Pages

16 August 2014

HINDI MGA TUTA KUNDI MGA ANAK

Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 15:21-28 (Is 56:1, 6-7 / Slm 66 / Rom 11:13-15, 29-32)


Isa po siyang babae.  Isa siyang babaeng nasa lansangan.  Dikta ng iginagalang na kaugaliang Judyo: ang mabuting babae ay hindi dapat nakikipag-usap sa publiko sa kaninumang lalaki maliban sa kanyang asawa.  Hindi niya Siya asawa subalit kinausap niya Siya.

Kanaanita ang babaeng ito, isang Hentil kaya’t tinitingnan po nang mababa ng mga Judyo.  Sa mga mata ng mga Judyo, marumi ang mga Hentil.  Ipinagbabawal po ng kanilang batas-relihiyoso na kausapin ang mga katulad ng babaeng ito.  Ang sinumang kumausap sa mga katulad niya ay nagiging marumi rin po.  Subalit kinausap Niya siya.

Nasa teritoryo po sila ng babeng Kanaanitang ito.  Hindi ang babae ang estranghero, si Jesus.  “Si Jesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon,” bungad sa atin ng Ebanghelyo.  Si Jesus, isang mabuting Judyo, bakit Siya nasa lupain ng mga Hentil?  Bakit po Siya napadpad doon?

Ang ating Ebanghelyo po sa araw na ito ay hango sa Mt 15:21-28.  Mababasa naman po sa Mt 15:1-20, ang mga bersikulong nauuna sa mga bersikulo ng Ebanghelyo ngayon, ang panunuligsa na naman kay Jesus ng mga eskriba at mga Pariseo.  Nilalabag daw po ng mga alagad ni Jesus ang tradisyon ng kanilang mga ninuno tungkol sa paghuhugas ng mga kamay bago kumain.  Pansinin po ninyo ang dalawang bagay na ito.  Una, sabi po sa Mt 15:21, sadyang nagpunta si Jesus sa lupain ng Tiro at Sidon – sa lupain ng mga Hentil, sa lupain ng “mga marurumi” batay sa panuntunang Judyo – pagkatapos tuligsain na naman Siya at ang Kanyang mga alagad ng mga eskriba at mga Pariseo tungkol sa usapin ng kalinisan.  At ikalawa, kung inakala po ni Jesus na matatahimik na Siya nang iwan Niya ang mga palaging namumuna sa Kanya, mukhang nagkamali Siya sapagkat pagdating Niya sa lupaing yaon ay hindi naman Siya pinatahimik ng babaeng Kanaanita.  Susunud-sunod daw po ang babaeng ito at nagsisisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po Kayo sa akin!  Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.”  Anupa’t maging ang mga alagad Niya ay nakiusap na rin kay Jesus para lang manahimik na ang babaeng ito at iwan na sila nang mapayapa.  “Pagbigyan na nga po Ninyo at nang umalis.  Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin,” sabi nila kay Jesus.

Nang punahin ng mga eskriba at mga Pariseo ang pagkain ng mga alagad Niya nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay alinsunod sa tradisyong Judyo, sinagot sila ni Jesus sa Mt 15:11 nang ganito: “Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumasok sa kanyang bibig kundi ang lumalabas doon.”  Pero bakit po kaya nang lumapit sa Kanya ang babaeng Kanaanita ay hindi Niya ito agad pinansin na para bagang, tulad ng pangkaraniwang Judyo, ay ni ayaw Niyang madampian nito at baka maging marumi rin Siya?  Sagot pa nga po Niya sa pakiusap ng mga alagad sa Kanya alang-alang sa babaeng yaon: “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang Ako sinugo.”  At nang kausapin na rin Niya sa wakas ang babaeng Kanaanita, bagamat sawikaing Judyo ang Kanyang binigkas, talaga namang napakasakit ng Kanyang sinabi sa kanya: “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.”

