Pages

18 January 2014

MAGBALIK SA PAGKABATA

Kapistahan ng Señor Sto. Nino
Mt 18:1-5, 10 (Is 9:1-6 / Slm 97 / Ef 1:3-6, 15-18)

Ang ipinagtataka ko lang po ay ito: Bakit kailangan pang itanong ng mga alagad kay Jesus kung sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?  Pero siguro po, hindi na ako dapat pang magtaka kasi tanong ko rin iyon minsan, kaya lang hindi ko na itinatanong, sinasarili ko na lang, pinaglalaruan ko na lang po sa aking isipan: “Sino ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?  Ako kaya?”

Ang ipinagtataka ko lang din po ay ito: Bakit bata pa ang ginawang halimbawa ni Jesus na pagiging dakila sa kaharian ng langit?  Hindi po ba wala pang nagawa ang isang bata?  Wala pa siyang napatunayan.  Wala pa siyang mga titulo.  Wala pa siyang maipagmamalaki.  Wala pa siyang natapos.  Wala pa siya.  Pero siguro, hindi na rin po ako dapat pang magtaka kasi si Jesus na ang may sabing “…kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.”  Bakit po ang tulad ng sa bata ang pinakadakila sa langit?  Basta, iyan po ang sabi ni Jesus.

Pero hindi po maganda ang dating kapag sinabihan kang para kang bata, lalo na kung, sa tutoo lang, matanda ka na.  Mas matutuwa ka kapag kahit matanda ka na ay masabihan kang mukha kang batambata.  Aha, ayan nga po, nagkakandarapa ang marami sa ating magmukhang bata kaya pati ugali isip-bata!  “Umayos ka nga!” sabi ng isang kaibigan sa kaibigan niyang isip-bata.  Puwede ngang maayos ang mukha mo pero hindi ang pag-uugali mo.  Wow, mukhang batambata pero isip-bata naman!

Ang nakakalungkot po ay kapag bumabalik na sa pagkabata, hindi ba?  Ang bumabalik po sa pagkabata ay hindi na mukhang bata pero ugaling bata ulit nang hindi naman sinasadyang mag-isip-bata.  Ito po ang sakit ng mga labis nang may edad.  “Pagpasensyahan n’yo na ang Lolo n’yo,” sabi ng isang ina sa kanyang mga anak, “nagbabalik na kasi siya sa pagkabata.”  Para sa isang anak, laging malungkot makitang ang mga magulang niya ay nagbabalik sa pagkabata.  Hindi lang po nagiging ulyanin o kaya’y naglalaro na parang isang bata ang taong nagbabalik sa pagkabata; nagiging mahina rin siya at, sa ayaw man niya’t sa gusto, kailangan niyang umasa sa tulong ng iba.  Ang magulang na dating sandigan natin ay nakahilig na sa atin.  Ang magulang na dating lakas natin ang ngayo’y hirap nang makatayo man lang nang walang tulong natin.  Anong nangyari kay nanay?  Anong nangyari kay tatay?  Nagbabalik na sa pagkabata.  Ang nangyari kay nanay at kay tatay ay mangyayari rin sa iyo.  Huwag kang mabahalang tumatanda ka na kasi babalik ka rin sa pagkabata.  Pero kung tatanungin po ang mga gumagasta pa ng malaking halaga magmukhang bata lang, sa tutoo lang, takot na takot silang magbalik sa pagkabata.

Nakakatakot magbalik sa pagkabata dahil manghihina ka.  Nakakatakot po maging mahina.  Sanay po tayong malakas.  Kayang gawin ang gusto nating gawin.  Ika nga po ni Jesus kay Simon Pedro sa Jn 21:18, “Tunay na tunay Kong sinasabi sa iyo, noong ikaw ay bata, ikaw rin ang nagbibigkis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo ay iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibigkis sa iyo at dadalhin ka kung saan mo ayaw.”  Kapag nagbabalik ka na sa pagkabata, kailangan mong isuko ang iyong sarili sa tulong ng iba dahil dama mong may mga hindi ka na kayang gawing mag-isa.  At mas lalo mong patagalin ang pagsuko mas lalo ka lang mahihirapan at manghihina.

