Unang Misa de Gallo (Simbanggabi)
Jn 5:33-36 (Is
56:1-3, 6-8 at Slm 66)
Ngayon po ang unang Banal na Misa ng
ating nobenaryo. Ang Misa nobenaryong
ito ay paghahanda po natin para maipagdiwang natin nang nararapat ang Pasko ng
Pagsilang ng Panginoong Jesukristo.
Opo, ang Misa de Gallo o Simbanggabi
ay nobena. At dahil nobena, paalala lang
po, siyam na araw po ito; hindi isang araw lang o tatlo o lima. Siyam po.
Kaya, kung seryoso po kayo talaga sa pagmi-Misa de Gallo o
pagsi-Simbanggabi, kailangan n’yo pong pagsikapang buuin ang nobenang ito. Inuulit ko po: ito po ay siyam na araw ng
pagsisimba.
Ang bawat araw ng ating nobenaryo ay
napakagandang sumasagisag sa siyam na buwan ng sanggol na Jesus sa sinapupunan
ng Mahal na Birheng Maria. Normal po ang
pagdadalantao kay Jesus kaya hindi Siya kulang sa buwan. Hindi rin naman sobra. Eksakto lang po: pinagdalantao Siya ni Maria
sa loob ng siyam na buwan. Sa ating
pagmi-Misa de Gallo o pagsi-Simbanggabi, mistulang sinasamahan po natin ang
Mahal na Ina sa kanyang pagdadalantao kay Jesus. Sana, huwag po natin siyang iiwan sa
kalagitnaan. Sana, kasama pa rin po tayo
ni Maria hanggang maisilang niya ang Panginoon.
Sana, kumpletuhin po natin ang Misa de Gallo o Simbanggabi.
Iyong nga po ang mga Misa de Gallo o
mga Simbanggabi: sila ay mga Banal na Misa sa karangalan ng Mahal na Ina ng
Diyos: si Maria. Ang mga Misa de Gallo o
mga Simbanggabi ay Marian Masses. Mapapansin po ninyo, lalo na habang palalim
nang palalim ang mga panalangin at pagninilay ng Misa de Gallo o Simbanggabi,
na madalas mababanggit ang pangalan ni Maria.
Hindi lamang po natin sinasamahan ang Mahal na Ina sa pagdadalantao niya
kay Jesus, kasama rin po natin siya sa pagdarasal at pagsamba sa Diyos. At bahaging-bahagi po ng pagsamba at pananalanging
ito ang pakikinig sa Diyos. Palibhasa,
ang ipinagdalantao at isinilang ng Mahal na Birheng Maria ay ang
nagkatawang-taong Salita ng Diyos. Kaya,
sana manatili rin po tayong gising sa ating pagsamba at pagdarasal upang
mapakinggan natin ang mensahe ng Diyos para sa atin sa bawat araw ng ating Misa
nobenaryo. Baka po sinasamahan nga natin
si Maria pero tulog naman pala tayo.
Kung gising po kayo, masasagot n’yo
kaya ang tanong na ito? Ano pong kataga
ang pinakamaraming beses na binabanggit sa ating Ebanghelyo ngayong unang araw
ng ating Misa de Gallo o Simbanggabi? Sa
maigsi nating Ebanghelyo ngayon, apat na beses po ito binabanggit. Ano po ang salitang ito?
Patutoo – iyan po ang katagang
pinakamaraming beses na binabanggit sa Ebanghelyo ngayong una nating pagmi-Misa
de Gallo o pagsi-Simbanggabi. Ang
tinutukoy po ng katangang ito ay si Juan Bautista at ang tumutukoy ay si
Jesus. Si Juan Bautista raw po, ayon mismo
sa Panginoon, ay patutoo ng katotohanan.
Sa ating panahon, nakakalungkot po
kasi pakaunti nang pakaunti ang mga patutoo ng katotohanan. Ang parami nang parami ay mga kasabwat ng
kasinungalingan. Mapasalita o
mapasagawa, ang dami na pong mga sinungaling ngayon. Minsan pati sa edad nagsisinungaling. Minsan pati mukha hindi na rin tutoo: ang
dami ngayong mga retokada. Minsan pati
rin po sa relasyon hindi tutoo: akala mo asawa talaga ‘yun pala kabit lang,
kulasisi lang, querida. Minsan pa maging sa identity sinungaling: kung umasta parang siya ang bida pero hindi
naman pala kaya nagiging kontrabida.
Ano po ba ang kasinungalingan? Ang kasinungalingan ay katotohanang tinago o
binaluktot. Katotohanng tinago po ito
sapagkat may katotohanan sa likod nito: ang kabaliktaran. Katotohanang binaluktot po ito kasi minsan
naman ay kitang-kita na ang tutoo pero pilit-pilit pa rin itong pinipilipit
para ang gusto ay maipilit.
