Pages

23 August 2014

SUKO

Ikadalawampu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 16:13-20 (Is 22:19-23 / Slm 137 / Rom 11:33-36)


Ikadalawampu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 16:13-20 (Is 22:19-23 / Slm 137 / Rom 11:33-36)

May nabasa po akong kuwento.

May dalawang matalik na magkaibigan.  Magkasama silang nagbinata hanggang magkahiwalay ang kanilang mga landas nang pumasok po ang isa sa kanila sa seminaryo para magpari.  Ang isa naman, sa kasawiampalad, ay napariwara ang buhay: naging basag-ulero, tambay, sugarol, lasengo, kriminal.

Pero minsan po ay muling pinagtagpo ng Diyos ang kanilang mga landas.  Ang pari ay nadestino po sa parokyang nakasasakop sa loobang kinatitirikan ng barungbagong ng dati niyang matalik na kaibigan na naging patapon na nga ang buhay.  Laking gulat at lungkot ng pari sa naging buhay ng kanyang kaibigan.  Ginawa niya po ang lahat ng kanyang makakaya para akaying magbagong-buhay ang kaibigang napariwa.  Ngunit bigo siya.

Nakulong ang kaibigan ng pari.  Nahatulan ng parusang kamatayan.

Nang araw ng bitay ng kaibigan, ang pari ay naroroon sa tabi niya.  Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, pilit pong inaakay ng pari, patungong Diyos, ang kaibigang bibitayin.

“Magbalik-loob ka na sa Diyos,” pagsusumamo ng pari sa kaibigan.

“Wala akong Diyos,” galit na tila nagdaramdam na sagot ng kaibigan.  “Kung may Diyos bakit Niya pinabayaang magkaganito ang buhay ko?”

“Hindi ka ba natatakot mamatay?  Wala ka na ba talagang takot kahit sa Diyos?” tanong sa kanya ng pari.

“Hindi ako takot mamatay.  Wala akong kinatatakutan,” sagot ng kaibigan.

Mangilid-ngilid ang luha, inabot ng pari sa kaibigang bibitayin ang isang rosaryo.  “Baunin mo ito,” sabi niya sa kanya, “makakatulong ito sa iyo.  Magsisi ka na sana at magbalik-loob sa Diyos.”

“Hindi ko kailangan ‘yan,” mariing sabi ng kaibigan.  “Kapag dinala ko ang rosaryo mo, para na rin akong sumuko sa Diyos.”

Nang malapit na po ang takdang oras ng pagbitay, pinalabas na ang pari mula sa selda ng kaibigan.  Walang nagawa ang pari kundi ilapag na lang ang rosaryo sa ibabaw ng pinggang naglalaman ng huling kakanin ng kaibigang bibitayin.

Pagsapit ng ikatlo ng hapon, binitay ang kaibigan ng pari.  Sa lakas ng boltaheng dumaloy sa katawan, nagkikisay ito nang gayon na lamang.  Sa tindi ng kanyang pagkisay, bumukas ang kanang kamay ng kaibigang binitay at lumawit ang rosaryong ibinigay sa kanya ng paring kaibigan niya.  Kahit paano’y napayapa ang kalooban ng kaibigang pari: ang kaibigan niya ay nahuli ng mga pulis subalit sa Diyos ito sumuko.

Tayo po kanino tayo sumusuko?

Si Simon Pedro, kay Jesus po siya sumuko.  Mabuti na lang at hindi si Jesus ang sumuko sa kanya.  Marami po kasing hindi magagandang katangian itong si Simon Pedro.  Mababasa naman po natin sa mga Ebanghelyo kung gaano siya kadaldal, kayabang, kapusok, kainit ng ulo.  Minsan pa nga po, parang may pagka-engot din.  Alam na alam din po nating hindi nga niya ibinenta ang matalik niyang kaibigan – si Jesus – pero itinatwa naman niya Siya, hindi isang beses, hindi dalawang beses, kundi tatlong beses.  At ayon pa nga po sa Mt 26:74, matapos ang ikatlong pagtatatwa niya kay Jesus, nagmumumura pa si Simon.  Siguro po, marami pang mga kahinaan itong si Simon Pedro na inilihim na lang po sa atin ng mga sumulat ng mga Ebanghelyo.  Pero gaano man karami ng kanyang mga kahinaan, gaano man kalaki ng kanyang mga kapalpakan, at gaano man kalubha ng kanyang mga kasalanan, hindi niya napasuko si Jesus.  Hindi po siya binitiwan ng Jesus.  Hindi siya tinalikuran.  Hindi inayawan.  Hindi pinarusahan.  Bagkus ay higit pa siyang inibig ni Jesus.

