Pages

15 December 2013

MERON AKONG KUWENTO: SI JUAN BAUTISTA

Misa de Gallo: Unang Araw
Jn 5:33-36 (Is 56:1-3, 6-8 at Slm 66)

Magandang umaga po sa inyong lahat.  Meron akong kuwento.  Meron po itong mga tauhan.  Wala naman po kasing kuwento na walang mga tauhan, hindi ba?  Kahit man lamang isang tauhan, meron ang lahat ng kuwento.  Kapag wala pong tauhan, wala rin pong kuwento.
Kayo po, meron po ba kayong kuwento?
Ako po, meron.  Medyo mahaba nga lang po ang kuwento ko.  Kailangan ng siyam na araw para maikuwento ko sa inyo nang buo.  Binabati ko po kayo kasi mauumpisahan ninyo ang kuwento ko.  Nagpapasalamat din po ako sa inyo kasi gumising kayo nang madaling-araw para marinig ang kuwento ko.  Sana po nandito pa kayo hanggan sa huling araw ng ating Misa de Gallo para matapos ninyo at malaman ang buo kong kuwento.
Sa bawat-araw, ipakikilala ko po sa inyo ang mahahalagang tauhan sa aking kuwento.  Ngayong umagang ito, ipinakikilala ko po sa inyo si Juan.  Bago pa isilang itong si Juan, nababalot na sa hiwaga ang pagkatao niya.  Pero hindi ko po muna ikukuwento ngayon ang misteryo ng pagkatao ni Juan.  Huwag po kayong mag-alala, darating din tayo sa bahaging iyon ng aking kuwento.  Sa ngayon, ang nais ko po sanang ikuwento muna sa inyo ay ang papel ni Juan sa kabuuan ng kuwento ko.
May mga nagsasabing kay Juan daw po nagsisimula ang kuwentong ito.  Pero kung tutuusin, bago pa po siya lumitaw, dumadaloy na ang mga pangyayaring maghahatid sa kabuuan ng kuwento ko.  Kung ikukuwento ko ang lahat ng mga kaganapan at isa-isa kong ipakikilala sa inyo ang bawat-tauhan, dapat po tayong magsimula hindi sa isang ilog kundi sa isang hardin na ang pangalan ay Eden.  Kaya lang po kapag ginawa natin iyon, ilang buwan siguro tayong walang uwian.  Sa ngayon, sapat na pong malaman ninyo na may nangako kasi sa kabila ng pagtataksil sa Kanya ng Kanyang mga minamahal.  Ang pangakong ito ay tungkol po sa isang sanggol na isisilang daw ng isang babaeng aapak sa ulo ng ulupong na sanhi kataksilan.  Ang sanggol daw na ito ay mapupuspos ng kapangyarihan mula sa itaas at ililigtas ang lahat mula sa sumpa ng kataksilan.  Kapag hinog na raw ang panahon, isisilang ang itinakda.  At hinog na ang panahon kapag ang mga tanda ay lumitaw na.
Si Juan ang unang tanda na nahihinog na ang panahon.  Ang hiwaga pa lang po na bumabalot sa pagdadalantao sa kanya ng nanay niya ay tanda na na ang mga sandali ng kaganapan ay nagbubukang-liwayway na.  Ang paglitaw ni Juan ay badyang hinog na ang panahon at ang Itinakda ay dumarating na, “nasa daan” na wari baga.  Hindi ang kabilugan ng buwan o pagpula ng langit ang tanda para sa Itinakda kundi isa pong tinig sa ilang na sumisigaw ng panawagang ihanda ang daraanan ng Itinakda.  Si Juan po ang tinig na iyon.
Karaniwan ding ikinakabit sa pangalan nitong si Juan ang katagang “Bautista”.  Hindi niya po apelyido iyon.  Sa wikang Griyego, ang “bautista” ay baptisow, na ang ibig sabihin ay “magbinyag”.  Taguri po iyan kay Juan kasi po bilang tanda ng pagsisisi ng mga naghahanda ng daraanan ng Itinakda, lumalapit sila kay Juan at nagpapabinyag sa isang ilog na ang tawag ay Jordan.
