Pages

28 November 2014

MAGHINTAY: UMASA AT HUMANDA

Unang Linggo ng Adbiyeto
Mk 13:33-37 (Is 63:16-17, 19; 64:2-7 / Ps 79 / 1 Cor 1:3-9)


Mahilig po ba kayong maghintay?  Magaling po ba kayong maghintay?  Paano po ba kayo maghintay?  Sino at ano ang hinihintay n’yo?  Ang buhay natin sa mundong ito ay walang katapusang paghihintay.

Hinintay po tayo ng ating mga magulang bago tayo isilang.  Sa sinapupunan, bagamat wala pa tayong kamalayan, naghintay na rin po tayong lumabas sa mundo.  Hinintay po ng mga mahal natin sa buhay ang ating unang pagdapa, paglakad, pagtakbo, pagsasalita nang malinaw, pagpasok sa eskuwela, pagbibinata o pagdadalaga, paglagay sa tahimik.  Sa buong buhay natin, marami at iba’t iba rin po ang ating hinihintay na mga tao, mga petsa, mga bagay, mga okasyon, at maging mga biyaya.  Tunay nga po, ang paghihintay ay bahaging-bahagi ng buhay at wala pong buhay nang walang paghihintay.  Ang kaganapan ng buhay ay hindi po kara-karakang napapasaatin tulad ng mga uso ngayong mga instant-instant.  At kapag dumating na ang ating hinihintay, madalas din po tayong natatauhan na laging may higit pa sa hinintay nating dumating.  Kaya kailangan pa rin nating maghintay ulit.

Ang Adbiyento ay panahong nagpapaalala sa atin na kailangan din po nating hintayin ang Diyos.  Lampas ang Diyos sa kaya nating saklawin.  Kailanman ang Diyos ay hindi po maaaring maging pagmamay-ari natin.  Laging ‘di hamak na higit pa po Siya sa nakita na natin tungkol sa Kanya.  Maaari lang po nating hintayin ang Diyos na hayaan tayong makita, maramdaman, maranasan, at makilala Siya.  Napakaganda po ng katotohanang ito sapagkat kapag hinihintay natin ang Diyos inaamin natin ang ating pagkahindi-kumpleto: tinatanggap po natin na laging may higit pa sa Diyos kaysa sa alam na natin tungkol sa Kanya, ipinahihiwatig natin ang ating pag-asa sa Diyos na kailanman ay hindi natin maaangkin.  At kapag ganyan po ang ating karanasan, ang mismong paghihintay natin sa Diyos ay nagiging isang panalangin: nagpapatutoo tayo sa ating sariling karukhaan at sa kadakilaan ng Diyos.

Eh, hinihintay po ba talaga natin ang Diyos?  Baka naman hindi.

Ipinagmamalaki ng marami na dito raw po sa Pilipinas ang pinakamahabang Kapaskuhan: Setyembre pa lang Pasko na!  Pagpasok na pagpasok ng “ber” months, nagpapatugtog na ng Christmas songs at carols.  Pinadadaan lang ang Undas, nagmamadaling maglagay ng mga palamuting pamasko – una sa malls tapos sa mga bahay.  Kapag tinanong mo kung bakit trapik, ang madalas na sagot, “Ah, malapit na kasing mag-Pasko,” pero Oktubre pa lang.  Nagsusulputan po ang Christmas sales dito, Christmas sales doon.  Talaga naman po, puwede lang hatakin ang mga araw para mag-Pasko na!  Kaya lang nalalaktawan po ng karamihan sa atin ang mabiyayang panahon ng Adbiyento at ang itinuturo nito sa ating tungkol sa paghihintay, lalong-lalo na, sa Diyos.  Siguro kaya po lumalaki ang marami sa ating mga kabataan nang hindi na marunong maghintay.  Tapos magtataka tayo.

Ang mga Judyo talaga naman pong tinuruan ng Diyos na maghintay.  Ang tagal po nilang hinintay ang paglaya nila mula sa kanilang pagkaka-alipin sa Ehipto.  At nang makalaya na, ang tagal-tagal din po nilang hinintay matapos ang kanilang paglalakbay sa ilang patungong Lupang Pangako – apatnapung taon!  Pero nang makapagsarili na, pagkaraan ng maraming taon, napatapong-bihag din naman po sila sa Babylonia.  Kaya nga po sa unang pagbasa natin ngayon, dumaraing sila sa Diyos: “Balikan Mo kami, Iyong kaawaan, ang mga lingkod Mo na tanging Iyo lamang.  Buksan Mo ang langit at Ikaw ay bumaba sa mundong ibabaw….”

