Pages

12 April 2014

ANG PASSION NG BUHAY KO

Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon

May kuwento tungkol sa dalawang ibon.

Ang una po ay tungkol sa isang uri ng ibon na minsan lang daw kung humuni sa tanang buhay niya.  Sa sandaling matutong lumipad, ang unang ginagawa raw po nito ay ang humanap ng napakatulis na tinik, at kapag nakakita na ay sadyang itutuhog ang sarili sa tinik na matulis.  Habang pumapatak ang dugo ng ibong nakatuhog, humuhuni raw po ito ng awit na walang kasinganda.  Ang kapalit ng minsanang paghuni: kamatayan.  Ang katumbas ng isang awit: sariling buhay.  Ang kuwentong ito ay mula po sa nobelang “The Thorn Birds” ni Colleen McCulough.

Ang ikalawang kuwento naman po ay tungkol sa pag-ibig ng isang ibon sa isang puting rosas.  Niligawan daw po ng isang ibon ang isang putting rosas.  Subalit sinabi sa kanya ng rosas, “Iibigin lamang kita kapag naging pula na ang lahat ng aking mga talulot.”  Walang pagdadalawang-isip, piniga ng ibon ang kanyang sarili at isinaboy ang kanyang dugo sa rosas na puti hanggang maging pulang-pula ang mga talulot nito.

Wow, grabe pong umibig ang mga ibong ito!  Napaka-passionate!   Bigay-todo talaga.  Wagas.  Wala nang itinira para sa sarili.  Sa halip, sinaid ang sarili sa ngalan ng pag-ibig.

Sa ikalawang pagbasa natin ngayong araw na ito, mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos, narinig po natin ang tinaguriang himno ng kenosis o “pagsasaid ng sarili” ni Jesukristo.  “Si Kristo Jesus,” wika ng Apostol, “bagmat Siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos.  Bagkus hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.  Nang maging tao, Siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.”  Ganyan nga po ka-passionate magmahal si Jesus.      Kayo po passionate ba kayo?  Sa ano po kayo passionate?  Kanino po kayo passionate?  Teka, ano po ba ang passion ninyo?  Ano po ba ang umuubos ng lakas, panahon, talino, at maging kayamanan ninyo?  Para sa ano at para kanino po naglalagablab ang puso ninyo?  Sa ano at kanino po ninyo ibinibigay ng buhay ninyo?  Sa ano at kanino po umiikot ang mundo n’yo?  Para sa ano at para kanino po kayo handang mamatay?

May mga tao pong hindi lang handang mamatay; handa rin silang pumatay.  At meron din pong mga nagpapakamatay.  May nagpapakamatay para sa poder, at may pumapatay din para sa poder.  May nagpapakamatay para sa asawa na ng iba, at may pumapatay din ng asawa ng kinakasama n’ya.  May nagpapakamatay para lang mapuna, at may pumapatay din sa puna nang puna.

Kahit kailan, wala pong dapat pumatay para kay Diyos.  Pero may mga napapatay pa rin dahil sa pag-ibig nila sa Diyos.  Kayo po, handa po ba kayong mamatay para sa Diyos?  Handa po ba kayong mag-alay ng buhay para sa kapwa-taong minamahal din ng Diyos?  Namatay si Jesus para sa atin; tayo, handa po ba tayong mamatay para kay Jesus?

Si Fr. Frans van der Lugt, S.J., 75 taong gulang na at matagal na pong misyonero sa Syria.  May matinding digmaang sibil sa Syria ngayon; subalit tumanggi si Fr. Frans na lumikas sapagkat ang Syria raw ay tahanan na niya bilang misyonero ni Kristo at nais daw niyang kapiling siya ng mga mamamayan ng Syria sa panahong ito ng kanilang kapighatian.  Noon lang nakaraang Lunes, isang lalaki, armado at nakatakip ang mukha, ang sapilitang pinasok ang tinutuluyan ni Fr. Frans.  Kinaladkad po nito ang matandang pari palabas at binaril nang dalawang beses sa ulo.  Puwede naman po sana nilisan na lang ni Fr. Frans ang Syria, at bumalik sa Olandes o humiling sa provincial superior niya ng bagong assignment, pero pinili pa rin niyang manatiling kasama ng kanyang nagdurusang kawan sa gitna ng madugong digmaan.  Kakaiba po ang passion ng paring ito.  Napaka-passionate ng pag-ibig niya; katulad nang kay Kristo.

Ano nga po ba ang passion natin sa buhay?  At gaano po talaga ka-passionate ang passion na ‘yan?  Ang iba po yata sa atin very passionate sa latest fashion: latest gadgets, usong damit, bagong hangouts, at iba pa.  Sunod na sunod talaga sa uso!  Kahit hirap na hirap na, kahit magmukhang trying hard, at kahit mabaon sa utang, gagawin ang lahat maging in lang sa latest fashion.  Makasunod lang sa uso, kahit kaluluwa ibebenta.  Huwag lang masabihang old fashioned, pati Diyos ipagpapalit.

Huwag po nating kalilimutan na ang fashion ay lumilipas: kaya nga uso pa ngayon kasi laos na bukas.  Pero ang passion po’y panghabambuhay.  It is our passion in life – never the fashion we subscribe to – that defines who we are and calls forth to reality what we can become.  What is your passion?  Kayo po ba ay passionate o fashionista lang?

Ang Semana Santa, na pinasisimulan po natin ngayong araw na ito, ay hindi fashion lang.  Hindi po tayo madasalin, mapagsakripisyo ng sarili, at mapagkawanggawa ngayon dahil uso; tapos pagkatapos ng Kuwaresma hindi na naman tayo makita-kita sa simbahan, panay reklamo na naman tayo, at wala na tayong pakialam sa paghihirap ng iba.  Hindi po tayo nagpapakabait ngayon dahil uso; tapos kapag hindi na Semana Santa balik na naman tayo sa masasamang bisyo natin.  Hindi po fashion ang papapakabait.  Hindi po usu-uso lang ang pagdarasal, pagsasakripisyo ng sarili, at pagkakawanggawa.  Sa halip, iyan po talaga dapat ang buhay natin.  At dapat po passionate tayo sa pagsasabuhay niyan.

Passionate lovers po ba tayo ng Diyos at ng tao?  Baka naman po fashionista lang tayo, hindi passionate.  Minsan nga po maging ang mga bagay ukol sa pananamapalataya sa Diyos ay ginagawa na rin nating fashion accessories at ang paggawa nang mabuti sa kapwa parang fashion statement na lang.

Ang palaspas ay hindi po fashion accessory.    Ang pagwagayway sa palaspas ay hindi po fashion statement.  Ang palaspas ay symbol of Christ’s passion.  Ang pagwagayway sa palaspas ay passion statement po.  Ang passion po ni Jesus ay ang laging umibig nang ayon sa nararapat.  Iyan din po ang dapat na maging passion statement ng buhay ko at buhay n’yo.  Kaya nga po ang araw na ito ng Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon ay natatanging Linggo ng Pag-aalagad.  Hindi po natin sinasalubong si Jesus na wari baga’y mga taga-Jerusalem tayo.  Sinusundan po natin si Jesus, hindi sinasalubong.  Tularan po natin si Jesus – maka-Diyos, makatao, mapagkumbaba, mapagmahal.  At wala pong ibang paraan para tayong mga Kristiyano ay lumigaya sapagkat the ultimate joy of any disciple is to become like his master.

No comments:

Post a Comment