Pages

21 December 2014

ALAALA

Ikapitong Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:46-56 (1 Sam 1:24-28 at a 1 Sam 2)


Kung, maliban po sa isa, babawiin ng Diyos ang mga kakayahang pantao na ibinigay Niya sa inyo, ano po ang hihilingin ninyong iwan niya sa inyo?  Ako po ang ipakikiusap kong itira ng Diyos ay ang aking kakayahang makaalala.  Nakakikita man ako, pero kung hindi ko naman po maalala kung sino kayo, hindi ko kayo makikilala.  Nakaririnig man po ako, pero kung wala akong kakayahang makaalala, ang lahat ay ingay lang sa aking tainga.  Nakapagsasalita man po ako, pero paano po kung hindi ko maalala ang mga gusto kong sabihin?  Nakahahawak man ako, pero ano po ang hahawakan ko kung ni paghawak ay hindi ko maalala kung paano?  Nakapaglalakad man ako, saan naman po ako pupunta kung hindi ko naman maalala ang daan?  At gustuhin ko man pong umibig, saan ko itatago at pagyayamanin ang mga pinagsamahan natin kung wala akong alaala?  Napakahalaga po talaga ng alaala, hindi ba?

“Alaala” – ngayong ikapitong Misa de Gallo, iyan po ang ating word for the day.

Sa unang pagbasa, ipinaalala po ng ina ni Samuel kay Eli, ang pari sa Templo, ang una nilang pagtatagpo.  Nagtagpo sila sa pananalangin.  “Kung natatandaan ninyo,” wika ni Ana kay Eli, “ako po yaong babaeng tumayo sa tabi ninyo noon at nananalangin sa Panginoon.”  At kung alam po natin ang kuwento ni Samuel, parang ipinaaalala rin sa atin ni Ana kung ano ang kanyang ipinagdarasal nang una silang magkita ni Eli: “Idinadalangin ko sa Kanya,” sabi ni Ana, “na ako’y pagkalooban ng anak.”

Sa 1 Sam 1:11 heto po ang mismong panalangin ni Ana: “O, Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na Iyong lilingunin ang pagkapighati ng Iyong lingkod, at aalalahanin Mo at hindi Mo kalilimutan ang Iyong lingkod, kundi Iyong pagkakalooban ang Iyong lingkod ng anak na lalaki, ay akin ngang ibibigay sa Panginoon sa lahat ng kaarawan ng kanyang buhay, at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo.”  Maging ang alaala ng Diyos ay pinakikiusapan niya: “…aalalahanin Mo at hindi Mo kalilimutan ang Iyong lingkod…,” pagsusumamo ni Ana.  Sa katunayan, ganyan nga po karaniwang manalangin ang mga Judyo: mahilig nilang ipaalala sa Diyos ang Kanyang kabutihan at katapatan sa kanila kung kaya raw malakas ang loob nilang lumapit at humiling sa Kanya.  Naalala nga po at hindi kinalimutan ng Diyos si Ana, kaya’t naisilang niya si Samuel.

Pero ang maganda po, hindi rin nakalimot si Ana: tinupad niya ang kanyang pangako sa Diyos.  Kaya nga po siya nagpunta ng Templo at nakatagpong muli si Eli, ang pari roon.  Karga-karga pa ang sanggol na si Samuel (sapagkat kaawat pa lang daw sa kanya sa pagdede), sinabi niya kay Eli, “…inihahandog ko siya sa Panginoon upang maglingkod sa kanya habang buhay.”  Iyan, tunay pong maganda ‘yan.  Bakit?  Kasi po ang Diyos kailanman hindi naman talaga tayo kinalilimutan, pero tayo po makailang beses na natin siyang kinalimutan.  Laging naaalala ng Diyos ang mga hinihilng natin sa Kanya, pero, kapag nakuha na po natin sa Kanya ang gusto natin, naalala pa po ba natin ang mga ipinangako natin sa Kanya?  Si Ana ay magandang larawan ng taong marunong makaalala.  Tayo po, larawan tayo ng ano?

Naalala po ni Eli ang una nilang pagtatagpo ni Ana at ang marubdob nitong panalangin.  Naalala ni Ana ang pangako niya sa Diyos na Siya rin po namang nakaalala sa kanya.  At, sabi ng unang pagbasa natin ngayon, “…nagpuri sila sa Panginoon.”

Kayo po, naaalala n’yo pa po ba talaga ang Diyos?  Baka naman tuwing Misa de Gallo n’yo lang Siya naaalala kaya naman, naku po, unahan pa papuntang simbahan kahit madaling-araw pa, sisikan at agawan pa sa upuan.  Baka naman po naaalala n’yo ang Diyos kapag may kailangan lang kayo sa Kanya.  Paano na po ang mga ipinangako ninyo sa Diyos na hindi n’yo pa natutupad?  Kelan n’yo po tutuparin?  May balak pa ba kayong tuparin?  Baka po may dementia na kayo.  Baka po may amnesia na.  Baka lang naman.  Gamutin na sana po kayo ng Diyos para makaalala kayong muli.

