Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon
Mt 3:13-17 (Is
42:1-4, 6-7 / Slm 28 / Mga Gawa 10:34-38)
Mahilig po ba kayong kumain ng
kambing? Papaitan, kilawin,
kaldereta…hmmm, ang sarap! Paborito ko
po ang putaheng kambing. Kasi po kahit
hindi naliligo, malinis dahil damo lang ang kinakain.
Pero nakakita na po ba kayo ng kambing
na kinakatay? Naku, nakakaawa po! Nagmamakaawa.
Nagdadalawang-isip na tuloy akong kumain ng kambing. Umiiyak.
Lumuluha. Lumuluhod ang kambing.
Opo,
marunong lumuhod ang mga kambing. Para
ngang talent ng mga kambing ang pagluhod eh.
At sana maging talent din po natin iyan!
Kaya nga hindi lang masarap na putahe ang kambing, mahusay din siyang
huwaran para sa atin.
Nakakita
na po ba kayo ng dalawang kambing na nagkasalubong sa isang makipot na
daan? Kapag may dalawang kambing na
nagkasalubong sa makipot na daan, sino sa kanila ang aatras? Wala.
Wala pong aatras dahil ang mga kambing ay hindi marunong umatras.
Pero,
alam n’yo po, kahit hindi marunong umatras ang mga kambing, marunong nga naman po
silang lumuhod. Kaya kapag
nagkakasalubong ang dalawang kambing sa isang makipot na daan, lumuluhod ang
isa sa kanila, tapos humihiga para makaraan ang kasalubong. Ang ganda po, hindi ba? Kambing lang pero marunong magparaya. Hindi ko po sigurado kung pinag-iisipan ng
mga kambing iyan o sadyang dikta iyan sa kanila ng kanilang kalikasan. Pasiya ba ng mga kambing ang magparaya o instinct lang talaga nila iyon?
Tayo
po, kailangan pa nating pagpasiyang magparaya, hindi ba? Minsan pa nga malaking krisis para sa atin ang
pasiyang magparaya o hindi magparaya.
May mga nagpapatayan pa nga dahil ayaw magparaya: sa trapiko, sa pila,
sa ligawan, sa mana, sa posisyon, at sa kung saan-saan pa. Kahit nga po sa loob ng simbahan, may mga
nag-aaway dahil sa hindi pagpaparaya.
Malatakin ninyo, nakarating po sa akin ang dalawang pangyayaring ito sa
aming parish church. Una, may mga kapwa lingkod sa Banal na Misa
na hindi na raw nagkikibuan. Bakit daw
po? Kasi pinag-awayan nila kung sino ang
magdadala ng ostiya at alak sa offertory
procession! Meron pa pong isa, at mas
malala pa: naghatakan pa yata at muntik nang mabuwal ang isa sa kanila dahil
nag-unahan sa pagpila kay Father sa Komunyon.
At irereklamo pa raw sa akin. Naku
po! Hay, naku.
Mabuti
pa ang mga kambing – hindi lang masarap, mapagparaya rin. Baka kaya nga sila masarap dahil mapagparaya
sila. Ang mga matataas ang tingin sa
sarili, ang mga hambog, kaya ayaw magparaya -
hindi masarap, nakakasuka. Para
po silang papaitan na pinutukan ng apdo.
Kayo po, kung kayo ay putaheng
kambing, ano po kayo – papaitan, kilawin, o kaldereta? Kung papaitan, nasa tamang pait ang sarap;
kaya dapat ingat, baka sobrang bitter
na kayo. Kung kaldereta, masarsa; pero,
huwag daanin sa sarsa ang sarap. Kung
kilawin naman – medyo raw, niluto
lang sa suka; what you see is what you
get, walang masyadong burloloy.
Iyan nga po ang dating ni Jesus:
walang kaburlu-burloloy! Walang ka-ere-ere. Walang yabang sa katawan. Biruin ninyo, nakipila Siya sa mga
makasalanan na parang may kasalanan din.
Bagamat walang kasalanan, nagpabinyag din po Siya kay Juan Bautista. Aba, eh Siya nga po itong dapat magbinyag kay
Juan, hindi ba? Sabi nga po sa Heb 4:15,
tumulad si Jesus sa atin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng
kasalanan. Kaya nga wika ni Juan sa
Kanya, “Ako po ang dapat binyagan Ninyo, at Kayo pa ang lumalapit sa
akin!” Ano pong tugon ni Jesus sa kanya? “Hayaan mo itong mangyari ngayon sapagkat
ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.”