Parang isinasadula po ni Jesus ang pangaral Niya tungkol sa marumi at malinis, hindi ba?  Kung tutuusin, tayong lahat naman po talaga ay marumi sa mga mata ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan.  At hindi po ang anumang kaugaliang relihiyoso ang nakalilinis sa ating karumihan.  Bagkus, ang ganap na pananampalataya kay Kristo Jesus ang nagpapagiging malinis sa atin sa mga mata ng Diyos.

Sa maraming pagkakataon at iba’t ibang paraan, sinusubok po sa atin ang pananampalatayang ito.  Meron po ba tayong pananampalatayang tulad ng pananampalataya ng babaeng Kanaanitang ito: hindi natitinag nang kahit na anong hadlang; mababang-loob kaya’t hindi susuko kahit pa hamak-hamakin; at matiyaga hangga’t makamit ang sinasamo?  O may pananampalataya nga po tayo kay Jesus pero mahina ito, mapagmataas, at ningas-kugon lang?

Hindi po sila dapat nagtagpo.  Subalit nagtagpo sila – si Jesus at ang babaeng Kanaanita.  Dalisay ang Una at hindi naman ang ikalawa; ngunit dahil sa napakalaking pananalig ng ikalawa ang kadalisayan ng Una ay hindi po hadlang para ang ikalawa ay umasa maging ng himala.

Sa anumang argumento laban sa Kanya ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi pa po natatalo si Jesus; subalit sa argumento Niya sa babaeng Kanaanitang ito, mistulang natalo Siya.  Nakamit ng babaeng Kanaanita ang ipinagmakaawa niya para sa kanyang anak na babae.  O panalo pa rin po si Jesus, hindi ba?  Sapagkat naitanghal ang napakalaking pananampalataya sa Kanya ng babaeng Kanaanita.  Siya po mismo ang pumuri sa babaeng ito.  “Napakalaki ng iyong pananalig!” wika ni Jesus sa babaeng Kanaanita.  “Mangyayari ang hinihiling mo.”  At ora mismo, sabi ng Ebanghelyo, gumaling ang anak na babae ng Kanaanitang ito.

Sa buhay natin, lagi po bang panalo si Jesus dahil sa sobrang laki ng ating pananalig sa Kanya?  Baka naman po hinahayaan nating matalo si Jesus ng mga kumakalaban sa Kanya sa ating buhay.

Natupad po sa katauhan ng babaeng Kanaanita sa Ebanghelyo ngayon ang narinig natin sa unang pagbasa na pangakong kaligtasan ng Diyos maging sa mga Hentil.  Ang kaligtasang ito, ayon kay San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa  naman po natin ngayon, ay nararanasan bilang pagpapadama ng Diyos ng Kanyang habag sa lahat ng tao – Judyo at Hentil.

Batid po ng babaeng Kanaanita ang kanyang lugar: hindi siya karapatdapat.  Subalit batid naman po ni Jesus ang pananalig niya sa Kanya: napakalaki.  Dahil batid ng babaeng Kanaanita ang lugar niya, ayos na po sa kanya kahit ang mga mumong nalalaglag mula sa hapag ng Panginoon.  Tayo po, ano po ba talaga ang sasapat para sa atin?  Pero sapat po ba naman ang pananalig natin sa Panginoon?

Matatapos na ang pagninilay natin, pero hindi pa natin nakikila ang babaeng Kanaanitang ito.  Sino kaya siya?  Ano nga po ba ang pangalan niya?  Sa laki ng kanyang pananalig kay Jesus, ni pangalan ay wala siya?  Malinaw na nais po ng sumulat ng kanyang kuwento na makita natin ang babaeng Kanaanitang ito sa katauhan ng bawat-isa sa ating nakikibakang manalig sa mahabaging pag-ibig ng Diyos sa gitna ng mga pagsubok natin buhay, kabilang ang pagsubok na nagmumula sa katotohanan ng ating pagiging hindi karapatdapat dahil sa ating karumihan.

Manalig po tayo, hindi tayo itinuturing ng Diyos na mga tuta kundi mga anak Niya: minamahal kaya’t kinahahabagan.  Hindi po ba iyon ang grasya?


No comments:

Post a Comment