Ikasiyam na Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (2 Sam
7:1-5, 8-12, 14, 16 at Slm 88)
Sumapit na po tayo sa huli nating
pagmi-Misa de Gallo ngayong taong ito. Congratulations po sa ating lahat!
Siyam
na araw din po tayong nagsakripisyo at nanalangin, nagpuyat at nagsimba. At ang bawat-isang araw po ng ating
pagmi-Misa de Gallo ay sumasagisag sa bawat-isang buwan ng pagdadalantao ng
Mahal na Ina sa Salita ng Diyos: sinamahan po natin siya. Pinagsikapan po nating huwag magpaliban. Pinagsikapan din po nating huwag
matutulog. Pinagsikapan nating maging
tapat sa ating debosyon. Kaya naman po,
sa mga nakabuo ng Simbanggabi, congratulations
po!
Sapagkat
ang ipinagdalantao ng Mahal na Inang Maria at kanyang isinilang noong araw ng
Pasko ay ang Nagkatawang-Taong Salita ng Diyos, kada araw po nitong ating Misa
de Gallo sa taong ito ay meron tayong pinagnilayan na word for the day.
Noong
unang araw ng Misa de Gallo, ang word for
the day po natin ay “patutoo”. Katulad
ni Juan Bautista, tayo po ay dapat na maging mga patutoo ng katotohanan. Kaya, simula pa lang po ng ating pagmi-Misa
de Gallo, nangako na tayo sa Diyos: “Hindi na ako magsisinungaling!”
Noon
namang ikalawa araw, “ama” po ang ating word
for the day sapagkat narinig nating muli ang tala-angkan ni Jesus na
bumabaybay sa mga ka-ama-amahan Niya.
Batbat ng mga kahinaan, karupukan, at kasalanan ang tala-angkan ng
Panginoon subalit hindi ito naging hadlang sa ikatutupad ng panukala ng Diyos. Sa halip, higit pa nga pong pinatitingkad ang
tuwid na pagkilos ng Diyos sa gitna ng liku-likong daan ng Kanyang tala-angkan.
Pagsapit
ng ikatlong Misa de Gallo, nanahimik po tayo sa loob ng mahabang minuto. Bakit po?
Sapagkat ang word for the day
po natin noon ay “katahimikan”. Hiniram
pa nga po natin ang pamagat ng isang game
show sa telebisyon: “Shhh…. Quiet Please!
Bawal Ang Maingay!” At sinabi po
nating si San Jose ay huwaran sa atin ng banal na katahimikan. Kaya po niya narinig ang Diyos ay sapagkat
marunong siyang manahimik. Kaya po
natuloy ang pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos kasi nanahimik si San Jose
para makapagsalita ang Diyos. At ang
pananahimik niya ay hindi hungkag kundi punung-puno ng pagmamahal; kaya naman
po humantong ito sa pagtalima sa Diyos at pagkalinga kay Jesus at Maria.
Noong
ika-apat naman pong Misa de Gallo, “kulang” ang ating word for the day. May kulang
sa buhay ni Manoah at Zekarias at kani-kanilang asawa – wala silang mga anak –
subalit pinagkalooban sila ng Diyos sa paraang mahimala, lalung-lalo na po si
Zekarias at Elizabeth. Sa pag-alala
natin sa mga kuwento nila, taus-puso po nating tinanggap ang anumang kulang sa
atin at sinariwa din natin ang ating pananalig na ang Diyos ang pumupuno sa
ating kakulangan.
“Dalaga”
– iyan naman po ang ating word for the
day noong ikalimang Misa de Gallo na siya rin namang tinaguriang Misa Aurea o “Ginintuang Misa”, sapagkat
ang Ebanghelyo noong araw na iyon ay ang kuwento ng pagsisimula ng
pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos sa sinapupunan ni Maria, ang dalagang
inihula ni Propeta Isaias. Hiniling po
natin sa Diyos noon na makatulad tayo sa Mahal na Ina: laging handa para sa
Diyos, mapagtalima sa kalooban ng Diyos, at mapagkumbaba sa tuwina.