Kalooban ng Diyos – iyan po ang walang
kasinlakas na udyok sa buhay ni Jesus.
Lagi N’yang nais na tupdin ang kalooban ng Kanyang Ama. At hindi lang po Siya nanatili sa
pagnanais. Isinakilos Niya, isinagawa,
at isinabuhay ang pagnanais na ito. Tinupad
N’ya po ang kalooban ng Kanyang Ama maging ano man ang kapalit.
Alam n’yo po, kapag wala tayong
pakailam sa kalooban ng Diyos, hindi natin maiisipang magparaya. Kapag hindi po mahalaga sa atin ang pagtupad
sa kalooban ng Diyos, imposible sa atin ang pagpaparaya. Iyon po bang sumampa sa Quirino Grandstand
noong nakaraang pista ng Poong Nazareno nang hindi pa man lamang
nakapagko-Komunyon ang mga nagsisimba, tutoo bang importante sa kanilang
matupad ang kalooban ng Diyos o ang importante lang sa kanila ay ang matupad
ang panata nila sa Diyos? Isipin po
nating tutoo – at nang hindi itinuturing ang sariling higit na magaling o mas
banal kaysa kaninuman – hindi lamang si Kardinal Chito, hindi lamang ang mga
paring nagmi-Misa, hindi lamang ang mga nagsisimba ang hindi pinagbigyan ng mga
lumusob sa imahe ng Poong Nazareno samantalang nasa “Kordero ng Diyos” pa lang
ang Misa sa Quirino Grandstand noong nakaraang Huwebes. Ang Poong Nazareno mismo ang hindi nila pinagbigyan. Hindi nila Siya pinagbigyang tapusin ang Kanyang
Misa. Nakakalungkot. Sobrang nakakalungkot po talaga. Sa palagay po natin, natuwa kaya ang Poong
Nazareno sa pangyayaring ito? Baka ang
mga natuwa lang po ay yaong mga nakaakyat sa andas at nakapunas sa imahe. Pati ang Panginoong Jesus sa Banal na
Eukaristiya, hindi pinagbigyan, hindi pinagparayaan. Tama pong igalang ang simpleng
pananampalataya ng mga tao, pero kahit malapastangan ang Panginoon mismo? Wala po tayong sinisisi sapagkat lahat po
tayo, sa iba’t ibang paraan at antas, ay may pagkukulang sa ganang ito.
Ngayong araw na ito na ating
ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, saksi po tayo sa
kababaang-loob ng Panginoong Jesus mismo.
Ang kababaang-loob na ito ay bunga ng Kanyang masidhing pag-ibig sa
kalooban ng Diyos na Kanyang Ama. At dahil
sa kababaang-loob Niyang ito, likas kay Jesus ang magparaya matupad lang ang kalooban
ng Diyos Ama. Sa Banal na Misang ito, hingin
po natin kay Jesus ang pusong tulad ng sa Kanya: mapagpakumbaba, mapagparaya, mapagtalima
sa kalooban ng Ama.
Ngayong
araw din pong ito ang simula ng Pangkaraniwang Panahon sa buhay natin bilang
Bayan ng Diyos. Napakagandang
ipinaaalala sa atin ng kapistahang ito ang kapakumbabaan ng Panginoon at ang
Kanyang papaparaya upang matupad ang kalooban ng Ama. Sana maging pangkaraniwan na rin po sa ating
ang pagpapakumbaba at pagpaparaya para matupad din natin ang kalooban ng Diyos.
Hindi po tayo mga kambing, kaya pasiya
at hindi po instinct para sa atin ang
pagkamapagkumbaba at pagkamagparaya sa Diyos at sa kapwa. At dahil pasiya, hindi nga instinct, para sa atin, ang
kapakumbabaan ay virtue at ang
pagiging mapagparaya ay pagtulad kay Jesus.
Hindi nga po tayo mga kambing kaya marami
tayong mga paraan para magparaya sa Diyos at sa kapwa. Ano man po ang ating paraan ng pagpaparaya, ito
ay dapat magsimula sa kapakumbabaan at laging nilalayon ang pagtupad sa kalooban
ng Diyos. Tularan po natin si Jesus na lubos
na kinalulugdang Anak ng Diyos.
No comments:
Post a Comment