16 January 2010

IT...BULAGA!

Kapistahan ng Señor Sto. Niño
Lk 2:41-52

Nang tinupad ng Diyos ang Kanyang pangakong isusugo Niya ang sa atin ay tutubos sa sumpa ng walang-hanggang kamatayan sanhi ng pagpasok ng kasalanan sa sankatauhan dahil sa pagsuway ng una Niyang nilikhang tao, binulaga tayo ng Diyos. Talagang binulaga tayo ng Diyos. Bulagang-bulaga tayo!

Una, binulaga tayo ng Diyos dahil nang tupdin Niya ang Kanyang pangako, tumambad sa ating harapan ang Kanyang Anak na si Jesus. Ang isusugo pala Niya ay ang sarili at kaisa-isa Niyang bugtong na Anak. Nang binitiwan Niya ang Kanyang pangako sa Hardin ng Eden, wala kasi Siyang binanggit na ang Anak pala Niya mismo ang Manunubos na ipadadala Niya sa atin. Puwede naman sanang iba na lang – anghel kaya o bagong nilikhang makalangit. Subalit, walang itinanggi sa atin ang Diyos, wala Siyang ipinagdamot. Ibinigay Niya sa atin ang lahat dahil ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Anak.

Ikalawa, binulaga tayo ng Diyos dahil hindi lamang basta-basta Niya ibinigay sa atin ang Kanyang sarili at kaisa-isang bugtong na Anak, ipinagkaloob Niya Siya sa atin nang katulad natin sa lahat ng bagay, maliban sa paggawa ng kasalanan. Na ang Anak ng Diyos ang isinugo sa atin, nakita natin at nakipamuhay sa atin ay higit na sa kaya nating ipagpasalamat at ikamangha, anupa’t ang Anak na ito ay naging tao pa. Hindi lamang Siya nag-anyong tao, at mas lalo namang hindi siya nagkunwaring tao. Naging tao Siya talaga. At Jesus ang Kanyang pangalan. Puwede namang nang pumarito Siya sa atin ay nanatili na lamang Siyang Diyos at hindi na lang tao rin. Subalit si Jesus ay tutoong Diyos at tutoong tao rin - ang hiwaga ng Kanyang persona. Puwede naman sanang hindi na Siya nakibahagi sa ating kalikasan, subalit nakisalo pa Siya sa ating pagkatao.

Ikatlo, binulaga tayo ng Diyos dahil sa pagiging tao ng Kanyang Anak, hinayaan Niyang pagdaanan Nito ang lahat ng mga yugto ng pagpapakatao. Hindi Siya humingi ng anumang pribilehiyo na ma-exempt sa alinmang prosesong karaniwang pinagdadaanan natin bilang tao. Para sa ating mga Pilipinong mahilig sa mga exemptions, mga pribi-pribilehiyo, at mga VIP treatments, talaga namang kabigla-bigla ito. Puwede naman sanang lumitaw na lang bigla si Jesus bilang ganap nang tao, nang hindi umasa sa sinumang magulang na mag-aaruga, magpapalaki, at huhubog sa Kanya. Pero dinanas pa rin Niya ang lahat, at, sa pagsisimula ng Kanyang buhay bilang tao, Siya ay naging sanggol sa sinapupunan ni Maria, isinilang sa sabsaban, at tahimik na naging musmos at kabataan sa Nazareth. Si Jesus ay naging isang bata. Ang Salitang lumikha sa tao ay nag-aral magpakatao. Ang Diyos natin ay naging maliit.

Binulaga talaga tayo ng Diyos. Bulaga Niya tayo sa pamamagitan ng isang Musmos: si Jesukristong Kanyang Anak at Panginoon natin.

Ang pambulaga ay karaniwang malaki. May bukambibig nga sa Ingles na "big surprise", hindi ba? Kaya nga surprise kasi big! Ang surpresa ay karaniwang malaki. Pero, binulaga tayo ng Diyos sa pamamagitan ng maliit. Ang Diyos natin ay maliit.