Eh iyon pong mga ayaw nagsisisi?  Naku po, binubulahaw niya!  Wala pong takot si Juan.  Wala siyang tigil, ayaw papigil.  Kahit sino po, kapag nasa mali, binabangga!  Biro ninyo, minsan nga po ay may mga Pariseo at eskriba – mga kinikilalang taong-simbahan noon – na binulyawan niya ng ganito, “Mga ulupong!”  Pati po ang hari, hindi niya sinanto.  Hindi nilubayan, sinundan-sundan ni Juan ang hari at sinisigawan sa liwasang-daan.  “Hoy, Haring Herodes,” sigaw ni Juan, “nakakadiri ka!  Yang kinakalantari mo ay asawa ng kapatid mo!  Pati asawa ng kapatid mo, ginawa mong kabit!  Buhay pa ang kapatid mong si Felipe!  Bakit mo sinisipingan mo na ang hipag mong si Herodias?”  Kaya sa sulsol po ng kabit niya, ipinaaresto ng hari itong si Juan.  Pero hindi niya mapapatay-patay si Juan.  Bakit?  Kasi po maging siya ay nabighani sa mga pananalita ni Juan.  Alam naman po kasi ni Haring Herodes na tutoo at tama ang mga sinasabi nitong si Juan tungkol sa kanya.  Kung hindi nga lang po napasubo si Haring Herodes sa pangakong hindi niya pinag-isipang mabuti, baka hindi niya po papupugutan ng ulo itong si Juan.  Ang ganda po ng episode na ito, hindi ba?  Parang teleserye.
Ay, siya nga po pala, pinugutan ng ulo si Juan.  Nakatatakot.  Nakasisindak.  Nakahihindik.  Nakalulungkot.  Nagsasabi ka na nga ng tutoo, ikaw pa ang pupugutan ng ulo?  Inihahayag mo na nga ang katotohanan, ikaw pa ang iniligpit.  Alam naman po natin, hindi ba, ganyan kalihis ang gawi ng mundo?  Pero, alam n’yo po, nang patahimikin si Juan, hindi naman talaga namatay ang tinig eh.  Kasi po isinilang na ang Salita.  Hindi na kailangan ang tinig sa ilang kasi po naghuhumiyaw na ang Salita: Ito ay nagkatawang-tao!
Ganyan ang tunay na patutoo, hindi ba?  Matapang.  Laging nakakiling sa tama.  Hindi sumusuko.  Hindi sinungaling.  Kahit tiyak na kamatayan pa ang susuungin, magpapatutoo pa rin.  Ang pagpapatutoo ay laging pagbubuwis ng buhay.
Si Juan po ay nagpatutoo sa katotohanan na parang maningas na ilaw. Gayunpaman, hindi po si Juan ang mismong liwanag.  Tingnan po ninyo, kahit pinatay na siya dahil sa kanyang pagbibigay-liwanag, may liwanag pa rin!  Patuloy na maningas ang liwanag.  At maging tayo po ay naaabot nito.  Alam n’yo po kung bakit?  Kasi ang tunay na Liwanag ang Bida sa kuwento ko.  At walang bidang namamatay, hindi ba?  Mas lalo na po ang Bida sa kuwento ko!
          Tayo rin po ay mga patutoo sa Liwanag na ito.  Kayo po, mga kapatid kong layko, ay mga patutoo sa Liwanag na ito.  Lalo na po ngayong Taon ng Mga Layko, suriin po ninyo ninyong mabuti kung anong klaseng patutoo kayo ng Liwanag na ito.  Katulad din po ba kayo ni Juan?  Maningas din po ba ang ilaw ninyo o aandap-andap na?  Nananatili po ba kayong tapat sa Liwanag na ito?  Handa rin po ba kayong magpapugot ng ulo alang-alang sa Liwanag na ito?  Talaga po bang ang pinasisikat ninyong ilaw ay ang Liwanag na ito?  Baka po hindi na ha.  Baka ang pinasisikat po ninyo ay ang sarili na ninyo.  
Tandaan po nating lahat, layko man o pari, di po tayo ang Liwanag.  Dalawa lamang po ang paraan para ipalaganap ang Liwanag: una, ang maging kandila; at ikalaw, ang maging salamin.  Ano pong gusto ninyo?  Kung kandila, dapat kayong sindihan, masunog, at matunaw – sa madaling-sabi, mamatay sa sarili habang nagbibigay tanglaw.  Kung salamin naman po kayo, hindi pa rin inyo ang liwanag; isinasalamin n’yo lang ito, kaya huwag angkinin ang limelight.  Tingnan po ninyo si Juan, sa kalaunan sasabihin n’ya tungkol sa Liwanag, “He must increase and I must decrease” (Jn 3:30).  Tularan po natin si Juan – matapang pero mapagkumbaba.  Madalas po kasi, madaling maging mayabang kapag matapang at ang kapakumbabaan naman ay pinagkakamalang karuwagan.
O, paano po, hanggang dito na muna ang kuwento ko.  Mahaba-haba pa eh.  Pero itutuloy na lang natin bukas.  Kaya huwag po kayong mawawala ha.  Sa ngayon, sukatin po muna natin ang ating sarili sa anino ni Juan.  At ang anino n’yang iyan ay dahil ang tunay na Liwanag ay nakatanglaw sa kanya.

No comments:

Post a Comment