Ikalawang Misa de Gallo
Mt 1:1-17 (Gn 49:2, 8-10 at Slm 71)
Kahapon pa lang po natin
simulan ang ating taunang Misa de Gallo.
Siguro naman po, mataas pa ang energy
level ninyo. Nakakadalawang madaling-araw
pa lang po tayo. Pito pa po pagkatapos
nito. Mahaba-haba pa po ang bubunuin
natin. Kaya, masigla n’yo pong batiin
ang katabi ninyo ng “Good morning!”
Sabay, “Good night!” Pakisabi
n’yo po sa katabi ninyo: “Binabantayan kita.
Walang tulugan!”
Pero hindi ko po kayo masisisi kung inaantok kayo. Aba, kayo ba naman po ang basahan ng
pakahaba-habang litanya ng mga pangalan.
Parang lullaby, hindi ba? “Si ano ang ama ni ano na ama naman ni ano na
ama naman ni ano at ni ano.” Pero, kahit
hindi po natin maintindihan ang mga pangalan, masarap pong pakinggan, hindi
ba? Para kang hinihele.
Sige na nga po, itutuloy ko na lang ang sinimulan ko kahapon. Meron po akong ano? Meron akong kuwento. Kahapon po, ipinakilala ko sa inyo si Juan,
ang unang tauhan sa aking kuwento. Bilang tinig sa ilang at maningas na
ilaw, si Juan nga po ang unang tanda ng Itinakda. Nagpatutoo po siya
sa tunay na Liwanag magpahanggang kamatayan. Kaya nga naman po, ang sabi
ng Bida ng kuwento ko, wala raw pong hihigit kay Juan maliban sa mga aba ng
Kanyang kaharian.
Bueno, itutuloy ko na nga po ang kuwento ko.
Siguro po, inaakala
ninyong tungkol sa mga pangalan ang kuwento ko ngayon sa inyo. Di kaya!
Akala n’yo lang po iyon.
Ito po ang aking kuwento
ngayong umaga: Ang Mga Babae sa Buhay ng Aking Bida. Ayan, parang pelikula po ang pamagat, hindi
ba? Pang pang R-18. Ang iba riyan, basta babae ang pinag-usapan
nagigising. Sige po, pag-usapan natin
ang mga babae sa buhay ng Bida ng kuwento ko.
Ang unang babae
po ay mula po sa ating unang pagbasa ngayon na hango sa aklat ng Genesis.
Hindi po binabanggit ang pangalan niya pero tinutukoy siya. Sinabi ni
Jacob sa anak niyang si Judah, “Ikaw, Judah, ay papupurihan niyong mga anak ng
ina mong mahal….” Sino po ang ina ni Judah? Si Leah. Si Leah po
ay asawa ni Jacob. Pero alam n’yo po ba, hindi naman talaga si Leah ang
gustong pakasalan ni Jacob eh. Si Raquel! Si Leah at Raquel ay magkapatid na anak ni
Laban. Sa loob ng pitong taon,
nanilbihan po si Jacob kay Laban para sana kay Raquel, pero nilinlang siya ni
Laban. Biro n’yo yun, nang gabi ng honeymoon nila, nang sila na lang pong
dalawa, pag-angat ni Jacob sa belong nakatakip sa pinakasalan n’ya, iba ang
mukhang tumambad sa kanya! Hindi si
Raquel kundi si Leah. Sabi po kasi ni
Laban sa kanya, kailangang si Leah muna ang ikasal bago si Raquel dahil si Leah
ang nakatatanda sa dalawa. Naku po! Eh kaso po, talagang mahal na mahal nitong si
Jacob si Raquel, kaya nanilbihan siya ulit kay Laban para naman sa kamay ni
Raquel ang tunay n’yang mahal. “O
pag-ibig na makapangyarihan, pag nasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat,
makamit ka lamang.” Sweet nga po pero daming sweat
ni Jacob ha. Kaya ayun po, naging asawa
ni Jacob ang magkapatid na Leah at Raquel.
Hindi po maikakailang nagsimula sa panlilinlang ang relasyon ni Jacob at
Leah, kaya naman ang mga naging supling ni Jacob kay Leah ay masasabing
ibinunga ng panlilinlang. Isa po sa bunga
noon ay si Judah.
“Like father like son,” – swak na swak po iyan kay Judah! Paano ba naman po, bunga na nga siya ng
pagkakalinlang sa kanyang ama, pati ba naman siya nalinlang din. At isang na naman pong babae ang luminlang sa
kanya: si Tamar ang manugang niya. Ito
pong si Judah ay may tatlong mga anak na lalaki: si Er, si Onan, at si Shelah. At ito naman pong si Tamar ang naging asawa
ng dalawa sa magkakapatid na ito. Una
niyang napangasawa si Er pero, dahil napakasama raw po nitong si Er, kaya
binawian ito nang buhay nang walang naiwang anak kay Tamar. Kaya, alinsunod po sa kaugaliang Judyo,
napilitang pakasal kay Tamar itong si Onan.
