Pages

22 December 2014

TIPAN

Ikawalong Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:57-66 (Mal 3:1-4, 23-24 at Slm 24)


Wow, big deal!  Ang daming imbitado: mga kapitbahay at mga kamag-anak nandoon silang lahat!  Community affair!  Community celebration!  Sigurado may inuman at salu-salo pa!  Ano po ang okasyon?  Pagtutuli.

Big deal po talaga sa mga Judyo ang pagtutuli ng sanggol.  Ginagawa ito sa ikawalong araw matapos isilang ang bata.  Dito rin po siya binibigyan ng pangalan.  Hindi lang basta tinutuli, may dasal-dasal pa, may seremonya, may ritwal.  At imbitado buong barangay!  Mabuti na lang po, sanggol pa lang.

Bakit po ganun?  Kasi po, para sa mga Judyo ang pagtutuli ay hindi lamang gawing pankalinisan kundi dikta ng Banal na Tipan.  May kinalaman po ito sa kanilang ugnayan sa Diyos.  Nang makipagtipan po ang Diyos kay Abraham, ang ama sa pananampalataya ng mga Judyo, mga Kristiyano, at mga Muslim, isinasalaysay po sa ika-17 kabanata ng Aklat ng Geneis, iniutos ng Diyos na tuliin ang lahat ng mga lalaki bilang tanda ng kanilang pagiging kabilang sa Banal na Tipan.  Matapos palitan ng Diyos ang pangalan ni Abram ng “Abraham” at bigkasin ang pangakong mga anak at lupain, winika ng Diyos kay Abraham ang ganito: “Sa ganang iyo naman ay tutuparin mo ang Aking tipan, ikaw at ang iyong mga inanak na kasunod mo sa kanilang sali’t saling lahi.  Ito ang Aking tipan na iyong tutuparin, ikaw at ang iyong mga inanak na kasunod mo.  Ang lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin.  Tutuliin ninyo ang laman ng prepusyo na siyang magiging tanda ng ating tipan.  Ang may walong araw na gulang sa inyo ay tutuliin, ang lahat ng lalaki sa inyong mga sali’t saling lahi, sampu ng aliping ipinanganak sa inyong bahay, o binili ng salapi sa isang dayuhan, na hindi sa inyong sariling lahi.  Oo, ang ipinanganak sa iyong bahay at ang binili ng iyong salapi ay kapwa tutuliin.  Ang Aking tipan ay mapapasa inyong laman bilang walang hanggang tipan.  Kung may isang lalaking hindi tinuli ang laman ng kanyang prepusyo, ang taong iyon ay ihihiwalay sa kanyang bayan, sapagkat nilabag niya ang Aking tipan” (Gen 17:9-14).  Wow, big deal talaga!

Para sa mga Judyo, ang pagtutuli ay ang pag-uukit sa laman ng kanilang pakikipagtipan sa Diyos.  Talaga pong napakahalaga kung gayon na ang sanggol na lalaki ay matuli hindi lamang para maging malinis o bigyan ng pangalan kundi, higit sa lahat, para mapabilang siya sa Bayan ng Diyos.  Kaya nga po nang nagsisimula pa lang ang sambayanang Kristiyano – na lahat naman po ng mga unang kasapi ay mga Judyo – napakalaking usapin ang pagtanggap sa mga hindi Judyong nais umanib sa sinaunang Iglesiya.  Sinanhi nga po ng isyung ito ang pagsasagawa ng kauna-unahang malaking pagpupulong ng Santa Iglesiya, ang “Council of Jerusalem”.  Sa ika-15 kabanata ng Aklat ng Mga Gawa ng Mga Apostol, isinasalaysay ang mainit na debate sa konsilyong ito: Ano ang dapat gawin sa mga paganong gustong magpabinyag – tutuliin ba sila o hindi?  At nang magsalita po si Simon Pedro, sinabi niyang ang pananampalataya ang nagpapalinis sa tao at hindi ang anumang rituwal.  Sabi pa niya, wala raw pong itinatangi ang Diyos: niligtas din Niya ang mga hindi tuli kung paanong iniligtas Niya ang mga tuli.  Nang magkagayon, tumayo po si Santiago Apostol at sinabi, “Nagsalita na si Pedro (Peter has spoken).”  At nalutas ang usapin ngunit po naging madali sa lahat ang pagtanggap sa naging resolusyon: huwag piliting magpatuli ang mga paganong nais mapabinyag at umanib sa sambayanang Kristiyano.  Sa kalaunan, nang sumulat na po si San Pablo Apostol, sinabi pa po niya sa Rom 2:25-29, “Tunay, ang pagtutuli ay pinakikinabangan kung tinutupad ang batas; ngunit kung nilalabag mo ang batas magpatuli ka man ay tulad ka rin ng hindi tuli.  Kaya kung ang isang hindi tuli ay tumutupad sa mga ipinag-uutos ng batas, hindi ba siya aariing tuli sa kabila ng kanyang pagiging hindi tuli?  Kung magkagayon, ang isinilang na hindi tuli at tumutupad sa batas ay siyang hahatol sa iyo, na sa kabila ng kasulatan at pagtutuli ay lumalabag naman sa batas.  Ang tunay na Judyo ay hindi iyong nahahayag sa labas, at hindi tunay na pagtutuli iyong nakikita sa laman, saubalit ang tunay na Judyo ay nasa loob at ang tunay na pagtutuli ay nasa puso….”  Wow, big issue po talaga, hindi ba?

