Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Mk 1:1-8 (Is 40:1-5,
9-11 / Slm 84 / 2 Pd 3:8-14)
Naranasan na
po ba ninyong bigla-bigla na lang ay hindi na kayo kinausap ng inyong matalik
na kaibigan? Hindi ninyo alam kung
bakit. Wala kayong maisip na dahilan. Basta na lang hindi na niya kayo kinibo. At kahit ano pang gawin ninyo, talagang ayaw
niya kayong pinapansin. Ano pong
pakiramdam?
Naranasan po
iyan ng mga Judyo. Nang pumanaw na ang
pinakahuli sa mga propetang sumulat, nanahimik ang Diyos. Tila tumigil na Siyang magsalita: hindi na
kinausap ang Kanyang Bayang Israel.
Hindi na po Siya kumibo. Wala na
rin pong narinig na pahayag ng propeta na dapat ay tagapagsalita ni
Yahweh. Tuyot na tuyot ang diwa ng
pagpopropesiya. Pero, hindi po tulad ng
karanasan ninyo sa isang kaibigang basta na lang hindi kayo kinibo, alam na
alam po ng mga Judyo kung bakit hindi na sila kinausap ng Diyos.
Wala po kasing
patid ang pagtataksil nila sa Diyos. Sa
lahat po ng dako at aspeto ng kanilang pamumuhay, maging mismo sa Templo at sa pagsambang
nagaganap doon, naging talamak ang katiwalian.
Para pong nagsawa na ang Diyos sa pagsuyo sa kanila na pagsisihan ang
kanilang mga kasalanan, magbalik-loob sa Kanya, at mamuhay nang matuwid. Kaya, nanahimik nga po Siya. Hindi na kumibo. Tumigil magsalita. At kakaibang-kakaiba po ito sa pagkakakilala
nila sa Diyos sapagkat ang Diyos na nagpakilala sa kanila ng Kanyang sarili ay Diyos
na nakikipag-usap. At ang Kanyang salita
ay walang kaparis sa kapangyarihan (dabar
Yahweh). Sa unang aklat pa lang ng
Mga Banal na Kasulatan, ang Genesis, nagsasalita na ang Diyos: nilikha Niya ang
lahat sa pamamagitan ng Kanyang salita (Tg. Gen 1:1-31).
Sapagkat
napakahalaga nga po ng salita, sa Banal na Bibliya, napakahalaga rin po ng tinig,
lalong-lalo na ang tinig ng Diyos. Para
sa mga Judyo, ang mismong tinig ng Diyos ay kaluwalhatian ng Diyos. Kapag hindi po naririnig ang tinig ng Diyos,
sinasabi nilang nililisan ng kaluwalhatian ng Diyos ang Kanyang Bayan. Halimbawa po, sa 1 Sam 3:1, nasusulat, “Noong
mga araw na iyon, bibihirang mangusap ang Panginoon at napakadalang ng mga pangitain.” Sa umpisa, bibihira lang mangusap pero sa kalaunan
ay tuluyang hindi na po kinausap ng Diyos ang Kanyang Bayan. Sa loob ng napakahabang panahon, hindi na Siya
kumibo at ang Kanyang kaluwalhatian ay lumisan sa sambahayan ng Israel.
Sa 1 Sam
4:21-22, nang pumanaw na si Eli, ang pari sa Templo na nagpalaki kay Propeta
Samuel, nagdalantao raw po at nagsilang ng isang anak na lalaki ang manugang niyang
si Phinehas. Ang pangalang ibinigay ni
Phinehas sa anak niya ay “Ikavod”. Ang
ibig-sabihin po ng ikavod sa wikang
Hebreo ay “walang kaluwalhatian”. Ipinahihiwatig
ng pangalan ng anak ni Phinehas ang kalagayang kinasasadlakan ng Bayang Israel
noon: nilisan ng kaluwalhatian ng Diyos.
At hindi po roon nagtapos ang mapait na sinapit ng Bayang nilisanan ng
kaluwalhatian ng Diyos: naagaw pa ng mga kaaway nila, ang mga Filisteo, ang
Kaban ng Tipan, at makailang beses din po silang napatapong-bihag sa mga bayan
ng mga hentil.
Wala nga pong
kasimpait ang sinapit ng Bayan ng Diyos.
Parang pinabayaan na lang sila ng Diyos sa kanilang kasamaan at tuluyan
na silang nasadlak sa dusa, kahihiyan, at kalungkutan. Ganyan po talaga ang mangyayari sa sinumang
lisanan ng kaluwalhatian ng Diyos.
Sabi ni San Ireneo, “Gloria Dei vivens homo” (“The
glory of God is man fully alive”).
Ang kaluwalhatian daw po ng Diyos ay ang taong buhay na buhay. Kaya naman, ang sinumang hindi na pansinin ng
Diyos at tuluyang hindi na panahanan ng Kanyang kaluwalhatian ay hahantong sa
kamatayang walang-hanggan.
Subalit hindi naman po basta-basta na lang tayo
nililisanan ng kaluwalhatian ng Diyos.
Palibhasa, ang nais po ng Diyos ay manahan hindi lamang sa piling natin
kundi sa atin mismo. Kalooban po Niyang
makabahagi tayo sa Kanyang buhay at kaluwalhatian. At bagamat hindi tayo pinipilit ng Diyos kung
ayaw po natin sa Kanya, ipinaaalala naman sa atin ni San Pedro Apostol sa
ikalawang pagbasa natin ngayon na “binibigyan ng Diyos ang lahat ng pagkakataon
na magkapagsisi at magbalik-loob sa Kanya sapagkat hindi Niya nais na mapahamak
ang sinuman.”
