Ikatlong Misa de Gallo
Mt 1:18-24 (Jer
23:5-8 at Slm 71)
Magandang umaga po!
Kumusta na kayo? Pangatlong Misa
de Gallo na natin. Kaya pa ba? Pakitanong n’yo po ang katabi n’yo: “Kaya mo
pa?” Ano pong sagot? Kaya pa?
Pakisabi n’yo po ulit sa kanya: “Tukuran mo.” Anong tutukuran? Ang mga mata.
Tukuran ang mga mata para hindi bumagsak.
Ang haligi – tukod din po iyon, hindi ba? Napakahalagang tukod dahil kapag wala niyon
ang tahanan, tiyak, babagsak ang bahay.
Kumusta naman po kaya ang mga haligi ng inyong tahanan? Matibay ba?
Baka inaanay na. Kung yari sa
bato, baka naman po tapyas-tapyas na.
Sino po ang haligi ng tahanan?
Ang tatay.
Iyan po ang kuwento ko sa inyo ngayong umagang ito:
ang tatay ng Bida ko. Well, paano ko ba
po ito sasabihin? Hindi niya po talaga
Anak ang Itinakda, pero itinuring, minahal, itinaguyod, at inalagaan niya Ito
na parang galing talaga sa kanya. Para
rin pong ako at si Pipo, pero parang hindi rin dahil hindi naman po kasi si
Pipo ang Itinakda.
Handa na po ba kayo sa kuwento ko? Baka may natutulog na sa inyo. Nagsisimula pa lang ako, tulog na? Ah, baka maka-masa! Maka-masa po ba kayo? “Huwag matakot, makibaka. Maki-baka, huwag magbaboy!” Alam n’yo po ba kung ano ang ibig-sabihin ng
“masa”? MASAndal lang, tulog! Maka-masa ba kayo? Ang katabi n’yo po, mukha bang
maka-masa? Sino ang may katabing
maka-masa? Hayaan n’yo lang po
siya. Kung tulog, huwag n’yong
gisingin. Konting konsiderasyon naman
diyan sa mga taong puyat.
Nakakatawang
nakaka-inis, hindi po ba? Magsisimba
pala ng Misa de Gallo, kaso nagpuyat naman kagabi kalalaro ng “Bejeweled”. Kaya, hayan, late nang nagising kanina,
nagmamadaling nagpunta rito sa simbahan, hinahabol ang Misa de Gallo,
magsisimba raw, pero ayan, tulog. Biro
n’yo, nagpunta pa ng simbahan para matulog!
Amazing! Paggising n’yan
“bejeweled” na “bejeweled” ang mga mata n’yan: maraming muta. Ha n’yo na po, total tulog din nama po ang
ikukuwento ko sa inyo ngayon.
Alam
po ninyo, tuwing ikinukuwento ko ang kuwento ko, hindi puwedeng hindi ko
ikuwento ang kuwento ng isang taong tulog.
Siya po si Jose – ang tatay-tatayan ng aking Bida. Ang laking pong pribilehiyo, hindi ba? Ang laki ring responsibilidad. Kaso po, parang hindi patas ang mga kuwentu-kuwento
tungkol sa kanya eh. Bakit ka n’yo. Kasi po kapag ikinukuwento siya, kadalasan
tulog siya. May ilan din naman pong
kuwento tungkol sa kanya na gising siya, gaya nang maglakbay sila ni Maria
patungong Bethlehem, nang itakas niya ang kanyang mag-ina patungo namang
Ehipto, nang bumalik na sila sa Nazareth, at nang hanapin nilang mag-asawa at –
salamat sa Diyos – nakita rin naman ang Itinakdang nag-paiwan sa Templo. Kaya lang po iba talaga ang diin ng mga kuwento
tungkol sa kanyang pagtulog. Kasi po
siguro, sa mga kuwento tungkol sa pagtulog niya, tuwing natutulog siya,
kinakausap siya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel: ngayon pong umagang ito sa
Mt 1:20, pagkatapos ng pagdalaw ng mga mago sa Mt 2:13, at sa pagkamatay din po
ni Herodes sa Mt 2:19. Tsaka, alam po
ninyo, pagkatapos noon, hindi na siya binanggit ulit sa kuwento ng Itinakda,
maliban na lang po sa Mt 13:55 nang sukatin ng mga ka-barangay ng Itinakda ang
pagkatao Nito: “Hindi ba ito,” sabi nila, “ang Anak ng karpintero?”
Ah,
siya na po pala, karpintero si Jose. Ang
galing po, hindi ba? Sa pagkakasabi ng mga ka-barangay nila, “Hindi ba ito ang
Anak ng karpintero” parang kilalang-kilala talaga si Jose bilang “ANG
karpintero” nila. Siguro po, talagang
mahusay siyang karpintero, kaya ganun.
