Pages

13 December 2014

GAUDETE…FOR LIFE!

Ikatlong Linggo ng Adbiyento (Linggo ng Gaudete)
Jn 1:6-8, 19-28 (Is 61:1-2, 10-11 / Lk 1 / 1 Tes 5:16-24)


Malapit na malapit na po ang Pasko!  Ilang tulog na lang.  Bukas nga po nang gabi ay Simbanggabi na at sa madaling-araw naman kinabukasan noon ay Misa de Gallo na.  Napakabilis po ng panahon: Pasko na naman.  Ika nga ng isang awit, “O, kay tulin ng araw!”

Sigurado, marami na po sa inyo ang nakatanggap ng regalo para sa Paskong ito.  Siguro, nagsimula na rin po kayong magbigay ng Christmas gift sa mga mahal ninyo.  Malapit na nga po kasi ang Pasko.

Kanina, bago ko po simulang buuin ang homiliyang ito, natanggap ko ang aking unang Christmas gift para sa taong ito.  Galing po ang regalo sa isang parishioner.  Hay, salamat, may regalo na sa ilalim ng aming Christmas tree sa kumbento!  Maraming salamat din po sa nagregalo.

Hindi kumpleto ang Christmas tree kapag walang regalo, hindi po ba?  Hindi kumpleto ang Pasko kapag walang pagbibigayan ng regalo.  Bakit po?  Kasi po kaya may Pasko dahil niregaluhan tayo ng Diyos.  Iniregalo Niya sa atin ang Kanyang sariling bugtong na Anak: si Jesus.  At hindi lang po iyan.  Niregaluhan Niya po tayo hindi dahil may ginawa tayong maganda o kasiya-siya.  Sa kabila ng ating atraso sa Kanya, sa halip na gantihan tayo ng Diyos, niregaluhan N’ya pa po tayo.  Kunsabagay, ganyan po naman talaga kasi dapat ang regalo: hindi ito pabuya, regalo po ito.

Nagreregalo po tayo kapag Pasko kasi una na tayong niregaluhan ng Diyos.  Kaya nga po magandang figura si Juan Bautista tuwing Adbiyento.  Bago pa isilang si Jesus, ipinaaalala na ni Juan Bautista na ang napakabait nating Diyos ay nagreregalo sa atin.

Si Juan Bautista po mismo ay regalo ng Diyos.  Regalo po siya sa kanyang mga magulang, na sa kabila ng kanilang katandaan at kabaugan ng kanyang ina ay naisilang pa rin siya sa kanila.  Regalo rin po siya sa Bayan ng Diyos sapagkat, sa paghahanda niya ng tuwid at patag na daraanan ang Panginoon, tinawag niya ang lahat tungo sa pagbabalik-loob Diyos at ipinagkaloob niya sa mga nagsisi sa kanilang kasalanan ang binyag ng kapatawaran.  Tunay nga po, si Juan Bautista ay regalong mula sa Diyos.  Kaya nga po Juan o Yohanan sa Hebreo ang kanyang pangalan sapagkat ang kahulugan nito ay “kagandahang-loob ng Diyos”.  Puwede rin pong “regalo ng Diyos”, hindi ba?

“Sinugo ng Diyos” – ganito po inilalarawan ng Ebanghelyo ngayong araw na ito itong si Juan Bautista.  “Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan,” bungad po ng Ebanghelyo.  At dahil sugo nga, meron po siyang misyon.  “Naparito siya,” patuloy ng Ebanghelyo, “upang magpatutoo tungkol sa Ilaw at manalig sa Ilaw ang lahat dahil sa patutoo niya.”  Hindi po si Juan ang Ilaw.  Si Jesus ang Ilaw.  Ngunit si Juan ang patutoo ng Ilaw.  Kung malinaw po sa atin iyan, mas malinaw iyan kay Juan Bautista.  “Sinabi niyang hindi siya ang Mesiyas,” sabi ng Ebanghelyo.  Siya na rin po ang nagsabi, “Ako, ‘ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’”  Patuloy pa niya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala.  Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng Kanyang panyapak.”  Kaya nga po nang lumitaw na nga si Jesus, itinuro Siya ni Juan sa mga tao nang sinasabi, “Masdan ninyo ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.  Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang kasunod ko’y nakahihigit sa akin sapagkat Siya’y Siya na bago pa ako’” (Jn 1:29-30).

Si Juan Bautista ay regalo ng Diyos na nagmagandang-loob upang mapaghandaan ng mga tao ang Ilaw na dumarating sa sanlibutan, at pagsapit Nito ay makatagpo, makilala, at mapanaligan nila ang Ilaw na ito.  Si Juan ay regalo.  Si Juan ay sugo.

Kung tutuusin, tayo naman pong lahat ay mula sa Diyos, hindi ba?  Anong uring regalo po ba tayo ng Diyos?  Kanino Niya tayo regalo?  Isinasabuhay po ba natin ang ating pagiging regalo ng kagandahang-loob ng Diyos?