Siguro kaya po minsan tumatahimik na lang ang
Diyos, kasi nais Niyang marinig natin nang buong linaw ang ating sarili at nang
matauhan tayo sa mga pinipili nating kapalit Niya. Siguro kaya minsan hindi Siya kumikibo kasi gusto
po Niyang maramdaman natin na ang tunay na pinananabikan ng ating puso ay Siya
at hindi ang kung sinu-sinong tao o kung anu-anong bagay sa mundo. Siguro nga po kaya hindi nagsasalita ang
Diyos ay para marinig natin ang tinig na sumisigaw sa ilang ng ating buhay.
Sa atin pong
unang pagbasa, ipinahihiwatig ni Propeta Isaias na muli nang magsasalita ang
Diyos. Kakausapin na Niyang muli ang
Kanyang Bayan. “O Jerusalem,” wika ng
Propeta, “mabuting balita ay iyong ihayag.
Ikaw, Sion, umakyat ka sa tuktok ng bundok. Ikaw ay sumigaw, huwag kang masisindak,
sabihin sa Juda, ‘Narito ang iyong Diyos!’”
Ah, hindi naman po pala sila iniwan ng Diyos. Hindi naman pala Niya sila pinabayaan. Nanahimik lang Siya. At ngayong “…nagbayad na sila nang ibayo sa
pagkakasalang ginawa” nila sa Kanya, muli na Niya silang kakausapin, kikibuin,
lalambingin. At napakagandang balita po
niyan sapagkat binubuhay nito ang kanilang pag-asa sa Diyos. Kaya naman po, ang bungad ng Propeta sa unang
pagbasa ngayon: “’Aliwin ninyo ang Aking bayan’, sabi ng Diyos. ‘Aliwin ninyo sila.’” Babasagin na ng Diyos ang Kanyang napakatagal
at nakababahalang katahimikan!
Nang simulang
basagin ng Diyos ang Kanyang katahimikan, natupad po ng isinulat ni Propeta
Isaias: isang tinig sa ilang ang sumisigaw. “Ihanda ninyo ng daraanan ang Panginoon,”
sigaw ng tinig na ito, “tuwirin ninyo ang Kanyang mga landas! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga
kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Ayon po sa ating Ebanghelyo ngayon, si Juan Bautista
ang tinig na iyon at ang panawagan niya ay maghanda sa pagsapit ng Panginoon, magsisi
sa mga kasalanan, at magsimulang mamuhay muli nang tuwid.
Sa paglitaw ni
Juan Bautista, nagbabalik na ang kaluwalhatian ng Diyos. Hayan, nagsisimula nang makipag-usap muli ang
Diyos sa Kanyang Bayan! At ang mga unang
binibigkas ay salita ng mapagpatawad na pag-ibig. Tinitiyak ni Juan Bautista sa mga tao:
Patatawarin kayo ng Diyos!
Ang rurok na kaganapan ng muling pakikipag-usap
na ito ng Diyos ay mararanasan ng lahat ng tao sa mismong pagkakatawang-tao ng
Kanyang Salita. Hindi na po pala
kontento ng Diyos na basta bumigkas-bigkas lang ng mga salita. Gagawin Niyang laman, buto, tao ang Kanyang
Salita! Hindi na po pala Siya kontentong
makipag-usap lang sa atin. Makikipamuhay
na Siya sa atin! Magiging kapit-bahay
natin Siya. Magiging kapit-buhay
sapagkat si Jesus, ang Kanyang Bugtong na Anak at Walang-Hanggang Salita, ay
magiging tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan. Magiging tao ang Diyos! At kaya nga po may Pasko.
Ang Adbiyento
ay natatanging panahon ng taus-pusong pakikinig sa Diyos. Baka hindi na po natin Siya
pinakikinggan. Baka hindi na po Siya ang
pinakikinggan natin. Baka hindi na Siya
nagsasalita. Kung hindi nga Siya nagsasalita
sa atin, pagnilayan po natin nang masinsinan kung bakit at baka tuluyan na rin
tayong lisanin ng Kanyang kaluwalhatian.
Bakit kaya napakatahimik ang Diyos sa buhay ko
ngayon? Bakit kaya hindi ko Siya
marinig? O baka naman, gustung-gusto ng
Diyos na makausap ako pero wala naman pala akong panahon para sa Kanya. Kung meron man, baka mga tingi-tingi lang ng
oras ko ang ibinibigay ko sa Kanya.
Isinisingit ko na lang ba sa napaka-abala ko nang buhay ang pakikinig sa
Diyos? Paningit na lang ba talaga ang
Diyos para sa akin?
Baka naman nagsusumigaw na pala ang Diyos pero
hindi ko pa rin Siya narinig-rinig.
Bakit kaya? Baka napakaingay ko
na kasi. Sa sobrang kadaldalan ko, pati
Diyos hindi na makasingit-singit.
Kaya, matuto
po sana tayong makinig sa tinig ng Diyos.
Tutoong makinig. At tugunin po
natin ang panawagan ng tinig sa ilang ng ating buhay: paghandaan ang pagdating
ng Panginoon, pagsisihan ang ating mga kasalanan, at mamuhay tayong matuwid. Kinakausap po tayo ng Diyos. Hihintayin pa po ba nating lisanin din tayo
ng kaluwalhatian ng Diyos bago natin Siya pakinggan?
Ang mga ayaw
makinig, baka masigawan ng Diyos.
No comments:
Post a Comment