Hindi po ba ganyang-ganyan din tayo dapat sa Diyos?  Mahina tayo pero ang Diyos ang ating lakas.  Kapag sariling kakayahan at galing lang natin ang ating paiiralin, tiyak pong mabibigo tayo.  Kinakailangan po nating isuko ang ating sarili sa mga kamay ng Diyos na laging handang gumabay, umakay, umalalay, kumalinga, at tumulong sa atin.  Ang pagtangging sumuko sa Diyos ay pagsuko sa kapahamakan.  Kaya nga po ang mga pinaghaharian ng Diyos ay silang mga nagtitiwala sa Kanya nang tulad ng isang anak.

Nakakatakot pong magbalik sa pagkabata dahil nalalaos ka.  Nakababahala po ang hindi ka na pinapansin, pinahahalagahan, kinakausap, hinahanap-hanap, kinasasabikan, tinitilian, pinapalakpakan, kinukunsulta, laos ka na kasi.  Sanay kang sa iyo sila nakaasang lahat, subalit ngayon ikaw na ang umaasa sa kanilang lahat.  Ikaw ang dating tampulan ng atensyon, pero ngayon madalas ka nang tampulan ng biro, tawanan, at kantiyawan.  Panay pa ang sabi mo ng “noong panahon namin ay ganito, ganun” – mas lalo mo lang binibigyang-diing laos ka na, lipas na ang iyong panahon.

Pero dapat nga po bang isalalay natin ang ating halaga at kaligayahan sa anuman maliban sa Diyos?  Ang isinasanla ang sarili sa katanyagan, kapangyarihan, at kayamanan ay malalaos balang-araw; subalit ang malaya sa lahat ng bagay maliban sa matalik na pagkakaugnay sa Diyos kailanma’y hindi nalalos sapagkat ang pagpapahalaga niya sa kanyang sarili ay nakabatay sa Diyos na hindi kumukupas.  Kumapit tayo sa Diyos huwag sa mga makabagong diyus-diyosan.  Kaya nga po ang pinaghaharian ng Diyos ay silang sa Diyos umaasa gaya ng anak sa kanyang magulang.

Nakakatakot nga pong magbalik sa pagkabata dahil batid mo na ang kasunod na kabanata noon sa buhay mo.  At ano nga po ba ang kasunod na kabanata ng pagbabalik sa pagkabata?  Ano po?  Pagpanaw, hindi ba?  Alangan naman pong pagbabalik sa pagka-fetus.  Hindi po.  Pumapanaw ang lahat sa mundong ito, kasama po tayo.  Opo, kasamang-kasama tayo.  May hangganan ang lahat, pati kayo at ako.  At bagamat naniniwala tayong may buhay sa kabila, nakakatakot pa ring humakbang patungo roon, lalo na kung sa kabataan mo, sa kalakasan mo, sa kasikatan mo, sa kaginhawaan mo, ay namuhay kang walang Diyos.  Gawin mo man po ang lahat, subalit sadyang hindi mahahadlangan: papanaw ka, sasakabilang-buhay, balang-araw pagkatapos mong magbalik sa pagkabata.

Siguro maganda nga pong ang pagpanaw natin sa buhay na ito ay kasunod ng pagbabalik sa pagkabata.  Kung tutuusin, inihahanda tayo ng pagbabalik natin sa pagkabata sa paglisan sa mundong ito at pag-uwi sa tunay nating tahanan – ang tahanan ng Diyos Ama – kung saan, aral sa atin ng Talinhaga ng Alibughang Anak, ay walang mga alipin, mga anak lang.  Kaya’t matapos po tayong turuan ng “close-open, close-open” ng ating mga magulang, dapat na nating matutunang bumitiw bago tayo bitiwan ng buhay sa mundong ito.  Bumitiw sa lahat at kapit-tuko tayong humawak sa Diyos.  Kaya nga po ang pinaghaharian ng Diyos ay silang malaya sa lahat ng bagay maliban sa Diyos.

Mapagtiwala sa Diyos, umaasa sa Diyos, at malaya sa lahat maliban sa Diyos – sila nga po ang napapabilang sa pinaghaharian ng Diyos.  Pagtitiwala, pag-asa, at kalayaan – mga likas din po itong katangian ng isang bata.  Kaya kung hindi na po tayo bata, makabubuti nga sa ating magbalik sa pagkabata, hindi ba?

No comments:

Post a Comment