Pages

07 May 2011

HINDI BA NAGLALAGABLAB ANG ATING MGA PUSO?

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Lk 24:13-35

Noong ako po ay mas bata-bata pa, aaminin ko, hindi ako marunong magdala ng mga problema.  Tinatakbuhan ko sila sa pag-aakalang malulutas ang problema kapag nagbabago ka ng address.  Pero, maling-mali po ako.  Matapos ang maraming taon, natutunan ko po na ang unang hakbang tungo sa ikalulutas ng anumang problema ay ang harapin nito, hindi ang talikuran ito.  Walang nalulutas kapag tinatakbuhan ang anumang problema; hahabul-habulin ka lang nito.
          May dalawang alagad sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Nakatalikod sila sa Jerusalem at nakaharap naman sa Emmaus.  Krisis ang tawag sa kanilang paglalakbay.  Ang Jerusalem ang palaala sa kanila ng inaakala nilang kabiguan nila, samantalang sagisag naman ng kawalang-pag-asa ang Emmaus.  Sa Jerusalem nila nasaksihang si Jesus ay dinakip, pinahirapan, ipinako sa krus, at namatay.  Anong laking panghihinayang nila gayong akala pa naman nilang si Jesus na ang ipinangakong tagapagligtas nila sa mga dayuhang mananakop.  Kahit matapos mailibing, tila hindi tatantanan si Jesus ng Kanyang mga kaaway: walang kapayapaan maging sa kamatayan.  Nawawala ang mga labi ni Jesus!
          Malamang, marami silang iniwan – kabilang ang kanilang hanap-buhay, pamilya, mga kaibigan, at maging sariling bayan – para lamang sundan si Jesus na taga-Nazareth.  Malamang din, pinayuhan sila nang ganito: “Walang mabuting nagmumula sa Nazareth.”  Subalit tila nagwakas ang lahat sa isang madugong kamatayan at kahiya-hiyang kabiguan.  Ano pang mukha ang ihaharap nila sa mga taong iniwan nila para kay Jesus?  May babalikan pa kaya sila?  Anong klase pang kinabukasan ang naghihintay sa kanila.  May bukas pa nga ba para sa kanila?
          Ang dalawang alagad na ito ay tila walang ibang puwedeng gawin kundi ang iwan ang Jerusalem at yakapin ang Emmaus.  Higit pa sa isang lugar ang Emmaus.  Ang Emmaus ay sitwasyong kinalalagyan ng dalawang alagad na ito.  Yaon ang sitwasyon ng kawalang-pag-asa at pagka-kawawa, sitwasyon ng hindi matapus-tapos na mga panghihinayang, sitwasyon ng kawalang-kakayahan magpatuloy dahil pinalalabo ng kasalukuyang paghihinagpis ang katotohanan ng kagalakang ihahatid ng bukas.  Hanggang ngayon lang ang kayang makita, ang nakikita.  Tutok na tutok sa kanilang abang kalagayan, ano’t hindi nila nakilala ang pinagtayaan, sinundan, at minahal na Panginoon.  Pumurol ang kanilang pagdama sa mga gawi ng Panginoon samantalang tumalas ang kanilang pagdama sa mga dahilan ng kanilang panghihinayang.
Alam na alam po natin ang paglalakbay ng dalawang alagad na ito.  Makailang ulit na rin natin itong ginawa.  Nauunawaan natin sila.  Ilang beses na rin tayong naging katulad nila.  Ang kanilang kuwento ay kuwento rin natin.  Ang kanilang paglalakbay ay paglalakbay natin.  Dumaraan tayong lahat sa krisis na ito.  At, katulad din ng dalawang alagad na ito, kalakbay natin si Jesus na naghihintay na makilala natin Siya.  Kung titigil lamang tayo at tunay na pakikinggan hindi lamang ang Kanyang tinig kundi pati ang mga gawi Niya sa ating budhi, sa Banal na Kasulatan, sa mga pastol ng Santa Iglesiya, at sa mga taong dalisay ang pagmamalasakit sa atin, mararamdaman din nating kasa-kasama natin Siya.  Kung patutuluyin natin si Jesus hindi lamang sa ating bahay kundi sa buhay natin mismo, pauunlakan Niya ang ating paanyaya.  Hindi maaaring hindi humantong sa paghahati-hati ng tinapay, sa Banal na Eukaristiya, ang ating pakikitagpo kay Jesus sapagkat Siya mismo ang Eukaristiya.  At magkakaroon tayo ng lakas na bumangon para harapin ang ating kani-kaniyang Jerusalem.  Katulad ng dalawang alagad sa ating Ebanghelyo, matatauhan tayo na sadya palang higit na maningning ang mga bituin sa gitna ng karimlan ng gabi, kapag pala tila napakalamig ng mundo sa atin ay naglalagablab naman ang mga puso natin.  Palibhasa, si Jesus ay hindi lamang namatay sa Jerusalem; sa Jerusalem din Siya magmuling-nabuhay.
Naglalakbay tayo sa gitna ng ating mga krisis.  Makarating man tayo sa Emmaus, sa Emmaus ay pupulutin pa rin tayo ni Jesus para balikan ang ating Jerusalem at doon ay makatagpo Siya hindi bilang talunan kundi bilang waging tunay.
Sa Eukaristiyang ito, sana’y maglagablab din ang ating mga puso.

No comments:

Post a Comment