Pages

19 April 2014

SALUBONG NG MGA BAYANI AT BANAL

Banal na Misa ng Salubong sa Bukang-liwayway
Jn 20:1-9 (Gawa 10:34, 37-43 / Slm 117 / 1 Cor 5:6-8)


Magandang umaga po sa inyong lahat!  Happy Easter!

Si Jesus ay magmuling-nabuhay, aleluya!  Magalak tayong lahat!  Purihin ang Panginoon, aleluya!

Ang sabi po sa Ebanghelyong binasa ko sa inyo ngayong umagang ito, “Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo” nang pumaroon si Maria Magdalena sa libingan.  Parang ganito rin po iyon, hindi ba?  Madilim pa.  Araw din po ng Linggo.  Pero hindi na po sa libingan ang punta natin.  Sa halip, pumunta po tayo rito at nagtipon para ipagdiwang ang Banal na Misa ng Bukang-liwayway ng Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon.  At may natatangi pong kahulugan ang pagtatagpo natin at pagtitipon ngayong umagang ito.

Maaga po tayong gumising kanina, at ang iba sa atin ay hindi pa nga natutulog, para masaksihan ang matanda na nating tradisyon ng “Salubong.  Ang puna po ng mga hindi natin kapanalig: wala raw po ito sa Bibliya.  Tama po sila.  Tutoo pong hindi nasusulat sa alinman sa mga Ebanghelyo na matapos magmuling-nabuhay ang Panginoong Jesus ay sinalubong Niya ang Kanyang Mahal na Inang Maria.  Tama po sila, wala nga po ito sa Bibliya; pero nasa atin namang mga puso!

Sa puso natin – diyan po dapat nagsasalubong ang Panginoon at Kanyang tapat na alagad.  Si Maria – Kanyang Ina – ang una at pinakatapat na alagad ni Jesus.  Sa puso, hindi sila nagkakawalay.  Sa puso, lagi po silang magkasama.  Nananahan sa puso ni Maria si Jesus.  Sa puso ni Jesus nananahan si Maria.

O, Jesus, nananahan kay Maria, manahan Ka rin po sa amin sa tuwina!

Kapag si Jesus ay nananahan sa ating puso, kahit sino po ang ating makasalubong, kahit saan po natin siya makasalubong, at kahit kailan po natin siya makasalubong, lagi pong Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.  At dahil lagi ngang Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, namamayani lagi ang kapatawaran sa kasalanan, pag-asa sa kabiguan, pagmamalasakit sa kawalang-pakialam, pag-ibig sa kamandhidan, buhay sa kamatayan.  Sa atin mismo nakasasalubong ng ating kapwa-tao si Kristo Jesus na buhay at bumubuhay.  At hindi na po iyan kailangang nakasulat pa sa Bibliya para ipagdiwang.

Marami sa ating mabubuting gawa ang hindi naitatala.  Marami sa ating magagandang sinabi ang hindi naisusulat.  Marami sa ating mga pag-aalay ng buhay ang hindi napapansin.  Marami sa ating mga pagsisikap na mamuhay bilang tapat na alagad ni Jesus ang hindi naipagdiriwang.  Subalit magpatuloy pa rin po tayo sa paggawa ng mabuti, sa pagsabi ng magagandang bagay sa kapwa, sa pag-aalay ng buhay para sa iba, sa pagbangon tuwing nadarapa para magpatuloy na magsikap mamuhay bilang tunay na alagad ni Kristo Jesus.  Hindi na po mahalaga kung maitala man ang ating ginawa o maisulat ang ating sinabi.  Hindi po natin hinihintay ang pansin, papuri, at pasasalamat ng mga tao.  Balang-araw, sasalubungin din po tayo ni Jesus at sasabihin sa atin, “Halika, mabuti’t tapat na lingkod!  Pumasok ka sa kahariang noon pa’y inilaan na sa iyo ng Aking Ama.”  Balang-araw, sasalubungin din po tayo ng mga taong ginawan natin ng mabuti, sinabihan ng maganda, pinag-alayan ng buhay, at niliwanagan ng ating halimbawa ng pagiging tapat na alagad ni Jesus.  Balang-araw, sisilay ang bukang-liwayway na gagapi sa kadiliman ng ating buhay at magdiriwang tayong muli nang walang-katapusang “Salubong” ng mga banal at bayani.

Isang guro ang tinipon ang lahat ng kanyang mga alagad nang magbubukang-liwayway pa lang.  Isang napakahalagang tanong ang kanyang ibinigay sa kanila.  “Kailan ba masasabing tapos na ang gabi at parating na ang umaga?”

Isang alagad ang sumagot, “Kapag makakita ka po ng hayop at walang pagkakamali mong masasabi kung ito ay aso o lobo.”

“Mali,” ang sabi ng guro.

“Kapag makita mo ang isang kakilala at masabi mo ang kanyang ngalan nang walang kamalian?” tanong ng isa pa.

“Hindi,” wika ng guro.

“Kung gayon, mahal naming guro,” sabi ng mga alagad, “kailan nga po ba masasabing tapos na ang gabi at parating na ang umaga?”

Tinitigan sila ng guro at sinabi, “Kapag tumingin ka sa mukha ninuman at makita mong siya ay iyong kapatid masasabi mong tapos na nga ang gabi at ang umaga’y dumarating na.  Sapagkat kung hindi mo ito kayang gawin, kahit ano pang oras, hatinggabi pa rin.”

Si Mariang ina ni Jesus at atin rin ina, siyang tala sa umaga, nawa’y tumulong sa ating makita na ang mga mukhang nasasalubong natin sa buhay ay kapatid po nating tunay.  Ito po ang tagumpay ni Jesukristong magmuling-nabuhay: ang pagharian tayong lahat ng pag-ibig na sintulad ng pag-ibig Niya sa atin.  Magmahalan tayo.  Ang tunay na kabanalan ay ang kaganapan ng pag-ibig.  Mag-alay tayo ng buhay para sa kapwa.  Ang kabayanihan ay huwad hangga’t wala itong pagtataya ng buhay at hangga’t mapanpili ito kung sino ang pag-aalayan ng buhay at sino ang hindi.  Sa ating buhay, magkasalubong nawa ang kabanalan at kabayanihan.  Ito po ang tawag at hamon sa atin ng taong ito na itinakda para sa mga layko: maging banal at bayani.  Sa ating mga tahanan, mamahay nawa ang mga banal at bayani.  Sa ating mga paaralan, lugar na pinagtatrabahunan, at pasyalan, mag-umapaw nawa ang mga banal at bayani.  Sa ating mga simbahan, magsiksikan nawa ang mga banal at bayani.  At sa ating mga lansangan, lagi nawa pong magkasalubong ang mga bayani at banal.

Marami pang mga bayani na ang pangalan ay ni hindi man natin alam.  Marami pang mga banal na hindi natin man lang makikilala ng Santo Papa para makanonisang santo at santa. Maraming pang mga “Salubong” ang hindi nasusulat ngunit nararapat ipagdiwang ng sambayanang nagsisikap maging bayani at banal.

Nabuhay nang magmuli si Jesukristo, aleluya!  Mabuhay ka, bayani at banal.

No comments:

Post a Comment