Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo
Lk 2:1-14 (Is 9:1-6
/ Slm 95 / Tito 2:11-14)
Bakit po kaya kapag kinikilala natin
ang isang tao, hindi nawawala ang tanong nating “Tagasaan ka?” Mahilig din po tayong iugnay ang katangian ng
tao sa lugar na pinagmulan niya.
Halimbawa, basta Kapampangan, masarap maluto. Kung taga-Bulacan, makata. Kapag galing naman po sa Cebu, mahilig at
mahusay kumanta. Eh ang taga Tondo po,
ano? Iyon po kayang tagarito sa atin, ano? Tagasaan po ba kayo?
Mahalaga po talaga para sa atin ang lugar na
pinagmulan natin. Isa po sa mga unang
ginagawa sa sanggol na isinilang ay inire-register siya: ipinatatala kung
kailan at saan siya naging tao.
Ganitung-ganito rin po sa Diyos. Sa araw na ito, ini-register ng Diyos ang Kanyang
sarili sa isang lugar at isang panahon.
Ang Kanyang bayan: Bethlehem. Ang
Kanyang panahon: paghahari ni Emperador Augusto, nang ang gobernador ng Siria
ay si Cirenio. Tutuong lugar po ang
Bethlehem. Mga tutuong tao rin po sina
Augusto at Cirenio. Maging ang mga hindi
Kristiyanong manunulat ng kasaysayan, nagpapatunay na ang lugar at mga taong
ito ay hindi mga kathang-isip lamang.
Naglakbay si Jose at kanyang
kabiyak-pusong si Maria, na noo’y kabuwanan na, patungong Bethlehem upang doon
ay magpatala ayon sa utos ng dayuhang mananakop. Iyon po pala, ang Mananakop ng mundo ang
maitatala roon! Subalit Siya ang
itinuring na dayuhan ng sarili Niyang mga kababayan.
Tayo pong mga nagdiriwang ng Kanyang
kaarawan ngayong Pasko, kumusta naman po kaya ang turing natin kay Jesus? Baka nakalilimutan po natin, Siya ang may birthday ngayon, hindi tayo. Baka naman po party tayo nang party
pero hindi natin inimbitahan ang tunay na Celebrant! Baka rin po tanggap tayo nang tanggap ng
regalo pero wala tayong regalo sa mismong birthday
Celebrant. Ano pong birthday gift ninyo para kay Jesus?
Ang Walang-hanggang Salita ng Diyos ay
naging tao. Ang maging tao ay laging mapasalugar
at mapasapanahon. Ang Salita ng Diyos ay
napasalugar. Kayo po, nasa lugar po ba
kayo? Baka wala. Ang Salita ng Diyos ay napasapanahon. Nasa anong panahon na po ba kayo sa buhay
n’yo?
Ang Diyos ay naging tao, katulad po
ninyo at katulad ko sa lahat ng bagay, maliban sa paggawa ng kasalanan. Ang Pasko ay ang pagiging-tao ng Salita ng Diyos
sa loob ng pangkaraniwang mga hangganan ng isang talambuhay. Ang pamagat po ng talambuhay na ito ay
“Jesus”.
Verbo
caro factum est et habitavit in nobis.
Nasusulat sa Jn 1:14, “Ang salita ay nagkatawang-tao at nakipamuhay sa
atin.” Sa orihinal pong pagkakasulat ng
Ebanghelyo sa wikang Griyego, ang ginamit po ng may-akda ng Ebanghelyo ayon kay
San Juan para ipahiwatig ang pakikipamuhay ng Diyos sa atin ay literal na
nangangahulang itinayo ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos ang Kanyang tolda
sa piling natin. Natatandaan n’yo pa po
ba ang isa sa mga pagbasa natin nitong nagdaang Simbanggabi? Nais po ni Haring David na ipagpatayo ang
Diyos ng magarang tahanan sapagkat nababagabag siyang nakatira siya sa palasyo
samantalang nakalagak lamang ang Kaban ng Tipan sa tolda. Ang toldang iyan ay itinayo mismo ng Diyos sa
piling natin sapagkat ang Kanyang Tipan sa atin ay naging laman sa mismong
katauhan ng isinilang na Sanggol ngayong Pasko.
Tolda pa rin ang tahanan ng Diyos pero may bagong address na po Siya. Ano?
Dito lang po sa atin. Kapitbahay
na natin ang Diyos! Hindi ba’t Siya ay
Emmanuel? Hindi lamang natin Siya
Kapitbahay, Kapitbuhay din po natin ang Panginoon: kalapit-bahay, karugtong ng
buhay natin.
Kung ang Diyos nga nangapitbahay sa atin,
sana huwag po nating isasara ang pintuan ng ating bahay sa kapwa-tao natin, lalung-lalo
na po yaong mga nangangailangan, nangungulila, nahihirapan, naliligaw, naghahanap
ng kabutihan, at nag-aalinlangang baka, gaya ng naranasan nila Jesus, Maria, at
Jose noong kauna-unahang Pasko, hindi natin sila pagbubuksan. Kung ang Diyos nga kapitbuhay natin, sana tanggapin
po natin ang likas na pagkaka-ugnay natin sa isa’t isa at tulung-tulong tayong mamuhay
at magbigay-buhay.
Sa paghalik po ninyo kay Jesus sa Belen
ngayong Pasko, pakiramdaman n’yo pong mabuti ang tibok ng inyong puso. Doon po’y meron Siyang ibinubulong: “Masdan mo
Ako,” sabi Niya, “tagarito na ako!”
No comments:
Post a Comment