Tayo po kaya, sinu-sino na ang mga napasuko natin dahil sa pag-uugali natin?  Marami na po kayang sumuko at tinalikuran tayo dahil napakahirap nating mahalin, nabigo natin ang kanilang mga inaasahan sa atin, nakita nila ang ating kapangitan?

Si Jesus po, hindi susuko sa atin.  Hinding-hindi Niya isusuko ang pag-ibig Niya sa atin.

Talo si Simon Pedro: suko siya sa pagmamahal sa kanya ni Jesus.  Sa gaspang ng kanyang pag-uugali, hindi mahirap isiping malamang ay hindi uurong itong si Simon Pedro sa anumang hamon ng away.  Hindi siya susuko kahit kanino.  Subalit nakahanap siya ng kanyang katapat o hinanap siya ng katapat niya: si Jesus.  Kay Jesus sumuko si Simon Pedro.  “Kayo po ang Kristo,” taas-kamay na pahayag ni Simon Pedro kay Jesus, “ang Anak ng Diyos na buhay.”

“Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas!” sagot ni Jesus kay Simon Pedro, “Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng Aking Amang nasa langit.”  Isinuko ni Simon ang kanyang sarili sa Diyos kaya naging bukas po siya sa grasya ng Ama at nakilala niya ang Anak Nito.

Bagamat hindi kasama sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, magandang din pong banggitin dito na pagkatapos na pagkatapos ng tagpong ito ay alalaumbaga’y bumagsak ulit si Simon sa pagsusulit ng pananampalataya.  Sapagkat matapos isiwalat ni Jesus sa mga alagad ang malagim na kamatayang sasapitin Niya at ang magmuling-pagkabuhay na magaganap sa Kanya, hinila Siya ni Simon sa isang tabi at binulungan, “Huwag pong ipahintulot ng Diyos na mangyari iyan sa Inyo, Panginoon.”  Kaya naman napagalitan po siya ni Jesus at tinawag pang satanas na ang ibig sabihin ay “hadlang” sapagkat, ika po ni Jesus, ang isip ni Simon ay isip ng tao at hindi ng Diyos.  Kaya naman po matapos gawing bato, “Pedro”, parang naging buhangin ulit si Simon.  Kitang-kita po na kapag nananatiling bukas si Simon Pedro sa Ama, tumpak ang kanyang pagkakilala kay Jesus; ngunit kapag sa iba na ang kanyang pag-iisip, hindi lamang mali na ang pagkakilala niya kay Jesus kundi siya pa mismo ang naging hadlang kay Jesus.

Hindi ko po minamaliit ang pagiging mangingisda, subalit hindi ko rin po maubos-isipin kung bakit sa dinami-rami ng matatalino, mahuhusay, at mababait na tao noon sa paligid ni Jesus, isang mangingisda pa ang nakakilala sa tunay na pagka-Siya ni Kristo Jesus.  Ito nga po ang patunay ng sinabi na ni Jesus bago ang tagpong ito.  Sa Mt 11:25, winika Niya, “Pinupuri Kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag ang mga ito sa mga aba.”  Kaya nga po ang itinalaga ng Panginoong Jesus na maging pinuno ng mga apostol at maging kauna-unahang Santo Papa ng Santa Iglesya ay hindi eskribang dalubhasa sa Batas ni Moises o Pariseong masugid na deboto sa pagtupad nito o punong saserdote sa Templo kundi isang abang mangingisda, na tulad nating lahat, ay mahina, marupok, at makasalanan.

“Pedro” ang ibinansag sa kanya ni Jesus – ibig sabihin nga po ay “bato” – at sa kanya ay itinayo ni Jesus ang Kanyang Iglesya.  Nakatutuwa pong isiping tigasin talaga itong si Simon Pedro.  Pero suko siya kay Kristo.



No comments:

Post a Comment