Pages

30 August 2014

LABOR AMATUR

Ikadalawampu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 16:21-27 (Jer 20:7-9 / Slm 62 / Rom 12:1-2)


“Inonse Mo ako!  At nagpa-uto naman ako.  Hindi Kita kinaya kaya nadaig Mo ako.  Kaya, heto, ano?  Maghapon, ako ang pulutan ng tawanan.  Ginagago ako ng lahat.

Kapag nagsalita ako, sumisigaw ako.  At ano ang dapat kong isigaw?  “Karahasan!  Galit!”  Ito ang ipinasisigaw Mo sa akin.  At ano ang napala ko?  Ano?  Kinamumuhian ako’t kinukutya – iyan ang napala ko sa kasusunod sa Iyo.

Nasabi ko na noon, kalilimutan na Kita.  Hinding-hindi ko na babanggitin ni ang pangalan Mo.  Pero, ano?  Kinaya ko ba?  Hindi.  Ang tindi Mo talaga.  Parang sinisilaban ng mga salita Mo ang puso ko, pinagbabaga ang aking mga buto.  Hindi ko kinaya.  Hindi kita kaya.”

Kung ako po si Propeta Jeremias, ganyan ko sasabihin sa Diyos ang sinabi n’ya sa Kanya ngayon sa ating unang pagbasa.  Hindi po ako magsisinungaling, kinausap ko na rin po ang Diyos nang ganyan.  Naramdaman ko na rin po ang naramdaman ni Propeta Jeremias.  Sa pagdarasal, lagi po akong may pinaghuhugutan.

Kayo po, anong pinanghuhugutan ninyo kapag kausap ninyo ang Diyos?  O nakikipag-usap pa po ba kayo sa Diyos?  Baka hindi na.

Si Propeta Jeremias – napakalalim po ng pinaghuhugutan niya para paratangan niya ang Diyos ng panloloko, pang-uuto, pang-oonse.  Sa lahat po ng mga propeta sa Lumang Tipan, itong si Jeremias ang pinaka-brokenhearted.  Napakadrama po ng buhay n’ya.  Sa simula pa lang ng kuwento n’ya, ayaw na ayaw na po niya talagang maging propeta.  Sabi pa n’ya (Tg. Jer 1:6), “Batambata pa po ako, Panginoon.  Uutal-utal pa.”  Kaya nga po, umpisa pa lang ng misyon niya, napakalaking krus na talaga para sa kanya ang pagiging propeta.

Pinasabi sa kanya ng Diyos sa mga kababayan niya na dahil sa kanilang mga kasalanan, mabibihag at ipatatapon sila ng kanilang mga kaaway.  At sapagkat ang tulong ng Diyos ay hindi raw po automatic, mas mabuti na lang daw pong sumuko na lang muna sila sa mga mga kaaway nilang mananakop, ang mga taga-Babylonia.  At babala pa po ni Propeta Jeremias: hinding-hindi raw sila tutulungan ng Diyos.  Kaya naman, itinuring siyang taksil sa bayan, traydor sa kanyang lahi.  Kinuyog siya, dinakip, ibinilanggo, at pinahirapan.  Nalayo po siya sa kanyang mga mahal sa buhay at naging tampulan ng pangungutya ng lahat.  Binalewala lang po ang kanyang mga pahayag at mga babala samantalang hinamak-hamak siya ng lahat.  At dahil hindi naman po robot si Jeremias, labis siyang nasaktan, nagdamdam, at pati sa Diyos ay tila sumama ang loob.

Sa tindi po ng sinapit niyang pagdurusa, sinubukan ni Jeremias na talikuran ang pagiging propeta ng Diyos.  Subalit, hindi n’ya kinaya.  Sinasabi n’ya po sa atin sa unang pagbasa kung bakit: “…kung sabihin kong, ‘Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang Kanyang pangalan,’ para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang Iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto.  Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.”  At samantalang pinagdaraanan ng Propeta ang lahat ng ito, “business as usual” naman po ang mga tao.

Nakakabagabag ang sinapit ni Propeta Jeremias, hindi po ba?  Nakakabagabag po lalung-lalo na para sa mga nagsisikap tupdin ang kalooban ng Diyos.  Nakapahirap po pala talagang tumalima sa Diyos.  Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay laging may hinihinging kapalit.  Ano po?  Ang buong sarili.  “…ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal, at kalugud-lugod sa Diyos,” sinasabi sa atin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa natin ngayon.  Ang pagsamba raw pong kinalulugdan ng Diyos ay ang paghahandog ng buong sarili sa Kanya, paglalaan ng buong pagkatao alang-alang sa Kanya, pagsasakripisyo ng buong sarili para sa Kanya.

Tayo pong sumasamba sa Diyos, talaga bang may kalakip pang sarili ang paghahain natin sa Kanya?  Baka wala na po.  Pero kanino naman po kayang sarili ang isinasakripisyo natin?  Baka po sa iba at hindi sa atin.  Minsan po kasi magaling tayong mangsakripisyo ng iba samantalang pilit na pilit tayong isakripisyo ang sarili natin.  At kung sarili nga natin ang isinasakripisyo natin, kumusta naman po kaya ang sariling iyan?  Anong klaseng sarili meron tayo?  Ang sariling iyan ba ay, gaya ng sinasabi ni Apostol San Pablo, “buhay, banal, at kalugud-lugod” sa Diyos?