Pero, minsan po may mga naaalala tayo na sa halip na ipagpasalamat natin sa Diyos ay isinusumbat pa natin sa Kanya.  Minsan may mga naaalala rin po tayo na sa halip na ikatuwa natin ay ikinagagalit pa natin.  Minsan din po may mga naaalala tayo na sa halip na ikapagmapuri natin ay siyang sanhi ng ating kahihiyan – gusto na lang nating kalimutan, pinagkakatago-tago sa baul ng nakaraan.  Pero meron din naman pong sa tuwing maaalala natin ay napangingiti tayo – ang iba pa nga ay bigla na lang tumawang mag-isa o kaya ay napapakanta pa.

Bukod kay Ana, may isa pa pong babae sa mga pagbasa natin ngayon na nakaalala.  Si Maria.  At siya ay napakanta: ang “Magnificat”.  Inalala po niya ang mga ginawa ng Diyos sa Kanyang Bayang Israel, kung gaano Siya katapat sa mga pangako Niya, at kung paano Niya baliktarin ang pamantayan ng mundo tungkol sa kung sinu-sino at anu-ano talaga ang mahalaga sa Kanyang mga mata.  Hindi po nakalilimot si Maria na kailanma’y hindi nakalilimot ang Diyos.  At nang marinig ni Elizabeth ang awit na ito ni Maria, sigurado po ako, wala siyang masabi kundi isang malakas na “Amen!”  Palibhasa, naranasan n’yo pong mismo, kasama ng kanyang asawang si Zekarias, ang hindi pagkalimot ng Diyos.  “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako’y tingnan Niya,” wika ni Elizabeth sa Lk 1:25, “upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.”

Para rin po kay Maria, ang lahat ng mga nangyari sa buhay niya ay bahagi ng pagtupad ng Diyos sa binitiwan Niyang pangako sa kanilang mga ninuno.  Hindi rin po niya kinalimutan ang tama niyang lugar sa katuparang ito: “Sapagkat nilingap Niya ang Kanyang abang alipin!  At mula ngayon, ako’y tatawaging mapald ng lahat ng salinlahi, dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.” wika ni Maria.  Hindi po siya pa-VIP o pa-stariray o mang-aagaw ng papel kasi hindi siya nakalimot.  Ang mga taong madaling makalimot at mahilig lumimot, sila rin po ang madaling mahulog sa patibong ng star complex at mahilig mapalapad ng papel.  Hindi ganun si Maria.  Simple lang po siya: hindi lumaki ang ulo kahit pa naging ina ng Diyos.

Kaya may Pasko kasi hindi po marunong makalimot ang Diyos.  Sa kabila ng patung-patong na atraso ng sankatauhan sa Kanya, hindi po nagkaka-amnesia ang Diyos.  Kahit pa Siya’y Siya na bago pa ang lahat, at Siya’y Siya pa rin ngayon at magpasalawang-hanggan, hindi po nagkaka-dementia ang Diyos.  At iyan nga po ang ikinapagmamapuri ng puso ni Maria sa Panginoon at ikinagagalak ng kanyang Espiritu sa Diyos.

Kung akala mo, nakalimutan ka na ng Diyos, akala mo lang po iyon.  Kung akala mo, pinabayaan ka na ng Diyos, akala mo lang po iyon.  Kung akala mo, winaglit ka na ng Diyos sa Kanyang alaala, akala mo lang iyon.  Bakit di mo kaya balikan ang magagandang alaala n’yo ng Diyos?  Baka makita mong ikaw pala ang nakalimot na sa Kanya.

Malapit na malapit na po ang Pasko, baka may nalilimutan pa kayo.  Baka naman po sa dami ng mga alalahanin at mga inaalala ninyo, si Jesus pa ang kalimutan ninyo.  Nangumpisal na ba kayo?  Nag-recollection o nag-retreat na ba kayo?  Nakipagkasundo na po ba kayo sa mga kaalitan at kasamaan n’yo ng loob?  Nagpatawad na po ba kayo?  Tinupad na ba ninyo ang mga pangako ninyo sa Diyos at tao?  Nagtabi na po ba kayo ng para sa pagkakawanggawa?  Naaalala n’yo po ba ang mga dukha at maykapansanan, matatanda at mga ulila, mga api at mga hirap na hirap sa buhay?  Paalala ko lang po, sila ang mga paborito ng Diyos.  Maging ang Diyos nga po, isinilang na maralita.

Napakahalaga po talaga ng alaala.  Sa aking palagay, huwag naman po sana, ang pinakamasakit na karanasan para sa akin ay kapag, sa katandaan niya, hindi na ako makilala ng nanay ko, hindi na n’ya maalalang anak pala niya ako, hindi na niya matandaan ni ang pangalan ko.  Sa akin palagay din po, nakakalungkot sapagkat nangyayari nga ito, napakasakit sa Diyos kapag hindi natin Siya kinikilala, ni hindi natin Siya maalala, ni hindi natin matandaan ang katapatan Niya sa atin.

“Alaala” – iyan po ang ating word for the day ngayon.  Huwag n’yo pong kalilimutan!  Napakahalaga ‘yan.








No comments:

Post a Comment