Ang
ika-anim po nating pagmi-Misa de Gallo ngayong taong ito a siya ring ika-apat
na Linggo ng Adbiyento. “Tahanan” po ang
ating word for the day noon. Nakita po nating natagpuan ng Diyos sa Mahal
na Birheng Maria ang tahanang lubhang higit pa sa Templong nais ipagpatayo ni
Haring David para sa Kanya. Subalit
hindi ipinilit ng Diyos ang Kanyang sarili kay Maria. Kumatok po siya: “Tao po!” Naghahanap ang Diyos ng tao at nagpapakilala
rin po Siya na nagkakatawang-tao.
Pinagbuksan po Siya ni Maria at pinatuloy kaya may Pasko.
Ang
word for the day naman po natin noong
ikapitong Misa de Gallo ay “alaala”. Huwag
po nating kalilimutan ang Diyos na laging umaalala at umaalalay sa atin. Tularan po natin ang Mahal na Birheng Maria
na hindi nakalilimot sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos sa kanya at kanyang
lahi. Kaya naman ang puso niya ay
nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang kanyang espiritu sa Diyos na
Tagapagligtas.
At
kahapon po, ang ikawalong Misa de Gallo, ano ang ating word for the day?
Tipan. May tipan tayo ng
Diyos. Seryosohin naman po natin
ito. Huwag nating pababayaan ang ating relasyon
sa Kanya. At kung paanong lagi Siyang
tapat sa Kanyang tipan sa atin, pagsikapan din po nating manatiling tapat sa
tipan natin sa Kanya.
Kung
naaalala n’yo pa po ang mga word for the
day ng Misa de Gallo natin ngayong taong ito, congratulations po sa inyo!
Kung pinagnilayan n’yo po talaga ang word
for the day natin araw-araw, mas congratulations
po sa inyo! Kung may napulot po kayong
mahahalagang aral sa buhay at talagang pagisiskapan n’yo pong isabuhay ang mga
iyo, mas lalo pa pong congratulations
sa inyo!
Kaya
ngayon pong ika-siyam at panghuling Misa de Gallo natin ngayong taon, ano po
ang word for the day natin?
“Basbas”. Opo, “basbas” ang ating word for the day ngayon.
“Blessing” po sa Ingles at sa Hebreo naman ay “berakah”.
Sa
unang pagbasa po natin ngayong umagang ito, nais basbasan ni Haring David ang
Diyos ng tahanang nararapat sa Kanya.
Palibhasa, si Haring David na rin po ang nagsabi, “…nakatira ako sa
tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.” Gustong ipagpatayo ni Haring David ang Diyos
ng Templo. Pero ang gusto po pala ng
Diyos ay Siya ang magbasbas kay Haring David: ipagtatayo Niya siya ng isang
matatag na sambahayan. Iba pala po ang plano
ng Diyos sa plano ni Haring David.
Kayo
po, kapag iba na ang gustong mangyari ng Diyos kaysa sa gusto ninyong mangyari,
basbas pa rin po ba ang tingin ninyo roon?
Kapag hindi po natupad ang gusto n’yo, naiisip n’yo pa bang baka basbas
nga iyon? Kaya n’yo pa po bang magbasbas
kahit hindi nasunod ang gusto mo?
Sa
lahat po yata ng kinakailangang isuko natin sa Diyos, ang sariling kalooban
talaga natin ang pinakamahirap bitiwan.
Ang hirap-hirap pong sumunod kapag taliwas sa kalooban mo, lalo na’t
kung sa tingin mo ay wala namang masama sa binabalak mo, hindi ba? Kahit po sa Diyos mahirap tumalima. Pero may mga tao ring kay gagaling daw
sumunod sa Diyos pero hindi naman sumusunod sa mga magulang nila, sa mga guro
nila, sa mga pinagkatiwalaan sa kanila, sa kanilang kura paroko, sa obispo
nila, at sa iba pang dapat sana’y sinusunod nila. Sa palagay ko po, isang malaking basbas kapag
natuto tayong sumunod talaga.