Subalit dahil hindi naman kasi ituturing na kanya ang magiging anak niya
kay Tamar, itinatapon daw po ni Onan sa sahig ang punla niya kapag magtatalik
sila ni Tamar. Nagalit daw po ang Diyos
at binawian din ng buhay si Onan. Kaya,
biyuda na naman si Tamar. At meron pa
pong natitirang anak na lalaki si Judah: si Shelah. Ngunit batambata pa po si Shelah kaya sinabi
ni Judah kay Tamar, “Hintayin muna natin siyang magka-edad.” Pero sa tutoo lang po, wala talagang kabalak-balak
si Judah na ipakasal kay Tamar ang bunso niya dahil sa tingin niya si Tamar ay
isang babaeng isinumpa. Pero, naku po,
maniwala kayo, malakas ang kutob ng mga babae!
Nakutuban daw po ito ni Tamar.
Sabi niya sa sarili, “Para-paraan lang ‘yan!” Sa sobrang pagnanais niyang magka-anak sa
lahi ni Judah, nang minsang malasing itong si Judah, si Tamar ay nag-anyong prostitude. O, hindi ko na po idedetalye pa ang nangyari
ha; alam n’yo pa ‘yun. Sa madaling-sabi,
sa wakas, natupad ang pangarap ni Tamar: nagka-anak siya – sa biyenan niya! Noong una, inakala po ng lahat na talagang
ipinangalakal ni Tamar ang pagkababae n’ya – at itong si Judah naman po ay walang
kamuwang-muwang – pero nang mapatunayang kay Judah nga ang ibinagbubuntis ni
Tamar, si Tamar ay napawalang-sala. At
maltakin n’yo po, kambal ang ibinunga ng kalasingan ni Judah: sina Zerah at
Pharez! Si Zerah at Pharez po ay mga
lolo-sa-kalingkingan ni Haring David.
O, antok pa kayo? Gusto n’yo pa po ba? Babae pa?
Tingnan naman po natin si Rahab na sinasabing ina ni Booz na
lolo-sa-tuhod ni Haring David. Kung si Tamar po ay nagkunwaring prostitute,
ito naman pong si Rahab ay tutoong prostitute. Siya po ay taga-Jericho. Nang nagpadala si Joshua ng mga espiya bago
lusubin ang Jericho, si Rahab po ang kumupkop sa kanila kapalit ng katiyakang
ililigtas nila siya at ang pamilya niya paglusob nila. Aha, hindi lang po
malakas kumutob ang mga kababaihan, wais din!
Kaya gayon nga po ang nangyari: naligtas si Rahab at ang pamilya niya. Napangasawa po ni Rahab si Salmon. At naging anak po nila si Booz na naging
lolo-sa-tuhod ni Haring David. Kaya, may
lola-sa-talampakan itong si Haring David na dating prostitute: si
Rahab. At dahil si Jesus ay mula po sa
lahi ni Haring David, malinaw pong si Jesus ay may lolang prostitute. Hindi ko po
imbento ‘yan. Magbasa ng Bibliya!
Ang napangasawa naman po nitong si Booz ay si Ruth, isang Moabita. Isang po siyang pagano, isang taong-labas,
hindi-kabilang, marumi sa paningin ng mga Judyo. Pero nang ma-biyuda po itong si Ruth,
tumanggi siyang iwan ang kanyang biyenang babae na si Naomi. Mahal na
mahal po ni Ruth ang kanyang biyenang babae, anupa’t bagama’t hindi Judyo ay
niyakap po niya ang lahi at relihiyon ng kanyang biyenan. Nang
magtaggutom, inutusan po ni Naomi si Ruth na mamulot ng mga aning sadyang
iniiwan sa gilid-gilid ng mga bukid para sa mga dukha. Doon po siya
pinapunta ni Noami sa bukid ng pinsan nitong mayaman na ang ngalan ay Booz.
Naku po, na love-at-first-sight agad si Booz kay Ruth!
Sinabi po ni Booz kay Ruth na hindi lang siya maganda kundi alam din ng lahat
ang kabutihan nito sa kanyang biyenang babae. Sa madaling-sabi,
nagkatuluyan po sina Boaz at Ruth, at si Obed ang ibinunga ng kanilang
pagmamahalan. Itong si Obed na po ang mismong lolo ni Haring David.
At dahil ninuno nga po ni Jesus si Haring David, at lola ni Haring David ang
dating taong-labas na si Ruth, si Jesus pala po ay may bahid din ng duming
itinuturing ng mga Judyo.
Pagod na po kayo? Isa pa po,
puwede? Si Bathsheba.