Sa ating panahon, kailangang-kailangan
po natin ng maraming mga Juan Bautista, mga patutoo sa katotohanan. Kailangang-kailangan po nating gumising at
labanan ang lahat ng anyo ng kasinungalingan na siyang nagtataguyod sa kultura
ng katiwalian na nakapangangambang lumalamon na sa ating lahat. Gaya po, halimbawa, ng pagnanakaw. Nalimutan na po yata ng karamihan,
lalong-lalo na yaong mga nasa puwesto, mga may kapangyarihan, mga may
impluwensya, at, nakakalungkot, maging ng mga may pinag-aralan, na bawal ang
magnakaw. Sabi sa ika-pitong utos ng
Diyos: “Huwag kang magnakaw.” Pero, ano
pong kalakaran ngayon? Bawal lang
magnakaw kung mahuhuli ka. At bagamat
saksi po tayong lahat sa kasalanan at krimeng ito, bibihira, kung meron man,
ang mga Juan Bautista sa atin na tatayo, maninindigan, at lalaban sa masamang
kulturang ito. Nakakalungkot kasi po
parang ayos na lang sa atin na lumaki ang ating mga anak sa kultura ng katiwalian,
kasinungalingan, at karahasan. Kailangan
po nating muling madiskubri ang mabuting tao sa ating kani-kaniyang kaibuturan
at paghariin ito sa lahat ng aspeto ng buhay sa mundo. Marami na pong sinungaling sa mundo, huwag na
sana tayong dumagdag pa. Marami nang
tiwali sa lipunan, sana huwag na po tayong maki-uso pa. Maging mga Juan Bautista tayong lahat: mga
patutoo sa katotohanan. Paano?
Dinggin po natin si Propeta Isaias
mula sa ating unang pagbasa ngayon.
“Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin,” wika ng
Panginoon sa pamamagitan ng Propeta.
Makatarungan po ba tayo? Matuwid
po ba ang ating mga gawain? Sabi pa ng
Propeta, ayon daw sa Panginoon, “Ginaganap niya ang marapat gawin sa Araw ng
Shabbat, sa gawang masama, ang kanyang sarili’y iniiwas.”
Ginagawa
n’yo po ba talaga ang dapat gawin sa araw ng pangilin? Halimbawa po, bakit kaya nagsisiksikan tayo
ngayong madaling-araw o gabing-gabi na para makapagsimba, gayong kapag
karaniwang Linggo ay kakalog-kalog ang simbahan natin? O bakit po kaya, kahit puwedeng tumanggi,
sige pa rin ang iba sa ating sa paghahanap-buhay kahit araw ng Linggo? Madalas pa nga nakapagta-trabaho kung Linggo
pero hindi makapagsimba. Tapos
nagsisiksikan tayo ngayon dahil Misa de Gallo o Simbanggabi? Hindi po kaya tayo nagsisinungaling?
“…sa
gawang masama, ang kanyang sarili’y iniiwas,” wika ng Panginoon sa pamamagitan
ni Propeta Isaias. Pakiramdam n’yo po ba
kayo ang inilalarawan ng salita ng Diyos?
Talaga po bang umiiwas kayo sa masamang gawain? Yung iba kasi ang bilis makaiwas sa
pinagkakautangan pero mahilig namang makakipaglaro sa masama. Ang iba pa umiiwas sa mabaho pero ang sarili
namang buhay ay nangangalingasaw sa amoy ng pandaraya, pambabastos, at pagmamalupit.
Si Jesus
na isinilang ni Maria ay ang Nagkatawang-taong Salita ng Diyos. Lagi po Siyang tutoo. Sa katunayan, sinabi pa Niya sa Jn 14: 6, Siya
mismo ang Katotohanan. Kung ang bawat-isang
araw ng ating pagmi-Misa de Gallo o pagsi-Simbanggabi ay sagisag ng bawat-isang
buwan ng pagdadalantao ng Mahal na Ina kay Jesus, idalangin po nating ipagdalantao
rin natin ang katotohanan nang hindi na tayo muling magsisinungaling bagkus, katulad
ni Juan Bautista, tayo ay maging mga patutoo rin ng katotohanan.
Patutoo
– apat na beses po iyan binibigkas sa maigsi nating Ebanghelyo ngayong unang araw
ng Misa de Gallo o Simbanggabi. Ibig sabihin,
ito nga ang gusto ng Diyos na pagnilayan, pagdasalan, at pasikapan natin: maging
mga patutoo ni Jesus, ang Katotohanan, sa kasalukuyang mundong bihag ng maraming
kasinungalingan.
No comments:
Post a Comment