Balikan, buksan, bumaba – ito po ang pagsusumamo ng mga Judyo na isinulat ni Propeta Isaias.  Palibhasa nang papauwi na sila sa kanilang sariling bayan, matapos mapatapong-bihag sa Babylonia, buhay na buhay ang pag-asa ng mga Israelita na muli silang aangkinin ng Diyos bilang Kanyang Bayan.  Subalit ang sumalubong po sa kanila sa Jerusalem ay ang Templong wasak.  At hindi po sila kinikibo ng Diyos; ‘di tulad dati na madalas Siyang magpahayag sa kanila sa pamamagitan ng mga pangitain at mga propeta.  Wala silang makitang anumang tanda na hindi sila nagkamali sa kanilang inasahan sa Diyos.  Hirap na hirap na po sila sa paghihintay sa Diyos.

Kayo po, naranasan na ba ninyong mahirapan sa kahihintay sa Diyos?  Ano po ang ginawa ninyo?

Ang mga Israelita, nang hirap na hirap na silang maghintay sa Diyos, sinariwa nila sa kanilang alaala ang mga ginawa na noon ng Diyos para sa kanila at basta kapit-tuko lang po sila sa Diyos.  Hinding-hindi po sila bumitiw sa Diyos; hinding-hindi nila binaon sa limot ang Kanyang kagandahang-loob.  “Ikaw lamang Panginoon,” sabi nila sa unang pagbasa ngayon, “ang aming pag-asa’t Amang aasahan; tanging Ikaw lamang yaong nagliligtas nitong aming buhay.”

Kapag ginugunita po natin ang Diyos at ang Kanyang katapatan at kagandahang-loob sa atin, wari baga’y isinasakasalukuyan natin ang kahapon: ang nakaraan ay nagiging kasalukuyan muli.  At nagiging sagrado ang ating alaala.  Sa gitna ng kadiliman ng ating paghihintay, mistula pong tanglaw ang sagradong alaalang ito.  Ang alaala po natin sa pag-ibig ng Diyos, masasabi natin, ang mismong bumubuhay sa atin sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng dahilan para maghintay.  Pinatatatag po nito ang ating pag-asa at, sakaling nalimutan na natin kung paano ang maghintay, pinaaalala nitong muli kung paano.  Kaya nga po napakahalaga ng ating mga alaala: ito ang nasa pagitan ng pag-asa at kawalang-pag-asa, sa pagitan mismo ng buhay at kamatayan.  At ang alaalang sagradong ito ang siya rin pong nagpapanatili sa ating gising at mulat sa mga biyayang darating pa.  Sapagkat tayo ay umaasa, naghihintay po tayo.  May kakayahan tayong maghintay sapagkat tayo po ay Bayan ng pag-asa.

May pag-asa po ba kayo?  Sa palagay ninyo, may pag-asa pa kayo?  Eh ang katabi po ninyo, sa tingin n’yo may pag-asa pa siya?

Kung wala na po kayong pag-asa, malamang kasi nakalimot na kayo sa Diyos.  Kung merong sabi nang sabi sa inyo, “Wala ka nang pag-asa.  Akala mo lang meron.  Meron.  Pero wala,” malamang kasi siya po mismo ay nakalimot na rin sa Diyos.  Minsan pagkatapos ng isang malalim na kuwentuhan, sinabi sa akin ni Kardinal Rosales, “Bob, habang may buhay may pag-asa.  Habang may Diyos may pag-asa.”  Sa Banal na Bibliya, ang tawag po sa mga taong ang tanging pag-asa ay sa Diyos ay anawim.  Sila ang mga taong kailanman ay hindi nakalilimot sa Diyos.  Sila ang tutoong nag-uumapaw sa pag-asa.

Idineklara po ng Kapulungan ng Mga Obispong Katoliko sa Pilipinas ang panahon mula ngayong araw na ito hanggang sa wakas ng taong liturhikal ng 2015 bilang “Taon ng Mga Dukha” o “Year of the Poor”.  Subalit huwag po sana tayong magkamaling isiping ang poor na pinatutungkulan ng taong ito ay yaon lamang mga salat o walang-wala sa buhay.  Ang tunay na dukha na pinagpala ng Panginoon ay silang mga tanging ang Diyos lamang ang pag-asa, mahirap man sila o maykaya sa buhay.  Sila ang mga anawim ng Panginoon.  Ang taong ito ay “Taon ng Mga Anawim”.  Harinawa, sa pagdiriwang po natin ng taong ito – na higit na pasasayahin ng pagdating ng pinakahihintay nating si Papa Francisco – tumibay nang ibayo ang ating pag-asa sa Diyos at higit tayong matutong maghintay sa Kanyang mga pagkilos sa ating buhay.

Ang buong buhay po natin ay isang paghihintay.  At ipinaaalala po sa atin ng Adbiyentong pinasisimulan natin ngayong araw na ito na maging ang Diyos ay kailangan nating hintayin.  Subalit ang paghihintay natin ay hindi basta-basta paghihintay sapagkat punung-puno po tayo ng pag-asa kaya’t, gaya ng payo sa atin ng Ebanghelyo, tayo ay naghahanda para sa, tinutukoy ni San Pablo Apostol sa ikalawang pag-asa, “Araw ng ating Panginoong Jesukristo.”


No comments:

Post a Comment