Parang may pagtatangkang pagtakpan ang pagkakasala ni David sa
tala-angkan ni Jesus. Ni pangalan po
kasi ng ginalaw niyang asawa ng may-asawa ay hindi binanggit. Banggitin po natin: siya si Bathsheba. Siguro po talagang napakanganda nitong si
Bathsheba; pangalan palang po kasi nakakakiliti na, hindi ba? Asawa po siya ni Urias – ang pinakatapat na
mandirigma ni Haring David. Pero ito
naman pong si Haring David, na masasabi nating nasa kanya na nga ang lahat,
pati itong si Bathsheba na misis ni Urias ay inangkin. At nang mabuntis ni Haring David si
Bathsheba, si Haring David pa mismo ang gumawa ng paraan para si Urias ay
mapatay sa gitna ng digmaan. “Hindi
maitatama ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali” – kelan po kaya natin
ito matututunan? Si Haring Solomon po
ang naging bunga ng pagkakamaling ito ni Haring David at Bathsheba. Bagamat masasabing siya ay anak sa
pagkakamali, wala raw pong pagkakamali kung humatol itong si Solomon. Siguro nga po, pero hindi sa lahat ng
sandali, sapagkat napakalaking pagkakamali niya talaga nang payagan niyang
makapasok sa kanyang kaharian ang pagsamba sa mga diyus-diyosan ng kanyang mga
asawa. Ano po ang kanyang kahinaan? Babae rin!
O, hindi po ba, “like father like son” din?
O, babae! Babae! Babae!
Iyan po ang ilan sa mga babae sa buhay ng Bida ng kuwento ko. Marami pa pong babaeng darating sa buhay
Niya. Siguradong maikukuwento ko rin po
sila sa inyo sa susunod na mga araw.
Pero, kayo po, sino o sinu-sino ang mga babae sa kuwento ng buhay ninyo?
Ako po meron. Opo, may babae
ako. At siya po ang nanay ng Bida sa
kuwento ko. Bukod po sa nanay ko, siya
ang natatanging babae sa buhay ko. Ang
pangalan niya ay Maria, at binabangit na po ang pangalan niya sa Ebanghelyo
natin ngayon. Hindi ko po muna
ikukuwento sa inyo ang lahat ng tungkol sa kanya. Pero bago po tayo mag-uwian, baunin natin ang
tatlong aral na ito:
Una, nagtatalaban sa tala-angkan
ng ating Bida ang karupukan ng tao at katatagan ng Diyos, ang kahinaan ng nilikha
at kapangyarihan ng Manlilikha, ang kasalanan ng minamahal at ang katapatan ng Nagmamahal.
At sa pagtatalabang ito namamayani ang grasya
ng Diyos. Sana po grasya rin ng Diyos ang
mamayani sa atin. Makipagtulungan po tayo
sa Diyos.
Ikalawa, tanggap na tanggap
po tayo ng Diyos. Hindi Niya po tayo pinandidirihan;
bagkus, niyakap pa nga Niya tayo sa ating kalikasan maliban sa paggawa ng kasalanan.
Alam po ninyo, hinahagkan tayo ng Diyos kung
saan tayo tadtad ng sugat. Ang walang-pakundangang
pagtanggap na iyan ang dapat po sanang magbigay-lakas-loob sa ating bumangon at
magbalik sa Diyos kapag tayo ay nadarapa. Ito rin po ang dapat na magbigay-kakayahan sa ating
tanggapin ang ating sarili at ang kapwa nang wagas at buung-buo.
Ikatlo, kung anuman ang pinagdaraanan
mo ngayon, kung anuman ang kapalpakan mo ngayon, kung anuman ang dinaramdam mo ngayon,
at kung anuman ang pagkakamali at pagkakasala mo ngayon, hindi pa ‘yan ang huling
salita sa iyo. Habang may buhay may pag-asa.
Habang may Diyos may pag-asa. At lagi pong may Diyos, hindi ba? Huwag po nating iisiping tapos na ang lahat sa
atin, wala nang kabaguhang darating, tinuldukan na ang ating kapalaran. Huwag din po nating isasara ang aklat ng buhay
nang ating kapwa hangga’t pinanatili itong bukas ng Diyos. Pansinin po ninyo, pagkatapos ng
pagkahaba-habang “si ano ay ama ni ano na ama ni ano na ama ni ano na ama ni
ano at ni ano na ama ni ano” biglang nagbago ang ihip ng hangin sa Ebanghelyo ngayon
at ang bulong ay “si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Jesus na tinatawag
na Kristo.” Ang pagbabagong ito sa
paraan ng pagkukuwento ay hudyat na may gagawing magandang kabaguhan ang
Diyos. Si Maria po ang tala sa umaga:
malapit nang magwakas ang gabi ng sumpa ng kataksilan. Sundan po natin ang kanyang sinag: tiyak,
dadalhin tayo ni Maria sa Itinakda. Siya
po kasi ang ina ng Itinakda na siyang Bida sa aking kuwento.
O siya, napahaba na po talaga ang kuwento ko. Bukas ko na lang po itutuloy ulit. Bitin ba kayo? Mas mabuti pong mabitin kaysa ma-impatso,
hindi ba? Kapag bitin, bumabalik. Kapag sobrang busog, tulog! Hayaan n’yo, bukas po ang kuwento ko ay
tungkol sa isang taong tulog. Abangan
n’yo ha!
No comments:
Post a Comment