Pages

19 April 2014

BANAL AT BAYANI, HINDI ZOMBIE

Bihilya ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo
Mt 28:1-10 (Rom 6:3-11 / Sm 117)

Happy Easter!  Si Jesus ay magmuling-nabuhay, aleluya!  Purihin natin ang Panginoon!

Kung tayo po ay bumisita sa puntod ng isang mahal na yumao at walang ka-anu-ano ay bigla itong bumangon sa hukay, malamang kakaripas po tayo ng takbo sa takot.  Bagamat ayaw po nating mamatay ang mahal natin sa buhay, kapag patay na ito, gusto pa po ba natin siyang bumangon sa libingan?

Si Jesus na mahal na mahal po natin ay namatay at magmuling-nabuhay.  Pero hindi po tayo nagtatakbuhan ngayon para magtago.  Sinasalubong po nating Siya.  Para pa nga pong inaapura natin ang pagkabuhay Niyang magmuli.  Anupa’t parating pa lang ang ikatlong araw ay ipinagdiriwang na natin ang Kanyang magmuling-pagkabuhay.  Nagbabantay po tayo sa Kanyang pagbangon sa libingan.  Nagbibihilya po tayo.  Sinasalubong natin Siya.

Bakit po hindi tayo natatakot sa Jesus na nabuhay na magmuli?  Kasi alam po nating hindi zombie si Jesus.  Hindi po Siya patay na basta bumangon lang sa hukay.  Buhay po si Jesus; buhay na buhay.  At ang buhay ni Jesus ay hindi na po tulad ng dati bago Siya namatay.  Maluwalhati at ganap ang buhay ni Jesus matapos Siyang namatay.  Ayaw po natin sa zombie.  Gusto po natin kay Jesus.

Kung ayaw po natin sa zombie, huwag tayong mamumuhay na parang zombie.  Baka naman po kasi buhay pa tayo pero mukhang patay na.  Baka po humihinga pa tayo pero wala nang kabuhay-buhay ang ating buhay.  Bakit po kaya?  At mag-ingat po tayo sa zombie virus: nakakahawa ‘yan!

Ang maganda po ay ito: hindi lamang si Jesus ang nabuhay na magmuli.  Pati rin po tayo ay binuhay na magmuli ni Jesus.  Sa narinig po nating pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, sinabi ng Apostol na sa pamamagitan daw po ng binyag ay magmuli rin tayong binuhay ng Ama kung paanong binuhay Niyang muli ang Kanyang Anak na si Jesukristo.  Sabi pa ng Apostol, ang layunin daw po ng ginawang ito ng Diyos sa atin ay upang mabuhay tayo sa isang bagong pamumuhay.

Magbago na po tayo.  Isabuhay natin ang bagong pamumuhay na kaloob sa atin ng Ama sa pamamagitan ng magmuling-pagkabuhay ni Jesukristo.  Higit po nating isabuhay ang mga pangako natin sa Binyag na siyang batayang-gabay natin sa pagsasabuhay ng bagong buhay na handog sa atin ng Diyos: itakwil natin ang lahat ng masama; manamapalataya tayo sa iisang Diyos na may Tatlong Persona at tupdin ang Kanyang kalooban sa tuwina; at maging tapat po tayo at aktibong sangkap ng iisang Iglesiyang banal, katolika, at apostolika.  Kaya nga po sasariwain natin mayamaya ang mga pangako natin sa Binyag.  Baka po kasi nalilimutan na natin.  Baka po kinalimutan na natin.

Hindi po kinalimutan ng Ama ang Kanyang Anak na si Jesus.  Binuhay Niyang magmuli ang Anak Niyang masunurin.  Hindi po tayo kinalimutan ni Jesus.  Kung paanong namatay Siya para sa atin, para sa atin ay nabuhay Siyang magmuli.  Aleluya!  Sana huwag na huwag din po nating kalilimutan ang Diyos.  Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako: itinaga ng Diyos sa bato ang Kanyang pangako at nabiyak ang batong nagsasara hindi lamang sa libingan ni Kristo kundi sa libingan ng bawat-isa sa atin.  Sana huwag na huwag din po nating kalilimutan ang mga pangako natin sa Diyos.

Subalit upang, kasama ni Kristo, tayo ay mabuhay na magmuli, dapat munang mamatay din tayo.  Wala pong nabubuhya nang magmuli nang hindi muna namamatay.  Palibhasa, paano nga po bang mabubuhay na magmuli kung hindi naman namatay.

Sa ano po ba tayo kailangang mamatay?  Ano po ba sa buhay natin ang dapat na nating ilibing?  Puwede rin pong sino sa buhay natin ang dapat nating ilibing?  Hangga’t hindi tayo namamatay, hindi tayo mabubuhay na magmuli.  Hanggang walang paglilibing, wala rin pong pagbangong magmuli.  Kung dating tao pa rin po tayo, hindi lang tayo luma, malamang patay pa rin po tayo kahit dapat magmuli nang nabuhay.  Mahirap po iyan: mabaho, inuuod, naaagnas.

