi ibig sabihin noon na wala sa ating mapagmatuwid sa sarili.
Ito ang dahilan kung bakit napakamapanganib ng kasalanang ito. Ang taong madaling mapunang mapagmatuwid sa sarili ang kanyang katabi ay baka siya pa ngang tunay na mapagmatuwid sa sarili. Ang Pariseo sa talinhagang ito ay hindi kinakailangang nakataas ang noo at nakatingin nang mababa sa Publikano habang inililitanya niya sa Diyos ang mabubuting gawa at katangian niya. Ni hindi niya kailangang iparinig sa katabing Publikano ang paghahambing niya sa kanya. Ang kasalanang ito ay karaniwang nakatago, hindi obvious. Sinumang marahas humusga at nangmamaliit ng kapwa-tao – kahit sa isip niya lamang – ay walang pinag-iba sa Pariseong ito.
“Huwag kayong huhusga, nang hindi kayo husgahan,” atas ni Jesus sa Mt 7:1. Maaaring nasaksihan nga ng Pariseong ito ang isanlibu’t isang mga kasalanan ng Publikanong kasabay niya ngayong nagdarasal, ngunit hindi niya nakikita, hindi nababatid, na samantalang hinuhusgahan niya ang Publikano, ito ay nakikipagkasundo sa Diyos.
“O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, ako’y isang makasalanan” – ito ang pagsusumamo ng Publikano sa Diyos. “O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, ako’y isang makasalanan” – tanging ito lamang ang kaya niyang sabihin sa Diyos. “O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, ako’y isang makasalanan” – walang mga pagpapaliwanag, walang mga alibi, walang mga palusot – ito ang panalangin niya. Kung ihahambing sa litanya ng Pariseo, mistulang walang sinabi ang Publikanong ito. Ngunit pagkatapos nilang manalangin, ang umuwing kasundo ng Diyos ay ang Publikano, hindi ang Pariseo.
“O Diyos, mahabag po Kayo sa akin, ako’y isang makasalanan.” Kayo po, may gusto pa ba kayong idagdag dito?
Naparito rin tayo para manalangin. May mga Pariseo at mga Publikano ba sa atin?
Pagkatapos nating magdasal, paano kaya tayo uuwi?
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home