Si
Haring David po ay sumunod sa Diyos kaya naman natupad sa kanya at kanyang lahi
ang basbas ng Diyos. Gaya po ng
ipinasabi sa kanya ng Diyos sa unang pagbasa ngayon, lahat ng kanyang mga
kaaway ay nilipol ng Diyos, ginawang dakila ang kanyang pangalan, pinagkalooban
ng lupang tirahan ang Israel na kanyang nasasakupan, pinatatag ang kanyang
sambahayan, hindi nawaglit sa kanyang lahi ang paghahari, at mula sa kanyang
mga inanak isinilang ang pangakong Mesiyas.
Nakita
po ni Zekarias, sa Ebanghelyo, ang basbas na ito ng Diyos sa kaharian at lahi
ni Haring David, kaya, puspos ng Espiritu Santo, inawit niya ang tinaguriang
“Benedictus”. Binasbasan din ni Zekarias
ang Diyos at sinabi, “Purihin ang Panginoong Diys ng Israel!”
Pero
una na rin pong binasbasan ng Diyos si Zekarias at kanyang asawang si Elizabeth.
May pangalan pa nga po ang basbas ng Diyos
sa kanila: Juan, na ang kahulugan ay “Kay bait ng Diyos”. Ngunit hindi po naging madali ang lahat para kay
Zekarias! Dahil po sa kanyang pag-aalinlangan
sa ipinasabi sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel Gabriel, si Zekarias ay
napipi at nabingi. At dahil nangyari ito
samantalang nagsusunog siya ng kamanyang sa dako ng Banal ng Mga Banal sa Templo,
wala pong basbas sa katapusan ng pagsambang pinasimulan niya. Takang-taka raw po ang mga taong naghihintay sa
kanya sa labas sapagkat napakatagal niya sa loob at nang lumabas na siya ay natiyak
daw ng mga tao na may nakitang pangitain si Zekarias sa loob. Pero ngayong natupad na ang mga sinabi ng anghel
sa kanya, naibigay na rin ni Zekarias ang basbas. At ang basbas niya ay para sa Diyos sapagkat nakilala
ni Zekarias na una nap ala siyang binasbasan ng Diyos.
Ang
basbas sa Hebreo ay pagpapasalamat. Kapag
nagpapasalamat, nagbabasbas.
Kelan
po kayo huling nambasbas? Basbasan po natin
ang isa’t isa. Pasalamatan natin ang isa’t
isa. Basbasan po natin ang Diyos. Pasalamatan natin Siya na laging unang nagbabasbas
sa atin.
Isa
na naman pong Misa nobenaryo para sa paghahanda sa pagdiriwang ng kaarawan ng Panginoon
ang nagtatapos ngayon, sana po ang lahat ng mga word for the day na pinagnilayan natin nitong nagdaang mga araw ay tumulong
sa ating makita at makilala ang mga pagbabasbas ng Diyos sa buhay natin at turuan
din naman tayong magbasbas sa Diyos at sa isa’t isa. Pagkatapos ng Banal na Misang ito, humayo po sana
tayo bilang isang Bayang mapagbasbas. Tayo
mismo ang maging basbas ng Diyos sa isa’t isa, hindi lamang bilang mga pagpapala
Niya kundi bilang mga pasasalamat din Niya sa mga nakakasalamuha natin sa buhay.
At sana rin po, basbasan ng lahat ang Diyos
dahil sa atin. Kapag magkagayon, magbubukang-liwayway
sa mundo nating malaon nang nasa kadiliman at makababagtas tayong tunay tungko sa
daan ng kapayapaan.
No comments:
Post a Comment