Kung tutuusin, mga sugo rin po tayo ng Diyos, hindi ba?  Lalo na po tayong mga Kristiyano, mga alagad ni Kristo.  Sa pamamagitan ng Binyag na ating tinanggap, tinanggap din po natin ang misyon na magpatutoo sa Ilaw na si Jesukristo.  Kumusta na po ba tayo?  Baka tayo po mismo ay aandap-andap na.  Paano natin isinasakatuparan ang ating pagiging mga sugo ng Diyos at patutoo ni Jesus?

Sa unang pagbasa po natin ngayong araw na ito, na hango sa Aklat ni Propeta Isaias, narinig nating muli ang tanyag na paglalarawan sa sugong Mesiyas ng Diyos.  Siya raw po ay pinuspos ng Espiritu ng Panginoon, tagapagdala ng magandang balita sa mahihirap, tagapagpagaling ng sugat ng mga puso, tagapagpalaya ng mga bihag at bilanggo, at tagapagpahayag ng panahon ng kaligtasan ng Panginoon.

Batid po nating si Jesus ang katuparan ng paglalarawang ito ni Propeta Isaias tungkol sa Mesiyas.  Subalit kung tutuusin, hindi man po tayo ang Mesiyas, dapat tayong maging mga kalarawan Niya sapagkat tayo ay Kristiyano, mga alagad ni Kristo, mga alagad ng Mesiyas.  Kaya mabuti pong tanungin natin ang ating sarili: Ano na ba ang pumupuspos sa akin?  Baka naman kung ano nang espiritu ang sumasanib sa akin.  Masasabi ko pa ba nang buong katotohanan na magandang balita ang dala-dala ko, lalong-lalo na sa mga dukha?  Tunay bang tagapagpagaling pa ako ng mga sugatang puso o baka naman sugatan na nga ang puso ng kapwa ko pinipiga ko pa, winasak ko pa, hinahamak ko pa.  Talaga bang daan ako ng kaligtasan ng Panginoon upang ang iba ay lumaya sa anumang pagkakabihag, pagkakabilanggo, at pagkakaalipin nila?  Baka naman ako pa promutor o kasabwat kaya sa paglapastangan, pagpapahirap, at pagsasamantala sa iba.  Hindi kaya?

Kaya po may Pasko dahil niregaluhan tayo ng Diyos.  Kaya naman, wika ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa ngayon, “Magalak kayong lagi!”   Batay sa kanyang isinulat, ito raw po ang mga palatandaan ng taong nagagalak: matiyaga sa pananalangin, mapagpasalamat sa lahat ng pangyayari, hindi hinahadlangan ang Espiritu Santo, pinupulot ang mabuti at lumalayo sa kasamaan.  Kapag ganito raw po ang ating pamumuhay, pababanalin tayo ng Diyos, bibigyan ng kapayapaan, at pananatalihing walang kapintasan ang ating buong katauhan.  At gagawin daw po ng Diyos ang mga bagay na ito sapagkat Siyang tumawag sa atin ay laging tapat sa atin.

Ngayong Linggo ng Gaudete o Linggo ng Kagalakan, ipanalangin po nating maisabuhay natin ang ating pagiging mga regalo at sugo ng Diyos nang may tunay na kaligayahan.  Sa tuwina, pagsikapan nating maging mga regalo ng Diyos na nakapagbibigay-kagalakan sa lahat at mga saksi ng kagalakang tanging Diyos lamang ang nakapagbibigay.  Sa diwa ng pangaral ni Papa Francisco, ilagay po natin lagi sa ating kamalayan na tayo ay mga sugo ng Ebanghelyo ng kagalakan (Evangelii Gaudium) sa lahat ng tao at maging sa buong sanilikha.

Magalak po tayo hindi lang dahil malapit na ang Pasko.  Magalak tayo sapagkat may Pasko dahil sumapit na ang Ilaw sa mundo nang isinilang si Jesus.  Magalak po tayo sapagkat kahit ngayon pa lang ay maaari na nating tanggapin si Jesus sa Banal na Eukaristiyang ito.  Magalak po tayo sapagkat balang-araw ay babalikan tayo ni Jesus upang isama tayo sa Kanyang kaluwalhatian.

Ngayong araw pong ito ay Linggo ng Gaudete hindi dahil tumanggap na tayo ng mga nakabalot na regalo at may Christmas gift na sa ilalim ng ating mga Christmas tree. Magalak po tayo sapagkat niregaluhan tayo ng Diyos, sa kabila ng ating mga kasalanan. Magalak po tayo sapagkat ang regalo Niya sa atin ay ang sarili Niyang bugtong na Anak.

Magalak tayo sapagkat kayganda ng kalooban ng Diyos sa atin.  Magalak tayo sapagkat Siya ay laging tapat sa atin.

Magalak po tayo at maging kagalakan tayo ng lahat ng tao.

Ngayon nga po ay Gaudete Sunday.  Pero ang gaudete ay hindi lamang pan-Sunday.  Para sa ating mga Kristiyano, ang gaudete ay for life!


No comments:

Post a Comment