Siguro po, talagang mabait siyang karpinetero, kaya ganun. Siguro po, masipag siya, hindi sobra-sobra
maningil ng bayad, at pulidong gumawa, kaya nang kilalanin nila ang Itinakda
bilang Anak niya, wala nang tanung-tanong pa kung sinong karpintero ang tinutukoy
nila: ang Anak NG karpintero. Parang
tatay ko! Ganun din po kasi ang tatay ko
eh – hindi siya karpintero pero puwedeng tumakbong punong-barangay kasi
madaling lapitan, pala-kaibigan, patas maghanap-buhay, at mapagmalasakit sa
kliyente n’ya. Tatay ko kaya si
Jose? Opo, tatay n’yo rin siya! Hindi po ba bahay din niya itong ginagamit
natin araw-araw para magkuwentuhan? Siya
po si Joseng Manggagawa.
Ah,
baka po kaya palaging sa panaginip siya kinakausap ng Diyos – kasi laging
pagod. Kayo po, gusto n’yo pagtulog n’yo
mamayang gabi, kausapin din kayo ng Diyos?
Ano naman po kayang sasabihin n’ya?
“Hi! Halika ka na, anak,
sinusundo na kita.” Mas maganda po sana
kung ang sasabihin ng Diyos sa inyo, kapag napanaginipan n’yo Siya ay “Hi,
anak! Humayo ka. Isinusugo kita.” Mas maganda po iyon kasi ibig sabihin noon ay
misyon. Binibigyan ka ng Diyos ng
mahalagang misyon. Katulad po ni Jose,
tuwing napapanaginipan niya ang Diyos, binibigyan siya Nito ng misyon:
pakasalan si Maria, pangalanang “Jesus” ang Itinakda, itakas ang mag-ina kay
Herodes, iuwi ang mag-ina sa Nazareth.
Pero, hindi po nanatiling mga panaginip ang pakikipag-usap ng Diyos kay
Jose. Gumigising po si Jose pagkatapos
niyang mapanaginipan ang Diyos at pinagsisikapan n’ya pong tupdin ang misyong
ibinilin sa kanya ng Diyos. Tayo po
kaya, gumigising din o nananaginip lang?
Tandaan n’yo po ang sinabi ko na noong unang Misa de Gallo: ang taong
hindi gumigising kapag nanaginip ay binabangungot.
Hindi
po madali ang mga pinagdadaanan nitong si Jose sa tuwing bago at pagkatapos
niyang mapanaginipan ang Diyos. Para
matupad n’ya po ang misyong kaloob sa kanya ng Diyos, parating hinihinging
kapalit ang kakaunting kaginhawahang meron siya. Pati nga po pagtulog n’ya kailangang
isakripisyo n’ya dahil dapat nang bumangon at gawin ang sabi ng Diyos. Para maganap ang kalooban ng Diyos,
isinakripisyo ni Jose ang sarili n’ya.
Para matupad ang pangarap ng Diyos, isinakripisyo ni Jose ang sariling
mga pangarap niya. Naku po,
muntik-muntikan na nga pong hindi matuloy ang Pasko, hindi ba?
Tayo po kaya?
Isusuko po ba natin ang ating mga pangarap sa buhay para matupad ang
pangarap ng Diyos? Sa tutoo lang
po. Isasakripisyo po ba natin ang sarili
alang-alang sa Diyos? Sa tutoo lang
po. Huwag magsisinungaling. Hindi natin po natin maloloko ang Diyos.
Hingin po natin ang tulong ni Jose. Ituro n’ya po sana sa atin ang tamang
pagsasakripisyo ng sarili para matupad ang kalooban ng Diyos –
pagsasakripisyong may wagas na kababaang-loob, matibay na pagtitiwala sa Diyos,
at tahimik na pagkabukas-palad.
Ipanalangin n’ya po sana tayong lahat.
Hayan, paganda nang paganda po ang kuwento ko sa inyo.
Nagsimula po tayo kay Juan – ang maningas
na ilaw ng Itinakda. Tapos kahapon naman
po ay ke-aga-aga nating pinagkuwentuhan ang ilang mga babae sa buhay ng Itinakda.
At ngayon po ay babaunin ninyo ang kuwento
ni Jose – ang karpintero, ang tumayong ama sa Itinakdang isinilang ni Maria. Bukas, may ikukuwento po ulit ako sa inyo. Kung ngayon po ay tungkol kay Joseng napakatahimik,
bukas, abangan n’yo po, may pinatahimik!
No comments:
Post a Comment