Kaya ang word for the day po natin ngayon ay…”Tipan”.  Akala n’yo po siguro “tuli”, ano?  Mahalaga lamang ang pagtutuli alang-alang sa pagiging kabilang sa tipan.  At, ika nga po ni San Pablo Apostol, ang kalinisan ng puso at pagtalima sa batas ng Diyos, hindi ang pagiging tuli, ang tunay na nagpapabilang sa Kanyang Tipan.

“Tipan” – iyan po ang ating word for the day ngayong ikawalo nating pagmi-Misa de Gallo.  At ang tipang ito ay ang tipanan po ng Diyos at ng Kanyang Bayan.

Meron po ba kayong katipan?  Sino?  Kumusta po ang tipanan ninyo?  Tapat ba siya sa tipan ninyo?  Eh kayo, tapat naman po ba kayo?  Iyan pong ka-holding hands n’yo ngayon, katipan n’yo ba talaga ‘yan o querida?

Kabilang po tayo sa Bayan ng Diyos sa Bagong Tipan.  At hindi na po pagtutuli ang batayan ng kung sino sa atin ang kabilang at hindi kabilang sa tipang ito kundi ang binyag na ating tinanggap at siyang sanhi ng ating pagiging sangkap ng Katawang mistiko ni Kristo.

Kumusta po ba kayo bilang katipan ng Diyos?  Tapat po ba kayo o salawahan?  Mainit na katipan o malamig?  Mapagmahal o mapanlinlang?  Katipan po ba kayo o kalaro lang?

Kaya tinuli si Juan ay upang mai-ukit sa kanyang laman ang tipan ng Diyos at mapabilang siya sa Kanyang Bayan.  Samantalang tinatanong daw po ng lahat, ayon sa Ebanghelyo, kung ano magiging itong si Juan paglaki niya, batid nating siya ang magiging tinig na sumisigaw sa ilang, tinatawag ang mga naliligaw na magbalik-loob sa Diyos at mapabilang muli sa Kanyang tipan.

Ang Pasko po ay bahagi ng masalimuot ngunit napakagandang pagsasakatuparan ng Diyos sa Kanyang pakikipagtipan sa atin.  Kaya po may Pasko dahil tapat ang Diyos sa bahagi Niya sa ating tipanan.  Ito po ang maririnig nating aawitin ni Zekarias bukas, ang panghuling Misa de Gallo.  Tayo po, tapat ba tayo sa bahagi natin sa tipan na iyan?

Ngayong Pasko, maganda pong balikan nating muli ang pakikipagtipan ng Diyos sa atin.  Hindi na po ito nasusulat sa laman.  Sa halip, nagkalaman ang tipan na ito sa katauhan ni Jesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak.  Tapat pa po ba talaga tayo sa Kanya?  Baka po ang katapatan natin kay Jesus ay nakadepende sa kung sino at ano ang katapat.  Mahalaga po ba talaga para sa atin ang relasyon natin sa Diyos?  Baka rin po mas pinahahalagahan pa natin ang mga bagay na panlabas.  Sa simbahan, hindi po ba minsan ang pinag-aawayan natin o pinagmumulan ng mga samaan ng loob ay mga walang katorya-tory: ano ang isusuot sa Poon; paano ang porma ng kamay ng Mahal na Birhen; saan ilalagay ang koro – sa choirloft ba o sa baba, kasama ng mga nagsisimba; sino ang para kay Fr. X at sino naman ang kay Fr. Y; kanino mangungumonyon – sa pari ba o sa lay minister; ang mga liturgical ministers naman – sino ang magbubukas ng tabernakulo, sino ang thurifer o taga-insenso, sino ang maglalakad sa gitna para dalhin sa altar ang love offering, sino ang mag-aabot kay Father ng kalis; dapat bang maghawak-kamay o hindi pagkanta natin ng “Ama Namin”; kailangan pa bang pumalakpak pagkatapos ng Misa o dapat sumabay sa pag-awit ng koro; dapat bang pagsuotin ng sutana ang mga sakristan o hindi; at marami pa pong ibang isyung kuwestiyonable ang importansya pero hinahayaan pa rin nating hatiin tayo, galitin tayo, at patayin tayo sa sama ng loob.  Minsan natatakpan na po ng mga mali nating pagpapahalaga ang dapat talaga nating atupagin.

Abot-tanaw na po natin ang Kapaskuhan.  Atupagin naman po natin ang tunay na mahalaga: ang pakikipagtipan natin sa Diyos.  At pagpasiyahan po natin, simula ngayon, hinding-hindi na natin pababayaan ang ating relasyon sa Diyos.  Padaluyin din po natin ang ating pagiging mabuting katipan ng Diyois patungo sa pagiging mabuting kapwa natin sa isa’t isa.

Mahalaga po para sa mga Judyo ang pagtutuli; kaya tinuli si Juan.  Maging si Jesus  po, nasusulat sa Lk 2:21, ay tinuli rin.  Hindi naman po tayo mga Judyo, kaya ayos lang kung meron diyang hindi tuli.  Pero hindi po ayos kung meron diyang ang kabanalan ay panlabas lamang.  Hindi po ayos kung meron diyang binyagang Kristiyano nga pero pagano ang pamumuhay.  Hindi po ayos kung pinahahalagahan natin ang kalinisang panlabas pero nanlilimahid naman pala sa dumi ang kalooban.

Huwag po nating kalimutan ang tipan natin ng Diyos.  Kaya may Pasko kasi po hindi ito kinalimutan ng Diyos.








No comments:

Post a Comment