Napakahirap po talagang isakripisyo ang sarili, hindi ba?  Tila taliwas po ito sa kalikasan natin bilang tao.  Ayaw na ayaw po natin sa sakripisyo.  Ang gusto natin benepisyo.  Laging iniisip kung anong mahihita, kung anong kikitain, kung anong parte, kung ano ang para sa sarili.  Bakit mo nga naman pa iisipin ang iba?  Malalaki na sila.  Kaya na nila ang sarili nila.  Baka unahan ka pa nila; kaya, unahan mo na!  Opo, nasa bokabularyo nga natin ang sakripisyo pero baka naman wala ito sa ating mga prinsipyo.

Ang problema, nangunguna po sa mga prinsipyo ni Kristo ang sakripisyo.  At hindi lamang po basta sakripisyo, kundi pagsasakripisyo ng sarili para sa iba.  Problema po iyan kasi tinatawag at tinuturing natin ang ating sarili na Kristiyano pero kung hindi tayo pareho ng prinsipyo ni Kristo, paano tayo naging Kristiyano?

Sa Jn 10:10, sinabi ni Jesus, “Naparito Ako upang magkaroon kayo ng buhay, buhay na masagana.”  At sa krus, ginitla po Niya tayo sapagkat ang buhay na ipagkakaloob pala Niya sa atin ay walang-iba kundi sarili Niyang buhay.  Sa gabi pa lang bago Siya ipako at mamatay sa krus, ipinagkaloob na po ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang sarili.  Habang sila po ay naghahapunan ng Kanyang mga alagad, kinuha Niya ang tinapay, nagpasalamat Siya sa Ama, pinaghati-hati iyon, ibinigay sa Kanyang mga alagad, na ang sabi, “Tanggapin ninyong lahat ito at kanin.  Ito ang Aking Katawan.”  Gayun din naman, kinuha Niya ang kalis na naglalaman ng alak, muli Niyang pinasalamatan ang Ama, iniabot ang kalis sa Kanyang mga alagad, na ang sabi, “Tanggapin ninyong lahat ito at inumin.  Ito ang kalis ng Aking Dugo.”  At sa pamamagitan nito ay tinuldukan po ni Jesus ang dating uri ng pagsasakripisyo: Siya na ang sakripisyo, ang Kordero ng Paskwa, ang haing handog sa Diyos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ito po ang ginugunita natin sa bawat pinagdiriwang natin ng Banal na Misa.  Ito po ang Eukaristiyang tinatanggap natin sa pagdiriwang natin ng Banal na Misa.  Ito rin po ang dapat nating paghugutan para maging prinsipyo rin natin ang prinsipyo ni Kristo: sakripisyo hindi benepisyo.

“Kung ibig ninumang sumunod sa Akin,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.  Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit noon.”  Mga alagad po tayo ni Jesus, hindi ba?  Ganito po ba talaga ang buhay natin?  Ito rin po ba talaga ang prinsipyo natin sa buhay?  Baka hindi.

Tayo na rin po ang sumagot sa tanong ni Jesus: “Ano (nga) ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay?  Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?”  Meron po ba?  Wala po, hindi ba?  Wala.  O, eh bakit po minsan namumuhay tayo na parang “meron”.

Pinasan ni Jeremias ang krus ng isang propeta.  Niyakap ni San Pablo ang krus ng isang apostol.  At maging si Simon Pedro, na tinangkang hadlangan ang daan ng krus para kay Jesus, namatay ding nakapako sa isang nakabaliktad na krus.  Lahat po sila ay nagsikap na tupdin ang kalooban ng Diyos.  Lahat po sila may krus.  At bagamat, sa rurok ng karupukan nila bilang tao at tindi naman ng bigat ng kani-kanilang krus, dumaing sila sa Diyos at halos sumuko na, nagpatuloy pa rin po sila, sa tulong ng grasya ng Diyos, na pagsikapang buhatin at yakapin ang kani-kanilang krus sa buhay.  Kaya naman po, ang krus mismo nila ang naging bukal ng kanilang grasya.

Ubi amatur, non laboratur; aut si laboratur, labor amatur,” wika ni San Agustin.  Kung saan daw po may pag-ibig, walang paghihirap, subalit kung may paghihirap man, ang hirap ay iniibig din.  Ito po ang pinaghugutan ni Propeta Jeremias para tupdin ang atas ng Diyos sa kabila ng mga pagdurusang sinapit niya.  Ito rin po ang pinaghugutan nila Apostol San Pablo at San Pedro sa pagsunod nila kay Jesus magpahanggang kamatayan.  Ito rin po ang pinaghugutan ni Jesus nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa Ama alang-alang sa ating lahat.  Ito rin po kaya ang pinaghuhugutan natin?

1 comment:

  1. Anonymous10:57 PM

    Some says gullible people are those kind hearted ones Father.
    Thanks for this homily, I really find your reflections humorous, educating and enlightening..

    ReplyDelete