Ito ang hiwaga at biyayang pinagtutuunan ng debosyon sa Señor Sto. Niño. Ang Sto. Niño ay si Jesus mismo. Hindi ito ang maganda at napapalamutiang imahe ng isang batang binihisan ng kasuotang maringal. Ang Sto. Niño ay hindi isang batang prinsipeng may buhok na kulay mais – mahaba at kulot, nakasuot ng ginintuang bota, koronang may mamahaling mga bato, makinang na setro, at hawak-hawak ang mundo sa Kanyang maliit na palad. Ang Sto. Niño ay si Jesus mismo. Ang Sto. Niño ay hindi ang mga estatwang binihisan na natin ng kung anu-ano – bumbero, caminero, kartero, karpintero, pulis, nars, duktor, mangangalaykay ng basura, at iba pa – at binansagan ng iba’t ibang palayaw gaya ng “Sto. Niñong Lagalag”, “Sto. Niñong Pilyo”, “Sto. Niñong Hubo”, at iba pa. Si Jesus mismo ang Sto. Niño. Ang Sto. Niño ay hindi ang maliit na rebultong sinasabi ng ilan na nagsasayaw sa kanilang palad, ngumingiti o sumisimangot, nagsasalita sa pamamagitan ng kung sinong medium daw, nagtatampo kapag hindi pinansin, sinusuyo sa pamamagitan ng mga kendi, barya, at lobo, at minsan pa nga ay kasabayan ni Gautama Buddha sa altar ng mga tindahan o restaurant. Ang Sto. Niño ay si Jesus mismo. At hindi Siya ang dapat nating itulad sa atin; tayo ang dapat tumulad sa Kanya.

Binulaga talaga tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Si Jesus mismo – ang Sto. Niño – ang bulaga ng Diyos sa atin. Ano po kaya, tayo naman ang bumulaga sa Diyos? Patunayan nating hindi tutoo ang husga na fanatisismo lang ang debosyon natin sa Señor Sto. Niño, kundi tunay na pagtulad natin kay Jesus sa Kanyang kapakumbabaan, sa Kanyang pagtitiwala sa Diyos Ama, at, gaya ng sinasabi ng ebanghelyo ngayong kapistahang ito, sa Kanyang pagkamasunurin sa Kanyang mga magulang na sina Maria at Jose. Ipakita nating lumago na rin at lumalim ang pananampalatayang ipinunla sa atin ng mga Kastilang nagdala ng Kristiyanismo sa ating bansa. Ang paglago at paglalim na ito ng pananampalatayang Kristiyano ay kailangang mamalas hindi lamang sa ating mga nobena, mga panata, at mga debosyon, kundi sa ating panlipunang pakikisangkot, na ginagabayan ng mga pagpapahalagang Kristiyano, para isulong ang kapayapaan, katarungan, kawalang-katiwalian, pagkikipagkasundo, pagkakaisa, at kaunlaran ng lahat. Ang pananampalataya ay may panlipunang pakikisangkot: ang mabuting Kristiyano ay ang mabuting mamamayan; ang mabuting Katoliko ay ang mabuting Pilipino. Bulagain natin ang Diyos na hindi na tayo isip-bata sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya; bagamat patuloy tayong nagsisikap na manataling tulad ng bata na siyang pamantayan ng kung sino ang tunay na kabilang sa kaharian ng Niya. Tayo naman kaya ang bumulaga sa Diyos?

“It...bulaga!” – ito ang isa sa mga unang larong natutunan natin, ang unang larong nilaro natin. Hindi pa tayo nakatatakbo ni nakalalakad, hindi pa tayo nakatatayo ni nakauupo, hindi pa tayo nakapagsasalita at tanging pagngiti at paghalakhak pa lang ang konsolasyon sa atin ng ating mga nakatatanda, tayo ay nag-i-it bulaga na. Baling po sa katabi at sabihan: “It...bulaga!”

Sa pagtulad natin kay Jesus, tayo rin nawa ay maging mga pambubulaga ng Diyos sa buhay ng ating kapwa. Tayo mismo ang maging biyaya ng Diyos sa kanila. Tayo nawa mismo ang maging tugon sa kanilang panalangin. Ito nga ang tunay na katuturan ng debosyon sa Sto. Niño: hindi ang si Jesus ang itulad sa atin kundi ang tayo ang tumulad sa Kanya.

It...bulaga!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home