Ngunit may isa pa pong uri ng kamtayang dapat nating pagdaanan upang makaisa tayo ni Jesus sa Kanyang magmuling-pagkabuhay.  Muli, wika po ni Apostol San Pablo, “…kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng Kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa Niya tayo sa isang magmuling-pagkabuhay tulad ng Kanyang pagkabuhay.”  Pagkabuhay po ito ni Jesus ang nais nating mapasaatin din, kaya kailangan pong kamatayan din Niya ang maging kamatayan natin.  Ano po ba ang kahulugan nito?  Balikan na lang po natin ang mga kaganapang humantong sa maligayang araw na ito.  Bagamat tayo po ay masayang-masaya sa pagkabuhay nang magmuli ni Jesus, panatilihin po nating buhay sa ating kamalayan ang larawan ng Kristong nakapako sa krus.  Ang kamatayan po ni Jesus ay kamatayang nagbibigay-buhay sa iba.  Hindi po nag-suicide si Jesus.  Inialay po Niya ang Kanyang buhay para mabuhay at lumaya tayo sa tanikala ng kasalanan at walang-hanggang kamatayan.  Sa madaling-sabi, ang ating kamatayan, upang tayo ay makabahagi sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, ay dapat na maging kamatayan para sa iba.  Let us be men and women for others.  Let us keep making our sacrifices life-giving.  Let us die so that others may live.  At sa taong ito na itinakda para sa mga layko, ito nga po ang tawag hindi lamang sa mga layko kundi maging sa mga pari: maging banal at bayani.

Tayo pong lahat – layko at pari – ay maging banal at bayani.  Ang kabanalan ay hind lamang para sa mga pari.  Maging banal po kayo, mga kapatid naming layko, at pabanalin ninyo ang dako’t mga kaabalahan ninyo sa mundo.  Sa tapat at mapagtayang pagsasabuhay ninyo ng inyong mga pangako sa Binyag, pabanalin po ninyo ang mundo.  Ang kabanalan ay ang kaganapan ng pag-ibig.  Mas mapagmahal mas banal.  Umibig kayo tulad ni Jesus.  Ang kabayanihan ay hindi lamang para sa mga layko.  Dapat kaming mga pari ay bayani rin.  Hindi po kami dapat na maging bilanggo ng aming mga kumbento.  Hindi po dapat maging dahilan ang puti naming abito para hindi madumihan ang aming mga kamay at paa.  Ipagdasal po ninyo kaming mga pari na sana ay maging mabubuting pastol kami ng kawan: inaalay ang buhay para sa mga tupa.

Noon pong nakaraang Huwebes Santo, sa Misa ng Krisma, sinabi ng ating mahal na arsobispo, ang Kanyang Kabunyian, Luis Antonio G. Kardinal Tagle, na kailangan daw po nating balikan ang ating mga Nazareth.  Hindi raw po natin dapat iniiwan ang ating Nazareth.  Huwag daw po nating kalilimutan na tulad ng Nazareth, walang-wala rin nama po talaga tayong mabubuga, maipagmamayabang, maipagmamalaki.  Subalit doon po sa Nazareth ipinahayag ni Jesus na Siya ang katuparan ng ipinangakong Mesiyas na binanggit ni Propeta Isaias.  Huwag po tayong magyabang.  Huwag pong lalaki ang ating ulo.  Panatilihin po nating lapat na lapat sa lupa ang ating mga paa bagamat nakatingin tayo sa langit na ating pangarap.  Sapagkat sa gayong mga tao lamang nakagagalaw nang malaya at nakagagawa nang mabisa ang Espiritu Santong ipinahid sa atin sa binyag at sa aming mga pari sa aming ordinasyon.

Ngayon naman po’y narinig natin sa Ebanghelyo ang isa pang bilin.  Hindi po mula sa isang kardinal kundi mula mismo sa Panginoong Jesus: “Huwag kayong matakot!  Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid Ko na pumunta sila sa Galilea at makikita nila Ako roon!”  Bitbit sa ating mga puso ang ating kani-kaniyang Nazareth, bisitahin po nating madalas ang ating kani-kaniyang Galilea.  Balikan po natin ang panahon, lugar, pangyayari, at mga tao na nagpatunay sa ating buhay si Jesus.  Ito po ang magsisilbing paulit-ulit na bukal ng ating lakas at dahilan na mabuhay nang magmuli sa paulit-ulit din nating pagkamatay.  At akayin din po natin ang mga nawawalan na ng pag-asa sa kani-kanilang Galilea para makatagpo si Kristong liwanag sa dilim, kaluwalhatian sa kahihiyan, tagumpay sa kabiguan, kapatawaran sa pagkakasala, buhay sa kamatayan.

Hindi po zombie si Jesus: tunay Siyang buhay.  Aleluya!  Baka naman po tayong mga naghihintay at sumasalubong sa Kanya ang zombie.  Naku po, ‘wag naman sana!


No comments:

Post a Comment